Bato, Boto, Pick

FEU Advocate
May 10, 2026 20:18


Taon-taon, binibigyang-boses ng University Elections ang mga Tamaraw. Ngunit kung tahasang isinasantabi ng Far Eastern University (FEU) Commission on Elections (COMELEC) ang malinaw na pagtutol ng mga estudyante sa mababaw na politika sa pamamagitan ng abstention votes, nagbubunyag ito ng mas malalim na tanong na kung kaninong boses nga ba ang tunay na pinakikinggan.

Kung muling babasahin ang Article IX, Section 6 ng 2026 Omnibus Election Code (OEC), malinaw na madedeklara lamang ang Failure of Elections sa dalawang kondisyon: una, kapag hindi umabot sa 20 porsiyento ang voter turnout; at ikalawa, kapag walang nanalong kandidato para sa posisyon.

Ngunit tila pinili ng COMELEC na ikahon sa teknikalidad ang malinaw na saloobin ng mga botante. 

Dahil lumagpas sa 20 porsiyento ang voter turnout, binalewala nito ang mas nakararaming abstention votes na nagpapakita ng malinaw na pagtutol sa ilang kandidato. Kung hindi rin lamang kikilalanin bilang tunay na boto ang abstain, nawawalan ng saysay ang paglagay ng mismong opsiyon sa balota. 

Hindi lamang simpleng usaping administratibo ang pagsasawalang-bahala rito, ngunit isang pagmamaliit sa demokratikong karapatan ng mga botante.

Hindi rin lamang pagpili ang layunin ng pagboto. Paraan ito upang ipahayag ng mga estudyante ang kanilang pagkadismaya, pagtanggi, at protesta. 

Mula sa inilabas na datos ng COMELEC at FEU Mathematical Society (MathSoc), umabot sa libo-libong abstention votes ang naitala sa nakaraang halalan — mga botong tahasang nagpahayag ng kawalan ng tiwala sa ilang kandidato. Ngunit sa halip na harapin ang malinaw na mensaheng ito, pinili lamang itong isantabi upang maituloy ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato.

Kaya naman kinatwiran ng MathSoc na huwag nang isama ang abstention votes at bilangin lamang ang mga botong pumapabor sa mga kandidato. Kung ganoon ang naging batayan, tiyak na magbabago ang estadistika ng eleksiyon at masusubok kung lehitimo ang ipinagmamalaking halos 35 porsiyentong voter turnout ng COMELEC.

Hindi rin imposible ang pagkilala sa abstention bilang lehitimong demokratikong pagpapahayag. Noong 2023, kinilala ng University of the Philippines Diliman student elections ang epekto ng mas mataas na abstention votes sa ilang posisyon. Ipinapakita lamang nito na may kakayahan ang mga institusyon na unahin ang lehitimong representasyon kaysa sa simpleng pagpuno ng mga bakanteng posisyon — pero iyon ay kung tunay nilang nais pakinggan ang ipinapahayag ng kanilang mga botante.

Sa halip na magsilbing patas at demokratikong proseso, nagiging butas pa ang teknikalidad ng sistema upang makalusot ang mga kandidatong hindi naman tunay na kumakatawan sa sigaw ng mga Tamaraw. Lumilikha ito ng impresyon na mahalaga lamang ang partisipasyon kapag pabor ang resulta sa nais makita ng institusyon.

Mas nakababahala ito kapag mistulang handang baliin o baluktutin ng mga institusyon ang diwa ng mga regulasyon para lamang maiwasan ang mga bakanteng posisyon at mapanatili ang isang “gumaganang” konseho. Kung may sariling pagpapakahulugan ang COMELEC sa mga patakaran ng eleksiyon, lehitimo pa ba ang OEC? May saysay pa ba ang pagboto kung maaaring balewalain ang mga resulta kapag hindi ito akma sa nais na naratibo?

