Nakahanda na ang Piging: Paglasap sa Tamis at Pait ng Pagdiriwang ng 'Marcos Day'

FEU Advocate
September 23, 2020 15:01


Nina Grace Roscia O. Estuesta at Luddie Trixie C. Salcedo

Nakalulugod sa pakiramdam ang maimbitahan sa isang pagdiriwang, lalo na kung para ito sa may kaarawan. Hindi mawawala sa selebrasyon ang mga tawanan, kuwentuhan, at masasayang pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

Ngunit papaano na lamang kung ang simpleng okasyon na ito ang siya pang magpapa-alala ng mga kuwentong kahila-hilakbot at isang bangungot na insensitibong ungkatin. 

Paghahanda sa imbitasyon

Maalalang noong 2016, naganap ang paglipat ng mga labi ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani matapos manaig ang boto ng mayorya sa Korte Suprema na pumapabor sa hakbanging ito. 

Naisagawa ang paglipat ng mga labi sa kabila ng mga panunuligsa at pagtutol ng iba’t ibang grupo tulad ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) at Komisyon ng mga Karapatang Pantao. Ayon pa sa artikulong isinulat ng CNN Philippines, nagsagawa rin ng inisiyatibo noong ika-26 ng Hunyo 2016 na binansagang Bawat Bato na binubuo ng mga asosyasyon ng Bantayog, UP Samasa Alumni, Claimants 1081, Akbayan Youth, Nameless Martyrs and Heroes at Martial Law Chronicles Project Team

Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, ibinasura pa rin ng Korte Suprema ang pitong petisyong inihain ng mga biktima ng Martial Law. Matatandaang bago pa man mangyari ang mga ito ay nauna nang nagkausap ang kasalukuyang pinuno ng bansa at si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ukol dito. Aniya, panahon na rin upang pagpahingahin ang isyung itong mahigit 30 taon nang pinagdedebatehan, at sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte lamang napagbigyan.

Nang sumunod na taon, nagpahayag din si Duterte ng kanyang kagustuhan na italaga ang petsa ng kaarawan ni Marcos bilang isang non-working holiday, at noon ngang ika-11 ng Setyembre ng nasabing taon, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng kaarawan ni Marcos, naipatupad ang Proclamation No. 310. Ayon sa kanya ay wala namang masama rito sapagkat para sa mga taga-Ilokos, maituturing na bayani si Marcos.

Pagluluto sa panukalang batas

Ika-2 ng Setyembre ng kasalukuyang taon nang pumabor ang mayorya ng mga kongresista ng Kasapi ng Kapulungan ng Kinatawan sa panukalang batas bilang 7137 o mas kilala sa tawag na Marcos Holiday Bill, sa boto na 197-9 na may isang abstain.

Layunin ng batas na italaga ang petsang ika-11 ng Setyembre bilang holiday upang maipagdiwang ng probinsya ng Ilokos Norte ang kapanganakan ni dating Pangulong Marcos.

Isinulat nina Kinatawan ng Unang Distrito ng Ilokos Norte Ria Fariñas, Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Ilokos Norte Angelo Marcos Barba, anak ng bunsong kapatid ni Marcos, at ng kinatawan ng partidong ‘Probinsyano Ako’ na si Caesar Fariñas ang panukalang ito. 

Ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si  Harry Roque, nirerespeto ni Pangulong Duterte ang desisyon ng Kongreso ukol dito. Bagaman wala pang tiyak na detalye sa susunod na pagdinig ng panukala sa Senado at sakaling makalusot ito at malagdaan ng pangulo, taon-taon nang ipagdiriwang na non-working holiday ang kapanganakan ng dating Pangulong Marcos alinsunod sa panukala.

Pagtikim sa inihaing putahe

Matapos ihain sa publiko ang panukalang batas, magkakasalungat ang mga naging diskurso sa pagpapatupad nito. Kasabay ng mismong araw ng kapanganakan ni Marcos ang siya ring pagsikat ng katagang “#ArawNgMagnanakaw” sa Twitter. Ngunit, kahit pa may mga hindi pumapabor sa panukalang ito, mayroon pa ring mga taong naniniwalang nararapat lamang itong maipatupad. 

Isa na rito si Milagros Alciso na kasalukuyang naninirahan sa Ilokos Norte, wala itong nakikitang problema sa pagpapatupad nito sa kanilang lugar, dahil itinuturing din nila itong “paggunita ng pasasalamat” sa dating Pangulo. Ayon pa sa kaniya, itinuturing nilang bayani si Marcos sa Ilokos Norte sa kadahilanang marami itong nagawang kabutihan para sa kanilang lungsod at sa bansa.

Nang tanungin para sa karagdagang pananaw nito sa mga nagawa ni Marcos, karapat-dapat lamang daw ang pagpapatupad ni Marcos ng Batas Militar upang ma-disiplina ang mga Pilipino, pati na rin ang paglibing dito sa Libingan ng mga Bayani. 

Sa kabilang panig, hindi naman sumasang-ayon si Angelica Orlina, isang mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) Los Baños sa kursong Bachelor of Science in Statistics sa panukalang ito.

Ayon sa kaniya, isa itong “kalokohan” dahil tayo umano ay nagdiriwang ng People Power Revolution kung saan minamarka nito sa kasaysayan ang pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos, na taliwas sa selebrasyon kung magkakaroon ng holiday bilang pagdiriwang sa pagkabuhay nito. 

