Panay ‘sana’ sa SONA

FEU Advocate
July 28, 2025 08:49


Sa kabila ng tatlong taong pag-upo ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang pangulo ng Pilipinas, muling pinabubulaanan ng lumalalang kahirapan sa bansa, krisis sa edukasyon, at pagperhuwisyo ng sakuna sa mga pangkaraniwang Pilipino ang kaniyang ipinangakong ‘kaunlaran’ sa State of the Nation Address (SONA).

Matagal nang inilalako ni Bongbong ang imahe ng “Bagong Pilipinas” gamit ang pag-ahon sa kahirapan. Mula 2022 hanggang 2025, ipinipinta niya ang progresibong bansa sa pamamagitan ng katagang “unity” bilang retorikang kumakalabit sa damdamin ng masa. 

Subalit, nalulunod ang mga Pilipino sa kaniyang mabubulaklak na salita kaugnay ng P50 umento sa arawang sahod ng manggagawa sa National Capital Region kahit patuloy nilang iniinda ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

Bagaman tumaas ang dating P645 sa P695, inuuto lamang ng administrasyon ang naghihikahos na masa sa pag-aasam ng nakabubuhay na P1,217 suweldo kada araw upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Sumapit na ang kalahati ng kaniyang termino, ngunit wala pa ring kaginhawaan sa ganitong klase ng ekonomiya.

Kakabit ng lumalaking buwis na ipinapataw ng pamahalaan, humahantong lamang sa paulit-ulit na pag-aasam ng sambayanan ang makaramdam ng kongkretong bunga mula sa pondo ng bayan. Mula sa pagsingil ng buwis sa serbisyong digital hanggang tubo ng ipon sa bangko, nadaragdagan lang ang pinapasan ng iba’t ibang uri ng Pilipino nang walang nararamdamang pagbabago. 

Kaya’t sa populistang pananalita ni Marcos Jr., nabibihag sa mga ampaw na pangako ang masa, araw-araw itinatanong kung kailan aabot sa kanilang mga pamilya ang ayuda ng kaunlaran. 

Tikom din ang bibig ng Pangulo sa lumalalang krisis sa edukasyon kung saan pinapasan ng mga guro ang kakulangan ng silid-aralan, materyal na panturo, mababang pasahod, at hindi maayos na paggamit ng kabuoang pondo ng sektor ng edukasyon—lalo na sa malawakang korapsiyon gamit ang confidential funds sa termino ni Vice President Sara Duterte bilang Department of Education (DepEd) Secretary. 

Kritikal ito sa pangkalahatang kondisyon ng bansa bilang demokrasya. Kung hindi matututo ang kabataan sa paaralan bunsod ng bulok na sistema, walang pag-iisip na mangangahas hamunin ang monopolyo sa kapangyarihan ng naghaharing-uri. Sa huli, pumapabor lang ang sistema sa iilang pamilya habang bihag ng siklo ng kahirapan ang masang api.

Hinahayaan din ng administrasyon ang pagkupkop ng neoliberal na mithiin sa edukasyon—hinuhulma ang bawat estudyanteng maging makina ng lakas-paggawa sa ilalim ng kapitalistang sistema. 

Lumilitaw ito sa pagtatangka ng estado, katuwang ang DepEd, sa pagtatanggal ng ilang mga kurso sa General Education ng tersiyaryong edukasyon upang mas tumuon ang kabataan sa praktikalidad kaysa maging kritikal, makatao, at makabansa. 

Sa kabila naman ng kaniyang pangakong P20 presyo ng bigas bilang pampabango ng kaniyang pangalan, kakatwang nakaligtaan din ni Marcos Jr. ang pagyuko ng mga pananim ng magsasakang Pilipino buhat ng lumalalang krisis sa klima. 

Ipinangako niya ring lulutasin ang suliraning agraryo nang itinakda ang kaniyang sarili bilang kalihim ng Department of Agriculture noong 2022. Sa kabila nito’y patuloy pa ring bansot ang kalagayan ng agrikultura sa bansa.

