Mukha ng Pasko sa tahimik na dormitoryo

FEU Advocate
December 27, 2025 09:42


Ni Shane Tapican

Habang abala ang ilan sa pakikipagsiksikan sa mga terminal, pagbili ng tiket, at pag-impake para makauwi sa kani-kanilang probinsiya pagsapit ng Disyembre, sumabay naman ang malamig na simoy ng hangin sa mas tahimik na diwa ng Pasko para sa mga estudyanteng mag-isang sumalubong nito sa kanilang dormitoryo.

Sa gitna ng okupadong lansangan ng Kamaynilaan dahil sa sabay-sabay na paglisan ng mga estudyante para sa holidays, unti-unti namang lumuwag ang mga pasilyo ng mga dormitoryo sa paligid ng Far Eastern University. May mga umalis na may ngiti at maleta—at may mga naiwan, tahimik na pinanood ang pag-uwi ng iba.

Pasko, Pasko, Pasko na namang muli

Tuwing Disyembre, naging hudyat ang huling linggo ng semestre sa pag-uwi ng maraming estudyante.

Kaya naman may mga nagmadaling bumili ng tiket pauwi sa kanilang probinsiya, tinapos ang final requirements, at maagang lumisan sa mga dormitoryo upang makasama ang pamilya sa Pasko.

Bawat paglabas ng mga estudyante mula sa kani-kanilang dorm nang may bitbit na mga bagahe at paalam, unti-unti ring humupa ang dating masiglang kapaligiran ng dormitoryo. Napalitan ito ng tahimik na pasilyo na dati’y puno ng yabag, tawanan, at maiingay na kuwentuhan.

Ayon kay Warlita Gelio, 42 taong gulang na lady guard ng V Exclusive Tower, kapansin-pansin ang pagbabago ng dormitoryo tuwing sasapit ang Pasko kada taon. 

“Sa two years ko rito, pansin ko tahimik sa dorm [kasi] mas marami po talaga ‘yong umuuwi, kaunti lang ang nag-i-stay,” aniya.

Hindi lamang ito simpleng kawalan ng ingay, ngunit naging simbolo rin ito ng pagiging mag-isa sa gitna ng makulay at maingay na selebrasyon ng iba.

Sapagkat habang marami ang umuwi sa kanilang mga pamilya ngayong Pasko, may ilan ding nananatili na lamang sa kanilang dormitoryo bilang pansamantalang kanlungan sa kanilang pinagdadaanan.

Ibang mukha ng Pasko

Iba’t iba ang dahilan kung bakit may mga estudyanteng naiwan sa kanilang dorm ngayong Pasko. 

May ilang nais pansamantalang takasan ang problema sa sariling tahanan, habang may iba naman na mas piniling manatili dahil malayo at mahal ang pamasahe pauwi.

Ayon sa pagbabahagi ng first-year Education student na si ‘Avi’ sa panayam ng FEU Advocate, nais niyang takbuhan ang kaguluhang matagal nang bumabagabag sa loob ng kanilang tahanan.

In our house, misunderstandings are constant—shouting, clashing opinions, and the endless need to be right. And honestly, I am so exhausted by all of that noise (Sa bahay namin, laging may sigawan at pagtatalo. Pagod na talaga ako sa mga ingay na iyon),” saad niya.

Dahil dito, hinanap niya ang sandaling katahimikan sa dorm upang makapagpahinga mula sa walang tigil na sigawan at tensiyon sa bahay. Subalit sa kabilang banda, hindi rin madaling harapin ang katahimikan nang nag-iisa habang nagdiriwang ang mundo.

Kaya’t dagdag ni Avi, ramdam niya ang kalungkutan habang pinapanood ang kaniyang mga dormmate na umuwi sa kani-kanilang pamilya.

“Watching my dormmates leave to be with their families while I remain alone I feel like I’d be left drowning in my thoughts (Habang nag-uuwian ang mga dormmate ko sa kanilang mga pamilya at naiiwan ako mag-isa… pakiramdam ko malulunod ako sa sarili kong mga iniisip),” saad pa niya.

Magkaiba man ng dormitoryo na tinutuluyan, hindi nalalayo ang karanasan ni Avi kay ‘Matt,’ isang first-year Fine Arts student, na pinili ring kumawala sa tanikalang iginapos sa kaniya ng sariling pamilya.

