
Ni Misaki F. Koizumi
May mga bagay na tila isinulat na ng lipunan bago pa man tayo magkaroon ng pagkakataong ihayag ang sariling kuwento. Kapag may bakanteng upuan sa mesa, inaasahang may uupo sa tapat nito. Ngunit para sa isang henerasyong unti-unting natututong yakapin ang sariling presensiya, hindi lahat ng bakanteng upuan ay tanda ng kawalan.
Bunsod ng pag-usbong ng solo dates, muling binabago ng kabataan ang nakasanayang pananaw sa pag-iisa — mula sa pagiging tanda ng kalungkutan tungo sa intensiyonal na paglalaan ng oras para sa sarili. Sa kulturang nasanay sa sabay-sabay na pagkain, pamamasyal, at pagbuo ng mga alaala, ang pag-upo sa mesa nang walang kaharap ay nagiging isang tahimik na pagtutol sa nakasanayan.
Kapag sarili ang piniling kasama
Sa unti-unting pagyakap ng kabataan sa konsepto ng solo dates, nagiging karaniwan ang mga lakad na dati’y kailangan pang may kasama upang maging masaya o makabuluhan. Nakatutulong din dito ang social media, kung saan laganap ang bidyo ng mga taong kumakain, namimili, o nagtutungo sa mga bagong lugar nang mag-isa. Sa ganitong mga imahe, ang dating itinuturing bilang malungkot na karanasan ay nagiging isang konseptong nakapupukaw sa interes ng karamihan.
Mas kapansin-pansin ang pagbabagong ito sa kulturang Pilipino, kung saan nakagisnan ang malalim na pagpapahalaga sa pakikipagkapuwa, pamilya, at barkada.
Sa kulturang likas ang pagsasalo sa hapag-kainan, maaaring banyaga ang ideyang piliing mapag-isa — kung minsan pa'y napagkakamalang panira ng kasiyahan. Gayunpaman, kasabay ng pag-iiba ng pananaw ng kabataan at pag-usad ng lipunang ginagalawan ang unti-unting paglawak ng kulturang Pilipino, kung saan nabibigyang-espasyo ang mga karanasang hindi lamang nakasentro sa pakikisama kundi pati sa sariling pangangailangan at interes.
Makikita sa social media ang pag-usbong ng ganitong konsepto, kung saan naipakikita ang positibong bahagi ng pag-iisa. Higit pa rito, nakapagbibigay rin ito ng inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng short-form video platforms tulad ng TikTok, kung saan ipinakikita kung paano gawing espesyal ang ordinaryong paglabas nang mag-isa. Sa patuloy na pagdaan ng ganitong content sa feed ng kabataan, mas nagiging pamilyar sa kanila ang ideyang hindi kailangang may kasama sa bawat lakad.
Malaking bahagi ng paglaganap nito ang paglitaw ng mga content creator at influencer na ginagawang mas lantad ang saya at kabuluhan ng sariling presensiya. Kabilang na rito si Ysobel Luna, na kilala sa pagbabahagi ng mga gawaing maaari ring tangkilikin nang mag-isa sa pamamagitan ng kaniyang content segment na ‘As someone who loves doing things alone.’
Sa isang bidyo, tinawag niyang mahalagang anyo ng self-love ang minsanang paglabas nang mag-isa o ‘dating yourself,’ isang pananaw na kapansin-pansin sa kabataan. Para kay Luna at sa maraming kabataan, ang oras na ginugugol sa sarili ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng kawalan. Ito’y tila pag-upo sa sariling tabi, isang paalala na pakinggan at pahalagahan ang sariling pangangailangan at presensiya.
Ang unang hakbang sa pag-iisa
Bago maging komportable sa paglabas nang mag-isa, kailangan munang lampasan ang ilang bagay na matagal nang nakakabit sa ideya ng pangangailangan ng kasama.
Hindi madaling umupo sa hapag nang walang katabi, lalo na kung likas na nakasanayan kumain nang may kasama sa mesa. Sa unang pagtatangka, maaaring mas maingay pa ang sariling kabog ng dibdib kaysa sa ingay ng paligid — hudyat ng pangambang mapansin, titigan, o tanungin kung bakit nag-iisa.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng mag-aaral na si Irish Jade Cemania mula sa programang Medical Technology na ang paglabas nang mag-isa ay nagsimula sa kaniya bilang isang hakbang papalayo sa nakasanayan.
“Ang nagtulak talaga sa akin [para subukang mag-solo date] is ‘yung gusto kong mag-step out of my comfort zone… Dahil doon, mas natuto akong maging independent. Mas naging confident din ako pagdating sa pakikipag-usap sa ibang tao, especially kapag kailangan kong magtanong ng directions,” pagbabahagi niya.
