Landas ng pag-aalinlangan ng mga bagong tapos sa lipunan

FEU Advocate
September 02, 2024 13:22


ni Hanz Joseph B. Ibabao

Matapos ang ilang taong pagsasakripisyo at pagpupuyat, isang matinding palaisipan sa mga nagtapos sa kolehiyo kung ano nga ba ang tiyak at nakabubuhay na daan paglabas nila sa silid ng kanilang ikalawang tahanan. Sa kabila ng mga kaalaman at makukulay na pangarap, hindi maitatanggi ang pinansyal na dagok at presyon ng lipunan na hahamon sa kanilang katatagan. 

Tila isang tahimik na bata ang isyung hinaharap ng mga bagong nagtapos sa iba’t ibang pamantasan, sapagkat iilan lang ang nagsasalita. Ngunit kung ilalantad ang kanilang kuwento at saloobin, kumusta na kaya sina ate at kuya na binabagtas ang ‘mundo ng realidad’–masaya kaya sila at sapat ang kinikita?

Simula ng panibagong kabanata

Ayon sa isang sikat na kasabihan, ang pagtatapos ay simbolo ng panibagong simula. Katulad ng mga nagtapos sa kolehiyo, ang  panibago nilang kabanata ay simula ng sariwang paglalakbay at pagsubok sa buhay. 

Noong nakaraang taong panuruan 2023-2024 at ngayong taon, libo-libong mga Pilipinong mag-aaral ang nagmartsa at umakyat sa entablado upang tanggapin ang diploma na inukit ng kanilang paghihirap at sakripisyo.

Ngunit sa kabila ng tagumpay, nakakubli ang suliranin na kanilang haharapin matapos ang paghagis ng putong at paghubad ng toga–ang realidad ng paghahanap ng makatarungang trabaho sa bansa.

Noong nakaraang taon, libo-libong mga trabaho ang nagbukas sa pamamagitan ng job fairs na pinangunahan ng gobyerno. Kabilang dito ang mga inilunsad noong Ika-125 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Luzon, pampublikong mga trabaho sa Maynila, at iba pang pagbubukas sa bawat sulok ng bansa sa pangangasiwa ng Department of Labor and Employment.

Subalit sa inilabas na datos ng Social Weather Station noong Septyembre 2023, kinikilalang pinakamalaking dagok pa rin ang paghahanap ng hanapbuhay para sa mga bagong nagtapos sapagkat pumapalo sa 25.6 na porsiyento sa kanila ang hirap makahanap ng trabaho. 

Ayon kay Brian James Lu, pangulo ng National Economic Protectionism Association at Foundation for National Development, maraming mga nagtapos ng kolehiyo sa Pilipinas ang natatagpuan ang kani-kanilang mga sarili sa mga trabahong hindi nagtutugma sa kanilang pinag-aralan.

Katulad na lamang ng ulat mula sa Department of Education na sinuri ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), naitalang 62 na porsiyento o anim sa sampung mga pampublikong guro ang nagtuturo ng mga araling hindi angkop sa kanilang pinag-aralan. 

Malinaw na ito ay isang banta hindi lang sa mga nagnanais maging guro, kundi pati sa mga batang umaasa ng de kalidad na edukasyon sa bansa.

Batay naman sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero 2024, umabot ang underemployment rate nang 13.9 na porsiyento o 6.39 na milyong mga Pilipinong ang naghahanap ng iba pang paraan upang kumita liban sa kanilang tinapos. Mas mataas ito kumpara sa datos na nakalap noong nakaraang Disyembre. 

Bukod pa rito, tumaas din ang bilang ng mga walang hanapbuhay sa bansa na umabot sa 2.15 milyon. Mas mataas kumpara sa 1.60 milyong naitala noong Disyembre 2023. 

Isa itong hamon na susubok sa kahandaan ng gobyerno para kanlungin ang masang naghihintay ng oportunidad at trabaho. Ngunit sa kabila ng suliraning ito, hindi pa rin sapat ang kaliwa’t kanang pagsusumikap ng estado upang mapaunlad ang oportunidad na natatanggap ng mamamayang Pilipino, lalo na ng mga bagong tapos sa kolehiyo.

