FEU’s former junior football MVP passes away
- June 07, 2021 05:30
FEU Advocate
September 24, 2024 12:13
Nina Mark Vincent A. Durano at Shayne Elizabeth T. Flores
Isiniwalat ng ‘Bacolod 6’ ang kanilang planong pagsampa ng mga countercharge sa mga pulis ng Lungsod ng Bacolod na umakusa at umaresto sa kanila sa gitna ng isang protesta nang sila ay makalaya noong ika-19 ng Setyembre.
Kabilang sa tinaguriang ‘Bacolod 6’ sina Bacolod Alliance of Commuters Operators and Drivers Inc. - Manibela President Rudy Catedral, Kabacod Negros Transport Organization (KNETCO) PISTON President Lillian Sembrano, United Negros Driver and Operators Center (UNDOC) PISTON Secretary-General Eric Bendoy, UNDOC PISTON President Rodolfo Gardose, Melchor Omagayon mula sa Manibela, at Shalemar Saliot mula sa KNETCO.
Inaresto ang apat sa mga transport group leader at dalawa pang mga miyembro sa kasagsagan ng kanilang kilos-protesta bilang pag-udyok na mapabilang sa talakayan ng isinagawang Visayas Public Transport Modernization Program Summit at Philippine Commercial Vehicle Show sa L’Fisher Hotel sa Lungsod ng Bacolod noong ika-18 ng Setyembre.
Pinatawan ng kasong Disobedience si Saliot kasama ang apat na mga lider. Ayon sa tantiya ni PISTON National President Mody Floranda, nakalaya ang mga ito noong alas tres o alas kuwatro ng umaga kinabukasan, sa bisa ng piyansa na may halagang P3,000 kada tao.
Samantala, umabot ng alas otso ng gabi ang paglaya ni Omagayon dulot ng karagdagang kasong Direct Assault matapos siyang akusahan na nananakit ng mga pulis. Nakalaya ang miyembro matapos magbayad ng P36,000 piyansa.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Sembrano na nagprotesta sila dahil sa kawalan ng imbitasyon para sa kanilang mga miyembro ng industriyang pangtransportasyon na maging bahagi ng pagpupulong.
“Ginagamit nila ‘yung word na transport para i-deceive ‘yung mamamayang Pilipino… Pero ang totoo pala [ay] modernization summit… Kaya nga sabi namin ‘wag niyong gamitin yung transport na word. Kasi kapag transport, kasali kami–kaming tatlong malaking organisasyon, kasali kami diyan. Sana ‘yung ginamit niyo ay PUVMP [Public Utility Vehicle Modernization Program] transport summit, maiintindihan pa namin,” aniya.
Boluntaryong pag-aresto
Layon ng kanilang protesta na manindigan laban sa PUVMP at isulong ang kanilang karapatan sa pangkabuhayan, pati na rin ang mapabilang sa usaping pangtransportasyon.
Ayon kay Sembrano, sinubukan ng grupong makiusap kay Lieutenant Colonel Puerto ng Bacolod City Police Office upang makapasok sa summit, ngunit binalaan silang bubuwagin ang protesta kung hindi sila aalis.
Nanindigan silang manatili hanggang sa nagkaroon ng negosasyon sa pagitan nila at ng summit organizer na papayagan lamang silang makapasok sa kondisyon na hindi sila manggugulo.
“Nung pumayag kami, sinabihan namin ‘yung mga kasama namin na silent protest lang, wala munang gulo, wala munang ingay, mag-intay sila sa labas sa pagbaba namin kasi papasok kami sa loob so nung pumasok na kami sa lobby ng hotel, hinarangan kami,” paglalahad niya.
Dahil dito, piniling magpatuloy ng grupo sa kanilang protesta.
Sa harap ng pangalawang ultimatum ng pulisya na arestuhin ang mga lider kapag hindi pa rin lumisan sa lugar, pinili ng apat na mga transport leader na boluntaryong magpaaresto kapalit ng pagpapatuloy ng kanilang kilos-protesta.
“Kaming apat ay [nag-anunsyo] na handa kaming voluntary na magpahuli, ‘wag lang saktan, ‘wag lang tutulan, o ‘wag lang ipa-stop ‘yung protest natin kasi karapatan namin na malaman nila,” kuwento ng pangulo ng KNETCO.
Saad pa ni Sembrano, hindi tinupad ng pulisya ang kanilang kondisyon bagkus ay nagpatuloy pa rin sa pagbuwag sa kanilang demonstrasyon.
Gayunpaman, iginiit ng pangulo ng KNETCO na napagbintangan lamang silang nanlaban sa kasagsagan ng pagharang at pagbomba sa kanila ng pulisya gamit ang water cannon mula sa Bureau of Fire Protection.
