Coach Randell on FEU cheering squad theme: 'Abangan nilang maging bata ulit'
- November 30, 2023 05:17
FEU Advocate
August 12, 2022 02:22
Namayapa na sa edad na 57 ang dating Far Eastern University (FEU) Charging Lady Tamaraw at Sports Hall of Famer na si Lydia de Vega matapos ang apat na taon na pakikipaglaban sa stage four breast cancer noong Agosto 10.
Sa isang Facebook post, ipinaalam ng kanyang anak na si Stephanie Mercado de Koenigswarter ang pagpanaw ng Asian Sprint Queen.
“She fought a good fight and is now at peace (Nakipaglaban siya ng isang magandang laban at ngayon ay payapa na),” ayon kay de Koenigswarter.
Pinarangalan ng green-and-gold community si de Vega bilang isa sa mga naunang atletang nakasama sa FEU Sports Hall of Fame noong 2008.
Nagsilbi rin siya bilang isa sa mga flag bearers ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na isinagawa sa bansa kasama ang iba pang mga ipinagmamalaking atleta tulad nina Efren “Bata” Reyes at Paeng Nepomuceno.
Patuloy siyang kinikilala ng komunidad matapos siyang mapabilang sa 43 na atleta na muling binigyang-pugay sa FEU Sports Hall of Fame Room na itinatag noong 2021.
Samantala, nagpahayag din ng pakikiramay ang Unibersidad sa pamamagitan ng isang Facebook post.
"A beloved and highly-respected figure especially in Track and Field circle, her legacy will remain an inspiration to all FEU athletes onwards (Isang minamahal at lubos na iginagalang na modelo lalo na sa larangan ng Track and Field, ang kanyang pamana ay mananatiling inspirasyon sa lahat ng atleta at magiging atleta ng FEU)," saad ng FEU.
Matatandaan na bahagi si de Vega nang matamo ng FEU ang kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) track and field tournament.
Kinilala rin siya bilang Asia’s Fastest Woman noong 1980s kung saan humakot siya ng siyam na gintong medalya sa SEA Games at naging kinatawan ng bansa sa 1984 at 1988 Summer Olympics.
-Ma. Katlene R. Angcanan
(Photo courtesy of Gary Tyson/Getty Images for SEA Games)