FEU Bamboo Band gives tribute to its origin
- March 13, 2016 06:36
FEU Advocate
April 11, 2023 07:07
Madalas ay katumbas ng langit at lupa kung ituring ang kaibahan ng dalawang kasarian. Marahil ay dala ito ng mga konsepto noon na siyang tumatak sa kaisipan ng lahat—ang mga lalaki ay katumbas ni Malakas na makisig samantalang ang kababaihan ay katumbas ni Maganda na mayumi.
Sa mundong tila kasarian ang basehan ng kapangyarihan at karapatan, mayroon pa kayang lugar sa komunidad ang kababaihan gayung mas pinagbabaga ng pagkakataon ang lakas ng kalalakihan?
Noon pa man, kilala na ang bansa sa paggawa ng mga melodramatikong palabas. Tinatalakay ng mga palabas ang mga ideyang direktang humahaplos sa indibidwal na kaisipan ng mga manonood tungo sa kaligirang tinatakbuhan ng buhay.
Tulad ng GMA Network, epektibong nakapag-prodyus ang mga kumpanya ng midya ng mga teleseryeng sasabay sa pagbabago ng industriya. Pinapantayan ng mga ito ang panawagan ng masa para sa teleserye na ang tema ay magbibigay inspirasyon sa lahat.
Noong ika-3 ng Oktubre 2022, inere ng kumpanya ang Maria Clara at Ibarra sa direksyon ni Zig Dulay, isang multi-awarded filmmaker na kilala sa kanyang mga pelikula tulad ng Bambanti (2015), Bagahe (2017) at Black Rainbow (2021).
Umikot ang teleserye sa pagpasok ni Klay sa mundo ng Noli Me Tangere upang lubos na malinawan sa mga pangyayari sa nobela. Sa pagtakbo ng kanyang buhay sa mundong tinahak, nasaksihan niya ang mga hindi makataong pamantayan at sistema na sinubukan niyang waksihin at baguhin.
Ayon kay Dulay, ang mga suliranin sa kathang mundo ng Maria Clara at Ibarra ay patuloy pa ring kinahaharap ng makabagong lipunan. Kabilang na rito ang hindi matapos-tapos na laban para sa pantay na karapatan, lalo na ang pagbibigay-boses sa mga kababaihan.
Binigyang-diin din ni Dulay ang depinisyon ng isang modernong Filipina na kung saan din ay direktang tinalakay at binigyang-pansin sa teleseryeng hinango.
Tunay ngang pinagbubuhol ng makapangyarihang lakas ng industriya ng paggawa ng teleserye ang tunay na katayuan ng mga tao sa lipunan. Ito ay repleksyon na direktang sumasalamin sa mga pinagdadaanan ng isang ordinaryong Pilipino.
Tulad ng kwento ng kababaihan sa takbo ng kwento na nais ipanday ni Dulay iparating, malinaw na ito ay paggalugad sa kasalukuyang opresibong sistema sa bansa.
Nagsimula ang teleserye sa pagpapakilala kay Maria Clara “Klay” Infantes na ginampanan ni Barbie Forteza. Si Klay ay isang graduating nursing student na naninirahan kasama ang kanyang ina, kapatid at mapang-abusong amain.
Sa pag-entrada ng kwento, ipinakita agad ng direktor ang simpleng buhay estudyante ni Klay—hindi nalalayo sa takbo ng buhay ng mga kasalukuyang mag-aaral sa lipunang Pilipino.
Ipinakita sa kwento kung paanong bigong matapos ng dalaga ang pagbabasa sa nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere para sa kursong Philippine Studies.
Katwiran niya ay hindi naman niya ito kakailanganin sa mithiing magtrabaho sa ibang bansa—isa sa mga madalas banggitin ng mga mag-aaral ngayon.
