
PH bears 3rd straight Electric Cup draw as Vietnam seals game-changing goal
- December 19, 2024 14:47
FEU Advocate
August 25, 2025 19:52
Ni Julienne G. Tan
Matagal nang iniuugnay ang kabayanihan sa dakilang sakripisyo. Ngunit sa Far Eastern University (FEU), nakikita ang kabayanihan sa iba pang mas payak na anyo—sa mga gurong gumagabay, sa mga magulang na sumusuporta, at sa mga DIAR na patuloy na nag-aalaga. Nagiging makabagong bayani ang bawat isa hindi dahil sa pagdurusa, kung ‘di dahil sa pagpili nilang magpursigi sa gitna ng lahat ng hamon, isang anyo ng kagitingan na dapat kilalanin at pahalagahan.
Ngayong Araw ng mga Bayani, sisilipin natin ang iba’t ibang mukha ng kabayanihan sa FEU—mga haligi ng Pamantasan na patuloy na nagpapatibay sa araw-araw na daloy ng buhay sa Unibersidad.
Mga DIAR, pundasyon ng kapaligiran ng FEU
Ang mga DIAR ng FEU, na nakasuot ng berdeng uniporme at araw-araw na abala sa pagpapanatili ng kaayusan sa kampus, ay madalas na makikitang naglalakad sa mga walkway, may hawak na panlinis, at maingat na sinusuyod ang paligid.
Para sa iba, pangkaraniwang paglilinis lamang ito. Ngunit para sa mga DIAR, bahagi ito ng mas malaki at mahalagang tungkulin—ang tiyaking hindi lamang maayos ang FEU, kung ‘di kaaya-aya, ligtas, at maipagmamalaki.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Erwin Dayate, isa sa mga DIAR ng Pamantasan, kung paano hinuhubog ng kalinisan ang karanasan ng mga tao rito. Binigyang-diin niya na ito ang madalas na unang mapansin ng mga dumadalaw sa kampus.
Ayon sa kaniya, ang simpleng pagpapanatili ng kaayusan sa mga pasilyo at silid-aralan ay nagbibigay ng magandang impresyon at mas maginhawang kapaligiran sa FEU.
“Kapag malinis at maayos, mas naeengganyo ang mga estudyante at bisita,” aniya.
Madalas niya nang nasisilayan ang ganitong reaksiyon mula sa mga bagong Tamaraw, kung paanong napatitingin sila sa maayos na mga walkway at tanawin.
Para sa kanila, nagdudulot ng kasiyahan ang kaalaman na ang kanilang tungkulin ay nakatutulong sa paghubog ng unang damdamin ng pagtanggap sa komunidad.
“Nakikita po namin, lalo na po ‘yung mga bago… natutuwa lang po kami pagmasdan na parang naa-appreciate nila ‘yung ginagawa naming paglilinis,” dagdag niya.
Kadalasan, ang pinakamakabuluhang bahagi nito ay mga maliliit na bagay: taos-pusong pasasalamat mula sa mga estudyante, magiliw na bati mula sa katrabaho, o ang simpleng kagalakan malaman na may napasaya sila sa pamamagitan ng kanilang ginagawa.
Gayunpaman, hindi rin mawawala ang ilang pagsubok sa trabaho. May mga pagkakataong may naiiwang kalat, na para bang natural na lang sa ilan ang umasa na may mag-aayos at maglilinis para sa kanila.
Hindi nagkikimkim ng inis si Dayate, ngunit umaasa siya sa pagbabago, hindi lamang sa gawi, kung ‘di pati sa paraan ng pag-unawa ng mga tao sa kahalagahan ng kanilang trabaho.
“Sana po ma-appreciate nila na nagpapagod kami,” aniya.
Ngunit bukod sa mga suporta at pag-intindi, isa rin sa mga nakikitang makatutulong sa kanila ay ang pagdagdag ng kasapi sa kanilang hanay.
“Dagdag tao na lang siguro… mas gagaan ‘yung [gawain] namin kung mas marami kami,” paliwanag niya.
Sa mas malaking pangkat, mas mabilis matatapos ang gawain, at magbubukas din ito ng mas maraming oportunidad at kabuhayan para sa komunidad ng FEU.
Para kay Dayate, makikita ang kabayanihan hindi sa papuri ng marami kundi sa tahimik na pagtupad ng tungkulin. Gayunpaman, nananatili pa ring kulang ang suporta sa kanila—mababang sahod, limitadong benepisyo, at hindi sapat na pagkilala sa bigat ng kanilang gawain.
