FEU's Cholo Anonuevo to chase NBA dream in int'l training
- August 07, 2020 11:29
FEU Advocate
March 17, 2021 12:13
Nina Grace Roscia Estuesta at Norwin Trilles
Hindi pa man lumulubog ang araw sa pakikipagsapalaran ng isang manggagawa, palaisipan na agad ang naghihintay na kinabukasan. Sa mapanghamong komunidad, tumambad ang magkakapatong na mga responsibilidad.
Kasama ang banta at hirap na dala ng pandemya, hanggang kailan mananatili ang sindi ng pag-asa sa isipan ng mga manggagawang Pilipino?
Pagtanaw sa kalusugang pangkaisipan sa bansa
Alinsunod sa Proclamation 432, s. 1957, na nilagdaan ni dating Pangulo Carlos P. Garcia, ginugunita tuwing ikatlong linggo ng Enero ang pagbibigay halaga sa kalusugang pangkaisipan. Kung bubusisiing mabuti ang batas, pangunahing layunin nito ang protektahan at pagyamanin ang kalusugang pangkaisipan ng isang indibidwal.
Isa ang Philippine Mental Health Association, na isang pribadong organisasyon sa nagsisilbing kaagapay ng mamamayan sa pagpapalago ng kaalaman hinggil sa usapin ng mental health. Kinakailangang sumuporta ang mga organisasyon at serbisyong pumapabor dito sa itinakdang tungkulin ng nasabing proklamasyon.
Isa sa mga tumitindig na mas maipakita ang pagbibigay-pansin sa usaping ito ang Philippine Red Cross at United Nations International Children's Emergency Fund (UNICEF). Iilan lamang ito sa mga nagsisilbing kasangga ng bawat Pilipino na malampasan ang dinaranas na anxiety, stress at depression ngayong pandemya.
Naghatid din ng inisyatibo ang Philippine National Center for Mental Health na maaari silang magbigay ng serbisyo, sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang numerong: (02) 8531 9001, upang makatulong sa mga taong nakararanas ng depresyon sa gitna ng pandemya.
Kalagayan ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya
Kung gaano kabilis natapos ang nakalipas na taon, siya namang kabaligtaran ng pangmatagalang sugat na iniwan nito at sumira sa magaganda sanang oportunidad na naghihintay sa iilang manggagawang Pilipino.
Ayon sa panayam ng Manila Standard kay Dr. Carrianne Ewe, direktor ng International SOS Philippines, maraming masamang bunga ang inihatid ng pandemya sa mga manggagawa.Isa nga rito ay makikita sa kanilang performance sa trabaho na kung papansinin, pinabababa ng pandemya ang moral at init ng damdamin sa pagtatrabaho nang maayos kung kaya’t ito ang siyang nagiging sanhi upang sila ay maalis sa pinasok na linya ng paghahanapbuhay.
Makikita rin na unti-unting binabago ng pandemya ang estado ng pamumuhay ng manggagawang Pilipino at kapansin-pansin din ang pag-impis sa bilang ng mga street vendors. Ang noo’y masikip at halos hindi madaanang eskinita ng kamaynilaan ay unti-unti nang lumuluwag at nabibilang na lamang ang mga nagtitinda. Marami na ring establisyemento tulad ng mga hotels at restaurants ang nagsara upang maiwasan ang patuloy na pagkalugi ng kani-kanilang negosyo. Kahit na ganoon, may pailan-ilan namang nagbubukas at ipinipilit iahon ang negosyo alinsunod sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan.
Kung pagbabatayan ang kilos at galaw ng mga manggagawa, masasabing nasa estado na sila ng pamumuhay kung saan pinipilit na lamang nilang maisabay ang mga sarili sa panibagong normal.
Ang palalawigin na bagong normal na nais ipatupad ng pamahalaan sa masa sa oras na bitawan ang umiiral na community quarantine ay mula sa masusing pag-aaral ng mga siyentipiko na dalubhasa sa usaping pangkaligtasan.
Ang mga nasa pusod ng kailaliman
Upang makatungtong ang mga negosyante at may-ari ng malalaking establisyemento sa hinihinging pamantayan ng gobyerno, napipilitan silang bawasan at tapyasan ang numero ng mga manggagawang namamasukan sa kanila. Dagdag pa sa isipan ng iilang mga manggagawa ang banta sa kanilang kalusugan tuwing makikipagsapalaran araw-araw sa mapagbantang kapaligiran.
Sanaysay ni Aries Trilles, tubong Batangas at isang manggagawang kontraktwal na Welder ngayong pandemya, isang malaking hamon ang laging nahuhuling sahod ng kampanyang napasukan
“Tuwing naiisip ko ang kalagayan ng aking trabaho, ‘yong palaging late magpasahod, naiisip ko agad na kailangang humanap ng ibang trabaho para may magastos ang pamilya… Kapag walang trabaho, wala rin panggastos sa araw-araw. Wala rin makakain kaya kailangan humanap ng paraan,” saad nito.
Dagdag pa niya na walang magandang dulot ito kundi ang kalungkutan sapagkat isang kahig, isang tuka kung susumahin ang kanilang kalagayan ngayong pandemya. Hindi niya lubos maisip na dadating sa ganitong sitwasyon ang kaniyang pamilya kaya naman walang tigil siya sa paghanap ng alternatibong mapagkukunan para maitaguyod ang nag-iisang anak, ang perlas ng pag-iibigan nila ng kanyang asawa.
