FEU Tamaraws stun on AdU’s chalked-up defense
- October 29, 2023 11:16
FEU Advocate
September 28, 2024 12:48
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Madalas kung ituring na walang halaga at “hindi praktikal,” patuloy na humaharap sa malupit na agos ng pagwawalang-bahala ang mga nasa larangang humanidades at sining. Ngunit sa kabila ng kakulangan sa suporta at pondo, nananatiling matatag ang mga tagapagtaguyod ng mga disiplina sa kanilang misyon na magpanday ng mas malalim na diwa at kamalayan para sa bayan.
Pagtaguyod sa isinasantabing larangan
Sa bawat himig ng kultura at pintig ng kasaysayan, nag-aalab ang ambag ng mga programang humanidades at sining. Nagsisilbi silang haligi ng kamalayan at pagkakakilanlan—mga daluyan ng diwa at kaluluwa ng bayan.
Karwahe ng pagbabago kung ituring ang pagiging humanista sa masidhi nitong pag-unawa sa mga komplikadong isyung panlipunan, habang sinasalamin naman ng sining ang kolektibong hinagpis, ligaya, at adhikain ng mga Pilipino.
Sila ang nagsisilbing tinig ng mga pilit pinatatahimik at nagbibigay-kulay sa kuwadradong madalas ituring na walang halaga at saysay.
Ayon sa panayam ng FEU Advocate sa mag-aaral ng BS Psychology at Company Manager ng Far Eastern University Theater Guild na si RB Pascua, krusyal ang mga programang ito sa pagpapakilala ng ating kultura, identidad, at kasaysayan bilang mga Pilipino.
“Mahalaga rin na naiintindihan ng mga tao ang mundo at ang mga konseptong ginagamit natin bilang Pilipino upang magkaroon ng makataong lipunan at ng kamulatan. Napapayabong din nito ang ating kakayahang makipagdiskurso at lumikha ng akdang pansining,” paliwanag niya.
Huling bantayog ang mga larangang ito ng ating pagka-Pilipino, mga tagumpay na patuloy na inuukit ang imahe at pangalan ng Pilipinas.
Kung kaya’t ipinagmalaki rin ni Pascua ang ‘TamDula,’ isang produksiyon mula sa FEU Theater Guild na nagtatampok sa mga orihinal na akda ng mga miyembro nito. Sa pamamagitan nito, mas nailalantad sa mga mag-aaral ang kagandahan ng sining at teatro.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ng mag-aaral ng BA Communication at student-artist na si Kaloy Estrella bilang magpepelikula na instrumento ang sining sa paghahatid ng mga kwento ng lipunan.
Halimbawa na lamang ang mga likha ni Estrella tulad ng ‘Hiraya’ at ‘Save the Last Dance for Me,’ na kinlala sa ibang bansa. Tinalakay nito ang mga isyung panlipunan tulad ng pag-usad sa kabila ng pagdadalamhati at pagkawasak ng kalikasan dulot ng labis na pagmimina.
Patuloy na humahabi ang mga Pilipino ng mga naratibo mula sa sining at agham panlipunan. Inilalahad ng mga ito ang mga sugat ng kasaysayan at mga hibla ng ating kaluluwa.
Kung kaya’t higit pa sa mga pahina ng aklat o sa mga entabladong pinagtatanghalan ang mga programang ito; sila ang pumupukaw sa kamalayan at humuhubog sa kaluluwa ng lipunan.
Subalit, sa kabila ng mga kontribusyon nito sa lipunan, tila tinatahak pa rin nila ang daang para sa mga ligaw na kaluluwa–hinahanap ang papel sa mundong mas pinahahalagahan ang sukat ng kita kaysa sa lalim ng pagninilay.
Dagok ng kakulangan sa suporta
Sa bawat taong lumilipas, patuloy na lumiliit ang pondo at tumataas ng matrikula sa bawat eskwelahan.
Sa lumalalang sitwasyon ng implasyon, tuluyang nagiging masidhi ang pangangailangan ng mga estudyante sa mga scholarship upang matustusan ang kanilang edukasyon. Subalit sa ganitong pagkakataon, tila pinagkakaitan ang mga mag-aaral na nais tahakin ang mundo ng sining at agham panlipunan.
Ayon sa artikulo ng Rappler, bigong abutin ng bansa ang itinatakdang pamantayan ng UNESCO kaugnay ng paglalaan ng hindi bababa sa apat hanggang anim na porsiyento ng Gross Domestic Product para sa edukasyon, matapos maitalang tatlo hanggang apat bahagdan lamang ang alokasyon ng bansa para rito.
Mula rito, matatanaw ang pagkukulang ng gobyerno sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kursong may kaugnayan sa sining at humanidades. Kalimitang mas pinagtutuunang-pansin ang pagsasapribado ng mga unibersidad at nililimitahan ang panggastos para sa mga ito.
