Walang kalayaan hanggang sa huling hantungan

FEU Advocate
January 24, 2025 17:42


Ni Hanz Joseph B. Ibabao

Sa ating lipunan, hindi lamang mga tao ang dapat mamuhay nang hindi dinidiktahan, karapat-dapat din itong makamit ng mga hayop sa mundong kanilang ginagalawan. 

Mahalagang maunawaan na maituturing lamang na malaya ang isang nilalang kung umiiral itong may kalayaang makibahagi sa iba, makapaglakbay, at mamuhay nang matiwasay. Ngunit, taliwas ito sa naging buhay ng elepanteng si Mali; mula sa pagiging isang regalo, at isang elemento ng aliwan—hindi niya naranasan ang tunay na kalayaan kahit hanggang kamatayan.

Isang regalo at tahimik na preso

Hindi makatwiran na ituring ang isang may buhay, tulad ng isang hayop, bilang isang regalo na kahit kailan ay puwedeng ipamigay. Hindi rin katanggap-tanggap na sila ay ikulong, pagkakitaan, at pagkaitan ng normal na pamumuhay. Malinaw na isa itong pang-aalipin ng mga makapangyarihan at mas may kakayahan sa lipunan. 

Taong 1977, iniregalo ng gobyerno ng Sri Lanka kay dating Unang Ginang Imelda Marcos ang isang elepante bilang tanda ng pagkakaibigan ng nasabing bansa at Pilipinas.

Ang babaeng elepante mula sa Timog Asya na si Vishwa Ma’ali, o mas kilala sa pangalang ‘Mali,’ ay dinala sa Manila Zoo taong 1981. Mula sa taong iyon, doon na nanirahan si Mali at naging isa sa mga kinagigiliwang atraksiyon ng nasabing lugar. 

Ngunit makalipas ang ilang taon, kinondena ng ilang mga animal welfare group, tulad ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia, mga artista, at iba pang mga personalidad ang pamumuhay mag-isa at pisikal na kondisyon ni Mali sa loob ng Manila Zoo.

Ayon sa isang eksperto na si Henry Richardson noong 2012, lubusang nakaramdam ng lungkot ang elepanteng si Mali nang manirahan ito sa Manila Zoo ng ilang taon. Ipinaliwanag niya na maliit ang ginagalawan ni Mali at hindi nagagawa ang mga karaniwang gawain ng isang elepante. 

Inihayag din niya ang alalahanin sa pag-iisa ni Mali sa loob ng zoo. Paglilinaw niya, sa natural na tirahan, hindi lumilisan sa hanay ang isang babaeng elepante at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa kapuwa nito. 

Kaya naman idiniin ng eksperto na talagang napabayaan ang sosyal at sikolohikal na pangangailangan ng Mali. 

Sa panayam ng FEU Advocate sa Animal Rights March - Philippines (ARM-PH), inihayag nila ang kanilang kalungkutan sa naranasan ni Mali kung saan pinagkaitan siyang makuha ang mga natural na pangangailangan. 

“Ang mga elepante sa wild ay kasama ang kanilang pamilya, ngunit si Mali ay buong buhay na hindi nakakita ng iba pang elepante,” turan ng grupo. 

Ipinaliwanag nila na ang mga elepante sa wild ay naglalakad nang malayo bawat araw—salungat sa kondisyon ni Mali na nakakulong lamang sa maliit na concrete pen na walang mga puno o damo, na naging sanhi ng kaniyang mga problema sa paa.

Hindi rin nalalayo ang pananaw ni Castle Reynera, isang animal rights activist, ukol sa nasabing isyu. Para sa kaniya, ang kondisyon ni Mali ay isang tahasang paglabag sa kaniyang karapatan bilang isang buhay na nilalang.

“Ang kawalan ng malasakit sa kaniyang kalusugan, parehong pisikal at mental, ay patunay na ang mga zoo ay hindi lugar para sa wildlife. Ang kawalan ng sapat na atensiyon at resources para sa kaniyang kapakanan ay sumasalamin din sa mas malaking problema ng kawalan ng mekanismo para sa pananagutan ng mga zoo at ng gobyerno na nagpapatakbo nito,” sambit niya. 

Taong 2023 nang tuluyang pumanaw si Mali dahil sa sakit sa puso matapos ang ilang taong pagtitiis sa loob ng zoo, natuklasan din ng mga beterinaryo na mayroong kanser ang elepanteng mula sa Sri Lanka.

Sa mga sitwasyong ito, malinaw na hindi naging sapat ang pangangalaga na nataggap ni Mali, hindi rin naibigay ang pangunahing pangangailangan nito—makapaglakbay,magakaroon ng pamilya, o kaya ay magkaroon ng kaibigan na makauunawa sa kaniya— ang mayroon lang siya ay ang kanyang sarili.

