Saavedra’s 24-point game drives first FEU championship with Coach Orcullo
- October 04, 2024 20:40
FEU Advocate
November 08, 2022 00:32
Mulat man sa reyalidad, suntok pa rin sa buwang makamtan ang daing ng tunay na kalayaan. Tila may bulalakaw na patuloy na humahadlang sa tuwing ang boses ay napakikinggan at may umaaligid na agam-agam at sindak na nagwawaring kikitil sa sinumang boboses ng katotohanan. Pawang hantungan nito ay balat-kayong kalinaw na masang lubog sa kasinungalingan.
Ang patuloy na paglaban para sa kasarinlan ng pahayagan ay siya ring mismong dahilan ng patuloy na pagdakip sa katotohanan. Mula sa kasaysayang pinagdaanan ng midya, iisang layunin ang isinusulong ng mga peryodista; gamitin ang kalayaan upang magpabatid ng katotohanan.
Karterong dala ang kamalayan
Kung magbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang palimbagan na ang naging sentro ng usaping politika mula pa noong ika-19 na siglo. Isa sa mga nagsilbing mukha ng rebolusyon noong sinakop ang bansa ng mga Espanyol ay ang “La Solidaridad” na inilathala sa Espanya at unang lumitaw noong 1889.
Matapos ang pananakop ng Espanyol, matagumpay na nailabas ang mga tanyag na pahayagan tulad ng “Kalayaan”, “La Independencia”, “La Libertad”, at “El Heraldo de Iloilo” noong 1898.
Tunay na makapangyarihan ang pluma at tinta sapagkat sa pamamagitan nito ay naililimbag ang mga repormang pangsosyal o pampolitika na nagiging daan upang kilatisin at ibaling sa tamang kilos ang lipunan.
Sa pagdating ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinasara ang bawat publikasyon maliban sa mga ginagamit ng mga Hapon tulad ng “Taliba” at “La Vanguardia”. Gayunpaman, hindi ito naging banta upang maglathala ang mga Pilipino gamit ang alternatibong midya.
Sa hangaring maipadala sa kanilang mga kababayan ang katotohanan, humantong sa puntong naglimbag ang mga tagapag-ulat ng underground newspaper. Ito ay paraan upang maitaguyod ang mga balitang magsisilbing lente na taliwasin ang maling impormasyon mula sa mga Hapon.
Noong 1964, naging progresibo at matagumpay din ang estado ng pamamahayag sa bansa matapos maitatag ang Philippine Press Institute o kilala rin bilang National Association of Newspapers.
Matapos ang panahon ng kolonyalismo sa bansa, tinaguriang pinakamalaya ang pamamahayag mula 1945 hanggang 1972. Sa nasabing mga taon, mayroong ligtas na lipunan na kayang pumuna sa kamalian at pang-aabusong natatamasa mula sa gobyerno alinsabay ang kritisismo sa mga kontemporaryong isyu sa lipunan. Sa kalayaang natamo ng larangan ng pamamahayag, lingid sa kaalaman ng mga mamamahayag ang mga susunod na isyung kahaharapin ng pamamahayag sa bansa.
Pag-usbong ng dagok sa malayang pamamahayag
Sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1081, idineklara ang Batas Militar noong Setyembre 23, 1972. Ang unang utos mula kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. may kapangyarihan ang pagkontrol at pagpapatigil ng mga limbagan at iba pang midya.
Kung sisiyasating mabuti ang kasaysayan, mahihinuhang naging isang malaking salik ang mga hakbanging naganap noong rehimeng Marcos Sr. upang tumaas ang bilang ng mga naipasarang istasyon at iba’t ibang haligi ng midya.
Sa loob lamang ng 24 oras ng pagdeklara ng Batas Militar, mayroong pitong istasyon ng telebisyon, 16 pambansang pang-araw-araw na dyaryo, 11 lingguhang magasin at 292 istasyon ng radyo ang naipasara. Tanging Daily Press at Manila Bulletin lamang ang mga pahayagang pinahintulutang magbukas upang talakayin ang mga nangyayari sa bansa.
Kalakip nito, nakulong naman ang libo-libong indibidwal — mga tanyag na personalidad, mag-aaral, lider-manggagawa at mga mamamahayag gaya nina Teodoro Locsin Sr., Ernesto Granada, at Amando Doronilla.
Tulad ng inaasahan, tanging mga pabor na artikulo at istorya lamang ang nilalaman ng mga bukas na pahayagan sapagkat kaakibat ng pagsalungat ng mga manunulat ay ang pangambang dulot nito sa kani-kanilang mga buhay.