Sa halip na ibagsak si Klay ng kanyang propesor na si Ginoong Jose Torres na ginampanan ni Lou Veloso, binigyan niya ito ng isang lumang libro bilang pangalawang pagkakataon. Dala ng kanyang desperasyong makapagtapos, tinanggap ni Klay ang alok ng Ginoo.
Hindi man interesado sa nobela ang dalaga, binasa pa rin niya ito hanggang siya ay makatulog. Sa kanyang pagmulat, samu’t saring emosyon at ideya ang bumagabag sa kanya sapagkat ang kapaligirang kinaroroonan ay bago at hindi pamilyar sa tanaw ng dalawang mata—pananamit, galaw, kilos at maging pananalita ng mga tao.
Sa kanyang paglilibot, laking gulat ni Klay na ang kanyang mga nakakasalamuha at nakaka-halubilong tao ay ang mga tauhan na kanya lamang nababasa sa libro.
Ang mahiwagang mundong nadatnan ay taglay ang lipunang kababaihan ay tila tinitingnan bilang isang bato na walang halaga at kapangyarihan; lipunang kababaihan ang sunud-sunuran, ginigipit at pinagmamalupitan.
Dito pa lamang ay agad nang naipahiwatig ng direktor ang pagkakaparehas ng mga isyu noon at ngayon. Isang estratehikong tila binabangga ang mga isyung hanggang sa ngayon ay kulang sa pansin at busisi—pagdududa sa lakas ng kababaihan.
Kung titingnan nang mabuti, unang mapapansin ang pagtatagpo ni Klay sa karakter ni Maria Clara delos Santos y Alba na binigyang buhay ni Julie Anne San Jose. Si Maria Clara ay ang tinatagurian ng modernong panahon bilang isang dalagang Pilipina—kaakit-akit, malumanay, at malambot ang puso.
Ngunit sa likod ng nakasisilaw na liwanag na nasisilayan ng manonood kay Maria Clara, mayroong nakatagong dilim na kanyang inaako sa buhay. Ikinukubli ng dalaga sa mala-diyosang katangian ang bitbit na pait at mga pasanin sa buhay.
Kasama ang kura ng San Diego, lumaki rin si Maria Clara sa poder ng kanyang Tiya Isabel na ginampanan ni Ces Quesada at kanyang ama-amahan na si Kapitan Tiago na ginampanan naman ni Juan Rodrigo.
Bilang nag-iisang anak ng kapitan, ang dilag ay tunay namang iniingatan at inaalagaan. Ang buhay ay tila nakakandado sa mga bagay na dapat at hindi niya dapat gawin—labag man ito sa kanyang loob.
Ang boses ni Maria Clara bilang dalaga ay hindi pinakikinggan bagkus siya ay tila papet na nagsusunud-sunuran.
Ang paghain ng direktor sa manonood ng aktong panggigipit sa karapatan ni Maria Clara ay representasyon na ang tunay na kapangyarihan noon kabilang na ang kung paano tatakbo at kikilos ang mamamayan ay nagmumula sa kumpas ng mga kalalakihan.
Ito rin ay paraan ni Dulay upang ipakita ang mga nangyaring panggigipit hindi lamang ng mga dayuhang Kastila, pati na rin ang pangmamalupit ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino—isang nakakikilabot na gawi na kayang gawin ng mamamayang mula sa iisang bayan.
Bukod kay Maria Clara, ipinagtagpo rin ang mga karater ni Klay at Sisa na binigyang-buhay ni Andrea Torres. Bilang babae, itinuturing ng Kastila si Sisa bilang Indio, tawag sa mga ordinaryong Pilipino ng mga Kastila.
Ang karakter ni Sisa ay naging tampulan ng mga kalunos-lunos na karanasang tunay na hinding-hindi matatanggap sa kasalukuyang panahon. Siya ay representasyon ng nakaaawang Pilipina, walang kalaban-laban at palaging sinasaktan ng mapang-abusong lipunan.
