Masang Lalagapak: Panukalang NMIA, pasaning ‘perwisyo’ ng mga Bulakenyo
- September 10, 2024 17:00
FEU Advocate
August 01, 2024 18:28
Bente Kwatro
Ni Mark Vincent A. Durano, Patnugot ng Balita
Malaking gulat nang ibinida ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa buong bansa ang kanyang posisyon sa pagitan ng alitan sa West Philippine Sea (WPS). Subalit sa gitna ng mga nagsasabong na kulay, malayo ang totoong kalagayan ng ating katubigan sa winawagayway na bandila ng presidente. Lila ang siyang tunay na nagbabanta—panakip sa pula at bughaw na dayuhang puwersang hinayaan niyang makapasok sa Pilipinas.
Nitong nakaraang State of the Nation Address, ipinahiwatig ni Bongbong na hindi “kathang-isip” ang WPS at ito’y patuloy na magiging atin hangga’t umaalab ang diwa ng bawat Pilipino.
Kaakibat nito ang pangakong pagpapatibay at pagpapalago ng kamalayan at kaalaman ng buong bansa. Kung tutuusin, higit pa rito ang kailangan upang ipagtanggol ang pambansang soberanya.
Malinaw ang katayuan ng Pilipinas bilang tanging may karapatan na mamalagi sa WPS. Walong taon na nang matagumpay na tinatag ng Permanent Court of Arbitration na walang ligal na basihan ang “kathang-isip” na nine-dash line ng Tsina base sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ngunit, hindi rito nagsimula ang ating pagmamay-ari sa 200-milyang exclusive economic zone.
Samantala, patuloy na pinipilit ng Tsina ang gawa-gawang guhit na ito at binabaliktad ang naratibo sa mga nanghihimasok ng kanya-kanyang teritoryo.
Hindi ito ang unang beses na iginiit ni Marcos ang ating nararapat na kalayaan sa ating katubigan. Minsan niya nang binansagan ang Tsina bilang mapanlinlang noong 2024 IISS Shangri-La Dialogue at hinikayat na huwag magpatinag ang bansa sa isang pahayag.
Sa kabila ng armas ng Tsina, wala pa ring panukalang tuluyang magpapanagot sa lahat ng pinsalang bitbit ng pulang bandilang may limang bituin.
Nabanggit din ni Bongbong na kasalakuyang nakahain ang pagsasabatas ng Maritime Zones Law at Archipelagic Sea Lanes Act na may layuning makapagpatibay sa heograpikong batayan ng teritoryong pambansa base sa palatuntunan ng UNCLOS.
Subalit, sa kawalan ng mga batas na tuluyang makapagpapalayas ng dayuhang puwersa sa WPS, malayong makakakamit ang kalayaan mula sa mga mandarambong tulad ng Chinese Coast Guard.
Walang lugar ang militarisasyon sa ating karagatan. Ngunit, sa kakulangan ng pamahalaan upang igiit ang ating katayuan sa pamamagitan ng mga pandaigdigang batas, lalong tumitingkad ang kulay ng dugo sa malawak at mayamang katubigan ng ating bansa.
Kamakailan lamang ay may isang Pilipinong mangingisda na nawala sa Scarborough Shoal nang banggain ang kanyang bangka ng isang sisidlang may pangalang ‘Yang Fu.’
Umaalingasaw ang lansa ng Tsina, patuloy na tumatagos sa bawat kanyon at dahas na nanghihimasok sa mga malinaw na hangganan ng bansa, partikular sa mga rotation and resupply operation sa BRP Sierra Madre.
Sa kabila ng mga mabubulaklak na salita, huwad ang tugon ni Marcos upang makapagbigay ng totoong solusyon dagdag sa pasakit ng pakikipag-higpit ng tali sa ibang bansa, lalo na sa makabughaw na Estados Unidos (US).
Nitong nakaraang buwan lang din nagpulong si Marcos, US President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Fumio Kishidana upang pagtibayin ang ‘kaligtasan’ ng WPS sa gitna ng banta ng Tsina. Lantad ang layuning militarisasyon sa hiling ni Biden ng karagdagang $128 millyong pondo para sa pagpapalawak ng Amerikanong military bases sa Pilipinas.
Naiipit pa rin ang Pilipinas sa sabungan ng kulay bilang resulta ng pagkagahaman sa ekonomikong potensyal ng WPS.
Gayunpaman, walang presyong makapagdidikta ng tunay na halaga ng teritoryong sa atin ay tunay.
Kaya’t kung hanggang salita lang ang mga pangakong ipagtanggol ang mga abusadong mangingisda at tanod baybayin, mananatiling mas malakas ang tunog ng pagsampal ng karahasan sa ating mga munting bangka.
Bughaw o pula, iisa lamang ang patutunguhan at layunin ng bawat alitan. Dahil tulad ng kulay lila na sumisimbolo sa maharlika pati kapangyarihan, dahas at paglilinlang ang anyo ng alon na kikitil sa pambansang soberanya. Sa mismong pagsasailalim ng pamahalaan sa dayuhang puwersa ang siya ring magbababa ng bandila ng Pilipinas at magbibigay ng paghari sa mga dugong bughaw.
(Dibuho ni Toni Miguela Ursua/FEU Advocate)