
Nexperia labor strike success sparks hope for workers
- March 12, 2025 15:36
FEU Advocate
July 01, 2025 20:07
Hindi na bago sa akin ang masaktan. Araw-araw ako nitong binabati ng “magandang umaga” na tila isa itong matalik na kaibigan. Isang sugat na hindi humihilom. Isang tinik na nakabaon sa ilalim ng aking balat.
Tinanggap ko na ang aking kapalaran—na ako ay tuluyan nang namanhid. Ngunit sa isang hindi inaasahang pagkakataon, ako—isang babae—ay nahulog sa iyo, isang bading.
Hindi ko alam kung dahil ba ito sa iyong masidhing damdamin sa pamamahayag, o sa mapanghayag mong mga kilay na hindi kayang itago ang iyong nararamdaman. Ngunit walang kapantay ang karanasang ito kompara sa aking mga nakaraang pag-ibig.
Walang puwang ang kalungkutan kapag ikaw ang kasama. Ni hindi nga mapawi ang ngiti sa aking mga labi tuwing ikaw ay nakaupo sa aking tabi. Tama nga ang sabi-sabi—masarap kang kasama, ‘yong tipong ayaw ko nang umalis.
Sabi nila'y pula ang kulay ng pag-ibig. Ngunit bakit tuwing kasama kita, nakikita ko ang lahat ng kulay ng bahaghari?
Siguro dahil ang iyong pagkatao mismo ay makulay. Hindi lang dahil sa nakahahawa mong halakhak o sa iyong pananamit, kun’di sa iyong tapang at determinasyon na ipaglaban kung sino ka. Kung paano mo ipinagsawalang-bahala ang panghuhusga ng iba, at kung paano mo ipinararamdam sa iyong kapuwa na sila’y ligtas sa iyong presensiya.
Para sa akin, isa kang malaking paalala na ang kasarian ay hindi batayan ng pagmamahal, kun’di ang pagyakap, pagtanggap, at pagiging totoo ng isang tao.
Ikaw ang bahaghari na nagbigay-kulay sa aking buhay-pag-ibig.
Sa sobrang kaaya-aya ng lahat, nakalimutan kong may linyang hindi ko dapat tawirin. Pinagtawanan nila ako nang kanilang nalaman na inalay ko sa’yo ang bahagi ng aking pagkatao. Hindi naman biro ang nararamdaman ko para sa’yo. Dahil ba ito ay kakaiba? Mali bang magmahal ang isang babae ng isang bading? Binalewala ko ang mga pintas, maging ang mga babala na sa huli’y ako rin ay masasaktan.
Masasaktan?
Handa akong itaya ang lahat. Ngunit unti-unti, naramdaman ko ang kirot na bumabalot sa aking dibdib—isang pamilyar na pakiramdam na hindi ko inakalang babalik.
Bigla akong napaisip. Paano ko nga ba sasabihin sa’yo na mahal kita, sa kabila ng kaalamang hindi mo ako kayang mahalin pabalik?
Na kahit hubugin ko ang aking sarili sa paraang unti-unti akong nasisira, hindi pa rin ako magkakaroon ng puwang sa iyong puso.
Na wala akong pakialam sa iyong kasarian.
Na wala akong magagawa kun’di kimkimin ang aking damdamin.
Ngunit, pinili ko ito. Pinili kong mahalin ka, at hindi ako nagsisisi.
Minahal kita hindi dahil sa iyong pagiging iba, kun’di sa iyong kabuoan. Parang isang matinik na rosas—maganda at makulay, ngunit hindi ko maaaring pitasin. Ika’y hahangaan na lamang sa malayo sa takot na ako’y matusok at ika’y malanta.
Hindi ko man maangkin ang iyong puso, sapat na sa akin ang makita kang masaya at nagpapakatotoo sa iyong sarili. Ako’y mananatili sa lilim ng bahaghari, tahimik na saksi habang inaabot mo ang langit.
Kaya ko itong tiisin, sapagkat ang masaktan ay hindi na bago sa akin.
- Ma. Louela Luna
(Photo by Ma. Louela Luna/FEU Advocate)