Bugaoan sees FEU crowd as morale booster in win against AdMU
- March 17, 2024 04:58
FEU Advocate
June 03, 2024 15:58
Ni Johna Faith Opinion
Mula sa mga graffiti sa underpass, mga poster sa mga waiting shed, maging ang mga mural sa pagitan ng mga eskinita; nagiging salamin ng lipunan ang sining na nakaguhit sa bawat sulok ng ating mundong ginagalawan.
Kaakibat ng mga hugis, kulay, at simbolong nakikita sa mga espasyong ito, ay ang sigaw ng mga artista at manlilikha tungo sa kalayaan mula sa pang-aabuso at pagpapahirap na dala ng iba’t ibang isyung panlipunang kinakaharap ng bansa.
Sa daigdig ng kapitalismo at komersyalisasyon
Inanunsyo ng Bonifacio Global City (BGC) noong ika-23 ng Abril ang pagbubukas ng ‘Banksy Universe’ sa Metropolitan Museum of Manila (The M). Ang art exhibit na ito ay naglalayong dalhin at ipakita sa madla ang iba’t ibang gawa ng sikat na international graffiti artist na si Banksy.
Umani ng samot-saring reaksyon mula sa netizens ang pagbubukas ng nasabing eksibit. May ibang natuwa sa pagdating ng mga proyekto ni Banksy sa Pilipinas. Habang ang ilan ay pinuna ang tila salungatan ng eksibit sapagkat ang ideolohiyang ipinaglalaban ni Banksy ay kontra sa pagkakatatag ng proyekto.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Jose Tanierla, kasapi ng Education and Research Committee ng Tambisan sa Sining, idiniin nito ang nakikita niyang kabalintunaan o irony sa paglalagay ng mga gawa ni Banksy sa mga espasyo ng BGC at The M.
“Inisip ko agad, bakit may ano, may distinction or parang may seeming na parang antagonism ‘yung paglagay sa mga trabaho ni Banksy sa espasyo ng Met [The M],” ani Tanierla.
Naniniwala rin si Tanierla na nagiging mekanismo na lamang ng mga kapitalistang institusyon ang mga ganitong uri ng sining na may retorikang kumakalaban sa kapitalismo ngunit walang anumang uri ng kolektibo at organisadong pagkilos.
Dagdag pa rito, lalong umani ng batikos ang pagbubukas ng nasabing eksibit nang malaman na ang pagtatampok ng mga gawa ni Banksy ay hindi awtorisado o akreditado ni Banksy o ng Pest Control, ang organisasyon na namamahala kay Banksy.
Sa kabila ng iba’t ibang reaksyon at opinyon mula sa mga netizen, nagpatuloy ang pagbubukas ng eksibit sa publiko noong ika-14 ng Mayo at mananatiling bukas hanggang sa ika-20 ng Nobyembre ngayong taon.
Sining ng pagpapalaya
Malaki ang gampanin ng sining sa pagtataguyod ng iba’t ibang adbokasiya at diskurso sa mga isyung panlipunang kinahaharap ng bansa.
Sa pananaw ni Tanierla, may kakayahan ang sining na mabigyan ng mukha at ipaunawa ang gampanin ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo sa umiigting na paghihirap ng iba’t ibang marhinalisadong sektor sa Pilipinas.
“Higit din dito, ipinapakita mo rin ‘yung… organisadong paglaban na ginagawa ng mga manggagawa, ng mga magsasaka, at ng lahat ng uring inaapi,” dagdag pa nito.
Para naman kay James Owen Saguinsin, isang propesor ng kursong Art Appreciation sa Far Eastern University, mahalaga at makapangyarihan ang sining sa konteksto ng pagtataguyod ng pagbabago at progreso.
“Makapangyarihan ang sining. ‘Yung mga bagay na komplikado, nagiging madaling maunawaan ng tumitingin… Kung mahusay kang artist, kaya mong gumawa ng isang sining na naka-encapsulate na, nakalagay na do’n lahat ng diwa na nais mong sabihin, ipakita, at sa unang tingin lang ay epektibo na kaagad,” paliwanag pa niya.
Kung titingnan, nagiging daluyan ng panawagan ng mga artistang aktibista ang kanilang mga likhang sining tungo sa pagbabago at paglaban sa pananamantala at paniniil na nararanasan ng mga nasa laylayan.