Ayon kay Pascua maraming paaralan, lalo na sa mga pampubliko, ang kulang sa pondo para sa mga programa ng sining. Kung kaya't madalang ang mga paaralan at gobyerno na magbigay ng iskolarsyip sa mga programang ito.
“Ang sining ay madalas na nakikita bilang isang ‘extracurricular’ na aktibidad at hindi isang mahalagang bahagi ng edukasyon. Dahil dito, ang mga programa sa sining ay madalas na ang unang tinatanggal kapag mayroong budget cuts,” anito.
Paliwanag pa niya, nagdudulot ito ng pagbibigay-prayoridad ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Commission on Higher Education sa mga pinansiyal na tulong sa edukasyon para sa mga programang may kaugnayan sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM).
Pinaigting pa ito ng unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung saan kapansin-pansin ang kakulangan ng plano para sa mga programang panghumanidades at agham panlipunan. Sa halip, binigyang-diin ni Marcos Jr. ang pamumuhunan sa mga kursong may kaugnayan sa STEM.
Inayunan naman ito ng propesor sa Departamento ng Komunikasyon ng Unibersidad na si Gabriel Garcia sa isang panayam sa FEU Advocate.
“Compared to other programs, because of misconceptions, HUMSS [Humanities and Social Sciences] and Arts, whether in public or private institutions, are often underfunded (Kumpara sa ibang programa, dahil sa maling konsepto, ang mga programa ng HUMSS at Sining, mapapubliko man o pribadong institusyon, ay kadalasang kulang sa pondo),” saad nito.
Kung kaya’t sa kabila ng potensyal na maghatid ng makabuluhang ambag sa kultura at lipunan, madalas ay nagiging limitado ang kanilang pag-unlad dahil sa kakulangan ng oportunidad.
Paliwanag pa ng guro, madalas minamaliit ang sining. Madalas itong ibinababa sa antas ng simpleng palamuti, kaya't hindi binibigyan ng seryosong pagpapahalaga.
“[Art] is a way of life, it is an expression, a celebration, a record of culture and history, it is revolutionary, thought provoking, it is experiential, it is confrontational. It builds community (Ito ay isang paraan ng pamumuhay, isang pagpapahayag, isang pagdiriwang, isang tala ng kultura at kasaysayan, ito ay rebolusyonaryo, gumigising ng kaisipan, ito ay karanasang dama, ito ay mapanghamon. Ito'y nagtataguyod ng komunidad),” pagsalungat ni Garcia.
Dulot ng kritikal na balakid na ito, maraming estudyante ang nawawalan ng tsansa at napipilitang maghanap ng alternatibong paraan. Kadalasan, nauuwi ito sa pagsikil ng kanilang mga ambisyon at sapilitang pagtahak sa mga kursong hindi talaga nila ninanais, gaya ng ibinahagi ni Aira Pedro na mag-aaral mula sa BA Communication.
“Nag-ABM (Accountancy, Business, and Management) ako kahit gusto ko mag-HUMSS kasi dun naka-base ‘yung mga gusto kong course pero mas gusto ng parents ko kung ano mas practical which is business,” saad pa nito.
Isa rin ito sa namataang hamon ni Pascua, sapagkat marami ring mga magulang at estudyante ang naniniwala na ang mga karera sa sining ay hindi ganoon “ka-stable” at hindi gaanong kumikita.
Kung kaya’t laganap ang maling paniniwala na walang puwang sa lipunan ang humanidades at agham panlipunan.
Ngunit hindi ba’t katuwang din sila sa mga patuloy na nag-aaral ng mga komplikadong isyung panlipunan at nag-aanalisa ng mga teoryang makatutulong upang masolusyonan ang mga ito?
Marapat lang na intindihin natin ang mga ideolohiya ng politika, sining, kasaysayan, literatura, lengguwahe, at midya sapagkat ito ang puso ng lipunan. Dahil paano uusad ang isang bansang ignorante sa mga mekanismo at balangkas na nagpapatakbo rito?
Ang mga artistang dapat sana’y kinikilala at binibigyan ng nararapat na halaga para sa kanilang likha ay napipilitang magtiis sa ilalim ng maling akala na ang kanilang gawa ay “madaling gawin” at “dapat bayaran sa murang halaga.”
Ayon kay Estrella, ito'y bunga ng kakulangan sa pagkilala at pagtaguyod ng mga ganitong programa.
“Pinaka-root talaga ng lahat is 'yung kulang 'yung pagkilala at pagpapakilala. Sa pagkilala, hindi talaga alam ng tao kung ano talaga ‘yung power or naambag ng arts sa isang tao o sa isang lipunan. Sa pagpapakilala naman, kulang yung mga tao na may kakayanan na mag-present nito o hindi nila ginagamit 'yung kakayahan nila para i-present kung ano 'yung kaya nitong art mismo,” anito.