Saksi si Sol Juvida, isang peryodista noong panahon ng Martial Law, sa mga panggigipit na ginagawa ng pamahalaan sa pahayagang ang tanging layunin ay magtaguyod ng mapagkakatiwalaang impormasyon ng mamamayang Pilipino.
Setyembre ng taong 1972, libu-libong mamamahayag naman ang ipinahuli ni Marcos Sr. Napabilang dito ang dating ulong-patnugot ng pahayagang Ang Malaya ng Politeknikong Pamantasan ng Pilipinas na si Dr. Nemensio Prudente. Bunsod ng pangyayaring ito, ang iba pang mga kasapi ng patnugutan ay nagtago upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan.
Ani Juvida, tunay na tuso si dating Pangulong Marcos Sr. sapagkat kabisado niya ang pasikot-sikot ng pangangalap at pagpapakalat sa masa ng mga impormasyong hindi tataliwas sa paniniwala ng pamahalaan.
Sa napakahigpit na hawak sa mga pahayagan, hinding-hindi nagawang magpadaig ng nag-aalab na damdamin ng mga manunulat noon na isiwalat ang mga kaganapang nagiging balakid sa pagtamasa ng demokrasya. Maraming mga mamamahayag mula sa patnugutan ng Ang Malaya ang nagtrabaho pailalim upang subukang taliwasin ang pamahalaan at ipaglaban ang malayang pamamahayag.
Hindi lamang si Juvida at ang patnugutang kanyang kinabibilangan ang kasong kabilang sa represyon ng malayang pamamahayag. Isa rin si Luis Teodoro, dating propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang napabilang sa mga manunulat na dinakip noong panahon ng diktadurya.
Matapos niyang makalaya at mabigyang muli ng pagkakataong makapagsulat, ginawang oportunidad ito ni Teodoro upang maglimbag ng mga istoryang pumupuna at nagsisiwalat ng mga gawain ng pamahalaan.
Isa ang Philippine Collegian ng UP sa mga itinuturing na alternatibong midya sa ilalim ng diktaturyang Marcos upang patuloy na maipahayag ang katotohanan at isulong ang malayang pamamahayag sa gitna ng panggigipit nito.
Isa si Liliosa Hilao, punong patnugot ng pahayagang Ang Hasik ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa mga kilalang aktibista na nagtataglay ng maalab na pusong itaguyod ang katarungan sa pamamagitan ng pagsulat. Naging bunga nito ang masalimuot na pagkakadakip kay Hilao noong 1973 at humantong sa nakahahabag na pagkamatay nito.
Nakarating ang mga artikulong sinusulat ni Hilao sa mga kinauukulan at hindi naging kaaya-aya ang reaksyon ng pamahalaan ukol dito. Dinakip at dinala si Hilao sa Camp Crame at hinihinalang hinalay bago siya pinatay tatlong araw ang nakalipas mula nang ito’y dakipin.
Katotohanang nakagapos sa kadiliman
Hindi lamang sa panahon ng Batas Militar nasa bingit ng panganib ang kalayaan ng pamamahayag ngunit maging sa kasalukuyan. Limampung taon ang nakalipas at tila ba’y nakalimot na ang mamamayang Pilipino sa mga masasalimuot na pangyayaring dinanas ng lipunan at maging ng mga tao sa kamay ng rehimeng Marcos.
Sa datos na inilabas ng National Union of Journalists of the Philippines sa Rappler mula taong 1986 hanggang kasalukuyan, mayroong 197 mamamahayag ang kumpirmadong pinatay sa bansa.
Ayon sa inilabas na 2022 Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists, nasa ikapitong pwesto ang Pilipinas sa buong mundo ng may pinakamalubhang kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag.
Matatandaan na noong ika-23 ng Nobyembre taong 2009, nangyari ang malagim na Maguindanao Massacre na kung saan 58 katao ang walang awang pinaslang. Sa nasabing bilang, 32 katao rito ang kumpirmadong miyembro ng midya.
Hindi pa rito nagtatapos ang kasalimuotang natatamasa ng mga peryodista. Kamakailan lamang, naiulat ang walang awang pagsaksak sa brodkaster na si Renato “Rey” Blanco at pagbaril naman sa mamamahayag sa radyo na si Percival “Ka Percy” Lapid.
Maituturing na balintuna ang ideya na kung sino pa ang may malasakit na umagapay ng katotohanan sa lipunan ay siya pang palaging nasa bingit ng panganib ang buhay. Ang mga pangyayari ay tila pagbalewala ng marami sa paghihirap na pinagdaanan ng mga taong patuloy lumalaban at isinusulong ang malinaw na katotohanan sa bansa.
