FEU binuksan bilang voter registration station

FEU Advocate
September 01, 2024 17:04


Ni Mark Vincent A. Durano

Upang mapadali at mapalawak ang voter registration sa darating na 2025 Midterm Elections, inistasyon ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang Register Anywhere Program (RAP) sa Far Eastern University (FEU) Nursing Building Room 101 noong ika-30 ng Agosto.

Nakipag-ugnayan ang COMELEC sa TAMang Boto at FEU High School Sibika Club sa pagpapatayo ng huling RAP sa Unibersidad. Una nilang itinaguyod ang programa noong Hunyo.

Sa pamamagitan ng RAP, maaaring makapagparehistro ang mga kuwalipikadong mamamayan bilang botante kahit malayo sa kanilang mga probinsya basta’t dala ang mga kinakailangang dokumento tulad ng application form, valid identification document, at proof of residence.

Tumatanggap din ang istasyon sa FEU ng reactivation para mga sa mga delisted voter o natanggalan ng pagkarehistro.

Maaari ding palitan ng mga botante ang kanilang mga rehistradong lugar na pagbobotohan kung ito ay nagbago.

Sa isang panayam ng FEU Advocate, hinikayat ng Pangulo ng TAMang Boto na si Ashlynn Mendoza na magparehistro bilang unang hakbang sa pagboto at para sa kapakanan ng kinabukasan.

“Magparehistro na sa darating na halalan at sama-sama nating baguhin ang ating kinabukasan. Magtanong, makialam, at kumilatis para sa kapakanan ng bayan,” aniya.

Para kay Mendoza, ang pagboto ay karapatan ng bawat Pilipino na dapat gampanan bilang pakikibahagi sa lipunan.

“Kung kaya’t marapat lamang na matutunan at maisabuhay hindi lamang ng FEU community kung 'di na rin ng bawat mamamayang Pilipino na gampanan ang katungkulang ito. Kaakibat ng bawat boto ang sigaw ng taong-bayan,” dagdag nito.

Ayon sa Pangulo ng TAMang Boto, 180 ang nagparehistro noong Hunyo habang 204 naman ngayong Agosto.

Nagkaroon din ng Voters’ Education Seminar kung saan itinampok ng COMELEC ang demonstrasyon ng mga automated counting machine sa FEUture Center Auditorium sa hapon ng parehong araw.

Itinatag din ang RAP sa iba pang mga pamantasan tulad ng Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, at National University.

Matatapos ang voter registration period sa ika-30 ng Setyembre kung saan hindi na ito magkakaroon ng palugit o dagdag panahon ayon sa Tagapangulo ng COMELEC na si George Erwin Garcia.

Gaganapin ang filing of candidacy sa unang linggo ng Oktubre habang ang eleksyon sa ika-12 ng Mayo 2025.

(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)