FEU - Makati, mas nakilala ng freshmen sa Tatak Tamaraw 

FEU Advocate
August 08, 2024 15:08


Sinalubong ng Tatak Tamaraw 2024 ang freshmen mula sa Far Eastern University - Makati (FEUMK) upang lalong makilala ang kanilang kampus kahapon, ikapito ng Agosto.

Sa panayam ng FEU Advocate, ipinahayag ng Presidente ng FEUMK Student Council na si Adrian Louis Diumano na mas mapaiigting ang kanilang mga kwento sa pagkilala ng kanilang kampus sa kabila ng pagiging limitado ng mga programa nito kumpara sa FEU - Manila.

“Although, ‘yun nga, one-building campus na lang siya pero it’s how we could share our stories on being a Tamaraw as well (Kahit na isang gusali lang ang kampus, ito ay kung paano namin maaaring maibahagi ang aming mga kwento bilang mga Tamaraw),” aniya.

Dinaluhan ng freshmen mula sa Institute of Accounts, Business, and Finance (IABF) ng FEUMK ang plenary program at orientation upang matutuhan ang mga patakaran at serbisyo ng unibersidad. Nasundan naman ng campus tour at mga palaro ng Tam Challenge matapos ang programa.

Samantala, ibinahagi ni Nur-Fathma-Rani Balindong, isang first-year Business Administration student, na bago sa kanyang karanasan ang Tatak Tamaraw.

“Maraming gawain na talagang unique (kakaiba) at almost (halos) lahat po ng ginawa namin ay exciting at informative (kapana-panabik at impormatibo),” saad niya.

Inaasahan naman ng Human Resources and Organizational Development (HROD) freshman na si Chantelle Ashley Nicolas na bigyang-pansin ng komunidad ng FEU - Makati ang mga programang hindi masyadong nabibigyan ng pagkilala gaya ng HROD.

“Given na for IABF students ang FEU - Makati, I hope (Dahil para sa mga mag-aaral ng IABF ang FEU - Makati, sana) mabigyang-pansin din ‘yung mga course (kurso) na konti ang mga estudyante katulad ko na HROD,” giit nito. 

Isinaad ng pangulo na nagsisilbing daan ang Tatak Tamaraw upang lubos na malaman ng mga freshman ang core values ng Unibersidad at ang kanilang karapatan bilang mag-aaral.

The importance of Tatak Tamaraw is how we can introduce them… ‘yung core values and nature ng FEU mismo. I think it is one of the most crucial things in the University especially ngayon na need nilang malaman ‘yung rights nila as students (Ang kahalagahan ng Tatak Tamaraw ay kung paano natin sila ipakikilala… ‘yung core values at kalikasan ng FEU mismo. Sa tingin ko ito ang isa sa mga pinakamahalagang bagay sa Unibersidad lalo ngayon na kailangan nilang malaman ‘yung mga karapatan nila bilang mga mag-aaral),” saad nito.

Ginaganap naman ang Tatak Tamaraw sa FEU - Manila hanggang sa ikasiyam ng Agosto kung saan ipagdiriwang ang Welcome Fest Concert bilang pagtatapos nito, kung saan maaari itong daluhan ng mga mag-aaral mula sa FEU - Manila, FEUMK, at FEU High School.

- Kasharelle Javier

(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)