Makitid na daan ng oportunidad

Kung anong inilawak ng mundo ay siya namang ikinitid ng daan ng oportunidad para sa mga dating mag-aaral na ngayon ay sinusong ang mundo sa labas ng pamantasan. Tila sila’y mga sasakyang nasa masikip na kalsada at inip na inip sa bagal ng usad.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Nicole Ditchoson na nagtapos sa programang Bachelor of Arts in Political Science ngayong taon, dagok kung maituturing ang hirap niya sa kung paano maibebenta ang sarili sa mga kumpanyang sinubukan pasukan.

“Mahirap ito sapagkat karamihan kasi sa mga job openings sa kasalukuyan ay nangangailangan ng mga kandidato na mayroon [nang] karanasan sa industriya [kahit na para sa entry-level positions pa lamang],” sambit nito.

Dagdag ni Ditchoson, napakataas ngayon ng kompetisyon sa paghahanap ng trabaho. Kaniyang pinaliwanag na mas marami ang naghahanap ng mapapasukang hanapbuhay kaysa sa matatagpuang mga trabaho ngayon. 

Ipinaliwanag naman ni Patrick Balanquit na nagtapos ng Bachelor of Science in Psychology ngayong taon ang mga balakid sa paghahanap ng trabaho sa kabila ng mga oportunidad na kasalukuyang umiiral sa bansa. 

“Kung job offers lang ang pag-uusapan, mayroon naman ngunit kung hindi kakarampot ang sahod, kailangan mo namang mag-pursue [ng] further studies. Hindi ito viable para sa lahat dahil karamihan sa’min; 1. Walang budget para mag-aral ulit; 2. Pagod na; 3. Kailangan kumita agad para makatulong sa pamilya,” saad niya. 

Batid ni Balanquit na starting salary pa lang ang maiaalok ng mga kompanya, ngunit palaisipan sa kaniyang matapos ang ilang taong pag-aaral ay makatatanggap lang ng sahod na mas mababa pa ang presyo sa kanilang dating matrikula sa Pamantasan.

“I was offered 13k [P13,000] as my starting salary. [In] this economy, halos sapat lang ‘yan para mabuhay ang isang tao, paano pa kaya kung may pamilya na,” dagdag nito.  

Sa sitwasyong ito, nagmimistula silang mga sasakyang pinagkalooban ng gulong ngunit walang pagkakataong umandar at umusad. Punong-puno ng kaalaman at kakayahan subalit dahil sa sistemang baluktot, nanatiling bansot ang karanasan sa paggawa.

Para kay Laira Jane San Juan na nagtapos ng programang Sikolohiya noong nakaraang taon at nagtatrabaho bilang freelance social media manager ngayon, nagkaroon daw agad siya ng trabaho noon sa Maynila, ngunit makalipas ang tatlong araw umalis na siya kaagad dahil ito ay job mismatch

“Masasabi kong una pa lang ay nagkaroon ng Job Mismatch. Tinanggap ko ang kontrata bilang HR (Human Resource) Recruiter pero pagdating ko sa trabaho ay inilagay ako sa Payroll,” paliwanag nito. 

Dagdag ni San Juan, nauunawan niya na bagong tapos lamang siya noon ng kolehiyo, ngunit batid niya na hindi sapat ang sahod na maaring matanggap sa dating trabaho.  

“Unang-una, mataas ang bilihin sa Maynila, mahal ang renta sa dorm/apartment, bukod sa badyet sa sariling pangangailangan, wala na siguro maipadadala sa magulang ko sa probinsya at panghuli, hindi sapat ang sahod na ‘yon sa pagod na ilalaan ko maghapon,” ani San Juan. 

Sa opinyon at karanasan ni bachelor’s degree in Psychology holder John Robert Sanchez na naghahanapbuhay ngayon bilang isang digital marketing associate, sapat naman ang kaniyang sinasahod para makakain nang tatlong beses sa isang araw ngunit hindi sapat para makaipon para sa kinabukasan.

“Pakiramdam ko sapat ‘yong sahod ko for survival and comfortability ng pamilya, but no room for leisure and grand things. Enough para mabuhay kayo three-times-a-day meal, but not enough para makaipon for the future. Enough for everyday things,” paglilinaw niya. 

