Natatalo rin ang breadwinner 

FEU Advocate
January 03, 2025 16:46


Dala ng mga buntong-hininga ang pagod ng bawat breadwinner sa pamilya, at inihahain ng ‘And the Breadwinner is…’ ang masalimuot nilang katotohanan noong nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024. Sa pagganap ng aktor at dating mag-aaral ng Far Eastern University na si Vice Ganda bilang migranteng manggagawa at bakla, regalo ng MMFF ang pagbulusok nito pabalik sa kamalayan ng masa at pamilyang Pilipino ngayong taon. 

Hindi gaya ng nakasanayang pagpapatawa ni Vice Ganda sa mga nagdaan nitong pelikula, binigyang-mukha ng kaniyang karakter na si ‘Bambi’ ang pagsubok ng mga tagapagtaguyod ng pamilya nang may lalim, pag-unawa, at pagkilatis ng kondisyong patuloy na bumabalisa sa kanila. 

Binagtas ng pelikulang ito ang realidad ng mga naglalakas-loob at mga nagbabakasakaling umangat mula sa paghihikahos. Sa huli, tatlong mukha ng breadwinner ang sinubukang ialok ng kuwento sa mga manonood. 

OFW ang breadwinner

Si Bambi Salvador ang karakter ni Vice Ganda sa pelikula, isang baklang overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan, at anak ng dating panadero sa Arayat, Pampanga. 

Matapos ang pagkamatay ng ama at “pagtakas” ng kanilang ate na si ‘Baby,’ mula sa pagiging panganay, walang nagawa si Bambi kundi akuin ang responsibilidad ng pagiging pangunahing tagapagtaguyod ng pamilya Salvador. 

Bunsod nito, napilitan si Bambi na makipagsapalaran sa Taiwan kung saan nagtrabaho ito bilang panadero—hindi nalalayo sa kinamulatan niyang hanapbuhay ng pamilya. 

Isinakripisyo ni Bambi ang sarili kapalit ng maayos na pamumuhay ng kaniyang mga kamag-anak. Binigyang-imahen ng karakter nito ang mukha ng mga nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang maitaguyod ang pamilya sa Pilipinas. 

Ngunit taliwas sa nakagisnang pagtingin sa mga OFW na maayos ang kondisyon dala ng “karangyaan,” ibinunyag ng pelikula ang madilim na karanasan ng bawat isang Pilipinong napilitang lumipad palabas ng bansa para magtrabaho. 

Malinaw na inilalarawan ng pelikula ang mga OFW bilang isang breadwinner na pagod at miserable, ngunit mapagmalasakit at mapagmahal. 

Nagmamalasakit ang breadwinner sa lahat ng pagkakataon, isinasantabi ang sarili at nagmamahal nang lubos kahit pa wala itong natatanggap na kapalit. 

Sa mas malawak na pagtanaw, hindi lamang pampamilyang naratibo ang nais talakayin ng pelikula, bagkus binubuksan nito ang malalim na diskursong panlipunan ukol sa kinahinatnan ng bigong sistema ng ating ekonomiya—ang kawalan ng inisyatiba tungo sa makataong hanapbuhay sa Pilipinas. 

Kung kikilatisin ang pangyayari, bakit kailangang lumabas ng bansa upang makamit ang “ginhawa?” Sa kabiguan ng sariling bansa na magbigay ng oportunidad sa trabaho, inuudyok ang lahat na hanapin sa ibang gobyerno ang dapat ibinibigay ng Pilipinas. 

Sinasalamin ni Bambi ang mukha ng bawat OFW na walang ibang pagpipilian kundi ang lisanin ang bansa upang suportahan ang pinansiyal na pangangailangan ng kanilang pamilya. 

Bakla ang breadwinner

Sinasagisag ng katauhan ni Bambi ang katayuan ng bawat baklang Pilipino. Tinalakay ng kaniyang karakter ang kinalulugaran ng bakla sa espasyo ng pamilya, kung saan ang pagkuha nito sa responsibilidad ng pagiging breadwinner ay ang pagpuno sa hindi pagkakaroon ng sariling anak. 

Pangkaraniwang inaasahan ang mga bakla sa pamilya bilang tagapagtaguyod. Marahil ay dahil ito sa pananaw ng lipunan na hindi sila kailanman mabubuntis at makabubuo ng “tunay” na pamilya. 

Kaya’t ang hatol: kung bakla ka sa isang mahirap na pamilya, ikaw ang breadwinner nila. Ganito ang paglalarawan sa papel ng isang bakla sa pamilyang Pilipino—isang katotohanang pilit nirerebisa ng sangkabaklaan. 

Ngunit, pinadugo pa ito ng tagpo nina Bambi at Boy, nakababatang kapatid nito na isang klosetang bakla. Tahasang idineklara ni Boy ang buhay ni Bambi bilang “miserable” bunsod ng pagiging breadwinner nito sa pamilya. 

Malaki ang bahagi ng katotohanan sa tinuran ng kapatid nito. Patong-patong na kahirapan ang pinapasan ng mga bakla, lalo na ng mga baklang manggagawa. 

Sa isang banda, kailangan niyang patunayan na malakas siya katulad ng isang lalaki upang magkaroon ng puwang sa lipunan. Ngunit, kinakailangan ding mapagbigay at maalagain siya katulad ng isang ina. 