Isang kabalintunaan ang demokrasyang ipinagmamalaki sa loob ng Pamantasan. Hindi kailanman matatawag na demokratiko ang sistemang ikinukulong ang mga estudyante sa isang direksiyong hindi maaaring kuwestiyunin. Kung ito ang mananatiling kalakaran, mas nararapat itong tawaging ilusyon ng demokrasya kaysa tunay na demokratikong proseso.

Patuloy mang hinihikayat ng institusyon ang mga estudyante na gamitin ang kanilang “democratic responsibility,” nawawalan ito ng saysay sa mismong sandaling isinasawalang-bahala ang mensaheng dala ng bawat boto.

Isa rin itong malinaw na sintomas ng pagguho ng tiwala ng mga estudyante sa sistema ng pamamahala. Paano buong-pusong matatanggap ng mga estudyante ang mga lider na nanalo sa kabila ng malinaw na kawalan ng suporta? Ang ganitong uri ng pagkapanalo ay hindi sumasalamin sa tiwala ng masa, kung hindi sa kakayahan ng sistemang magpalusot at tumaliwas sa sentimyento ng komunidad para lamang mapanatili ang naratibong “matagumpay” ang eleksiyon. 

Sa ganitong kalakaran, nawawala ang tingin sa pagboto bilang makabuluhang demokratikong ehersisyo at nagiging simbolikong ritwal na lamang ito na tila may nakatakda nang kahihinatnan.

Mas malaki ang usaping ito kaysa sa simpleng politika sa campus. Sumasalamin ito sa kulturang pampolitikang hinuhubog ng mga institusyong pang-edukasyon. Kung maagang matututuhan ng mga estudyante na kayang balewalain ng mga espasyong dapat humuhubog sa kanilang kamalayang sibiko ang kanilang kolektibong disgusto basta’t pinahihintulutan ng teknikal na proseso, hindi na nakapagtatakang susunod ang pananahimik at kawalang-interes na baguhin ang sistemang kanilang kinabibilangan paglabas ng Unibersidad.

Hindi dapat isinusugal ang pagkalehitimo alang-alang sa “katatagan.” Mahalaga ang mga patakaran, ngunit hindi lamang teknikal na pagsunod ang nagpapatatag sa demokrasya. Nakabatay ito sa tiwala ng publiko, pananagutan, at kakayahang makinig sa malinaw na mensahe ng mga botante. At malinaw ang mensahe ng abstention votes — may malalim na pagkadismaya ang mga estudyante sa kasalukuyang kalakaran ng student leadership.

Hindi dapat gamitin ang teknikalidad bilang panangga laban sa boses ng mga botante. Kung mas pahahalagahan ng sistema ang simpleng pagpuno ng mga posisyon kaysa sa pagtiyak ng lehitimong representasyon, nagiging administratibong pormalidad na lamang ang eleksiyon imbes na demokratikong proseso.

Sa halip na balewalain ang abstention votes, dapat itong harapin ng administrasyon bilang malinaw na panawagan para sa reporma. Maaaring kabilang dito ang mas mahigpit na rekisito bago ideklarang panalo ang isang kandidato, mandatoryong special elections sa mga ganitong sitwasyon, o mas maigting na paghikayat sa pagkakaroon ng mas maraming kandidato at mas makabuluhang partisipasyon.

Hindi simpleng proseso ng pagpuno ng bakanteng posisyon ang demokrasya. Isa itong proseso ng pagbibigay ng lehitimong kapangyarihan. Kapag wala ang tunay na pahintulot ng mga botante, nananatiling titulo lamang ang anumang posisyon.

Sa panahong ito, higit na kailangang magalit, magtanong, at maningil ng pananagutan ang mga estudyante. Hindi dapat hayaang maging hungkag na pangako lamang ang sinasabing pagbabago habang inuuna ang imahe at “estabilidad” kaysa sa tunay na representasyon.

Sa huli, hindi lamang nito sinasakal ang boses ng mga Tamaraw — lalo rin nitong winawasak ang natitirang tiwala ng komunidad sa student leadership at sa mga institusyong humahawak sa demokratikong proseso ng Pamantasan.

(Kuha ni Gabriel Matencio/FEU Advocate)