A War Within a Hero: The "Goyo: Ang Batang Heneral" Movie Review
- September 16, 2018 18:00
FEU Advocate
April 25, 2022 02:19
Nina Agustin San Andres, Jr. at Norwin Trilles
Sa pagkakaukit ng pagsasabong sa kultura at tradisyon ng bawat Pilipino, ang bawat sabungero ay tila umaasa sa kakarampot na posibilidad na uuwi silang mayroong ngiti sa mukha. Sa mas pinadaling pagtaya dahil sa tulong ng teknolohiya, marami ang patuloy na nahuhumaling isugal ang kanilang natitirang pag-asa sa walang katiyakang laban ng asul at pula.
Ang Kultura ng Sabong
Mayaman, ganyan mailalarawan ang kulturang mayroon ang Pilipinas. Ang pagkakaiba-iba sa kung ano at paano ipinagdiriwang ang kultura at tradisyon ng libo-libong pulo ng bansa ay ang siyang bumubuhay sa kolektibong ideya ng masaganang kulturang Pilipino.
Mayroong isang kasanayan sa bansa ang siyang naging parte na ng libangang pang-Pilipino, libangang naging bahagi na ng kulturang maka-Pilipino—ang pagsasabong. Ang gawaing ito ay naging patok, hindi lamang sa isang partikular na lugar kundi halos sa buong kapuluan ng bansa.
Ayon sa Oklahoma Historical Society, isang organisasyon mula Amerika, ang sabong ay unang naidokumento sa klasikal na panahon. Ito ay ginagawa ng mga Griyego upang pasiglahin, palakasin at siguraduhin ang kagitingan at kondisyon ng kanilang mga mandirigma.
Kung babagtasin nang mabuti ang bakas ng sabong, masasabing may kalayuan at kahabaan na ang itinakbo nito sa sistemang panlibangan ng Pilipinas.
Sa lokal na konteksto, sinasabi sa artikulo na nailimbag sa ilalim ng NBC News, isang 75-year old American commercial broadcasting television network, na ang pagsasabong sa Pilipinas ay namayagpag na bago pa man dumating si Magellan.
Sa paglalarawan naman ni Xiao Chua, historian mula Philippine Historical Society sa kultura ng sabong sa bansa, pinaliwanag niya na sinasalamin umano ng mga sabungero ang kanilang sarili bilang manok. Ang bawat laban ng mga panabong na manok ay laban ng kani-kanilang ego kung kaya’t ang pagkatalo ay katumbas ng kahihiyan.
Sa taong 2019, inilahad ni cockfighting world champion Biboy Enriquez sa isang bidyo ng VICE Asia na mayroong mahigit kumulang 2,500 na cockpits sa bansa na kung saan humigit kumulang 30 milyon manok ang pinaglalaban-laban.
Sa mga numerong ito, pinagtitibay ang ideya na maraming Pilipino ang inuubos ang oras sa pagsasabong. Para sa ilan, higit ang depinisyon sa simpleng sugal lamang sapagkat ito ay paraan upang maibsan ang stress na ibinabato ng buhay.
Pagtalpak sa Espasyong Digital
Sa gitna ng pandemya, binago nito ang sistema ng tradisyunal na sabong na nakasanayan ng bawat Pilipino. Mula sa soltadang dinudumog ng sangkatutak na tao, napunta at umigting ang naturang sugal sa loob ng digital na espasyo na kung tutuusin mas madali at abot-kaya na para sa mga manlalaro mapa-bata man o matanda.
Ayon sa tala, taong 2018 pa lamang nauso na ang pagsasabong online. Sa katunayan, nabahala na noon ang kongreso sa pag-usbong ng nasabing sugal online. Sa naturang artikulo, ibinahagi ni Ako Bicol Representative Rodel Batocabe na naisasagawa ang pagsasabong online sa mga probinsiya nang hindi nakokontrol o na-reregulate ng estado noon.
Sa nasabing hearing noong 2018, ibinahagi rin ng kilalang cockpit operator sa Camarines Sur na si Ricardo Magtuto na kakaiba ang e-sabong dahil malalaro ito araw-araw at hindi lamang tuwing Linggo at tuwing may pista at piyesta.
