Nagmamahal, Mama Hal

FEU Advocate
April 14, 2025 17:00


Dear Anak,

Kumusta ka na riyan sa Maynila? Nakatulog ka ba nang maayos kagabi? Kumakain ka ba nang tama?

Nababasa ko minsan sa mga mensahe mong padalos-dalos, na parang may bigat kang tinatago sa likod ng mga "okay lang po ako." 

Anak, 'wag mo akong alalahanin—pero alam mong hindi ko mapipigilang makiramdam.

Ina mo ako—ina mong kahit walang sinasabi, nagdarasal palagi para sa'yo.

Narinig ko kay Tita Liza mo na matataas daw ang grades mo? At kahit pagod ka na, tuloy ka pa rin sa pag-aaral. 'Nak, huwag mong kalimutang magpahinga, ha? Hindi mo kailangang maging perpekto araw-araw. Sapat na sa akin ang ginagawa mo… Higit pa nga

Kahit hindi mo marinig mula sa akin palagi, anak, proud na proud ako sa'yo.

Dito sa probinsiya, wala namang bago—si papa mo, tinatanong ka tuwing hapunan. Si bunso naman, ginagaya pa rin ang mga tawa mo minsan habang kumakain ng mangga mula sa punong madalas niyong akyatin noon. Tahimik naman ang mga gabi rito, pero parang mas tahimik simula nung umalis ka. Miss na miss ka na namin, anak. Kailan ba matatapos ang mga klase mo? Uuwi ka ba agad pagkatapos? May lutong bahay na naghihintay sa'yo—adobo, sinigang, at ‘yung paborito mong ginataan ni nanay.

Anak ko, alam kong hindi ako madalas magsabi nito—at minsan parang mas madali pang tanungin kung kumain ka na kaysa sabihin na… na mahal ka namin. At kahit malayo ka, dala mo ang puso ng ating tahanan. 

Huwag mong kalilimutan—kahit anong mangyari, may nanay kang nakatanaw, nagdarasal, at laging handang yumakap at sumundo kapag gusto mo na umuwi.

Nagmamahal,

Mama Hal

- Je Rellora
(Dibuho ni Toni Miguel Ursua/FEU Advocate)