Mendoza, nagpaulan ng 11 puntos laban sa Green Archers

FEU Advocate
August 25, 2024 18:10


Ni Angel Joyce C. Basa

Pinangunahan ni Far Eastern University (FEU) Tamaraw Lirick Mendoza ang pagpuntos kontra De La Salle University (DLSU) Green Archers, 25-21, 25-18, 25-18, sa 2024 V-League Men's Collegiate Challenge ngayong araw, ika-25 ng Agosto, sa Paco Arena sa Lungsod ng Maynila.

Nagtala ang middle blocker ng 11 puntos mula sa anim na attacks at limang blocks sa loob ng tatlong sets.

Umpisa pa lang ng laro, nagpakitang-gilas na ang Tamaraw matapos pangunahan ang 4-0 run ng FEU upang makalamang sa DLSU, 17-12.

Matapos ang matagumpay na pagsungkit ng unang set, naging dikit naman ang laban sa ikalawang set sa palitan ng puntos ng magkabilang koponan.

Gayunpaman, hindi pa rin nakalamang ang Taft squad dahil sa 11 errors, dahilan ng seven-point advantage ng koponan ng Morayta sa dulo ng ikalawang set, 25-18.

Sa ikatlong set, nauna pa ring nakaiskor ang Archers at muling naging dikit ang laban, 4-3.

Pumabor pa rin sa Tamaraws ang laban sa tulong ng tatlong block points mula kay Mendoza at limang attacks ni Tam opposite spiker Dryx Saavedra at natapos ang laro sa 25-18.

Nakatulong din ang 10 puntos ni Saavedra sa pagpapatumba ng top-seeded DLSU at pag-angat sa leaderboard ng FEU.

Kasalukuyang may 4-1 win-loss record ang Tamaraws at kanila namang haharapin ang Colegio de San Juan de Letran Knights sa susunod na Linggo, unang araw ng Setyembre, sa parehong venue.

(Litrato mula sa V-League)