Ilang taon na ang lumipas, mas lalong namayagpag ang e-sabong nang maging legal at patuloy itong malaro sa gitna ng pandemya. Sa kasalukuyan, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nagreregulate sa nasabing pasugalan alinsunod sa PAGCOR charter na nilinaw ng Office of the Solicitor General at Kagawaran ng Hustisya (DOJ).
Kahit pa man ibinaba ang mga abisong pangkalusugan noong 2020, matatandaang ipinaliwanag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na hindi pa pinahihintulutan na muling magbukas ang mga sabungan sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Bunsod nito, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mas lalong umunlad ang e-sabong ngayong may pandemya. Sa paraang digital, hindi nalalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga sabungero ‘pagkat hindi na nila kinakailangan pang sumiksik.
Dagdag pa rito, hindi na rin kinakailangan pang magbayad ng mga e-sabungero ng pisikal na pera ‘pagkat maaari na lamang silang magpa-load upang makataya matapos magparehistro. Mas makabubuti rin ito dahil nalilimitahan ang mga pisikal na kontak sa loob ng sabungan dahil lahat ng transaksiyon mula sa pagtaya at pagkuha ng napanalunan ay online na rin.
Sa kabila naman ng patuloy na paglago ng e-sabong, binabalot din ito ng iba’t ibang kontrobersiya ngayon. Nitong Marso, inilunsad ng 23 na senador ang imbestigasyon sa nasabing sugal online dahil sa higit tatlumpung sabungero na nawawala sa hindi pa matukoy na dahilan.
Sa isyung ito, nirerekomenda ng mga senador na suspendihin ang e-sabong hangga’t hindi pa nalulutas ang naturang problema. Ngunit, hindi ito inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil malaki aniya ang kita ng industriya ng e-sabong at nagagamit ang nalilikom na pondo sa pagtugon sa pandemya’t sa pagbuhay ng ekonomiya.
Sa Lente ng E-sabungero
Ang pagkapanalo sa sabong, mapa-tradisyunal o digital man ay laro ng tadhana at ang pagsipat sa suwerte ay mistulang pagsuot sa butas ng karayom—maliit ang tiyansa, ngunit napakaraming posibilidad. Sa mabilis na pagtaas ng gumagamit ng e-sabong, halos may pagkakapareho ang naging karanasan at nag-udyok sa ilang mga manlalaro na ipagpatuloy ang paggamit nito.
Ayon kay Romeo Remucal Jr., 37 taong gulang at manlalaro sa Pitmaster live, mahigit isang taon na siyang naglalaro ng e-sabong upang makapaglibang. Ibinahagi rin ni Romeo na “sobrang” nakaaadik ang paglalaro nito dahil gumagastos siya ng P500 hanggang P1,000 kada araw.
Sa mas pinadaling pagtaya, nanalo na ng malaking halaga si Romeo na umabot ng P14,500 ngunit natalo na rin siya ng nagkakahalagang P7,300 —na labis na nagpalungkot sa kaniya. Sa pangyayaring ito, naniniwala si Romeo na dapat lamang na suspendihin ang e-sabong.
“Mas maganda ang tradisyunal na pagsasabong kasi personal na makikita mo ‘yung manok na maglalaban, ang online sabong mas malaki ang natatanggal sa pusta mo ‘pag manalo ka. Dapat na tanggalin na ang online sabong at ibalik nalang ung tradisyunal na sabong,” pagdidiin nito.
Parehas naman ng ibinahaging naratibo ang pamangkin nitong ahente ng Pitmaster live at WPC2029 na si Rich Jon Remucal, 22 taong gulang.
“Sa aking palagay, minsan nakakalibang ang paglalaro ng e-sabong ngunit kadalasan ito ay nakaadik din,” pagpapalawig nito.
Subalit, taliwas naman ang naging pahayag nito hinggil sa usapin ng suspensyon ng e-sabong. Sa kinita noon ni Rich John na komisyong nagkakahalagang P40,000 sa loob ng isang buwan, naging dahilan ito upang masuportahan at maibigay niya ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
“Kung maari ‘wag po sana suspendihin dahil sa ngayon, ito lang po ang aking pinagkakakitaan,” maiksing panawagan nito.