“I’m not going back to the province this holiday—not just because of acads [academics], personal stuff, and financial issues like saving money—but also because of my [family]. I already know what will happen at home, and that’s why I chose to study in a school that’s [far] away from them (Hindi ako uuwi sa probinsiya ngayong holiday—hindi lang dahil sa pag-aaral, personal na bagay, at problema sa pera tulad ng pagtitipid—pero dahil na rin sa pamilya. Alam ko naman na kasi kung ano ang mangyayari sa bahay, at kaya rin pinili kong mag-aral sa paaralang malayo sa kanila),” aniya.  

Sa kinalakihang tahanan ni Matt, tila may bantay ang bawat kilos, may dikta ang bawat desisyon, at may mga kamay na humuhubog sa kaniya ayon sa kagustuhan ng iba.

“They always dictate what should I do like I’m their robot who always works 24/7 (Lagi nila akong dinidiktahan, parang robot na kailangang gumalaw nang walang humpay),” pahayag niya.

Unti-unting natuklasan nina Avi at Matt na ang diwa ng Pasko ay hindi laging matatagpuan sa isang tahanang puno ng pamilyang sabay-sabay kumakain sa hapagkainan. Dahil minsan, ito’y pagpili sa sarili at pagbuo ng kapayapaang kailanman hindi nila natagpuan sa sariling pinagmulan.

Sa kabilang banda, hindi lamang pansariling salik ang nagpaiwan sa ilang dormer; dala rin nila ang mabibigat na usaping praktikal tulad ng kakapusan sa pera at layo ng uuwiang probinsiya, tulad ng obserbasyon ni Ginang Gelio.

“‘Yung iba kasi malalayo pa ang uuwian… siguro walang allowance, nagtitipid din,” dagdag niya.

Sinasang-ayunan ito ng karanasan ni ‘Jay,’ isang second-year Accountancy student, na mas piniling manatili sa kaniyang dorm ngayong Pasko dahil sa kakulangan ng badyet at mahal na pamasahe.

“Mahal kasi ‘yong pamasahe pauwi [tapos] malayo [rin] province. Nahihiya naman ako umuwi nang wala ring pasalubong. Kasi, siyempre, gastos pa. Mas praktikal na mag-stay na lang muna sa dorm, allowance na [rin] ‘yon,” paliwanag niya.

Ngunit sa kabila ng magkakaibang dahilan, hindi maikakaila ang emosyonal na epekto ng pananatili sa dormitoryo tuwing Pasko. 

Kaugnay nito, iniulat ng ABS-CBN News na nararamdaman ng ilang tao ang holiday blues, o ang pansamantalang depresyon tuwing kapaskuhan, lalo na sa mga hiwalay sa pamilya o abala sa trabaho. 

Sa konteksto ng mga estudyanteng dorm-based, naging mas personal at kongkretong karanasan ang nasabing kalungkutan. Nagkaroon ng sariling kuwento ang bawat estudyante sa gitna ng malamig na dingding at tahimik na pasilyo. 

Kaya’t dito nagsimula ang mas malalim na hamon na kailangan nilang lampasan sa malamig na panahon kasama lamang ang kanilang sarili: paano nga ba nila mapananatili ang kalusugang mental habang sinusubukang likhain ang sariling anyo ng Pasko?

Dahil ipinakikita ng kanilang karanasan na hindi kailangan engrande para maging makabuluhan, sapagkat may sarili itong paraan ng pagdiriwang ang Pasko sa kabila ng katahimikan.

Paskong kailangan, hindi nakasanayan

Sa iba’t ibang silid ng dorm, nagkaroon ng kaniya-kaniyang mukha ang Pasko. 

Subalit, paano nga ba natin tinutukoy ang diwa nito? Sa ilaw, sa pamasko, sa salo-salo, o sa tahimik na pagmumuni-muni habang umiikot ang mundo? 

Sa ganitong sitwasyon, umuusbong ang samu’t saring damdaming hindi madali pangalanan.  Para kay Avi, magkahalo ang emosyon na kaniyang nararamdaman ngayong malayo siya sa pamilya.

To be honest, it’s really complex, so I really don’t know how to explain it exactly. I feel a mix of emotionsmellow yet melancholic (Sa totoo lang, napaka-komplikado ng nararamdaman ko kaya hindi ko ito maipaliwanag nang eksakto. Magkahalo ang emosyon ko—kalmado subalit may lungkot),” ayon sa mag-aaral ng Edukasyon.