Sa kabilang banda, karugtong ng panlipunang estereotipo ay ang pasaning pinansiyal ni Bambi. Marahil ay nakakabit na sa pagiging bakla ang pagsusustento sa pamilya—isang kondisyonal na pagtanggap sa halaga ng isang bakla sa loob ng bahay. 

Sinasalamin nito ang hindi pantay na ugnayan ng kasarian sa lipunan bunsod ng heteronormatibong pamantayan ng halaga ng isang tao. Sa lenteng ito, ginagawang “kabayaran” ng mga bakla ang pagtataguyod kapalit ng pakiramdam na sila’y tanggap sa loob ng pamilya.  

Bukod pa rito, nagiging espasyo ng negosasyon ang tahanan upang tiisin ang kabaklaan bilang isang lehitimong kasarian ng mga anak—kung hindi sila makapagbibigay ng sustento sa kamag-anak, habang-buhay silang magtitiis sa hindi bukal na pagtanggap sa loob ng tahanan. 

Tama nga si Boy. Miserable ang maging baklang breadwinner, dahil hindi niya lang pinapasan ang problema ng pamilya, pasan-pasan niya rin ang diskriminasyon sa kaniyang kasarian mula sa lipunang ipinagdadamot ang tunay niyang kalayaan. 

Biktima ang breadwinner 

Isa sa kahinaan ng pelikula ay ang mababaw na pagtalakay sa puno’t dulo ng problema ng baklang migrante’t manggagawa. 

Paglampas sa “personal” ang kinakailangan upang mabuo ang naratibo ng kuwento. Hindi lamang pamilya ni Bambi ang mayroong breadwinner dahil gaya ng lahat, biktima lamang tayo ng isang bulok na sistema. 

Obligasyon ng estado na bigyang-kapasidad ang bawat mamamayan upang makapaghanapbuhay nang hindi lumilipad palabas ng bansa. Kaya’t marapat lamang na nabigyang-lalim ng pelikula ang kakulangan ng gobyerno sa pagbibigay-trabaho. 

Mula rito, obligado ang kuwento na hukayin ang sistemikong suliranin na kinahaharap ng mga katulad ni Bambi. Ang paglubog ng naratibo sa istruktural na kakulangan ng mga politikal na institusyon ang higit na mahalagang maipakita sa mga manonood. 

Kinakailangang palawakin ng pelikula ang takbo ng kuwento mula sa away-pamilya at kakulangan sa pera patungo sa pagsusuri ng mga napapanahong isyu sa lipunan. 

Kulang ang sagutan nina Bambi at Biboy, sumunod niyang kapatid, tungkol sa insurance at utang kung hindi mailalarawan nang buo ang suliranin ng akses sa tulong-pinansiyal at kawalan ng trabaho. 

Sa huli, patuloy pa ring tinatanong ng manonood: bakit hindi sa Pilipinas humanap ng trabaho si Bambi? Bakit mababa ang suweldo ng manggagawang Pilipino? At paano mabubuhay ang pamilyang Pilipino kung patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin? 

Kung lalalim pa ang kuwento sa aspekto ng responsibilidad ng estado—halimbawa, sa pagbibigay ng disenteng trabaho o sapat na suporta para sa mga manggagawa—mas mabibigyan ng hustisya ang pelikulang hango sa tunay na karanasan ng masang Pilipino. 

Magiging mas makapangyarihan ito bilang komentaryo laban sa isang sistema kung saan ang mga breadwinner ay nagiging biktima, hindi lamang ng kanilang pamilya, kung hindi ng bulok na kaayusang panlipunan.

Taliwas ito sa nakagawiang kultura na ang MMFF ay isang porma ng pagtakas sa nakadidismayang realidad. Mas mainam kung matapang na kumawala ang pelikula tungo sa pagiging kritikal nito sa katotohanan. 

Gayunpaman, ang pangunahing kontribusyon ng pelikulang ito ay ang bigyan ng makataong pagtatanghal ang kuwento ng mga katulad ni Bambi sa pelikulang Pilipino. 

Tunay na ginamit ng pelikula ang kapangyarihan ng sining upang iugnay ang personal na karanasan sa mas malawak na pakikibaka ng mga migrante, manggagawa, at bakla sa buong bansa. 

Sa pagbabalik ni Vice Ganda ngayong taon sa MMFF, pinatunayan nito na may mas malalim na katayuan ang mga bakla sa lipunang Pilipino. Ipinakita niya na ang katulad niya ay hindi lamang isang katatawanan sa entablado ngunit isa ring artista na maaaring gumanap sa mga Pilipinong biktima ng sistema—na hindi lang para kay Bambi ang kaniyang pagganap. Ngayong taon, ang pelikula ni Vice Ganda ay para sa mga pinadapa, pinaiyak, at sa mga breadwinner na patuloy na binibigo ng hindi makatarungang sistema. 

Mapanonood ang ‘And the Breadwinner is…’ sa mga sinehan hanggang sa ikapito ng Enero. Mula sa direksyon ni Jun Robles Lana, kasamang bibida ni Vice Ganda sa pelikula sina Eugene Domingo, Jhong Hilario, Gladys Reyes, at iba pang mga batikang aktor sa industriya. 

- Eryl Cabiles
(Mga larawan mula sa East Asian Forum, Harvard International Review, National Geographic, at The Workers Rights; Latag ni Jonathan Carlos B. Ponio/FEU Advocate)