Hindi makatarungang natatagpuan ng mga bagong tapos ang kanilang mga sarili sa trabahong malayo sa kanilang pinagpuyatan. Sasabayan pa ito ng libo-libong naghahanap ng oportunidad sa isang makitid at mapagsamantalang daan. Nararapat lang naman na anihin nila kung ano ang kanilang pinaghirapan, hindi ang mailagay sa trabahong masasayang ang kanilang talento at kagalingan.

Panawagan sa mas klarong landas

Kahit kailan, hindi makatarungan ang gumastos, magpuyat, at magsakripisyo para lamang maipit sa sitwasyong walang kasiguraduhan, walang tamang pagpapahalaga, at pagkakaroon ng nakagagambalang pangamba. 

Hindi dapat sinasalo ng ordinaryong Pilipino ang pagkukulang sa pagpapalawig ng oportunidad sa bansa at mas lalong hindi dapat sila magtiis sa kakarampot na kita mula sa trabahong malayo sa kanilang pinag-aralan, kasanayan, at hindi naman mag-aangat ng kani-kanilang mga buhay.

Kaya panawagan ni Ditchoson na dapat magkaroon ng polisiya at programa sa bansa na mag-uudyok sa mga kompanya na magbigay ng mas maraming oportunidad sa mga bagong tapos na kagaya niya. 

“Halimbawa, maaaring magkaroon ng mga incentives para sa mga kompanyang nag-hire ng tiyak na bilang ng mga fresh graduates o mga programa na nag-oorganisa ng mga paid internship at apprenticeship programs para sa mga bagong graduates,” aniya.

Dagdag nito, napakahalagang magsagawa rin ang gobyerno ng mas marami pang job fairs sa bansa bago sumapit ang pagtatapos ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

Hindi rin naiiba ang opinyon ni San Juan. Para sa kaniya, kulang ang mga oportunidad na matatagpuan sa bansa, kung mayroon man ay sumasapat lang sa pangunahing pangangailangan ang inaalok na buwanang kita. 

“Kahit ang mga taong nagtapos ng mahigit mahabang taon sa pag-aaral ay nakukuha pa rin mag ibang bansa dahil hindi pa din sapat ang sahod ng propesyon tulad ng [mga] nurse, psychologist, teacher, at iba pa.” aniya.

Para kay Balanquit, mas pipiliin ng halos lahat ng mga kakilala niyang nagtapos na mamasukan sa Business Process Outsourcing (BPO) o magtrabaho sa ibang bansa.

“Wala namang masama doon, pero nakakalungkot lang na tila naging option na lang na kumuha ng degree-related jobs sa bansa natin kasi ang baba ng sahod. But at the same time, hindi rin naman natin sila masisisi kasi hindi naman nakakabusog ang passion,” sambit ni Balanquit.

Binigyang-diin niya rin na sana hindi lang ang pagpatataas ng sahod at pagpabababa ng bilihin ang bigyang-pansin, kung ‘di magbigay halaga rin sa sektor ng kalusugan lalo na sa mental health ng mga Pilipino.

Panawagan ni Sanchez, nawa’y pahintulutan na maaring dalawang beses kumuha ng licensure exam sa Psychology. Para sa kaniya, pahirap ang kasalukuyang sistema para sa tulad niya na gusto nang maghanapbuhay sa industriyang matagal na niyang sinisipat. 

Iba’t ibang panawagan ngunit pare-parehas ang layuning palawakin pa ang daan ng oportunidad upang mas marami pa ang magkaroon ng magandang kinabukasan sa bansa. 

Bahagi ang pag-aalinlangan sa paghubog ng propesyonal na kahusayan, ngunit hindi tama na ang pag-aalinlangang ito ay mamumuo bilang pangambang makasasama sa kanilang kalagayan. Mas lalong hindi rin tama na hayaan silang magsakripisyo sa mga trabahong hindi tugma sa kanilang pinag-aralan. Kaya naman nararapat lang na mas paigtingin pa ng mga kinauukulan ang pag-iimbestiga at paghahanap ng solusyon. Kung hindi mahihinto ang ganitong kondisyon, patuloy na lilisan ang napakaraming talento, maghihikahos ang mga mamamayan, at mas titindi ang pagkabansot ng kakayahan ng mga Pilipinong dapat sana’y makapag-aambag pa nang mas higit sa ating bansa. 

(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)