
Lady Tams’ better defense brings first win against UE
- October 06, 2022 02:11
FEU Advocate
July 24, 2025 16:53
Bente Kuwatro
Ni Mark Vincent A. Durano, Tagapamahalang Patnugot
Sa bawat sandaling lumilipas sa pagitan ng pagtatapos at kasalukuyan, laging nabubunyag ang mga katotohanan at realidad na sasampal sa kinamulatan ng bawat mag-aaral—na ang tunay na hamon ng buhay ay walang panimula at hindi natatapos sa pamantasan.
Marahil nahahati nga ang buhay sa iba’t ibang yugto. Bawat parte ng ating kuwento ay may sariling problema, kasukdulan, solusyon, at diwa.
Ngayong tapos na ang akademikong paglalakbay, inaalala ang halos dalawang dekadang ginugol para maitaguyod ang karapatang matuto at makisangkot sa komunidad.
Panahon ito ng pagdiriwang. Panahon ito upang magbaliktanaw sa bawat pawis at luha na ibinuhos para lang mabuhay, para ngumiti sa gitna ng bawat daing at pahinga, at para bigyang-pugay ang mga taong ating naging sandalan sa unos at kapanatagan.
Higit sa lahat, panahon ito upang hindi makalimot. Hindi dapat mabalewala ang ating paninidigan kontra sa pagtaas ng matrikula, pagkitil ng akademikong kalayaan, pagkaltas ng pondo sa edukasyon, at sa hindi inaasahang pagpanaw nina Keilo Acuin at Junver Toledo na naging biktima ng presyon ng edukasyon.
Sa pagtatapos na ito, nagsara man ang buhay-estudyante at nagbukas ang panibagong hamon bilang isang Pilipino, dapat pa ring dinadala bilang responsibilidad na intindihin ang lipunan at mangahas na kilatisin ang mga sistemang ating iniikutan.
Bungad man ng nakararami na iba ang buhay ng isang mag-aaral sa kung anong buhay ang sasalubong sa pagtanggap ng diploma, hindi nalalayo ang mga gulugod at binabaka ng lipunan tungo sa inaasam nating magandang kinabukasan.
Dahil ang tunay na buhay, hindi nagsisimula kapag naghahanap ka na ng trabaho, kun’di sa konsensiya na parte tayo ng mas malawak na suliranin ng ating mga sistema. Saksi ang mga sakit ng bayan katulad ng transportasyon, kasarian, pagkain, at lakas-paggawa upang magbigay ng ultimong rason para manindigang tutulan ang mga kondisyong ito.
Lalabas tayo ng Pamantasan na dala-dala ang magkakaparehong krisis—iba man ang anyo, iisa pa rin ang ugat nito: ang paghahari ng mga makapangyarihan at kawalan ng pagkakapantay-pantay.
Hindi dapat natin makalimutan ang pakikisangkot sa ating mga kapuwa. Sapagkat, biktima rin sila ng sistemang pumipilit sa ating maging makinarya ng lakas-paggawa imbes na maging demokratikong mamamayang may kamalayan at malasakit sa masang inaalipusta ng neoliberalismo. Dito, ginagawang negosyo ang edukasyon, produkto ang karunungan, at tao-tauhan ng malakolonyal na ekonomiya ang mamamayan.
Sa dulo ng araw, panahon ang pagtatapos upang patuloy na bumaklas sa mga presyon na magtapos para lang sa trabaho, hindi para sa bayan, at hindi para sa masang kinabibilangan natin.
Kung susumahin, mismong kawalan ng pagkakapantay ang tumutulak sa mga mag-aaral na magsunog ng kilay para umahon sa daluyong ng kahirapan.
Sa ibang anggulo, ang neoliberal na sistema ng edukasyon ang nagpapahintulot sa mababang kritikal na pag-iisip sa loob ng mga pamantasan at paglayo mula sa bayan. Kahit anong gawin nating pagmamadali na lumusob sa lakas-paggawa, kabalikat dapat nito ang kakayahan na sumuri, kumilatis, at manindigan.
Dahil kahit ibang tarangkahan na ang papasukin, patuloy pa rin ang krisis ng pagtaas ng presyo ng pamasahe at langis. Patuloy pa rin ang pagtaboy ng karapatan at paglala ng diskriminasyon laban sa kababaihan at sangkabaklaan.
Papasanin pa rin natin ang habagat ng implasyon sa pagkain at ibang mga serbisyo. Mababarat pa rin ang mga manggagawa buhat ng mababang sahod kaakibat ng mataas ng presyo ng bilihin habang wala silang kasiguraduhan sa trabaho.
Hamon ang kilalanin sa pagtatapos na ito ang sama-samang pakikibaka hindi lamang para sa masa, kung ‘di kasama ang masa upang magmulat at magpakilos. Malayo sa neoliberalismo na huwad tayong pinapaunlad bilang sunod-sunuran sa makinarya.
Tangayin man ng hangin ang pag-asa ng maayos na kinabukasan o bahain ng mga responsibilidad sa buhay, walang makabubuwag sa laksa-laksang hanay ng mga Pilipino na pare-parehong inaalipusta ng sistema.
Gaano man natin hangaring makapagsulat ng magandang kabanata sa kuwento ng ating buhay, hindi tayo makaaalpas sa katotohanan ng buhay na siyang tunay na nagtitinta ng ating kapalaran.
Hindi lamang nasa iyong kakayahan kun’di responsibilidad, bilang kabataan, na gamitin ang mga kaalamang nakalap sa pag-aaral—kung paano ito sangkap at magiging sangkap para hamunin at baguhin ang kinagisnan nating siklo ng hindi pantay-pantay na pamumuhay.
Kung hindi tayo makatatakas sa bugso ng mga realidad ng lipunan, hamon sa atin na maging Pilipinong kayang makisangkot, maglingkod, at makibaka kahit lumipas ang panahon ng pagtatapos. Nasa ating desisyon kung tayo’y magpapakain sa sistemang mapanghati o tayo ang magluluwa nito.
(Kuha ni Thea Danielle Morin/FEU Advocate)