Panay engradeng guniguni ang isinasalaysay ni Marcos Jr. tuwing SONA ukol sa repormang agraryo, ngunit kinakapos ito sa makatotohanang pagbuo ng matatag na impraestruktura tuwing bagyo, gayundin ang pagsulong ng angkop na estratehiya laban sa lumalalang epekto ng krisis pangkalikasan. 

Dahil din sa kaduwagan ng kaniyang administrasyon, araw-araw binabalisa ang mga mangingisdang nakikipagsapalaran sa karagatan ng Pilipinas kung saan nag-uumpugan ang dalawang imperyalistang puwersa ng Estados Unidos at Tsina. 

Ginugulangan nito ang Estados Unidos para sa “balikatang” militar, habang nag-iingat sa mga Tsino upang hindi maisipang umahon paalis mula sa merkado ng Pilipinas. Kung tutuusin, madiskarteng pumapagitna si Bongbong upang manatili sa kaniyang pamilya ang kapangyarihang ipinagkakaloob ng imperyalistang alitan: mano sa Kano, mano sa Tsino

Malinaw sa mga alingawngaw ng araw-araw na suliranin ng ordinaryong Pilipino ang pagiging sinungaling ni Bongbong Marcos. Taliwas sa ipinipinta niyang maunlad na bayan, lugmok pa rin ang sambayanan sa lumalalang kahirapan. 

Simula nang mabuwag ang alyansa nina Marcos Jr. at mapansamantalang Sara Duterte, ilang buwan matapos nilang manalo sa eleksiyon, naging maliwanag sa publiko ang kahulugan ng kaniyang mithiing “Bagong Pilipinas.”

Para kay Marcos Jr. at sa kaniyang mga kapanalig, pag-unlad ng makasariling interes ng naghaharing-uri ang inaasahang anyo ng bagong lipunan. 

Kitang-kita ito sa usapin ng pagpapanagot kay Sara Duterte; tila maingat na kinakalkula ng administrasyon ang posibleng alyansa sa darating na eleksiyon sa 2028. Tinitimpla ang madiskarteng paglalaro sa ugnayang-pamilya ng mga naghaharing-uri. 

Sa kabilang banda, hindi lang naman sa rehimen ni Marcos Jr. matatagpuan itong masalimuot na suliranin. Makikita ang malubhang sakit ng Pilipinas sa malalim na pagsusuri ng bulok na sistema: ang sistemang nakabatay sa interes ng iilan.

Kaya’t araw-araw na nananawagan ang ordinaryong Pilipino para sa pagdating ng tunay na kaunlaran. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi ito kailanman darating sa sistemang nilikha para lang pagserbisyohan ang interes ng naghaharing-uri. 

Para kina Marcos Jr. at ng iba pang pamilyang nakikinabang sa mapang-aping sistema, maunlad ang Pilipinas. Maunlad ito hangga’t nasa kanila ang lupang sakahan, kapital na ginagamit pangsamantala sa mga manggagawa, at monopolyo ng karahasang poprotektahan ang kanilang kapangyarihan anuman ang mangyari. 

Itinatago ni Marcos Jr. sa balabal ng “Bagong Pilipinas” ang hindi magamot-gamot na suliranin ng bansa. Walang pagbabago, at walang magbabago hangga’t sila ang may hawak ng kapangyarihan. 

Panahon na para gumising ang publiko sa pagkabangungot. Bumangon mula sa kasinungalingang bumubuo ng pantasya ni Marcos Jr. Bumoses: isigaw ang katotohanang magpapatunay na hindi para sa masa ang pamahalaang ginagawang palabas ang kahirapan at retorika ng talumpati ang pagdurusa. 

Bumalikwas na sa nakagisnan, at huwag hayaang magpadikta kung ano ang mukha ng kaunlarang nararapat sa masa. Tumindig, humanay, at makibaka. At sa panahong walang makikinig sa hinaing ng nakararami, maaaring ipaalala kay Bongbong kung ano ang sinapit ng kaniyang ama dahil sa galit ng taumbayan—kung paanong ang kapangyarihan ay nababawi rin sa kamay ng mga naghahari-harian. 

(Dibuho ni Mary Nicole Halili/FEU Advocate)