Ang kuwentong nakapaloob sa berde at ginto

By Julienne G. Tan

May mga kulay na hindi lamang nakikita, kundi natututuhan din nating dalhin. Sa Far Eastern University (FEU), ang berde at ginto ay nakamarka sa mga tropeo at tagumpay na sama-samang ipinagdiriwang ng Pamantasan. Ngunit para sa maraming Tamaraw, higit pa ito sa sagisag ng tagumpay — ito’y alaala ng mga panahong patuloy na nananalatay.

Sa loob ng 88 taon mula nang itatag ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP), sumailalim sa maraming pagbabago ang anyo ng Tamaraw spirit na isinasabuhay ng bawat henerasyon ng mag-aaral sa Pamantasan.

Gayunpaman, may mga bagay na patuloy na nagdurugtong sa kanila: ang kulay ng berde at ginto, mga tradisyong pinagpapasahan, at ang pakiramdam ng pagiging bahagi ng iisang komunidad. Bagama’t hindi pare-pareho ang pagkakakilala ng mga mag-aaral sa FEU, patuloy itong minamana’t muling binibigyang-kahulugan ng bawat henerasyong dumaraan.

Bagong henerasyon, bagong kahulugan

Sa panahon ngayon, may mga sandaling hindi na kailangang ipaliwanag kung bakit mahalaga ang pagiging Tamaraw. Sa pagsisimula ng taunang UAAP season, nagiging daan ang kaganapang ito upang maranasan ng isang estudyante ang buhay-Pamantasan hindi lamang bilang manonood, kundi bilang bahagi ng komunidad na sama-samang nakikisaya, umaasa, at naninindigan para sa koponan.

Sa panayam ng FEU Advocate sa second-year interdisciplinary studies student na si Jessica Cuenco, naging mahalagang bahagi ng kaniyang karanasan ang panonood ng Finals ng mens volleyball team noong Mayo. Hindi lamang ang laro ang tumatak sa kaniya, bagkus ang paraan ng pagtugon ng mga kasama niyang nanood.

Of course, it was the Finals, so I expected there to be a larger crowd compared to the elimination round. But seeing it up close, how the FEU crowd remained hopeful and light even when the opponent was at match point, I couldnt help but feel proud (Siyempre, Finals iyon, kaya inaasahan kong mas marami ang manonood kompara sa elimination round. Ngunit nang makita ko nang malapitan kung paano nanatiling puno ng pag-asa at magaan ang loob ng mga tagasuporta ng FEU kahit nasa match point na ang kalaban, hindi ko maiwasang makaramdam ng pagmamalaki),” aniya. 

Sa sandaling iyon, higit pa sa laro ang nasaksihan ni Cuenco. Sa sama-samang sigawan at pag-asa ng mga nasa paligid niya, naging kolektibong karanasan ng komunidad ng FEU ang isang larong maaaring panoorin lamang bilang isang indibidwal.

Para naman kay Keanna Rojo, na nagtapos ng business administration sa Pamantasan nitong taon, naging bahagi ng kaniyang karanasan tuwing UAAP ang mga sandaling naghahanda ang mga estudyante bago magsimula ang laban at ang ingay na naiiwan pagkatapos nito.

For me, UAAP was one of the things that made my FEU experience more worth memorable. Like, it wasnt really just about the games. You could actually feel the excitement around campus whenever FEU had a game. Students would always talk about it, wear the FEU colors during the games and show their support for the players (Para sa akin, isa ang UAAP sa mga bagay na nagbigay-kabuluhan sa aking karanasan sa FEU. Hindi ito tungkol lamang sa mga laro. Ramdam mo ang kasiyahan sa buong kampus tuwing may laro ang FEU. Palaging pinag-uusapan ito ng mga estudyante, nagsusuot ng mga kulay ng FEU tuwing may laro, at ipinakikita ang kanilang suporta sa mga manlalaro),” ibinahagi ng alumnus.

Sa karanasan ni Rojo, hindi kinakailangang maging atleta upang makibahagi sa kulturang ito.

You dont have to be an athlete to feel included. You can be a student watching from the arena, cheering online, joining activities or just simply someone who gets excited whenever FEU wins. In different ways, we all get to be part of it (Hindi mo kailangang maging atleta para maramdamang kabilang ka. Maaari kang maging estudyanteng nanonood mula sa arena, sumusuporta online, nakikilahok sa mga aktibidad, o simpleng taong nasasabik tuwing nananalo ang FEU. Sa iba’t ibang paraan, nagiging bahagi tayong lahat nito),” aniya. 