Namuhay si Mali ng halos 50 na taon. Kung tutuusin, ang mga elepante tulad niya ay inaasahang mamuhay ng 70 na taon kung naninirahan sa natural nitong tirahan at 80 na taon naman kung ito ay nakakulong sa ilalim ng pangangalaga ng mga tao. 

Sa madaling salita, ipinapahiwatig ng mga numerong ito ang tunay na kondisyon at hindi maayos na kalagayan ng nasabing elepante. 

Kailanman ay hindi ito isang makatwirang sitwasyon. Hindi niya pipiliing mapag-isa kung hindi ito ang ipinaranas sa kaniya. 

Kaya naman napakahalaga na kilalanin ng madla hindi lamang ang kanilang mga karapatan, kung hindi pati ang karapatan at buhay ng ibang mga nilalang na nilikha upang hindi na maulit muli at mawaksi ang ganitong tanikala. 

Respeto sa yumao

Lahat ng nilalang, tao man o hayop, ay nararapat na magkaroon ng maayos na himlayan, kalayaan, at katahimikan. Walang mas mataas na likha sa huling hantungan, sapagkat pare-pareho lang tayong may buhay at karapatan. 

Makalipas ang isang taon ng kaniyang pagkamatay, muling naibalik ang labi ni Mali sa Manila Zoo sa pamamagitan ng taxidermy—isang pamamaraan upang panatilihin ang katawan o balat ng isang yumaong hayop. Ngayon, ang elepanteng kinagigiliwan ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan, ay nagbalik bilang isang atraksiyon para sa madla. 

Malinaw na hanggang sa huling hantungan ay hindi napagbigyang maging malaya si Mali. Namuhay lang siya ayon sa kung ano ang idinidikta ng mga taong umaaligid sa kaniya at kumilos sa espasyong araw-araw siya ay pamilyar. 

Kaya naman iba’t ibang mga pananaw ang mapakikinggan, marami rin ang umalma at nadismayang mga netizen sa social media dahil sa desisyong ito. 

Panawagan nila, sana ay hinayaan na lamang ng mga nasa gobyerno na magpahinga si Mali sa pamamagitan ng paglibing ng mga labi nito.

Sa panayam ng FEU Advocate kay John Louie Hernandez, isang Biology student mula sa Far Eastern University (FEU), bahagyang nasaktan siya sa naging desisyon para sa mga labi ni Mali. Ngunit bilang Biology student, ipinaliwanag niya na ang proseso ng taxidermy ay isang normal na paraan upang panatilihin ang labi ng isang hayop. 

“Sa tingin ko, dahil si Mali nga ang unang elepante na nabigay sa Pilipinas, naging rason na ito upang i-taxidermy siya upang mapanatili ang alaala ng nag-iisang elepante sa ating bansa,” turan niya. 

Dagdag niya, legal ang taxidermy sa Pilipinas, subalit, ipinaalala niya na mahalagang tingnan ang etiko o moralidad bago gawin ang ganitong klaseng desisyon. 

“Halimbawa, kung napahirapan na ng sobra ang isang hayop, bakit mo pa ito ipre-preserve sa pamamagitan ng taxidermy? Parang nakakawalang-galang naman ito,” sambit ng mag-aaral.

Paglilinaw ng estudyante, kung ang desisyong ito ay nagpapakita ng isang simbolo, tulad ng ‘kauna-unahang elepante sa Pilipinas’, dito na magkakaroon ng mas malalim na diskusyon sa moralidad sa pagitan ng publiko at mga taong nais pahalagahan ang simbolong ito. 

Para naman kay Kris Gestiada, isa ring Biology student mula sa FEU, naiintindihan niya ang kahalagahan ng taxidermy at nauunawaan niya na maraming mga bata noon ang naging bahagi si Mali sa kanilang alaala. Ngunit, naiintindihan din niya ang kalungkutan na naranasan ng elepante, kaya para sa kaniya ay mas mainam na dapat hindi na itinuloy ang prosesong papanatili sa kaniya.

“I know na to preserve ‘yung taxidermy and para makita o ma-feel mo pa rin na nandiyan kahit wala na [siya]. Pero for me mas okay na pagpahingahin na lang si Mali completely. At least [during] her death, magkaro’n man lang siya [ng] peace,” paliwanag niya. 

Hindi rin naiiba ang pananaw ng Humane Education Committee Head ng Youth For Animals - Polytechnic University of the Philippines na si Chloe Cunanan. Para sa kaniya, ang bansag kay Mali bilang ‘The Saddest Elephant’ dahil sa pagiging mag-isa nito sa Manila Zoo ay may mas ikalulungkot pa. 

Inihayag niya na hindi pa naging sapat para sa alkalde ng Maynila ang mahigit apat na dekadang pamumuhay mag-isa ni Mali sa Manila Zoo dahil sa naging desisyon nitong gawing atraksiyon sa loob ng zoo ang walang buhay na katawan ni Mali.