Dagdag pa niya, ang mga stigmang nakapalibot dito ang pangunahing dahilan kaya nagiging realidad ang mga dagok na kanilang kinahaharap.
Sa halip na suportahan, hinaharangan ng lipunan ang malayang pag-agos ng mga nagnanais sumagwan tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap, na siya namang napipilitang ikubli sa dilim ang kanilang mga ambisyon at talento—hindi naririnig, hindi nakikita, hindi napapansin.
Dapat nating buksan ang mga ilog ng oportunidad para sa mga ito upang sila’y makapagpatuloy sa kanilang paglalayag nang walang hadlang at pangamba.
Hayaang umagos nang malaya ang ilog ng kanilang mga pangarap, sapagkat sila ang daluyan ng ating pagkakakilanlan at lakas bilang isang bayan. Mga tinig na kailanma’y hindi dapat malunod sa agos ng pagwawalang-bahala at kakulangan ng suporta.
Patuloy na pagsagwan ng pusong alab
Sa gitna ng kakulangan sa pondo at suportang halos hindi matanaw, patuloy ang mga alagad ng sining at humanidades sa paglalakbay. Hindi alintana ang pagmamaliit at kawalang-hustisya mula sa isang lipunang mas pinapaboran ang mga kursong may “konkretong kita”.
Para kay Estrella, passion ang isa sa mga tumutulak sa kaniya. Sambit nito, habang patuloy na nabubuhay ang sining at humanidades, patuloy din ang pag-usad at pag-iral nito sa kabila ng mga kakulangan sa suporta.
“At sino naman ako para hindi mag-ambag sa pag-exist ng isang bagay na mahal ko?” salaysay ng student-artist.
Sa bawat araw, pinatutunayan ng mga alagad ng sining at humanidades na ang halaga ng kanilang disiplina ay nagsisilbing simbolo ng pambansang pagkakakilanlan at malalim na pagka-Pilipino.
Sa bawat pag-aaral ng lipunan, mga tipa ng panulat, at hagod ng pintura, masisilayan ang tapang ng mga estudyanteng naninindigan laban sa baluktot na sistema.
Subalit sa laban na ito, hindi lamang sila ang dapat tumitindig. Kinakailangan ng kolektibong pagkilos bilang isang lipunan upang itulak ang pamahalaan na kilalanin at suportahan ang HUMSS at sining.
Hiling ni Estrella, sana’y mapondohan pa ang mga ganitong uri ng programa upang mabuksan din ang kaisipan ng publiko ukol sa kahalagahan nito.
“Sana magkaroon ng enough funding at pagva-value sa art. Next one is 'yung scholarships, ‘yun ‘yung pinakaimportante kasi du’n matutunan ng mga tao talaga paano makita ang isang sining, ‘di natin siya makikita na walang kuwenta o walang pera, kasi kapag may scholarship, mas maio-open ‘yung mga tao to take this course or path. Mas magkakaroon ng chance ‘yung mga tao na magkaroon ng choice,” wika nito.
Samantalang ayon kay Pascua, nararapat na simulan ng gobyerno ang pagpapabuti ng kurikulum ng isang paaralan upang mas maging makabago ang mga programa sa sining at HUMSS.
Sapagkat anito, makatutulong sa mas magandang kalidad ng edukasyon at oportunidad para sa HUMSS at sining ang maayos at mataas na pondo upang magkakaroon ng resources, pasilidad, at avenues para sa mga pansining na aktibidades.
Nararapat lamang para sa mga displinang ito na humiling at mangailangan ng higit na pondo, mga programang nagsusulong ng oportunidad, at isang sistemang kumikilala sa halaga ng mga larangang ito.
Panahon na upang buwagin ang maling pananaw na ang HUMSS at Sining ay mga larangang walang kabuluhan at hindi dapat tinatapunan ng pansin. Marapat na kilalanin kung paano inilalatag ng mga disiplinang ito ang batayan para sa isang lipunang malaya, makatarungan, at tunay na may malasakit sa kasaysayan at kultura.
Hindi sapat ang mga patak na tulong; kailangan ng malawakang hakbang na magpakikita ng tunay na pagpapahalaga sa sining at agham panlipunan bilang mga haligi ng pambansang diwa at kaisipan. Sa pagtaguyod sa mga larangang ito, itinataas natin ang antas ng ating kabihasnan at kultura. Ang HUMSS at Sining ay hindi lamang mga asignatura; sila ang tibok ng ating bayan—mga pusong naglalayag sa agos ng tunay na pagbabago.
(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)