Hangaring ‘pagbabago’ ng mga Tamaraw ngayong bagong taon

FEU Advocate
January 03, 2025 16:56


Sa pagbuo ng ‘wishlist’ ngayong bagong taon, pag-aasam ng ‘pagbabago’ sa susunod na semestre ang nangunguna sa listahan ng mga mag-aaral ng Pamantasan. Bunsod ng palagiang daing ukol sa proseso ng enrollment at kaugnay na suliranin sa Wellness and Recreation Program (WRP), napapanahong pagsasaayos mula sa administrasyon ang inaantabayanan ng komunidad ngayong 2025. 

Ngunit, iisa lang ang tanong ng ilan: matutupad ba ng Unibersidad ang isinisigaw na reporma ng mga mag-aaral? Palaisipan pa rin sa mga estudyante kung mayroon nga bang mababago, o patuloy na iindahin ng lahat ang sistemang nagpahihirap sa kanilang kalagayan.  

Muli’t muling suliranin

Katuwang ng pagsalubong sa bagong taon, tanging pag-iwas lamang sa listahan ng paulit-ulit na mga perhuwisyo ang ninanais ng iilang mga Tamaraw sa Enero. 

Ayon sa panayam ng FEU Advocate kay John Ross Cruz, isang graduating Psychology student, nangunguna sa listahan ang hindi maayos na paggamit ng Student Central para sa enrollment. 

“Paulit-ulit na hinihingi namin bilang mga estudyante na magkaroon ng maayos at accommodating na sistema pagdating sa enrollment, lalo na sa paggamit ng Student Central,” pithaya nito. 

Ito rin ang naging kalbaryo ng third-year International Studies student na si Regie Decena ukol sa enrollment

“Gumigising ako [nang] maaga o minsan hindi na natutulog para lang i-check kung kailan magbubukas ang [Student Central] portal upang mauna akong makapag-log in. Kapag hindi [ko] naunahan [ang ibang estudyante], mahirap na talagang makapasok,” daing ni Decena. 

Kaugnay ng kabagalan ng sistema, matatandaang nagkaroon din ng problema o glitch sa website noong nakaraang semestre na nauwi sa tuluyang pagsasara nito nang ilang oras, at ang itinaong pagsasaayos ng sistema ay sa araw din mismo ng enrollment

Kasama rin sa mga suliranin ang kakulangan ng mga guro na nagreresulta sa pagkaubos ng slot sa mga klase ayon kay Cruz. 

“Panawagan namin na magbukas ng mas maraming section para sa mga klase, lalo na sa mga nasa fourth-year, since naging isyu ito lalo na sa mga graduating [student] na ang mga natitira nilang subject ay kulang sa slots dahil ubos na o walang [propesor], lalo na sa mga professional course,” dagdag ni Cruz. 

Mula sa hiwalay na panayam, ipinahayag naman ng third-year Psychology student na si Aleonna Borla ang parehas na pangamba kaugnay ng posibleng kakulangan sa propesor. 

“Sana madagdagan pa ang mga propesor sa mga kursong kailangan naming kunin sa susunod na semestre [dahil] kapag nagkakaroon ng kakulangan sa propesor, lumiliit din ang bilang ng klase at dami ng populasyon ng estudyante na kaya nilang i-accommodate. Marami sa aking mga kaibigan ang naging irregular dahil sa mga suliraning ito,” paliwanag ni Borla. 

Patuloy namang hinahanap ng mga estudyante ang “wellness” sa WRP o ang kontrobersiyal na fitness program ng Far Eastern University (FEU). 

Idinaing ng second-year Political Science student na si Charles Bejosano sa FEU Advocate ang magulo at pagiging “insensitibo” ng WRP noong nakaraang semestre kaugnay ng bagong patakarang fixed class schedule sa mga mag-aaral. 

“Sa bagong sistema na ito ay nawalan naman ng, una, kalayaang mamili sa kung anong sports o aktibidad na naaayon sa gusto, hilig, at interest ng mga mag-aaral [dahil sa fixed class schedule]. Pangalawa ay nabigo nitong [isaalang-alang] ang mga estudyanteng may medikal o espesyal na pangangailangan,” paliwanag nito. 

Isang halimbawa rito ang karanasan ni Decena ngayong semestre sa bagong polisiya ng WRP kung saan hindi nakalinya sa kaniyang interes ang nakuhang aktibidad. 