Kaya naman nang lumabas ang isyu kaugnay ng pagbubukas ng Banksy Universe Art Exhibit sa bansa, nagbukas din ang usapin ukol sa iba’t ibang isyu ng red-tagging at diskriminasyon na nararanasan ng mga artista mula sa loob at labas ng mga espasyo sa BGC.
Kaugnay nito ang isang Instagram post ng Panday Sining Makati kung saan binibigyang pansin ang mga Pilipinong “Banksy” o mga Pilipinong aktibistang manlilikha na nakararanas ng pagkakakulong dala ng kanilang mga likhang sining na politikal.
Dagdag pa rito, ilang kaso na rin ang naiulat kaugnay ng patuloy na red-tagging sa mga artista at manlilikha sa Pilipinas; ilan sa mga ito ay nauuwi sa pagkakakulong o minsan ay pagkasawi.
Isa sa mga halimbawa ay ang pagpaslang sa guro at kartunistang si Benharl Capote Kahil noong Nobyembre 2022. Kilala si Kahil sa kanyang mga likhang sining na tumatalakay at lumalaban sa disimpormasyon at iba pang isyung panlipunan.
Biktima rin ng red-tagging noong 2022 ang ilang manunulat at miyembro ng Komisyon ng Wikang Filipino dahil umano sa kanilang mga subersibong libro na naglalaman ng mga temang kinakalaban ang gobyerno.
Ilan lamang ang mga kasong ito sa patuloy na paniniil at diskriminasyong nararanasan ng mga artista’t manlilikhang naglalayong gamitin ang kanilang sining tungo sa pagbabago at paglaban sa mga sakit ng lipunan.
Buhat nito, nakababahala ang naging hakbang ng pamunuan ng BGC at The M sapagkat nakapagbibigay sila ng plataporma para sa mga international graffiti artist tulad ni Banksy. Samantala, pilit nilang pinagkakaitan ng espasyo ang mga lokal na manlilikha.
Sa hugis at kulay ng pakikibaka
Mula rito, napatutunayan na ginagamit lamang ng mga institusyon ang mga likha ni Banksy upang paigtingin ang kanilang kapitalistang pamamaraan. Nananatili lamang silang mga hugis at kulay sa mga pader ng walang kaakibat na kolektibong pagkilos.
Kung kaya’t panawagan ni Saguinsin sa mga artista at manlilikha ng bayan, “Gamitin ang talento, ang sining, sa ikauunlad, hindi lang ng bayan, [kung hindi maging] sa ikauunlad ng isip no’ng tumitingin.”
Hinihikayat din ng propesor ang mga manlilikha na hamunin ang masa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sining na may kakayahang baguhin ang kani-kanilang pananaw sa mundo.
Para naman kay Tanierla, bahagi ng proseso tungo sa kolektibong paglaban ay ang pagkamulat ng masa at pagpapakilos ng mga sining na inihahantad sa kanila.
“... Para magapi natin itong… Pinakamalalaking nagpapahirap sa Pilipinas [imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo], wala tayong ibang pupuntahan kung hindi ang magsama-sama at itaguyod ang pambansa at demokratikong pakikibaka,” paliwanag niya.
Tulad ng sinabi ni Saguinsin at Tanierla, makapangyarihan ang sining. May kakayahan itong magbukas ng isip, magpaunawa, at higit sa lahat, magpalaya.
Kung kaya’t patuloy ang pagsisikap ng mga mapang-abuso at kapitalistang institusyon upang pandayin ang mga rehas na siyang hahadlang sa mga pagbabagong kayang itaguyod ng sining.
Sa patuloy na paniniil na nararanasan ng mga manlilikha ng bayan, umiigting ang panawagan para sa mga sining na makapagbibigay-mukha sa pakikipaglabang itinataguyod ng mga inaapi. Nawa’y sakupin ng sining ang mga espasyong nagsisilbing rehas na nagkukulong sa malayang pag-iisip at pakikibaka ng lipunan. Upang sa huli, makamit natin ang demokrasyang tunay na mapagpalaya, lalo na para sa ating mga manlilikha.
(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez/FEU Advocate)