Isa sa pinakatumatak niyang karanasan ang pagpunta sa Maynila nang walang kasama. Wala siyang kakilala na maaaring gumabay sa kaniya kaya’t sariling diskarte at Google Maps lamang ang kaniyang naging sandigan. Sa unang pagkakataon, kinailangan niyang harapin hindi lamang ang pangambang maligaw sa isang hindi pamilyar na lugar, kundi pati ang pangangailangang makisalamuha sa ibang tao upang humingi ng direksiyon. Ngunit ang lahat ng pangambang iyon ang siyang nagbigay-daan upang matutuhan niyang maging mas malaya.
Bunga ng karanasang iyon, natutuhan ni Cemania na hindi kailangan na palaging may katuwang upang magawa ang mga bagay na nais niyang subukan. Sa bawat paglabas nang mag-isa, mas nakikilala niya ang sariling lakas at kahinaan, habang unti-unting nababawasan ang pagdepende sa ibang tao.
“Mas nagkakaroon ako ng time mag-reflect, mag-relax, and ma-enjoy ‘yung moment without worrying about anyone else (Mas nagkakaroon ako ng oras para magmuni-muni, magpahinga, at magsaya sa oras ko nang hindi kailangang alalahanin ang ibang tao),” dagdag niya.
Sa paglipas ng panahon, napagtanto rin ni Cemania na ang pag-iisa ay hindi katumbas ng kakulangan. Sa mga sandaling sarili lamang ang kaniyang kasama, mas nagiging malinaw kung ano ang tunay na nagpapagaan sa kaniyang kalooban.
“Isa rin sa mga natutuhan ko is that being alone doesn’t mean you’re lonely. Magkaiba ang pagiging mag-isa at pagiging malungkot… At the end of the day, solo dates are not just about going out alone — they’re about building confidence, learning to trust yourself, and realizing that your own company is enough. Kapag natutunan mong maging masaya kahit ikaw lang, mas magiging healthy rin ‘yung relationships mo with other people because you won’t rely on them to complete your happiness (Isa rin sa mga natutuhan ko ay ang pagiging mag-isa ay hindi nangangahulugang may kulang. Magkaiba ang pagiging mag-isa at pagiging malungkot. Sa huli, ang pagpunta sa mga lugar nang mag-isa ay hindi lang tungkol sa paglabas nang walang kasama — tungkol din ito sa pagbuo ng tiwala sa sarili, pagkatutong maging komportable sa sariling presensiya, at pagkilala na sapat na kapag sarili ang kasama. Kapag natutunan mong maging masaya kahit mag-isa ka, mas napayayaman nito ang pakikipag-ugnayan mo sa ibang tao dahil hindi mo na iaasa sa kanila ang iyong kaligayahan),” pagninilay niya.
Pagbuo ng sariling mundo
Sa lipunang nakasanayan ang tambalan at barkadahan, hindi maiiwasang mapansin ang mga taong pinipiling mapag-isa. Bukod sa tapang subukan ang isang bagay nang walang kasama, minsan ang bakanteng silya sa tapat ay nagsisilbi ring tahimik na usisa ng paligid: “Bakit kaya wala siyang kasama?”
Ganito ang dating pangamba ni Kim Charist Malinis na isang mag-aaral mula sa programang Medical Technology. Bilang isang taong palakaibigan at sanay na may kasama, natakot siyang baka isipin ng ibang tao na wala siyang kaibigan o malungkot ang kaniyang buhay.
Nang minsan siyang magpunta sa Pamantasan at kumain sa café na halos puno ng magkakasamang estudyante, lalo niyang naramdaman ang pagkailang. Habang may kaniya-kaniyang kausap at kasabay kumain ang mga nasa paligid, pakiramdam niya ay siya lamang ang naiiba. Ngunit habang lumipas ang oras, napagtanto niyang hindi naman pala siya pinapansin ng mga taong kinatatakutan niyang hinuhusgahan siya.
“Na-realize ko na ako lang pala ‘yung nag-o-overthink… They really didn’t care. They were too busy talking to their friends, too busy thinking about their own lives, and too busy minding their own business. Samantalang ako, I was so focused on what I thought they were judging me (Napagtanto ko na ako lang pala ‘yung naaagrabyado ng sarili kong isip. Wala naman pala talaga silang pakialam. Abala sila sa pakikipagkuwentuhan sa kanilang mga kaibigan, sa sarili nilang buhay, at sa sarili nilang mga ginagawa. Samantalang ako, lubos na nababagabag sa sarili kong mga kaisipan tungkol sa paghusga nila sa akin),” hayag ni Malinis.
Sa halip na ikulong ang sarili sa pangangamba sa iniisip ng iba, itinuon ni Malinis ang kaniyang atensiyon sa dahilan kung bakit siya naroon: upang kumain, magpahinga, at magkaroon ng oras para sa sarili. Sa sandaling iyon, unti-unting lumiit ang bigat ng opinyon ng ibang tao.