Messed up even. Andyan ‘yung unjust killing, and pagdukot sa mga against sa government, ‘yung pag-shut down ng media, ‘yung utang ng Pilipinas na super lumobo, bagsak na ekonomiya and the abuse of power ng militar,” dagdag nitong pahayag.

Inilarawan din ni Orlina si Marcos bilang diktador, gahaman sa kapangyarihan at mapanamantala sa pang-aabusong dinanas ng bansa sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.

Ang pait na sinapit sa rehimeng Marcos

Bagaman isang paggunitang pasasalamat ang panukalang ito sa iilan, isa itong pag-aalala sa madilim na karanasan sa ilalim ng diktaduryang Marcos para sa mga biktima. Maaalalang noong Setyembre 21, 1972, 48 na taon nang nakalipas, ay nilagdaan ni Marcos ang pagsasailalim ng bansa sa Batas Militar sa ilalim ng Proclamation No. 1081, na kung saan nagdulot ito ng pambubusal sa demokrasiya. Isa sa mga ibinigay na dahilan sa pagpapatupad nito ang pagkontrol sa mga pananakot umano ng mga komunista sa ilalim ng bagong Communist Party of the Philippines (CPP).

Ayon sa isa sa mga polisiya at patnubay ng Department of Public Information, na naitala sa naipreserbang dokumento ng The New York Times noong ika-29 ng Setyembre 1972, anumang uri ng midya—diyaryo, radyo at telebisyon, ay kinakailangang mag-ulat ng positibong pananaw lamang sa mga ginagawa ng gobyerno.

Gayunpaman, noong ika-28 ng Setyembre sa kaparehas na taon ay nag-isyu ang Letter of Instruction No. 1 si Marcos, na kung saan binigyang kapangyarihan niya ang militar upang sakupin o kontrolin ang mga media outlets tulad ng ABS-CBN at Channel 5.

Batay sa tala ng Philstar noong 2015 ay mayroong 292 na istasyon ng radyo ang ipinasara, kasama ang 66 na diyaryo at pitong istasyon ng telebisyon. Dagdag pa nito ay may tatlong media outlets na hindi saklaw ng pagsasara, at ang nagsisipag-ikot sa telebisyon ng mga tao—ang diyaryong Daily Express, istasyong pantelebisyong TV Channel 9, at istasyon ng radyong Kanlaon Broadcasting System.  

Hindi lamang pambubusal, kundi pati na rin intensyunal na pagkitil sa karapatan at buhay ang naranasan sa ilalim ng kaniyang rehimen kaakibat ng kapangyarihan nitong taglay sa pamumuno. Ayon sa Amnesty International, humigit-kumulang 70,000 ang mga nakulong, 34,000 ang pinahirapan at humigit-kumulang 3,200 ang mga nasawi, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamtan ang hustisya. 

Sa halos 14 na taong pagsasailalim sa Batas Militar ng bansa, napatalsik ang diktaduryang Marcos noong Pebrero 1986 sa pamamagitan ng kaisang pagtayo ng mga Pilipino sa demokrasiya laban sa rehimen. Ito ay kinilala rin sa ibang panig ng mundo bilang People Power Revolution, na nagpapuno sa 54 kilometrong lansanga ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) para sa kolektibong layunin—ang makaalpas sa bangungot.

48 na taon nang nakalilipas matapos makalaya ang bansa sa tiranya ng rehimeng Marcos, ngunit hanggang ngayo’y hindi pa rin nakakamtan ng pamilya ng mga biktima ang hustisya sa pamamaslang at pang-aabusong kanilang dinanas. Hindi pa tuluyang naghihilom ang hinagpis ng mga Pilipino mula sa panahong ito ngunit may iilan pa ring naniniwala sa positibong bahagi ng buhay at iniluluklok pa rin ang pamilyang Marcos sa mundo ng pulitika.

Ayon sa Rappler, 9.83% ang bahagdan ang naaning boto ni Senador Maria Imelda Josefa “Imee” Marcos sa mga probinsiya sa hilaga at matatandaang muntik na ring mailuklok sa pagka-bise presidente si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. Isa lamang ang mga posisyon na ito sa patunay na marami pa rin ang bulag sa mga ideolohiyang nais nais nilang paniwalaan—na isang kabayanihan ang kaalipustahang sinapit ng bansa sa panahon ng Martial Law.

Isang patunay ang Marcos Holiday Bill na hindi lahat ng pagdiriwang ay umaayon sa kasiyahan lamang, maaaring isa itong insensitibong alaala na muling magbubukas ng sugat para sa mga naging biktima ng pambubusal, pagkitil, at pang-aalipusta sa karapatang pantao.

Maaaring ang inihaing putaheng ito ang tuluyang maglalason sa mga saradong isipan at patuloy lamang nilang ngunguyain ang mga kasinungalingang nais nilang paniwalaan. Kung maaatim ng iilan na lunukin ang putaheng ito, marami pa rin ang bokal sa pagdura rito dahil hindi manhid ang kaluluwa na hindi nakalilimot sa mga naging biktima ng Martial Law.

Ikaw, dadalo ka ba sa pagdiriwang na ito?

(Ilustrasyon ni Shiena Sachez)