“Noong nag-enroll ako, walang nakalagay kung anong activity ang kasama sa bawat section. Kaya pumili lang ako ng section na akma sa schedule ko, ngunit nalaman ko na Sepak Takraw pala ang activity [ko noong pasukan]. Naiinis ako dahil hindi ko gusto ang activity na iyon, at higit sa lahat, hindi ako nabigyan ng pagkakataong pumili ng activity na gusto ko,” ani Decena. 

Sinang-ayunan naman ito ng sophomore Medical Technology student na si Yvonne Fernandez sa hiwalay na panayam. 

Many students… have been consistently calling for the program to be abolished. However, instead of addressing these concerns, the program introduced changes that further limited students' freedom to choose their activities and instructors (Maraming estudyante na ang nangangampanya para sa pagbubuwag sa WRP. Ngunit sa halip na tugunan ang mga problema, naglunsad pa ang programa ng mga pagbabagong lalong nililimitahan ang kalayaan ng mga mag-aaral na pumili ng mga aktibidad at guro),” reklamo ni Fernandez. 

Maaalala ring naglabas ng pahayag ang kasalukuyang presidente ng FEU Central Student Organization (FEUCSO) na si Christmer Ordanes noong biglaang inanunsiyo ang bagong polisiya ng departamento ng WRP.  

If core elements of the WRP, such as the liberty of choice, are removed, it undermines the promise of a system tailored to student wellness (Kung aalisin ang mga pangunahing elemento ng WRP katulad ng kalayaang pumili, isinasawalang-bahala nito ang pangako ng isang sistemang nakaayon sa kapakanan ng mga mag-aaral),” salaysay nito sa isang Facebook post

Ayon naman kay Alyxa Nevin Ramos, isang second-year Medical Technology student, problema rin ang mabagal at hindi makaestudyanteng pamamalakad ng administrasyon tuwing panahon ng sakuna. Inilantad ni Ramos ang “mabagal” na anunsiyo ng pagsususpinde ng mga klase tuwing may bagyo. 

“Kailangan pagbutihin at siguraduhin na tama ang anunsiyo [ng administrasyon] sa kadahilanang iba-iba ang pinanggagalingang [lugar] ng mga estudyante [patungong] Pamantasan. Maaari [itong] maging [perhuwisyo] sa ibang estudyante na malayo ang probinsiya. Ito ay nakaapekto sa akin dahil malayo din ang aking probinsiya sa [FEU] at ito ay nagiging dahilan sa mga conflict sa mga schedule ko kasama ang aking pamilya,” paliwanag nito. 

Katulad noong Bagyong Nika at Undas Break, matatandaang umani ng batikos ang Pamantasan sa “kawalan nito ng malasakit” sa mga estudyanteng uuwi pa sa malalayong probinsiya. 

Patuloy na idinadaing ng mga mag-aaral ang malalim na sugat na dulot ng kanilang karanasan. Sa paulit-ulit na hinaing, nakaantabay ngayon ang mga mata ng mga estudyante sa hakbang na gagawin ng Pamantasan ukol sa mga suliraning muli’t muling nagpakikita sa bawat panibagong semestre. 

Para sa progresibong pagbabago

Dulot ng kanilang mga karanasan, naghain ng mga rekomendasyon ang ilang mga estudyante kaugnay ng mga suliranin sa loob ng paaralan.

Para kay Alyssa Esguerra, isang fourth-year Medical Biology student, marapat na maglaan ang administrasyon ng pondo para sa mas makabago at dekalidad na sistema.

“Sa pagpapabuti ng enrollment system, mag-invest sa mas advanced na enrollment platform o software na kayang mag-handle ng mataas na volume ng users. Ang magkaroon ng dedicated technical support team tuwing enrollment period upang agad na masolusyonan ang mga isyu ay kinakailangan,” sambit nito.

Ayon kay Fernandez ng Medical Technology Department, dapat seryosohin ng administrasyon ang mga puna ng estudyante tungkol sa WRP enrollment upang mas mapabuti ang mga benepisyo nito. 

The administration should take the student feedback seriously and either bring back the old system of allowing students to choose their activities and instructors or reassess the program entirely. Giving students flexibility and opportunities to earn extra hours would address a lot of the complaints and make the program more beneficial overall (Dapat seryosohin ng administrasyon ang mga puna ng estudyante at ibalik ang lumang sistema kung saan may kalayaan ang mga estudyante na pumili ng kanilang aktibidad, o pag-aralan muli ang kabuoang sistema ng programa. Ang pagbibigay ng malayang oportunidad sa mga estudyante na makakuha ng sapat at sobrang oras na kailangan ay makatutulong na mabawasan ang mga hinaing na mas makabubuti para sa lahat),” pahayag nito. 

