FTG’s 4th Makisig adaptation, final run to ‘open new chapter’
- September 19, 2024 16:57
FEU Advocate
June 26, 2024 19:57
Nina Johna Opinion at Jasmien Ivy Sanchez
Sumiklab mula sa kadiliman ang mga kuwento ng LGBTQIA+ sa pelikulang Pilipino. Mula sa mga unang hakbang ng pagsasalarawan ng homosekswalidad hanggang sa mga kinikilalang obra na nagbigay-buhay at inspirasyon sa komunidad. Ngunit sa umuusbong na inklusibong representasyon sa industriya, kasabay nito ang pagsibol ng mga maling pag-aanyo at esteryotipikal na imahe.
Lakbay sa makulay na kasaysayan
Sa pagdaan ng mga tagumpay at kabiguan, mahaba na ang inilakbay ng kasaysayan ng pelikulang Pilipino sa loob ng maraming dekada.
Mula sa ‘Dalagang Bukid’ ni Jose Nepomuceno noong 1919, mga pelikulang de-lata mula sa mga Amerikano, hanggang sa pagsiklab ng temang panlipunan, bomba films, pito-pito films, at sa kasalukuyang panahon, ang mga independent films o indie films.
Sa pagsisimula ng bagong milenyo, tinahak ng mga makabagong direktor at manunulat ang mga temang itinuturing na taboo, mga hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin, at ang mga miyembro ng lipunan na limitado lamang ang representasyon.
Naging daan ang pagiging tanyag ng indie films sa representasyon ng mga miyembro sa komunidad ng LGBTQIA+ sa mga pelikulang Pilipino.
Ayon sa panayam ng FEU Advocate kay Ameerah Milano, tagapangasiwa ng Gender and Development Desk sa Far Eastern University (FEU), ibinahagi nito ang pag-usbong ng representasyon ng LGBTQIA+ sa sinehan ng Pilipinas.
"As early as 40’s sa ating cinema, meron na tayong mga pelikula na nagrerepresent nito. Halimbawa, kung titingnan natin noong 1940s 'yung Ibong Adarna. Ito ay ang isang protesta para sa paglaban doon sa sistema na nakakahon ang isang lalaki at babae,” ani Milano.
Ipinakilala ng mga produksyon ang ganitong uri ng konsepto. Isa na rito si Lino Brocka at ang kaniyang pelikulang "Maynila: Sa Kuko ng mga Liwanag" noong 1975 na humakot ng iba’t ibang parangal sa FAMAS at Gawad Urian. Nilantad nito ang buhay ng isang bakla sa mapanghusgang mundo.
Kung kaya’t sumangayon si Norberto Bana III, isang propesor mula sa Department of Communication sa FEU, sa husay ni Brocka pati na ni Ishmael Bernal sa pagbubukas ng mga sensitibong konsepto noong unang panahon sa Philippine cinema.
"Two movies come to mind, Ishmael Bernal’s ‘Manila by Night/City After Dark’ (1980) and Lino Brocka’s ‘Tubog sa Ginto’ (1971). The characters of Bernal’s movie are perhaps more diverse because, by this time, the viewing public has arguably become more open-minded. Brocka’s, on the other hand, belong to the generation of the closeted and the heteronormative,” pagbabahagi ni Bana.
Tinatalakay ng mga pelikulang ito kung paano mapabilang sa komunidad na kadalasang hindi napapansin at ipinapakita sa publiko.
Nagsilbi itong mga sulo sa gitna ng kadiliman na nagbibigay-liwanag sa mga isyung dati'y tinatalikuran at unti-unting ipinakilala ang komunidad ng LGBTQIA+ sa industriya ng pelikulang Pilipino at sa kamalayan ng bansa.
Bagama’t patuloy ang pag-usbong ng mga representasyon sa medya, may mga pagkakataon pa ring ang mga imaheng ipinipinta sa miyembro ng LGBTQIA+ sa pelikula ay hindi tama o sapat.
Sa kahon ng limitadong representasyon
Malayo na ang narating ng LGBTQIA+ community pagdating sa representasyon sa medya, lalo na sa konteksto ng pelikulang Pilipino. Mas pinahusay na rin ang pagsasalaysay ng iba't ibang salik ng katauhan at karanasan ng pagiging bahagi ng makulay na komunidad.