Kasabay nito, nagsisilbing paalala na ang kanilang karanasan ay nangangailangan ng mas matatag na tulong mula sa mga institusyon, upang ang mga tulad nilang tagapagtaguyod ng komunidad ay hindi manatiling tahimik at hindi nabibigyan ng pansin.
Mga magulang, haligi ng tagumpay
Sa bawat pagsusumikap ng mga Tamaraw, kasabay nito ang pagsusumikap ng mga magulang na araw-araw nakikipagsapalaran para sa kanila. Sa FEU, ang tatag ng pamayanan ay hindi lamang nakasalalay sa mga estudyante, kung ‘di higit ding pinatitibay ng walang sawang sakripisyo ng kanilang pamilya.
Ipinahayag ni Niela Blando, isang magulang ng isang first-year na estudyante ng Nursing sa Unibersidad, ang kaniyang karanasan sa pagtitiyaga at pag-aalay ng oras, lakas, at pananalapi upang masuportahan ang pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Sa kabila ng mga hamon ng araw-araw, gaya ng trabaho at pagtaguyod sa pamilya, tiniyak niyang mararamdaman ng mga anak ang kaniyang pagmamahal at dedikasyon—ang tapat na pagpupursigi at buong pusong pag-aalay ng sarili para sa kanila.
“Lagi kong sinisigurado na nararamdaman ng aking mga anak ang lubos na pagmamahal namin para sa kanila,” aniya.
Ngunit, hindi maikakaila ang mahihirap na desisyon na kasama sa pagiging isang magulang. Dumating ang panahon na mananatili na sana siya sa ibang bansa upang magtrabaho, ngunit pinili niyang umuwi para alagaan ang kaniyang anak.
“Pinili kong alagaan ang aking anak sa Pilipinas kaysa na manatili sa ibang bansa upang magtrabaho. Dahil para sa akin, importante pa rin ang aking pamilya,” paliwanag niya.
Tulad ng maraming magulang, para kay Blando, wala nang higit na mahalaga kaysa sa pagtupad sa kaniyang tungkulin bilang ina.
Gayunpaman, sa kabila ng kanilang malaking responsibilidad, madalas na hindi nabibigyang-halaga ng lipunan at mga institusyon ang araw-araw na pagsisikap at sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak.
“Parte na ng buhay ng magulang ang mga sakripisyo at hadlang na matatahakan sa buhay mo,” pagninilay ni Blando.
Pinatitindi ang hamon ng mga magulang bunsod ng mataas ng matrikula, tumataas na implasyon, at limitadong tulong mula sa gobyerno at paaralan.
Isa sa mga nakaranas nito ay isang magulang ng Tamaraw na ginamit ang alyas na ‘Ren,’ na inihambing ang hirap ng kanilang sitwasyon noon sa mas maayos nilang kalagayan ngayon.
“Dati, basta may mapakain lang kami sa mga anak namin, sapat na. Pero ngayon, kung ano ang gusto nila kainin, iyon ang masusunod. Hindi pa ganito dati, pero maraming salamat kasi andito na kami,” ibinahagi ni Ren.
Ibinubunyag ng pahayag ang kakulangan sa suporta ng gobyerno, sapagkat ang pagtugon sa pangangailangan ng bata, mula pagkain hanggang edukasyon, ay nakasalalay hindi lang sa sipag ng magulang kundi pati sa sistemikong tulong ng paaralan at gobyerno.
“Masuwerte kami na nakakaya namin itaguyod ang mga anak namin, pero paano ang iba? Kung gusto natin ng maayos na kinabukasan, tama naman na suportahan natin ang mga bata,” ani Ren.
Maraming magulang ang araw-araw na nagsusumikap hindi lamang para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak, kung ‘di upang mabigyan sila ng matibay na suporta sa pag-aaral at personal na pag-unlad, mula sa paghahanapbuhay para sa pang-araw-araw na gastusin hanggang sa paggabay at pagsuporta sa kanilang mga hilig at interes.
Sa kabila ng kanilang mga responsibilidad, kadalasan ay hindi sapat ang sistema ng paaralan para suportahan sila—maikli ang oras ng konsultasyon, limitado ang gabay sa administratibong proseso, at bihira ang mga programang tumutulong sa mga magulang sa akademikong buhay ng pagpapatustos ng isang estudyante.