Takot namang tignan ni Zharryna Embuedo, na kasalukuyang kahera at manggagawang kontraktuwal sa isang supermarket, ang estado ng kanyang trabaho sa gitna ng pandemya.
“Nakaka-paranoid lang din kasi may anak ako, e. Siyempre ‘yong takot na maging carrier ka [ng coronavirus], baka mahawaan ‘yong anak mo. Siyempre hindi ganoon kadali na mag-isip kung paano ka iiwas sa virus. Ako, iba’t ibang tao ang nakakahalubilo ko. Hindi ko naman alam kung safe pa ba akong umuwi para sa kanya, eh,” turan ni Embuedo.
Ayon pa sa kanya, isa ito sa mga palaisipang patuloy na bumabagabag sa kanya tuwing siya ay dadako sa kanilang masayang tahanan. Dagdag pa nito sa tuwing siya’y magninilay nang mag-isa ay nakararanas ito ng kalungkutan, kaya naman nakatutulong ang mga kasama niya sa trabaho upang panandaliang maiwasan ang nakapanglulunod na kaisipan.
Sa kabilang banda, naniniwala si Mary Grace Baula, isang manggagawang mag-aaral ng isang kilalang coffee shop na hindi pa rin nauubos ang mga magagandang karanasan sa gitna ng pandemya. Ang pag-promote sa kanya bilang regular na manggagawa sa kabila ng pagiging isang mag-aaral at honor student ay isa sa mga nagpapatunay sa paniniwalang ito. Gayunpaman, bagama’t ito ay isang minamatang kagandahan ng kalagayan, hindi pa rin ito nakailag sa iba’t ibang hamon ng buhay.
“Hindi maiiwasan na ma-stress at magahol sa dami ng gagawin sa trabaho at paaralan. Minsan, nakukulangan na sa tulog ngunit nagpapatuloy pa rin. Naiiwasan ko naman ang ma-stress dahil mas iniisip ko na may solusyon ang lahat ng bagay. Hindi ko hinahayaang kalungkutan ang maramdaman. Hangga't maaari ay puro positibo lamang ang iniisip ko,” dagdag pa niya.
Sinang-ayunan ito ni Raphael Luis Lontok, isang laid-off cabin crew ng isang kilalang airline sa Pilipinas. Ayon sa kanya ay mas pinagtutuunan niyang pansin ang mga positibong bagay tulad ng pag-iisip ng paraan na tutulong sa sarili at pamilya upang maibsan ang problema ng pandemya. Aniya kung pagninilayan niya ang mga negatibong bagay, mas lalo siyang ilulubog nito sa kawalan at kalungkutan.
Pagtagpo ng kislap sa kailaliman
Malaking hamon man kung ituring ang mga hindi kaaya-ayang pangyayari sa buhay ng mga manggagawa, patuloy pa rin nilang binabagtas ang karimpot na liwanag ng pag-asa sa kailaliman ng hamon ng buhay.
Ang natatanging pamilya ang sumagip sa nakapanglulunod na estado ng bansa at kalusugang pangkaisipang tinatanaw ni Trilles. Pagkakaroon naman ng simple, masaya at maginhawang pamumuhay para sa sarili at pamilya ang kay Lontok; pagiging hands-on mom sa kanyang tatlong-taong gulang na anak ang kay Embuedo; at makapagtapos ng pag-aaral kasama ang pagkakaroon ng full-time na trabaho kay Baula.
Kaya naman sa tulong ng mailap na pagkakataon, patuloy silang umaahon mula sa pusod ng kailaliman ng mga pagsubok bitbit ang mga aral na natutunan ngayong pandemya. Ibinahagi ni Lontok na ang mga sarili rin natin ang gagawa ng tulay, kasama ang tiwala, tiyaga at pagsisikap, tungo sa ating mga pangarap. Dagdag pa nito, inspirasyon ding maituturing ang mga balakid, dahil sa hanggananng paghihirap ay may matatamong liwanag ng kaginhawaan at tagumpay.
Pag-ahon sa kailaliman
Ang patuloy na pakikipagsapalaran sa gitna ng pandemya ay isang tanda ng katangi-tanging kakayahan, katatagan at maging kaginhawaan para sa iilan. Ngunit, hindi maikukubli ang katotohanan na ito ay isang malaking hamon at pasanin para sa hikahos, lalo na sa mga iilang manggagawang Pilipino na patuloy na tinatawid ang kalusugang pangkaisipan.
Tulad ng hirap at katahimikan na natatamo sa madilim at malalim na pusod ng karagatan ay siya ring ingay ng responsibilidad sa realidad ng buhay. Kaya naman sa mga panahong hinihila tayo ng kapalaran pailalim, huwag magdadalawang-isip na humingi ng saklolo.
Ang pag-amin ng mga kahinaan ay isa ring kalakasan, sapagkat pinapanipis nito ang patong-patong na bigat ng damdamin. Kaya, dapat nating yakapin ang tulong mula sa mga taong may kakayahang makapagbigay nito.
(Ilustrasyon ni Margarita Rivera/FEU Advocate)