“Hindi ito tribute, ito ay huling insulto sa mahirap na buhay na pamumuhay mag-isa sa pagkabihag o captivity ni Mali,” turan niya. 

Para naman kay Reynera, ito ay maliwanag na paglabag sa prinsipyo ng karapatan ng mga hayop at kawalan ng paggalang para sa kanilang dignidad. 

Ayon sa aktibista, sa halip na mas magbigay-pansin sa mga aral sa kaniyang kahabag-habag na sitwasyon at magbigay-inspirasyon para sa isang pagbabago, ang taxidermy ay nagiging paalala ng pananamantala at pagkakakulong ni Mali. 

Dagdag niya, nararapat na ang buhay at ang pagpanaw ng nasabing elepante ay maging hudyat ng mas seryosong diskurso ukol sa paggamit ng mga hayop bilang uri ng aliwan. 

“Hindi ito nagbibigay-pugay sa kaniyang buhay; sa halip, ito ay nagpapakita ng patuloy na pananaw na ang mga hayop ay ari-arian na maaaring manipulahin, gamitin, at gawing ‘eksibit’ para sa tao,” paliwanag ni Castle.

Sa mga pahayag na ito, mauunawaan ang mabuting hangarin ng taxidermy—isang pamamaraan ng pagpapahalaga, pag-alala, at pagbibigay ng kaalaman sa iba. Ngunit, higit pang mas mahalagang tingnan ang pinagdaanan at kakulangan na naranasan ng isang hayop bago humantong sa ganoong klaseng desisyon. 

Kalayaan at tunay na tahanan, hindi kulungan

Wala nang mas sasakit pa sa mga nilalang na ikinulong at pinagkaitan ng kalayaan kahit na walang kasalanan—hindi naman sila mga kriminal o pugante, pero itinuturing silang bilanggo. Ito ang mapait na katotohanan na nararanasan ng mga hayop sa loob ng mga zoo.

Sa madaling salita, ang karanasan ni Mali ay karanasan din ng libo-libong mga hayop na hanggang ngayon ay nagsisilbing preso sa kani-kanilang mga kulungan. Kulungang pamilyar na sila, at kahit inip na inip na ay bawal silang lumabas sapagkat iyon ang dikta sa kanila. 

Mula sa pagmulat ng kanilang mga mata, hanggang sa kanilang pagpanaw, doon na umiikot ang kanilang mundo. Sa kaso ni Mali, hindi siya nakalaya, at hanggang kamatayan ay nandoon pa rin siya at nagtatanghal para sa madla. 

Ayon sa ARM-PH, naniniwala sila na ang mga zoo ay isang kulungan para sa mga inosenteng hayop na wala namang ginawang paglabag sa batas o krimen. 

“Ang Animal Rights March Philippines ay naniniwala sa animal liberation. Nananawagan kami para sa abolisyon ng mga zoo. Hindi maaalagaan ng mga zoo nang mabuti ang mga hayop dahil ang priority nila ay profit, ang kanilang sariling interes, at hindi ang well-being ng mga hayop, tulad ng nangyari kay Mali,” panawagan ng organisasyon. 

Para naman kay Cunanan, mas mabuti pang gawing sanctuary ang mga zoo sa Pilipinas.

“Hindi mapapabuti ang mga hayop sa isang zoo kahit na kumpleto ang mga ito sa staff at kagamitan kung hindi naman nila pinahahalagahan ang animal welfare at rights,” saad ng lider-estudyante. 

Ayon pa sa kaniya, maaari pa ring makatulong sa kaalaman ng mga tao ang mga zoo kahit na gawin itong sanctuaries dahil bukod sa pagiging pasyalan, ito ay magbibigay ng edukasyon hindi lang tungkol sa iba’t ibang uri ng hayop, kung hindi pati na rin sa tamang pag-aalaga sa mga ito. 

Sa mundong ito, maaaring sabihin na napakapalad ng mga tao, sapagkat biniyayaan sila ng mga likhang tutulong upang ihulma ang isang lipunan. Naging kasangga sila ng ating mga ninuno hanggang sa makarating tayo sa isang progresibong sambayanan. 

Ngunit, sa kabila ng progresibong mga hakbang sa teknolohiya at ating ekonomiya, tila nakalilimutan na nating bigyan ang mga hayop tulad ni Mali ng isang tunay at etikal na pagpapahalaga. Dapat maging malinaw sa ating mga kaisipan na kailanman ay hindi makatwiran na ituring silang mga alipin para sa ating libangan at mga bagay na mapagkakakitaan. 

Katulad ng tao, may buhay sila, may kakayahang maglakbay, at may pamilya. Kaya huwag sana nating ipagkait ang kalayaan na dapat mayroon sila, mula sa kanilang unang paghinga hanggang sa huling hantungan. 

(Dibuho ni Chynna Mae Santos//FEU Advocate)