Ngunit hindi lamang sa UAAP nabubuo ang pakiramdam ng pagiging bahagi ng Unibersidad. Sa mga kaganapang tulad ng One Concierto Piyu (OCP), nagkakaroon ng ibang anyo ang pakikilahok ng mga Tamaraw. Maging ang mismong paghahanda para rito ay nagiging bahagi na ng kanilang alaala: mula sa pagpili ng susuotin, pagpaplano ng gabi kasama ang mga kaibigan, at hanggang sa paghahanap ng kasama sa okasyon. 

Sa ganitong mga uri ng pagtitipon, hindi kailangang iisa ang dahilan ng pagdalo upang magkaroon ng pagkakatulad sa karanasan. Maaaring para sa ilang estudyante ay tungkol ito sa pagtatanghal at musika, habang para naman sa iba ay pagkakataon itong makasama ang mga kaibigan. 

Gayunpaman, sa mismong pagsasama-sama nabubuo ang mga alaalang personal sa bawat isa habang bahagi pa rin ng mas malawak na karanasan ng pagiging estudyante sa Pamantasan.

Ive seen how the students, freshmen or seniors, make their Concierto experience memorable by carefully picking their outfits, planning a night out, or even finding company in OCP (Nasaksihan ko kung paano ginagawang memorable ng mga estudyante, freshman man o senior, ang Concierto, mula sa pagpili ng outfit, pagpaplano ng gala, hanggang sa paghahanap ng kasama sa OCP),” ani Cuenco.

Bagaman may mga tradisyong nananatili, sa huli ay hindi pare-pareho ang nagiging karanasan ng bawat henerasyon. May mga bagay na unti-unting naiiwan sa paglipas ng panahon, ngunit mayroon ding iba na muling binibigyang-hugis ng mga Tamaraw sa kasalukuyan. 

Hindi lamang tungkol sa laro

Kapag natapos na ang laro, ang mga okasyon, at ang ingay na kasama nito, may ibang anyo ng buhay-Tamaraw na nagpapatuloy bagama’t hindi gaanong napapansin. Sa mga oras na ito, wala nang scoreboard o entablado na nagsisilbing sentro ng pagkakaisa. Ang natitira na lamang ay ang mismong landas na kailangang pagdaanan ng bawat estudyante.

Dito nagiging mahalaga ang mga relasyong nabubuo sa labas ng malalaking kaganapan. Para kay Cuenco, naging bahagi ng kaniyang pag-unawa sa diwa ng green-and-gold ang mga pagkakaibigang nabuo sa loob ng silid-aralan at sa sinalihang organisasyon para sa kanilang programa.

As a student who came from an underpopulated program, the friendships that I made in classrooms and through my program organization made me understand what the green-and-gold spirit is (Bilang estudyanteng nagmula sa isang programang kakaunti ang bilang ng mga estudyante, ang mga pagkakaibigang nabuo ko sa mga silid-aralan at sa aking sinalihang organisasyon para sa aming programa ang nagpaunawa sa akin kung ano ang tunay na diwa ng green-and-gold),” ani Cuenco.

Hindi rin kailangang matagal nang magkakilala ang mga tao upang mabuo ang ganitong pakiramdam ng pagkabilang. Sa karanasan ni Rojo, isa sa mga naging mahalagang bahagi ng kaniyang buhay-FEU ay ang likas na pagiging malapit ng mga estudyante sa isa’t isa.

Like kahit hindi mo pa sila personally close parang may feeling na you are already part of the community. You feel at home kahit bagong kakilala mo pa lang sila (Kahit hindi mo pa sila personal na kaibigan, parang pakiramdam mo ay bahagi ka na agad ng komunidad. Para kang nasa tahanan kahit ngayon mo pa lamang sila nakilala),” pagsalaysay niya.

Kasama rin sa buhay na iyon ang mundong nakapaligid sa Pamantasan. Sa ‘University Belt’ o mas kilala bilang U-Belt, ang pagiging estudyante ay hindi lamang tungkol sa pagpasok at paglabas sa kampus, umiikot din dito ang mga kainan, tambayan, at mga rutang tinatahak araw-araw hanggang sa maging bahagi ng personal na mapa ng isang Tamaraw. 

