
TamVows at 10: Continuing romance by walking through the aisle of a lifetime
- March 25, 2025 16:30
FEU Advocate
August 10, 2025 21:15
Ni Vince Matthew Jaramilla
Mayroong kasabihan na tuluyan lamang pumapanaw ang tao kapag wala nang nakaaalala sa kaniya. Ngayong ika-10 ng Agosto, tatlong taon na ang nakalipas mula nang namayapa si Lydia de Vega na isa sa mga haligi ng pampalakasan ng Far Eastern University (FEU) at Pilipinas. Bilang simbolo ng tapang at kakayahan ng babaeng Pilipino, nararapat na panatilihing buhay ang alaala ng minsang binansagan na “Asia’s Fastest Woman.”
Hindi maikakaila na naging inspirasyon si de Vega sa karamihan mula noong una niyang pinukaw ang atensiyon ng mga Pilipino sa Palarong Pambansa, nang matagumpay niyang kinatawan ang FEU at ang Pilipinas sa iba’t ibang paligsahan, hanggang sa kaniyang paglaban sa sakit na kanser.
Karera ng tagumpay
Noong kabataan niya pa lamang, ipinakita na ng atleta ang kaniyang kakaibang galing sa pagtakbo nang siya'y magwagi sa 100m at 200m sprints sa Palarong Pambansa noong 1970s.
Nakasungkit ng koponan ang kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines track and field tournament bilang FEU Charging Lady Tamaraw.
Samantala, nasaksihan ang gilas na taglay ni de Vega sa pagrepresenta sa Pilipinas simula noong siya’y 14 na taong gulang pa lamang. Sa kaniyang limang beses bilang kinatawan ng bansa sa Asian Athletics Championships, nag-uwi siya ng apat na ginto, tatlong pilak, at tatlong tansong medalya.
Bukod dito, nakapagtamo rin ang sprinter ng dalawang ginto at isang pilak na podium finish sa dalawang beses na pagsabak sa Asian Games. Sa Southeast Asian (SEA) Games naman, nangibabaw si de Vega sa loob ng limang beses na pagsali nang makasungkit siya ng siyam na ginto at dalawang pilak na medalya.
Dalawang beses din siyang lumahok sa Summer Olympics noong 1984 at 1988.
Sa kabuoan ng karera ni de Vega bilang isang national athlete, humakot siya ng 24 na medalya na binubuo ng 15 ginto, 6 na pilak, at 3 tanso.
Higit sa lahat, kinilala siya bilang “Asia’s Fastest Woman” dahil sa kaniyang kakaibang galing at dominasyon sa mga patimpalak—isang titulong ikinabit sa pangalan ng dating Tamaraw kahit matapos ang pagretiro niya noong 1994.
Sa mahabang listahan ng kaniyang tagumpay, hindi maikakaila ang husay ni de Vega. Kaya naman noong 2008, napabilang siya sa FEU Sports Hall of Fame na kasalukuyang binubuo ng 52 mga Tamaraw na nagbigay-karangalan sa Pamantasan sa larangan ng pampalakasan katulad nina Johnny Abarrientos at Arwind Santos sa basketball, Rachel Anne Daquis sa volleyball, at mag-amang Jose at Anthony Villanueva sa boxing.
Nakasama naman siya noong 2018 sa Philippine Sports Association (PSA) Hall of Fame na kinabibilangan ng mga legend gaya ng mga basketbolistang sina Robert Jaworski at Caloy Loyzaga, at ang bowler na si Paeng Nepomuceno.
Laban sa labas ng karerahan
Sa kasamaang palad, hindi sa karerahan nakasalubong ni de Vega ang kaniyang pinakamailap na katunggali.
Sa parehong taon ng pagproklama sa kaniya bilang bahagi ng PSA Hall of Fame ay nagkasakit ang atleta—stage 4 breast cancer—na naging dahilan ng pagsailalim niya sa walang kapantay na hirap sa sumunod na apat na taon.
Kahit ganoon, nagawa pa rin ng sports legend na maging isa sa mga flag bearer ng Pilipinas noong ginanap ang 2019 SEA Games sa bansa kasama ang iba pang mga haligi ng pampalakasan, katulad nina Efren ‘Bata’ Reyes, Onyok Velasco, at Alvin Patrimonio.
Saka lamang nalaman ng publiko ang kritikal na kondisyon ng sprinter noong Hulyo 2022 matapos itong ibunyag ng kaniyang pamilya upang humingi ng tulong pinansiyal—isang balitang nagbigay-lungkot sa mga tagahanga ng pampalakasan sa bansa.