Maalab na panawagan
Maugong ang alingasngas ng paglansag sa mapanlinlang na katiwasayan at patuloy pa rin ang pagsiklab ng mga hinaing sa lumulubhang tunggalian sa hanay ng midya.
Ayon kay Vincent Jancarlo Ricarte, isang mamamahayag mula sa Tinig ng Plaridel ng University of the Philippines Diliman, ang isa sa pinakamahalagang salik ng demokratikong bansa ay ang malayang sirkulasyon ng mga impormasyon.
Naniniwala siya na mahalaga ang gampanin ng kalayaan sa pamamahayag sapagkat kaakibat nito ang sinumpaang serbisyo at trabaho ng mga mamamahayag. Ang propesyon ay walang mararating kung pilit na pinupundi ng ilan ang instrumento.
“Hindi sapat ang aksyon ng pamahalaan upang matugunan o kahit mabigyang pansin lamang ang kaligtasan ng bawat mamamahayag. People who choose to fight for the truth were either red-tagged or were threatened by the government itself, especially in the Duterte regime (‘Yung mga taong pinipiling lumaban para sa katotohanan ay ni-re-red-tag o kaya tinatakot ng ating gobyerno mismo, lalo na ‘nung rehimen ni Duterte). Ngayong nasa administrasyong Marcos, what will you expect ‘di ba?” saad ni Ricarte.
Ayon naman kay Angela Mariz Lontoc, Patnugot ng Panitikan mula Phoenix Publication ng Lyceum of the Philippines University - Batangas, dapat pagtibayin ang pagprotekta sa mga journalist ng bansa.
Aniya, ang paglilingkod sa sambayanan ay binubuo ng mga salik na nagsisilbing kongkretong dahilan upang pagtibayin ang proteksyon at pagpapahalaga sa mga mamamahayag ng bansa.
Sa mahigit 10 taon niya bilang student-journalist, hindi sumagi sa kaniyang isipan na tumigil sa pagpapahayag sa kabila ng maling pagtrato sa mga miyembro ng midya.
“Mas pinili kong maging mulat sa pakikibaka bilang student-journalist at ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag sapagkat kung patatahimikin ang media, sino na lamang ang magsisilbing boses ng mga nayuyurakan at napagkakaitan ng karapatan?” saad ni Lontoc.
Hiling niya sa kabataan ang patuloy na pag-usbong ng kalinga at tapang ng bawat isa na masusing harapin ang bawat isyung panlipunan ng bansa.
Ayon naman sa panayam kay Anjo Bagaoisan na 13 taon nang nagtatrabaho sa midya, mahalagang makuha ng taumbayan ang tama at makabuluhang impormasyon na kailangan nila para sa kanilang pang-araw-araw na mga desisyon.
“Ito ang patuloy na gampanin ng pamamahayag, na makalap ang mga impormasyon at ilahad sa makabuluhang paraan para sa tao na gagabay sa kanilang opinyon at desisyon,” saad nito.
Sa mahigit isang dekada niya sa larangan ng pamamahayag, may mga pagkakataon na hindi maganda ang nagiging reaksyon ng pamahalaan sa mga sinusulat niyang balita.
"Hindi man natin sadyaing makabangga, may ilan na itinuturing na paninira ang ilalahad nating kuwento. Sa huli, naipaliwanag namin ang aming nailahad sa kinauukulan," pagsasalaysay ni Bagaoisan.
Sa mga kaganapang nagpapatid sa kapangyarihan ng midya, naniniwala siya na ito ay hindi lamang banta sa mga mamamahayag bagkus ito ay banta rin sa publiko. Panawagan ni Bagaoisan ang malawak na pag-unawa ng nakararami sa mga hamong ikinahaharap ng mga alagad ng midya.
Sa kabila ng bawat pagsupil sa nagpupumiglas na katotohanan, patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mga mamamahayag sa pader ng kabulaanan nang sa gayon ay maisiwalat ang ating aktwalidad at makamit ang tinatamasang tunay na kalayaan. Nararapat lamang na hindi sila kasindakan o ituring na balakid bagkus sila ay panigan at sanggaan.
Sa mundong napupuno ng mga dehado, iisa lamang ang nananatiling pihado—ang katotohanan na siyang nagsisilbing gabay tungo sa kamalayan ng mamamayan. Halaga ng patuloy na pagsiil sa bawat puna ay isang buhay na puno ng panlilinlang. Nawa ay maging hudyat ito na silayin ang liwanag sapagkat ang kalayaan ng pahayagan ay ang mata ng kapangyarihan ng demokrasya sa ating Inang bayan.
-Stephanie Joy B. Meru at Niña Amor Malakas