Kalakip ng Pagtaya
Tunay ngang may malalim na ugat at rason ang mga sabungero sa kanilang pagsugal gaya na lamang nina Rich John at Romeo na tumataya para magpalipas oras at kumita kaonti. Subalit, sa likod ng mga sarili-sarili at katanggap-tanggap na rason, hindi maikukubli ang kalakip na negatibong epektong aminado ang magkamag-anak—ang adiksyon.
Ayon sa sikolohista at propesor na si Alvin Joseph Mapoy ng University of Santo Tomas - College of Science, Department of Psychology, marami ang pinag-uugatan ng adiksyon. Mula sa katotohanan na ito ay maaaring mamana, neurotransmitter at psychological factors hanggang sa social factors.
“Ang adiksyon ay maaring maipaliwanag sa pamamagitan ng biopsychosocial model. Base sa teoryang ito, mas mataas ang tsansa na magkaroon ng adiksyon ang kambal. Ibig sabihin nito, maaring mamana ang adiksyon,” paliwanag ni Mapoy.
Dagdag pa ni Mapoy, pupuwede rin aniya maipaliwanag ang adiksyon base sa mga nakapaligid sa bawat tao o social factors. Sa aspektong ito, binigyang-linaw nito na maaaring nakita ng isang tao sa kanyang magulang o kaibigan ang pagsusugal dahilan kung bakit siya’y labis na naapektuhan.
Isa rin ang social problem sa nakikita ni Mapoy bilang pangunahing sintomas ng adiksyon. Aniya, kung ang pag-uugali ay nakaaapekto na sa trabaho, gawain sa bahay, at pakikisalamuha sa iba, maaaring ang tao ay pumukol na sa adiksyon.
Binigyang-diin din ng sikolohista na ang nakukuhang excitement naman ang nakikitang dahilan kung bakit marami ang naaadik sa pagsusugal tulad na lamang ng sabong.
“Isang uri ng adiksyon itong tinatawag nating Gambling Disorder. Ang mga taong mayroong nito ay gustong magsugal para makuha ang excitement. Nakakaapekto itong excitement sa kanila — hindi mapakali, hindi mapigilan ang sarili sa pagsugal, laging naiisip ang sugal at iba pang sintomas,” sambit ni Mapoy.
Pinapayuhan naman ni Mapoy ang mga Pilipino na kung sa tingin nila ay mayroon ng kasamang adiksyon ang kanilang pagsusugal, magandang magpakonsulta sa isang mental health professional sapagkat importante na magkaroon ng kabatiran kung paano sila matutulungan.
“I-observe nang maigi ang behavior. Okay lang naman ang magkaroon ng libangan, ngunit kung ito ay nakakaapekto na at nagdudulot ng problema marahil dapat bawasan na natin ito,” panapos na payo ni Mapoy.
Mataas na nga ang nilipad ng sabong kung ikukumpara sa ibang larong sugal na mayroon ang masang Pilipino tulad ng pagbabaraha o mahjong. Hindi tulad ng maliliit na sugal, mayroong multi-billion na piso ang umiikot sa sistema ng sabong lalo na ngayong pandemya na kung saan nagkaroon ito ng online na plataporma.
Naging mas mabilis ang transaksyon, isang pindot lamang ay makakapasok ka na agad sa mundo ng pagsasabong. Marami ang nahuhumaling sa ginhawang saya na ibinibigay sa tao ng makabagong paraan ng paglalaro. Saya na kung minsan ay napapabayaan sapagkat nadadala ng labis na kahumalingan.
Sa bawat laban ng mga manok ay ang bitbit na pag-asa ng mga mananaya, pag-asa na maibabalik ng swerte ang perang inilaan para sa sugal na walang kasiguraduhan.
Ang paglago ng industriya ng sabong sa bansa ay paglago rin ng mga tuksong kayang ibigay nito sa madla. Ito rin ay katumbas ng kaliwa’t kanang mabilis na pagkakahulog sa hindi tiyak na laban. Kung kaya’t nawa’y sa bawat pagtalpak na ginagawa, siguraduhing kasama ang paninindigan na kailanman ay hindi magpapabihag sa laro ng mundong mapanlinlang.
(Dibuho ni Sophia Kaye Fernandez/FEU Advocate)