Sa kabilang banda, gamit pa rin ang karater ni Sisa, ilang beses ding ipinakita ni Dulay ang tapang at malasakit ng tunay na Pilipina. Ang hangaring maprotektahan ang dalawang anak mula sa inhustisyang kanilang nararanasan ay patunay kung gaano katibay ang puso ng isang Pilipina.
Saksi si Klay sa napupunding kislap ng isang Maria Clara dulot ng mga salimuot na dumating sa buhay. Sa kabilang banda, siya rin ay testigo ng nakaraan sa mga inhustisyang ipinaranas kay Sisa.
Mula rito ay napagtanto ni Klay na si Maria Clara at Sisa ay walang pinagkaiba sa buhay sapagkat parehas lamang silang nakararanas ng kadalamhatian mula sa mga kalalakihan at higit sa lahat, sa lipunan.
Nakakulong man sa nakaraan, sinundan ni Klay bilang isang mukha ng makabagong henerasyon ang bugso ng kanyang damdamin—ang tumindig para sa mga pinagdaramutan ng boses.
Mahusay na inirepresenta sa teleserye ang kababaihan sa mataas at mababang antas. Sa kabila ng layo ng agwat nina Maria Clara at Sisa ay parehas lamang silang walang magawa upang maipaglaban ang sarili nila.
Kung pagninilayan nang mabuti ang mga eksenang ito, ang paghatid ng mga aktor dito ay tiyak na nakapagparamdam sa mga manunuod ng simpatiya para sa mga babaeng karakter.
Ang pagpapanatili ng direktor kay Klay sa mundo ng nobela ay upang hindi tingnan ng karakter ang mga kasama bilang mga taong kanyang makakasalamuha lamang, kundi bilang pamilya at kaibigan na kanyang aakayin palabas ng hindi nakikitang rehas.
Isa sa tunay na pumukaw ng kaisipang magbabandera ng kalakasan ay ang katukaya ni Klay na sa kabila ng pagkakaiba ay pinagkaisa sila ng kanilang mabuting puso.
Bilang pagtupad sa layunin ni Klay na imulat ang mahinang si Maria Clara, tinulungan niya itong madiskubre ang potensyal bilang babae at hindi bilang babae lamang.
Kung tatanglaw sa kasalukuyan, buhay na buhay na ang gawing nais ipanday ni Klay kay Maria Clara. Hindi na bago ngayon ang pagtulong ng isang babae sa kapwa babae. Kung minsan pa nga ay ang pagtulong ay nagiging para sa lahat—mapababae man o lalaki.
Bilang pagtugon sa mabigat na hamon ng nakaraan, hinayaan ng direktor na masilayan ni Maria Clara kung paano kumalas si Klay sa mga panuntunang hindi akma sa dignidad bilang dalaga—ang manahimik at manatili lamang sa kinatatayuan.
Ang paglaban ni Klay sa ipinapanday na lakas ng kalalakihan sa lipunan ay naging dahilan upang siya'y tingnan hindi bilang isang pambihirang babae, kundi bilang banta sa lipunan. Ito ang naging dahilan kung bakit maraming kalalakihan ang naging mainit ang mga mata sa kanyang ikinikilos.
Kung tutunguhin ang naging desisyon ng direktor na gawing banta si Klay, masasabing ito ay nagdala ng magandang epekto sapagkat siya, bilang babae na itinuturing na mahina, ay mayroon palang ibubuga.
Mapapansin kung paano mas pinatibay ng direktor ang katatagan ni Klay matapos hindi gawing balabag ang mga natatanggap na mula sa kalalakihan. Patuloy niyang pinaalala kay Maria Clara ang katatagang kumawala sa tila kulungang sumasakal sa sigaw ng kanyang kalooban.
Sa pagtakbo ng oras, unti-unting natutunan ni Maria Clara ang tumahak sa sarili niyang daanan. Nang dahil sa determinasyong hatid ni Klay ay nagawa ni Maria Clara na ipaglaban ang mga bagay na buong buhay niyang inakalang suntok sa buwang mapagtagumpayan.