May kaparehong bigat din ang karanasan ni Jay na naiwan sa dormitoryo dulot ng kaniyang pangangailangan at hindi pansariling pagpili at kagustuhan.

“Sa totoo lang, nakakalungkot kasi hindi ko naman ginusto, kinailangan lang na hindi umuwi,” pagbabahagi niya.

Habang inilarawan naman ni Matt ang pananatili sa dormitoryo bilang bagong karanasan, bagama’t may pakiramdam ng kakulangan kompara sa Paskong kasama ang pamilya.

It’s kind of a new feelingbeing more independent and finding a new way to be happy alonebut there is a difference between happiness and excitement for me, because I’ll definitely miss out on the fun things they had, the food they prepared or shared, and such (Medyo bago ang pakiramdam—mas nagiging malaya ako at natututong maging masaya kahit mag-isa. Pero may pagkakaiba ang kaligayahan at kasabikan para sa akin kasi siguradong mami-miss ko ang mga masasayang bagay na ginawa nila, ang pagkain na inihanda o pinagsaluhan nila, at iba pa),” paliwanag niya.

Para kina Avi, Matt, at Jay, hindi ito ang tradisyonal na Pasko na puno ng kasiyahan, hindi ang Paskong may handa sa mesa para sa buong pamilya, at hindi rin ang Paskong nakikita nila sa social media.

Ito ang Pasko ng pagpili—pagpili sa katahimikan, sa sarili, at sa kapayapaan.

Ipinahihiwatig nito na hinarap ng bawat estudyante ang Pasko sa kani-kanilang paraan—nagagawa pa rin nilang makahanap ng sariling paraan upang maramdaman ang diwa ng kapaskuhan.

Kaya naman sa nitong Pasko, naglakad-lakad si Avi habang dinadama ang diwa ng okasyon.

“I just wandered around Manila… enjoyed the Christmas breeze… treated someone food (Naglibot lang ako sa Maynila, dinama ‘yung simoy ng Pasko, at nanlibre ng pagkain sa iba),” aniya.

Katulad ni Avi, sinalubong ni Matt ang Pasko sa sarili niyang paraan. Sa pamamagitan ng paglalakad-lakad, panonood ng palabas, at pagmuni-muni sa dormitoryo. 

“For me, [para] pagaanin ang loob [ngayong Pasko], I just walked around. I also watched something that made me cry and noted the important lessons from the series or movie, which I could use for self-improvement. That’s how I made myself feel lighter and focused on the things I needed to accomplish. (Para sa akin, para gumaan ang loob ko noong Pasko, naglakad-lakad na lang ako. Nanood din ako ng mga palabas o pelikula na makapagpapaiyak sa akin at kinuha ang mahahalagang aral mula rito na maaari kong gamitin para sa sariling pag-unlad. Ganito ko pinagaan ang aking pakiramdam at nagtuon sa mga bagay na kailangan kong tapusin),” salaysay ng mag-aaral ng Sining.

Sa katahimikan ng espasyong walang nagmamasid o nagdidikta, doon niya naramdaman ang kalayaang matagal niyang inaasam.

Samantala, nagluto naman si Jay ng simpleng pagkain at nagpahinga mula sa nakapapagod na semestre—sapat na para maramdaman ang Pasko kahit malayo sa pamilya. 

“Nagluto ako ng paborito kong ulam. Masaya na ako sa ganitong simpleng paraan… Hindi kailangan laging sobra-sobra,” pagbabahagi pa niya.

Samakatwid, hindi nasusukat sa tradisyon ang tunay na diwa ng Pasko. Makikita ito sa kakayahang piliin ang sarili at lumikha ng sariling kapayapaan—isang aral na maaaring dalhin sa bawat araw, hindi lamang tuwing Pasko.

Sa mga kuwentong ito, malinaw na hindi iisa ang mukha ng Pasko. May mga Paskong ipinagdiriwang kasama ang iba, at may mga Paskong tahimik na inilalaan sa sarili.

Hindi man ito ang Paskong nakasanayan ng mga estudyanteng naiwan sa dormitoryo, ito ang pinili nilang Pasko—hindi man karaniwan, ngunit puno ng kahulugan.