Tamaraw Month: A Call for Rescue
- October 25, 2021 03:50
FEU Advocate
September 03, 2021 09:22
Ni Agustin F. San Andres, Jr.
Ipinahayag ng Far Eastern University Central Student Organization (FEUCSO) kasama ang 28 na organisasyon ang kanilang panawagan na pahabain ang natitirang panahon ng pagpaparehistro sa darating na Halalan 2022 noong Martes, Agosto 31.
Batay sa kanilang opisyal na pahayag sa Facebook, naging dahilan ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) upang maantala ang pagpaparehistro ng mga Pilipino.
“Malaking numero sa eleksyon ang 13 milyong maaari pang madagdag sa pag-extend ng pagpaparehistro. Mahalaga ang bawat boto para sa paghalal at pagpili ng mga lingkod-bayan para sa Pilipinas,” saad nila.
Hiling ng mga organisasyon na mas kilalanin pa ng kabataan ang mga kandidato nang hindi na maulit ang kapabayaan na nararanasan ng bansa ngayon.
“Ang masalimuot na pandemyang ito ay isa sa dapat maging dahilan upang tayo ay mamulat sa kung anong klase ng mga lider ang nararapat na mamuno sa ating bansa, mga lider na kayang ibsan ang bakas na iiwan ng pandemya sa ating ekonomiya at pamumuhay,” dagdag nila.
Sa isang press conference noong Agosto 18, matatandaang ibinahagi ni Commission on Elections (COMELEC) spokesperson James Jimenez na nakapagdesisyon na ang Commission En Banc na hindi ito palawigin.
“The Commission is concerned that if we delay the end of voter registration, it will also cost corresponding delays in all other preparatory activities, especially those that depend on the finalization of the list of voters, (Nababahala ang komisyon na kung ipagpapaliban ang huling araw ng pagpaparehistro, magiging dahilan ito ng pagkakaantala ng iba’t ibang aktibidades, lalong-lalo na may kinalaman sa pagpipinalisa ng listahan ng pangalan ng mga botante),” ani ni Jimenez.
Sa kabila ng mga petisyong inilunsad ng mga organisasyong pangkabataan nitong mga nakaraang buwan, mayroon ding pitong senador na naghain ng resolusyong naglalayong ilipat ang nakatakdang huling araw ng pagpaparehistro sa Oktubre 31.
Sa darating na Setyembre 6, maaari nang magparehistro ang mga Pilipinong nais bumoto sa darating na Halalan 2022 na nasa lugar kabilang sa MECQ matapos itong payagan ng COMELEC nitong Miyerkules.
(Larawan mula sa FEUCSO)