“Noong inaatake na kami at saka may mga bumbero na, sa likod namin may construction workers, may building na kino-construct doon, so pati ‘yung mga workers doon ay natamaan ng water cannon kaya nga nagliliparan ‘yung mga bato sa taas, hindi [ito] galing sa amin,” pagkaklaro niya.
Dagdag pa ni Sembrano, nangako ang organizer ng transport summit na bibigyan sila ng pagkakataong makipagpulong noong Huwebes ngunit hindi ito muling tinupad.
“Hindi pala totoo, talagang nilinlang lang kami kasi pagpunta namin wala talagang time at schedule na haharap ‘yung LTFRB sa’min at hindi rin nila ini-set ‘yung schedule para sa time namin daw para harapin namin ‘yung mga tao na makasagot sa aming panawagan… Pagkakita nila na bumaba kami sa sasakyan sa harap ng hotel ay talagang [madali nilang] isinara na agad ‘yung gate ng hotel para hindi kami [makapasok],” aniya.
Natapos ang demonstrasyon matapos ang apat na oras na negosasyon.
Mga karapatan
Ayon sa unang ulat ng Paghimutad, sinabi ni Bacolod City Police Office Director Police Col. Joeresty Coronica na maaaring sampahan ang Bacolod 6 ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 dahil sa kawalan ng permit at Republic Act No. 4136 dahil sa pagtutol sa mga awtoridad at pagharang sa kalsada.
Binigyan din ang mobilisasyon ng 30 minuto upang humawi.
Binanggit din ni Coronica na nakaaabala ang protesta sa trapiko. Nakatamo rin daw ng pinsala ang dalawang pulis matapos batuhin ng bato.
Kinondena naman ng Co-convener ng PARA - Advocates for Inclusive Transport na si Nanoy Rafael ang pagsaad ng kapulisan ng BP Blg. 880 sa ika-52 na anibersaryo ng Batas Militar.
“Kasi ‘yung BP 880 ay ginawa nung panahon ng Martial Law ni Marcos Sr. para magkaro’n ng malinaw na limits ‘yung freedom of expression… Malapit na ‘yung September 21, Martial Law commemoration tapos ito pa ‘yung i[n]-invoke nilang batas talaga,” diin niya.
Iginiit niyang may karapatan ang mga mamamayan na magprotesta at magpahayag ng sarili alinsunod sa Bill of Rights.
Binigyang-diin ng PARA co-convener na nilalabag din ng PUVMP ang kalayaan ng asosasyon kung saan pinipilit ang mga tsuper at opereytor na pumasok sa mga kooperatiba.
Ayon kay Rafael, anyo ng pagsasantabi sa kapakanan ng mga mamamayan ang pagbibigay ng prayoridad sa mga negosyo kaakibat ng transportasyon.
"Kapag ganito na ine-exclude ang mamamayan sa usapan, sa pagpaplano ay malamang hindi interes ng mamamayan ang pinagsisilbihan kung ang kausap nila ay yung mga auto manufacturers. Malamang ‘yung programa na ito ay hindi nakadisenyo para pagandahin ang public transport, nakadisenyo ito para magbenta ng sasakyan at bagsakan tayo ng mga surplus ng mga sasakyan,” dagdag nito.
Sa hiwalay na panayam, nanawagan si Floranda sa pamahalaan na pag-aralan ang mga programa hindi lamang ang PUVMP at isaalang-alang ang kapakanan ng karaniwang mamamayan.
“Hindi naman magkakaroon ng mga demonstrasyon o mga pagkilos kung ‘yung kanilang programa ay nakatuon sa pangangailangan ng ating mga mamamayan, hindi lamang sa mga transportasyon, dahil kaya nagkakaroon ng pagkilos sapagkat syempre ‘yung kaalinsabay niyan ay ‘yung pagtatanggal ng kabuhayan ng ating mga operator, mga drayber, at pagpapahirap sa ating mga komyuter,” saad nito.
Patuloy namang nanawagan ang mga transport group sa pagbabasura ng PUVMP, pagbabalik ng limang taong prangkisa, pagpapatupad ng Senate Resolution 1096, at masolusyunan ng lokal na pamahalaan ang Bacolod City Council Resolution 694.
Nais din nilang ipabatid kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang magiging epekto ng kanyang desisyong ipagpatuloy ang modernisasyon, kung saan marami ang mawawalan ng hanapbuhay.
Magkakasa naman ng nationwide transport strike ang PISTON at MANIBELA, kabilang ang Lungsod ng Bacolod, sa paparating na Lunes at Martes, ika-23 at 24 ng Setyembre.
(Litrato mula sa PISTON)