
FEU alumna wins int’l graphic design tilt
- March 01, 2019 12:34
FEU Advocate
April 22, 2025 19:50
Ang hirap payagan ang sarili na magmahal.
Hindi dahil sa hindi ko kaya, o dahil sa natatakot akong masaktan.
Ang hirap payagan ang sarili na magmahal kung alam mong hindi na kayang maglaan ng puwang ang pusong tumitibok para sa isang bagay na sa katagalan ay maaaring upusin ka.
Minamahal ko ang aking kolehiyo, at hindi ko kayang isuko ang espasyo na inukit nito sa aking puso dahil ito lang ang tanging daan palabas ng impiyernong pinagmulan ko. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin kung mawawala ang oportunidad na madalas ipinagkakait sa mahirap na tulad ko.
Minamahal ko ang aking pamilya, at hindi ko kayang talikuran ang responsibilidad kong itaguyod ang aming kinabukasan—hindi ko kayang bitiwan ang obligasyong itawid sila sa pampang ng ginhawa, kahit ako mismo ay nilulunod na ng sariling mga alon.
Minamahal ko ang aking sarili. Makasarili man tingnan ay hindi ko yata kayang isugal ang katauhan na ilang taon kong binuo—marami na akong pangarap na pinakawalan, magaspang na ang aking mga kamay kakakapit sa mga bagay na ayaw kong pakawalan.
Ang hirap magmahal—lalo na kung ang unang dapat mong kumbinsihin ay ang sarili mong wasak ang loob.
Kaya patawad.
Hindi pa ako handang isugal na bitawan ang mga tali na hawak ko para mahawakan ang iyong kamay.
Marami na akong minamahal, hindi na kita maisisiksik sa aking puso, kaya mamamalagi ka na lamang sa aking isipan.
Hindi dahil kulang ka, kung ‘di dahil puno na ako.
- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Miles Munich Jimenez/FEU Advocate)