Bumuhos ang suporta mula sa mga opisina ng gobyerno at mga kapuwa atleta ni de Vega katulad ng noo’y No. 3 pole vaulter sa buong mundo at ngayo’y No. 5 na si EJ Obiena.
Sa kasamaang palad, tuluyang pumanaw si de Vega sa edad na 57, wala pang isang buwan matapos inanunsiyo tungkol sa kaniyang kalagayan.
Naging mitsa ang pagkamatay ng Asia’s Fastest Woman upang mabigyang-pansin ang kakulangan sa benepisyong natatanggap ng mga pambansang atleta na nagretiro. Subalit, sa kasalukuyang pagsusulat, wala pang bagong panukalang batas o amyenda na naipapasa para sa kanila.
Pamana sa sunod na henerasyon
Masaklap man ang pamamayapa ng isang katulad ni de Vega, hindi naman mawawala ang markang kaniyang iniwan na tila buhay pa rin hanggang ngayon.
Bilang isang babae sa larangang itinuturing ng karamihan bilang ‘panlalaki,’ inspirasyon ang atleta para sa iba pang mga kagaya niyang sumasabak sa mga pampalakasan na sinasabing hindi tugma sa kanilang kasarian. Sa nagdaang Paris Olympics 2024, nag-uwi ng tig-isang bronze medal sa boxing sina Aira Villegas at Nesthy Petecio.
Inihahambing din noon kay de Vega ang galing ng weightlifter na si Hidilyn Diaz na nakasungkit ng kauna-unahang gintong medalya sa Olympics para sa Pilipinas noong 2021.
Sa kasalukuyan, matunog din ang mga pangalan nina Alex Eala at Bianca Bustamante dahil sa talento ng mga ito sa tennis at open-wheel racing, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Maging ang anak ni de Vega na si Stephanie ‘Paneng’ Mercado-de Koenigswarter ay naging isang manlalaro din noon sa larangan naman ng volleyball. Ayon sa kaniya noong tinanggap nito ang PSA Hall of Fame award ng yumaong ina noong 2023, binigyang-halaga ni de Vega ang respeto at disiplina higit sa lahat.
“If you’re disciplined and you really want to reach that goal, you will do everything it takes to achieve it and we saw it in Mom. She started running when she was 15, she started not winning right away but because of her determination, she achieved a lot (Kung may disiplina ka at gusto mo talagang maabot ang kahit anong layunin, gagawin mo ang lahat at nakita namin iyon sa kaniya. Nagsimula siyang tumakbo noong siya ay 15, hindi siya agad nanalo ngunit dahil sa pagsisikap niya, marami siyang napagtagumpayan),” aniya sa isang panayam ng INQUIRER.net.
Sa kaniyang sariling larangan na athletics, tinitingala rin ang Asia’s Fastest Woman bilang isa sa pundasyon ng tagumpay ng mga manlalaro dito. Noong 2023, iniugnay ni Obiena ang kaniyang narating sa pamana ni de Vega.
“I stand on the shoulder of a titan. I probably wouldn't have been so focused on winning if we didn't have the Asian sprint queen in Lydia de Vega. She is one of the people who brought attention to athletics (Nakatayo ako sa balikat ng isang higante. Hindi siguro ako tutuon sa pag-abot ng mga panalo kung hindi dahil sa Asian sprint queen na si Lydia de Vega. Isa siya sa mga nagbigay-pansin sa athletics),” aniya.
Mapaghuhugutan din ng inspirasyon at kamalayan ang laban ng atleta sa kanser na mas nagpapakita sa hirap na dala ng nasabing sakit.
Higit pa rito, binibigyang-diin ng pagiging biktima sa kanser ni de Vega ang pagbabagong kinakailangan sa sistema ng bansa para sa abot-kayang akses sa serbisyong medikal at sapat na suportang pinansiyal para sa mga manlalaro nito, retirado man o hindi.
Kahit tatlong taon na ang lumipas mula noong siya'y namaalam, mananatiling isang ehemplo sa maraming tao si Lydia de Vega na tinakbo ang iba’t ibang karera ng buhay—bilang atleta, babae, Pilipino, at pasyente ng kanser. Sa hindi paglimot ng kaniyang alaala, hindi lamang ipinagbubunyi ang kaniyang marka sa kasaysayan ng pampalakasan, bagkus maaari ding isabuhay nang may kamalayan ang tapang na kaakibat ng pagiging isang kahanga-hangang Pilipino.
(Litrato mula sa SEAG Network)