Sa pagitan ng Morayta, España, Recto, at sa gitna ng ingay at tuloy-tuloy na daloy ng Kamaynilaan, unti-unting naging pamilyar ang mga lugar na dati’y dinaraanan lamang. Dito minsang ginugol ang mga oras bago pumasok sa klase, ang mga gabing pinahaba ng masayang kuwentuhan, mga pagkaing binabalik-balikan, at ang mga pag-uwi kasabay ng pagod matapos ang isang mahabang araw. 

Sa paglipas ng panahon, ang mga kalyeng ito ay hindi na lamang bahagi ng nakasanayan ng bawat estudyante, kundi saksi rin sa panahong minsa’y naging buong buhay nila sa Pamantasan. At kahit lumipas ang ilang taon matapos nilang lumisan, may mga bakas pa rin ng mga alaalang nakalipas — mga sandaling bagaman hindi na maibabalik ay minsang naging tahanan.

Ito ang bahagi ng pagiging Tamaraw na hindi agad nabibigyang-pansin habang nararanasan. Hindi nito kailangan ng malaking pagtitipon upang magkaroon ng saysay. Minsan, ang pinakamahalagang bahagi ng isang kabanata ay ang mga taong nakasabay mong tawirin ito.

Sa paglisan ng isang estudyante sa Pamantasan, hindi lamang ang mga pormal na karanasan ang kaniyang iniiwan. Kasama ring umaalis ang bersiyon ng kaniyang sarili na nabuo sa mga panahong ginugol at ang mga relasyong naging saksi rito.

Ang kulay na ipinapasa

Nagbabago man ang paraan ng pagdanas ng FEU sa bawat henerasyon, nananatili ang diwa ng pagiging Tamaraw na nag-uugnay sa kanila. Makikita ito sa kung ano ang pinipili ng bawat henerasyon na panghawakan, baguhin, o tuluyang bitawan. 

Kaya hindi lamang mga kulay o awit ang naipapasa sa bawat panibagong hanay ng estudyante, kundi pati ang mga kuwentong paulit-ulit na isinasalaysay, mga karanasang nagiging bahagi ng kolektibong alaala, at mga pamantayang nabubuo sa kung paano tinatrato ng isang henerasyon ang mga susunod dito. 

Sa pananaw ni Rojo, isa sa mga bagay na nais niyang manatili sa mga susunod na Tamaraw ay ang pakiramdam ng pagkabilang. 

I hope the younger generation of Tamaraws continue to bring the sense of community that I experienced in the University. One of the things [I] appreciated most was how easy it was to feel included. I hope students will continue making others feel welcome, especially those who are still trying to find their place in the University (Umaasa akong patuloy na dadalhin ng nakababatang henerasyon ng mga Tamaraw ang pakiramdam ng komunidad na naranasan ko sa Unibersidad. Isa sa mga pinakanagustuhan ko ay kung gaano kadaling maramdaman na kabilang ka. Umaasa akong patuloy na ipararamdam ng mga estudyante sa iba na sila ay tanggap at kabilang, lalo na sa mga naghahanap pa rin ng kanilang lugar sa Unibersidad),” hiling niya. 

Ang mga bagay na tila karaniwan lamang ngayon ay maaaring maging bahagi ng mga gunita ng mga Tamaraw sa hinaharap. Ang kasaysayan ng Pamantasan ay patuloy na umuusbong hindi lamang sa mga tala ng Institusyon, kundi pati sa mga personal na kuwentong dinadala ng mga taong dumaan dito.

Sa loob ng 88 na taon ng UAAP, maraming henerasyon na ng mga Tamaraw ang nagdaan, at bawat isa’y nag-iiwan ng sariling interpretasyon sa kung ano ang kahulugan ng berde at ginto. May bagong pahinang iniiwan ang bawat henerasyon sa isang kuwentong patuloy na nabubuo.

Balang araw, ang mga estudyanteng kasalukuyang lumilikha ng kanilang mga alaala ay magtatapos din. Ang bawat sigaw sa laro, mga lugar na madalas puntahan, at mga tradisyong piniling salihan ay kalauna’y magiging kanilang sariling bersiyon ng ‘mga araw sa FEU’ — puno ng mga bagay na kanilang binago, binigyang-kahulugan, at paglao’y ipapasa sa susunod na henerasyon ng mga Tamaraw. 

(Kuha nina Aleena Louise Abad, Rian Balagtas, Ma. Louela Luna, James Neil Tamayo, Melvin James Urubio; Latag ni Armina Juliana Guerrero/FEU Advocate)