Isa itong kahanga-hangang pag-unlad sa parte ni Maria Clara sapagkat naipakita rito ang kanyang paglisan sa mga nakapalibot na tuntuning may kinikilingan. Ang paglaban niya sa ideyang ang babae ay sunud-sunuran ay isang malaking hakbang upang lumabas ang tunay na potensiyal ng iba pang kababaihan sa nobela.
Ang pagmulat sa tunay na laban ng buhay ay masasabing panalo ng dalawang Maria Clara. Tagumpay rin kung maituturing ang kakayanang sumangga ng mga kababaihan sa patuloy na laban para sa kanilang sarili.
Sa pagbabalik ni Klay sa sariling mundo, bitbit niya ang aral na mas nagpatibay ng sariling paninindigan at pananaw sa buhay. Ang pagdadalamhati niya sa pamamaalam sa nakaraan ay napalitan ng lakas na ihahatid sa kasalukuyan. Siya ay mas determinadong tulungan ang mga tao upang kalasin ang buhol ng pang-aapi at pasakit na dala ng mga naghahari-harian.
Hindi lamang sa pagtatapos ng nobela mawawala ang pakikibaka para sa kapangyarihang ibinibigay-pugay sa mga kababaihan. Tataga rin ito at uukit sa kaisipan upang maipagpatuloy ang paninindigang minsa'y ipinagkait sa mga hanay ng kababaihan.
Sa pagtakbo ng palabas, kapansin-pansin ang unti-unting pag-usad ng mga kababaihan tungo sa nakatagong kapangyarihang kanilang taglay. Umaangat ang kakaibang lakas ng kababaihan na siyang unang ikinubli ng direktor.
Ang bakal na selda na minsa'y naging balakid sa kanilang mga boses ay himalang nangalawang at nasira na siyang pumutol at nagpalaya sa kanilang nakagapos na karapatan at kakayahan.
Kung bibigyan ng mas malalim na pang-unawa ang naging takbo ng teleserye, nais nitong ipunla ang kamalayan na ang mga kababaihan ay hindi lamang dapat nananatili sa isang hindi matanaw na rehas. Ito ay pagtulong upang mamulat ang lahat na dapat tahakin din kanya-kanyang daan na siyang hahatak palayo sa kinagisnang poot.
Ang paglilibot ni Klay sa mundo nina Maria Clara at Ibarra ay hindi lamang para matutunan ang kasaysayan kundi ito rin ay upang magsilbing mensahe na anuman ang panahon, ay walang lugar ang sinuman para hamakin ang mga kababaihan.
Mula sa inhustisyang nangyari teleserye hanggang sa mukha ng hindi makataong akto sa kasalukuyang lipunan, masasabing malayo pa ang lalakbayin subalit masasabi ring malayo na ang narating kung lakas ng kababaihan sa kasalukuyan ang pagbabasihan.
Habang tumatakbo ang lipunan palayo sa bangungot ng nakaraan ay siya namang paglapit ng marami upang hamakin ang lubak na daan patungong pagkakapantay-pantay. Isa itong senyales na hindi dapat mawalan ng pag-asa sa pagsungkit ng inaasam na karapatan.
Hindi maipagkakaila na ang kasaysayan ay hindi nararapat na maibaon sa limot ngunit ang ideya ng isang Maria Clara delos Santos ay nararapat nang waksihin nang maitatak ang imahe ni Maria Clara Infantes na matapang, determinado, at higit sa lahat, malayang magpakita ng kaniyang lakas.
Sa patuloy na pag-agos ng segundo ay mangyari lamang na sumabay ang paglisan ng makalumang pamantayan ng lipunan tungo sa pag-angat ng mga kababaihan, sapagkat ang paglaho ng ideolohiya ng lumipas ay nagkakatumbas ng pag-usbong ng panibagong depinisyon na hahantong sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian.
-Niña Amor Malakas