Napagtanto niyang hindi kailangang gawing batayan ang pananaw ng ibang tao sa bawat desisyong ginagawa para sa sarili. Habang natututuhan niyang hindi naman umiikot ang mundo sa kaniyang mga kilos, mas nagiging maluwag ang puwang para sa sariling kagustuhan.
Para kay Malinis, ang pagiging komportable sa sariling presensiya ay hindi nagsimula nang mawala ang kaniyang hiya, kundi nang piliin niyang kumilos sa kabila nito.
“My advice for those who want to try going on solo dates is to set aside the fear, the doubt, and the uncertainty — and to do it unsure, scared, and undecided… In this overwhelming world, choose your peace and happiness over anything else (Ang payo ko sa mga nais subukan ang paglabas nang mag-isa ay huwag hayaang pigilan kayo ng takot, pagdududa, o pangamba. Kahit hindi pa kayo sigurado o komportable sa ideya, subukan niyo pa rin. Sa mundong nakakapagpabagabag, piliin niyo ang mga bagay na nagbibigay sa inyo ng kapanatagan at saya),” saad niya.
Mula rito, mahihinuha na ang solo date ay higit pa sa simpleng pagpunta sa isang lugar o paggawa ng isang aktibidad nang mag-isa. Nagsisilbi rin itong tahimik na pagbitaw sa kaisipang kailangang laging may ibang taong magbibigay-saya sa isang karanasan.
Oras na humihinto para sa sarili
Kapag natutuhan nang malampasan ang pangamba sa pag-iisa at pagtingin ng iba, mas lumilitaw ang isa pang dahilan kung bakit mahalaga ang solo dates. Sa mundong laging humihingi ng oras at atensiyon, importante rin ang mga sandaling walang ibang kailangang unahin kundi ang sarili.
Para kay Mica Therese Mangabang, isang mag-aaral ng sikolohiya, bahagi ng atraksiyon ng solo dates ang pagkakataong makapagpahinga mula sa ingay ng paligid at sa mga personal na problemang kinakaharap araw-araw.
“I think younger people nowadays prefer solo dates because they genuinely need some ‘me time’ (Sa tingin ko, mas pinipili ng mga kabataan ngayon ang paglabas nang mag-isa dahil kailangan din nila ng oras para sa sarili),” aniya.
Sa dami ng kailangang kausapin, puntahan, at habulin sa araw-araw, nagiging mahalaga ang oras na wala kang kailangang timbangin kundi ang sarili mong hangarin. Kompara sa karaniwang lakad, walang iskedyul na kailangang isaalang-alang sa isang solo date.
Hindi rin nito kailangang maging engrande. Maaari itong isang tasa ng kape, pelikulang matagal nang nais panoorin, paglalakad sa isang lugar na matagal nang gustong puntahan, o simpleng pagmumuni-muni sa isang tahimik na sulok. Ang halaga nito ay hindi nakasalalay sa presyo o ganda ng content na maaaring mai-post, kundi sa pagkakataong ang oras na iyon ay tunay na pag-aari ng taong gumugugol nito.
“My advice to those who are still hesitant or shy to try solo dating is to simply find courage on your own. At the end of the day, you only have yourself, so make sure to love yourself too (Ang payo ko sa mga nag-aalinlangan o nahihiyang subukan ang paglabas nang mag-isa ay lakasan ang loob na magsimula. Sa huli, tayo rin ang kasama natin sa bawat hakbang, kaya dapat matutuhan nating mahalin ang ating sarili),” ani Mangabang.
Kakaiba man sa unang tingin ang mesang may isang tao lamang, sa likod nito ay isang simpleng pagbabagong hindi agad napapansin — ang unti-unting pagkatutong makasama ang sarili nang walang kailangang patunayan o ipaliwanag sa iba.
Sa bawat lakad na pinipiling gawin nang mag-isa, hindi lamang nababawasan ang hiya at pangamba; nabibigyan din ng puwang ang sariling kagustuhan, kapanatagan, at kasiyahan. Kung gayon, higit pa sa pag-iisa ang solo dates. Isa itong pagkilala na may mga sandaling hindi kailangang ipasa sa iba upang maging atin.
Sa huli, hindi naman nangangahulugang hindi na natin kailangan ng ibang tao. Nananatiling mahalaga ang pamilya, kaibigan, at mga ugnayang nagbibigay ng saya at suporta. Ngunit mahalaga rin ang mga sandaling hindi kailangang punan ng presensiya ng iba. Sapagkat ang pag-iisa ay hindi laging tahimik na paghihintay; minsan, isa itong desisyong atin mismong pinipili. At sa mesang minsang pinaniniwalaang para sa dalawang upuan, maaaring sapat na ang isa — hindi dahil may kulang, kundi dahil ang taong nakaupo roon ay kumpleto at sapat nang kasama ang sarili niya.
(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez; Latag ni Kysha Alexis Constantino/FEU Advocate)