Pagkakaroon naman ng mas organisadong sistema sa WRP enrollment ang suhestiyon ni Bejosano ng Political Science sa susunod na semestre.

“Sa pamamagitan ng paglalagay ng pangalan ng sports o aktibidad na i-enroll sa WRP ay matutugunan nito ang mga nailathalang mga hinaing [ng estudyante]. Una… binibigyan natin ang mga mag-aaral ng insentibo upang lumahok sa napili nilang sports o aktibidad na kanilang nais… Pangalawa naman… ang mga estudyanteng may karamdamang medikal o may espesyal na pangangailangan ay makakapili ng mas angkop na sports at aktibidad [na akma] sa kanilang kondisyon [nang] hindi naisasaalang-alang ang kanilang kaligtasan,” bahagi nito. 

Ang mga panawagang ito ay nagmumula sa kagustuhan na magkaroon ng mas organisado, maayos, at progresibong sistema kung saan binibigyang konsiderasyon ang mga pangunahing pangangailangan ng mga estudyante.

Malaking bahagi rin ang boses ng mga estudyante sa Pamantasan upang maihain ang mga ninanais na pagbabago—sa mga post man o sarbey ng mga student council.

Ibinahagi ni Borla ng programang Psychology na ang puna ng mga estudyante ang makapag-uudyok ng mas malayang diskusyon patungkol sa mga dapat ayusin ng Pamantasan. 

“Ang kolektibong diskusyon mula sa panig ng mga estudyante ang siyang mag-uudyok ng mas malawak at mabusising pag-aaral sa mga potensiyal na solusyon at pagbabago na maaaring mapagtulungan ng Pamantasan at mga mag-aaral,” sambit nito. 

Aniya, sa paraan na ito ay mas nagiging epektibo ang pagsusulong ng mas maayos at makatarungang sistema para sa mga propesor at mag-aaral kung saan mapaiigting ang hangaring magkaroon ng dekalidad at ligtas na edukasyon base sa kanilang mga pangangailangan.

Dagdag pa ni Esguerra mula sa Medical Biology na mahalaga ang mga hakbang na ito dahil ang mga student council o committee ang nakaaalam kung ano ang nais ipahiwatig ng mga estudyante. 

“Kinakailangan na required mag-organisa ng student councils o committees na magkokolekta ng concerns at suggestions mula sa kapuwa estudyante at magpaparating nito sa administrasyon dahil sila ang mga lider na boses ng mga estudyante,” pahayag nito. 

Tulad na lamang noong nakaraang Undas Break kung saan nagsagawa ng sarbey at nagpasa ng petition letter ang FEUCSO kaugnay ng panawagan ng mga estudyante na magkaroon ng mas mahabang bakasyon. Dahil dito, ikinonsidera ng administrasyon ang pagbabago ng learning modality sa linggo ng Undas. 

Kaakibat din ng mga sarbey na ito ang responsibilidad ng mga estudyante na makiisa para mas mapalakas ang boses na nais nilang marinig. 

Panawagan din ng mga estudyante na sana sila ay mapakinggan ng administrasyon, at ang kanilang mga opinyon ay marinig upang makapagbalangkas ng mga mabisang solusyon para sa kanilang suliranin o problema.

Sa ganitong pagkakataon pinalalakas ng iba’t ibang porma ng pakikisangkot ang ugong ng boses ng nakararaming estudyante. Kaya’t kung ang lahat ng estudyante ay nagkakaisa at nagtutulungan upang maiparinig sa administrasyon ang kanilang mga hinaing, walang boses na mapatatahimik para sa pagbabago. 

Katuwang ng malawakang perhuwisyo na dulot ng bigong sistema ay ang patuloy na pagtindig ng mga mag-aaral para sa mas mapagmalasakit na paaralan. Ngunit, pinapasan pa rin ng institusyon ang responsibilidad ng pagtataguyod ng mas maayos na administrasyon sa umpisa ng enrollment ngayong Enero. Dahil hindi maaaring taon lang ang lilipas at magbabago, marapat na sumabay ang Unibersidad sa pagpapalaganap ng makaestudyante at mapagpalayang edukasyon. 

- Eryl Cabiles at Mariah Louise Miciano
(Kuha nina Gwyneth Mendoza, Jan Dendiego, Janice Aina Herrera, Ken Harold Hadi, Melvin James Urubio, at Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate, Latag ni Runoel Julius B. Barde/FEU Advocate)