Kamakailan lang ay nag-viral sa hatirang madla ang pelikulang 'The Rookie' ni Samantha Lee. Kinilala ang pelikula sa mahusay nitong pagsasalaysay ng kuwento ng pag-iibigan sa pagitan ng dalawang lesbyanang indibidwal.
Maliban sa The Rookie, may ilan pang mga pelikula sa mga nagdaang taon ang kinilala sa pagbibigay nito ng maayos at wastong representasyon sa iba't ibang kuwento ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Kabilang dito ang 'Kalel, 15' ni Jun Lana na tinalakay ang umiigting na stigma kaugnay ng pagkakaroon ng HIV sa bansa. Sinalaysay naman ni J.E. Tiglao sa 'Metamorphosis' ang karanasan ng isang indibidwal na ipinanganak na mayroong dalawang ari o intersex.
Habang sa 'Mamu: and a Mother Too' ni Rod Singh, tinalakay ang karanasan ng mga transgender at ang mundo ng sex work.
Iilan lamang ito sa mga pelikulang nagsilbing maliliit na hakbang ng lipunang Pilipino tungo sa mas inklusibo at wastong naratibo ng mga LGBTQIA+.
Ngunit sa kabila ng mga ito, patuloy na umiigting ang iba't ibang stigma, maling pag-unawa, at maling representasyon ukol sa mga karanasan at reyalidad ng mga miyembro ng komunidad.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Fiona Maglaya, pangulo ng FEU Sexuality and Gender Alliance, ipinaliwanag niyang kahit may progreso pagdating sa pagkatawan ng LGBTQIA+ community, iba-iba ang naidudulot nito sa mga adbokasiya ng pangkat na ito.
"I think there's progress pero it's definitely mixed. Kasi they still face some challenges kasi para siyang one step forward, two steps back type of thing... Hindi naman din kasi imposibleng walang downside," ani Maglaya.
Sumang-ayon naman dito ang pahayag ni Milano na nagsasabing patuloy pa ring sumasailalim sa pagbabago ang estado ng represantasyon ng LGBTQIA+ community sa mga pelikula.
"Siyempre hanggang ngayon, nasa proseso pa rin ito ng pagbabago. So, mayroon pa ring mga bahagi na minsan nakikita natin na mas nase-sexualize pa rin 'yung community," paliwanag nito.
Sa pagpapatuloy ng paliwanag ni Maglaya at Milano, ibinigay nila ang iba't ibang karaniwang stereotypes kaugnay ng LGBTQIA+ community sa mga pelikula.
Para kay Maglaya, may dalawang naratibo na karaniwang nakikita sa mga LGBTQIA+ na karakter sa mga pelikula.
Una ay ang pagiging "token gay best friend" o ang mga karakter na binuo lamang upang magpatawa o magbigay ng payo sa ibang mga karakter.
Pangalawa naman ay ang mga miyembro ng komunidad na tila laging nauuwi sa trahedya ang mga kuwento.
Halimbawa ng pelikulang gumagamit ng trope ng token gay best friend ay ang ‘The Hows of Us’ ni Cathy Garcia-Sampana at ang karakter nitong si Mikko.
Bukod sa dala niyang comedic relief sa pelikula, ang mga payo rin ni Mikko ang tila tumulong na magpamulat sa karakter ng bida na siyang nagtulak sa pagpapatuloy ng kuwentong pag-ibig nito.
Idinagdag naman ni Milano ang mga karaniwang estereotipo kaugnay ng mga bakla. Ilan dito ay ang kailangan lagi silang nakikipagtsismisan, laging tampulan ng tukso, at kapag bading na bata, laging sinasaktan sa tahanan.
Makikita namin ito sa mga queer na karakter sa mga pelikula ni Vice Ganda. Mula sa ‘The Unkabogable Praybeyt Benjamin,’ ‘This Guy’s In Love With U Mare!,’ ‘Beauty and the Bestie,’ at iba pa, kinakatawan ng mga karakter ni Vice ang mga estereotipong nabuo ng lipunan kaugnay ng mga bakla.
Binigyang diin din ni Milano ang isyu kaugnay ng kakulangan ng representasyon sa iba pang miyembro ng komunidad at ang pagkakaiba-iba nila sa isa't isa.