Sa FEU, nakikita ang modernong kabayanihan ng mga magulang sa araw-araw na pagtitiyaga at aktibong suporta para sa pag-aaral at kaligtasan ng kanilang anak. Ang kanilang taos-pusong aksiyon, kasabay ng tulong ng institusyon at estado, ang nagsisilbing matibay na pundasyon ng bawat matagumpay na Tamaraw.
Larangan ng guro, humuhubog sa kinabukasan
Patuloy na humuhubog at gumagabay ng mga estudyante ang mga guro ng FEU, nagtuturo hindi lang ng kaalaman kundi ng pagkatao. Sa kabila ng hamon sa sahod at kakulangan ng pondo, ipinapakita nila araw-araw na ang tunay na lakas ng guro ay nasa pagtitiyaga at malasakit.
Para kay Karla Mae Gatdula, guro mula sa FEU Institute of Arts and Sciences, inamin niya na dati niya nang tinanong ang sarili kung ipagpapatuloy ba niya ang pagtuturo kahit kulang ang suporta.
“Sa kabila ng kakulangan at mababang sahod, ‘di maiiwasan na mapaisip kung magpapatuloy pa rin ba dito sa bansa. Ngunit, lagi ko na lang din iniisip ang paglilingkod para sa bayan,” anito.
Subalit nananatiling mabigat ang inaasahan sa mga guro. Sa kabila ng kawalan ng nararapat na seguridad at suporta, patuloy nilang ginagampanan ang papel na higit pa sa pagiging tagapagturo, sila ay nagiging tagapayo at tagapakinig sa kanilang mga estudyante.
“Hindi lamang kami guro, dahil kami rin ay nagtatrabaho beyond our profession (higit pa sa aming propesyon),” pahayag ni Gatdula.
Ngunit sa kabila ng bigat ng trabaho, may mga sandaling nagbibigay-ginhawa rin sa kaniya. Para sa guro, ang simpleng interaksiyon sa mga estudyante ang pinagmumulan ng tuwa at inspirasyon, lalo na kapag nakikita niyang pinahalagahan nila ang tiyaga na ibinubuhos niya sa pagtuturo.
Ang isang taos-pusong pasasalamat mula sa mag-aaral ay sapat nang paalala na may kabuluhan ang lahat ng sakripisyo.
Dito nagiging malinaw kung bakit ang mga guro ay itinuturing na modernong bayani: dahil sa tuloy-tuloy nilang kontribusyon sa paghubog ng kaalaman, kakayahan, at oportunidad para sa susunod na henerasyon sa kabila ng kakulangan ng sistemang dapat na nagbibigay-prayoridad sa kanila.
At hangga’t may mga tulad nila, tiyak na may bukas na mas maliwanag, mas makatao, at mas makatarungan para sa mga susunod na henerasyon.
Bayani sa bawat hakbang
Sa FEU, ang paghubog ng kinabukasan ay hindi lamang nakasalalay sa mga estudyante. Kasabay nila ang mga guro, DIAR, at magulang—ang mga modernong bayani ng FEU—na araw-araw na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa harap ng kakulangan sa suporta at limitasyon ng sistema.
Kapag ang pangangalaga at paggabay sa estudyante ay nakadepende sa pagtitiis ng mababang sahod at kulang na kagamitan, hindi maiiwasang tanungin ang papel ng Unibersidad at ng gobyerno sa pagtitiyak ng patas at sustainable na kapaligiran para sa lahat ng DIAR, guro, at magulang. Ang institusyonal na suporta para sa kaayusan ng antas ng pamumuhay ay hindi pribilehiyo, ngunit ito ay obligasyon upang ang bawat isa ay makapagpatuloy sa kanilang tungkulin nang epektibo at maayos.
Ang mga DIAR, guro, at magulang ay pundasyon ng komunidad ng FEU. Ngunit higit pa sa pagkilala, kailangan nila ng kongkretong aksiyon at sistemikong suporta. Kung hindi ito maisasakatuparan, mananatiling pansamantalang lunas ang kanilang sakripisyo. Ngayon ang panahon upang isama sila sa mas malinaw na plano ng Pamantasan at lipunan, upang matiyak ang mas maliwanag, patas, at matatag na kinabukasan para sa bawat Tamaraw.
Malinaw ang mensahe: ang kinabukasan ng Pamantasan at ng kabataan ay nakasalalay sa ating pagkilos ngayon, at sa pagpapahalaga sa mga modernong bayani na tahimik ngunit matibay na humuhubog sa bukas.
(Dibuho ni/Kamyl Gelizah Celi)