FEU student polls set on May 26-27
- April 14, 2022 05:39
FEU Advocate
May 02, 2020 09:39
Ni Agustin F. San Andres Jr.
Larawan mula sa virtual protest ng KMU
Naituloy pa rin ang kilos protesta para sa Araw ng Paggawa sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos isagawa ito online sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang mga progresibong grupo, Biyernes.
Hinimok ni Elmer Labog, Tagapangulo ng KMU, sa pamamagitan ng Zoom at Facebook (FB) Live ang bawat isa na makilahok sa iba’t ibang aktibidades na magaganap alinsunod sa nasabing pagdiriwang.
“Sa ating paggunita sa Araw ng Paggawa sa ating bayan, ito po ay binabansagan nating ‘Red Labor Day’ at inaanyayahan natin ang ating mga manggagawa at kababayan na magsuot ng red shirt, red mask, red ribbon at red hairband at marami pang iba,” sambit nito.
Sa kaniyang paunang salita, binigyang-diin ni Labog ang panawagan ng mga progresibong grupo ngayong taon.
“Ang ating kahilingan ay nababalot sa tatlong panawagan: ang ating pagsulong sa ating kalusugan, ang paglaban sa ating kagalingan sa paggawa at ang ating karapatan bilang manggagawa at bilang mamamayan," saad pa niya.
Samantala, kinondena ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at labor groups ang pamahalaan ukol sa pagtugon nito sa mga manggagawang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
“Sa kabila ng pagbatid ng [Department of Labor and Employment] DOLE na napakaraming manggagawa ang dumadaing na sa kakapusan ng pangangailangan ng kanilang mga pamilya, ni-wala na kahit anong pahayag o kahit pabalat-bunga sa mga manggagawa na maghanap ito ng pampuno para sa lahat ng hindi pa nakakatanggap ng ayuda," paliwanag ni Ed Cubelo mula sa KMU-Metro Manila.
Bukod sa “ZOOMama sa Mayo Uno Online Rally", maraming Pilipino ang nagbahagi ng kanilang larawan sa kani-kaniyang social media accounts na may samu’t saring panawagan gaya na lamang ng “Kalusugan, kabuhayan, karapatan, ipaglaban!”
Nagkaroon naman ng malawakang pagpapalit ng mga profile picture na may Mayo Uno frame ang bawat isa sa FB upang iparamdam ang kanilang suporta sa bawat manggagawa, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Minarkahan din ang pagdiriwang kahapon bilang ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng KMU.