“Kapag for example, lesbiyana, madalas makikita mo walang representation… Kulang pa rin ‘yung panitikan na mayroon tayo para ipakilala ‘sino ba ang lesbiyana?’ At… ano ‘yung kaibahan niya doon sa pagiging isang bakla o pagiging isang nonbinary,” giit nito.
Sa huli, nananatiling nakakulong sa madilim na kahon ang LGBTQIA+ community. Ang pagbibigay ng espasyo para sa pagkakaiba’t pagkakakilanlan ang siyang magsisilbing tanglaw sa daang hinahamak ng dilim tungo sa tuluyang pag-unawa ng mga Pilipino sa komunidad ng LGBTQIA+.
Paghahabi ng makatarungang paglalarawan
Sa isang lipunang patuloy na nagbabago, nananatiling makapangyarihan ang pelikula bilang instrumento ng edukasyon at kamalayan. Marapat itong gamitin bilang plataporma ng katotohanan at katarungan upang hubugin ang tamang pananaw ng mga Pilipinong manonood.
Kaakibat nito, marapat lamang na unti-unting magkaroon ng mas maraming pelikula na naglalarawan ng LGBTQIA+ characters sa mas makatotohanang paraan – maraming pagkakakilanlan, personalidad, at pakikibaka sa katotohanan.
Ang makulay na sining ng pelikula, higit pa sa aliw at kasiyahan, ay may kakayahang magbigay-liwanag sa mga sulok ng lipunan na madalas natatabunan ng karaniwang naratibo.
Ayon kay Milano, isang espasyo ang pelikula kung saan magkakaintindihan ang bawat mamamayang Pilipino. Bukod sa pinakamabisang paraan para mapadaloy ang mga tamang impormasyon, abot din ito ng masa.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga filmmakers sa paghubog ng opinyon ng masa tungkol sa mga taong ninanais nitong pintahin sa kanilang mga pelikula.
Kaya naman paalala ni Bana, nararapat lamang na isulong ang responsableng paggamit ng medya at karunungang bumasa't sumulat sa mga manonood tungkol sa oryentasyong sekswal, pagkakakilanlan ng kasarian, at pagpapahayag o SOGIE.
“Those in the movie industry should present the human condition of LGBTQIA+ devoid of pandering or romanticization. They should avoid the red flags of caricature and stereotype. Should they be in doubt, it would be best for their storytelling to be based on extensive reading and painstaking research on LGBTQIA+,” paliwanag niya.
Nararapat ipako sa noo ang kahalagahan ng pagsasanay sa kasaysayan, kultura, at mga karanasan ng mga queer upang sila’y mas maunawaan at galangin. Pag-alabin ang edukasyon ng filmmakers sa pagsulat at pagganap nang maiwasan ang stereotypical at stigmatizing na paglalarawan.
Kung kaya’t hinihikayat din ni Milano ang industriya ng pelikula sa patuloy na edukasyon at sensitibidad upang magbunga ng makatotohanan at makatarungang representasyon.
“’Yun din ‘yung maaring gawin ng institusyon, ‘no, ‘yung capacity building. Paano mo ika-capacitate ‘yung mga young writers mo, queer writers mo, para i-empower ‘yung komunidad na kinabibilangan nila? At the end of the day mahalaga rin dito ‘yung tinatawag na inclusivity. Paano ka makasisiguro na ‘yung nagsusulat ay talagang dinanas ‘yung kaniyang isinusulat?” pagbabahagi pa nito.
Sa pamamagitan ng matibay na kolaborasyon, bukas na komunikasyon, at puspusang pag-aaral, maiiwasan natin ang mga maling pagsasalarawan, at mapapalalim natin ang ating pagrespeto at pagmamahal sa bawat miyembro ng LGBTQIA+ community.
Ang kanilang mga kwento ay dapat maging ilaw na nagbibigay-gabay sa ating landas tungo sa isang mas makatuwiran at mapagpalayang sining ng pelikula.
May maliwanag na kinabukasan na masisilayan sa patuloy na pag-usad ng representasyon ng LGBTQIA+ community sa pelikulang Pilipino. Ngunit, magiging epektibo lamang ito kung patuloy tayong mananawagan para sa mas inklusibong pagsasabuhay ng kanilang mga kuwento. Isang pagsasabuhay na maliwanag ang pagtanggap; malaya sa dilim na kahon ng lipunan.