Swaying Alone
- December 27, 2021 09:12
FEU Advocate
August 30, 2024 09:58
Sa ganitong lalim ng gabi, sumasabay sa ritmo ng hangin ang sigaw ng kanilang pagmamakaawa. May busal ang bibig ng mga inosenteng kaluluwa na tagos sa kalamnan ang pagdurusa. Ang kanilang mga luha ay nagmimistulang unang patak ng ulan sa tigang na lupa. At sa gitna ng nakapanghihinang kadiliman sila’t lumuluhod. Nananalangin ang nanginginig nilang mga palad sa hiling na sumilip ang liwanag; naghihintay sa anumang kislap na maghuhudyat ng pag-asa—ng hustisya.
Mortal nilang kalaban ang mga aninong naglalaro sa madilim na eskinita; naghihintay; nag-aabang na tulungang ilabas ang laman-loob ng mga maralita gamit ang mga bala. Sila rin ang gumagapos sa kamay ng mga aktibistang hawak ay papel at karatula, na tila sa sariling wari ay nasa kamay nila ang kapangyarihang lumagot ng hininga. Ang mga kamay na dapat sana’y nag-aabot ng tulong ay siyang nagdadala sa kanila sa mga tanikala.
Ang bawat pagtakbo ng oras ay katumbas ang unti-unting pagkalimot sa kanilang mga pangalan. Sa bawat paglubog ng araw ay sumisiping ang tanong kung saan sila dinala ng alon ng kasaysayan. Ang kanilang mga alaala’y sumasayaw sa likod ng ating mga mata at sa bawat bukang-liwayway ay parang isang bagong pahinang walang bakas ng kahapon. Habang patuloy na umuusad ang mga araw, sila’y nagiging palaisipang pawang bahagi ng isang lumipas na mundo, binaon sa kalaliman ng panahon.
Hindi na sila maibabalik ng aking pagtula.
Kahit pa bawat salita'y pira-pirasong alaala na pilit kong binubuo sa mga pahina, kahit gaano pa man katindi ang damdaming aking ilalapat sa bawat letra. Anumang pilit kong buuin ang kanilang anyo sa mga kabanata ng aking paggunita, sa mga liham ng nawawalang mga pangalan, nakaukit na ang kanilang pagkawala—hindi mabubura sa mga pahina ng katotohanan.
Siguro’y hindi na nga sila maibabalik ng aking pagtula.
Ngunit hangga’t ang aking panulat ay may tinta, patuloy akong susulat ng mga letra upang umalala. Laman ng bawat taludtod ay ang kwento ng kanilang pagkawala; isisilid ko sa mga saknong ang mga karanasan nilang dapat maalala; at aking isisiksik sa bawat tugma ang karapatan nilang makamit ang hustisya.
At sa bawat pagtalikod ko sa aking papel, sa bawat pagsusulat, naging malinaw sa akin na ang mga salitang ito ay hindi sapat—hindi kailanman magiging sapat upang ibalik ang mga nawawala sa atin.
Kaya para kay Tejada, Dexter, Bazoo, Kian, Baltazar, at sa lahat ng mga pangalang pilit binubura sa ating mga alaala: hindi man kayo maibabalik ng aking pagtula, sisiguraduhin kong buhay kayo sa aking mga talata.
- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)