
Nina Dianna Grace Carina at Mikaela P. Sindac
Maliban sa mga patabang nagpapayabong sa lupa, tulad ng mga uod, halaman, at dumi ng hayop, pagpatak din ng dugo’t pawis ng mga magsasaka ang nagpapasibol sa bawat punla. Habang patuloy na ginigipit at binabarat ang kanilang puspusang pagkayod, harap-harapan pa silang ninanakawan ng kanilang mga karapatang pantao. Sa paglikha ng pamahalaan ng mga batas na lalong nagpapalubog sa kanilang kalagayan, simbolo ng kanilang paglaban ang patuloy na pagtatanim sa gitna ng karahasan.
Bagaman dapat magsilbing kanlungan ng mga pesante ang iba’t ibang polisiya at panukalang naglalayong itaguyod ang kanilang pagsasaka, ang mga ito pa mismo ang nagiging sanhi ng samot-saring pang-aalipusta. Sa halip na ginhawa ang anihin mula sa kanilang pagsisikap, patuloy na dumaranas ng pagkalugi, pagkadismaya, at kawalan ng suporta mula sa pamahalaan ang mga magsasaka sa Baler, Aurora.
Imahe ng Lumad
Matatagpuan sa bandang silangang baybayin ng Luzon ang lalawigan ng Aurora. Kadalasang dinarayo ang probinsya dahil sa mga dalampasigan, lawa, at talon nito. Bukod sa mga likas na yamang-tubig, taglay rin ng lugar ang malalawak na kapatagang binubuo ng iba’t ibang bukirin.
Umaabot sa 49,991 ektarya o 15 porsiyento ang masaganang lupa sa Aurora na maaaring gamitin para sa pagtatanim. Dahil dito, nakagisnan na ng maraming residente ang pagsasaka bilang pangunahing hanapbuhay.
Gayunpaman, tulad ng maraming magsasaka sa iba pang lupalop ng bansa, lunod din sa kakulangan ng matatag na reporma ang mga magsasaka sa Aurora.
Naglaan ang pamahalaan ng 10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) ng Departamento ng Agrikultura (DA), na sinimulan noong ika-15 ng Abril upang magbigay ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP), inaasahang halos 4.17 milyong magsasaka at mangingisda ang makikinabang.
Ipinahayag din ng kalihim ng DA na si Francisco Tiu Laurel Jr. na bagaman maliit ang halagang ito, nagsisilbi raw na ‘lifeline’ ang PAFFP para sa mga benepisyaryo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Samantala, matatandaan ang pamilyar na tagpo kung saan nakatanggap naman ng ₱300,000 ang The Diamanen Farmers Association sa Aurora mula sa Department of Social Welfare and Development noong ika-7 ng Enero ngayong taon.
Sa malawakang konteksto, tila abot-kamay ang tulong na ipinagkakaloob ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga magsasaka. Ngunit taliwas sa ipinahihiwatig ng mga programang ito, abala sa halip na tulong ang naranasan ni ‘Ka Ero,’ isang magsasaka mula sa Baler, Aurora.
“[Kailangan] muna pipicturan mo [ang tanim]. Hindi na ako umaasa sa [ayuda], nasubukan ko na ‘yon, abala lang. Bulaan ang mga programa. Sa tagal ko na, 30 years na akong nagtatanim, solo ang tanim ko kung kailangan. [‘Yung mga programa] buladas lang ‘yon. Plataporma lang ‘yon pero hindi nasusunod. ‘Yong ayuda na lang ah, limang libo [raw]... ang ibinigay sa amin, tig-dalawang libo [lang], ₱2,100 mahigit,” kuwento niya sa panayam ng FEU Advocate.
Dagdag pa ni Ka Ero, nakadama siya ng pagkahiya matapos kunan ng litrato dahil paulit-ulit pa siyang pumipila habang inaasikaso ang mga kailangang dokumento upang makatanggap lamang ng ayuda.
“Hawak mo pa ‘yung dalawang libo, pipicturan ka pa [roon] sa tapat nung tarpaulin. [Buwisit!] Sabi ko, nakakahiya lang ‘tong ginagawa ko. Ilang araw akong nakapila, [ang sabi], bumalik ka po sa ganito, ayusin mo ang papel ganito [at] ganiyan ang gagawin mo. Abala [lang]. Kung nakapag-arado ako ng tatlong araw [eh ‘di] tatlong libo sana. Nalugi pa ako ng isang libo [sa pag-aasikaso ng ayuda]. Laki ng karanasan ko sa mga ganiyan,” aniya.
Sinasalamin ng karanasang ito na bukod sa abala at antalang dala ng burukratikong sistemang sinusunod ng pamahalaan, nakabababa rin ng dignidad ang pamamaraan ng mga ito.
Sinang-ayunan naman ito ni Zen Soriano, pambansang tagapangulo ng AMIHAN Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid sa hiwalay na panayam.
“[Dapat] tigil ang mga neoliberal na [polisiya] na patuloy nagpapahirap sa mga marginalized sectors, lalong-lalo na ‘yung isinusulong ngayon ng gobyerno na Pax Silica kung saan kaming mga nasa hanay ng magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang mamamayan sa kanayunan ang pangunahing apektado,” saad niya.
Kinuhaan ng litrato si Ka Ero at iba pang magsasaka at mangingisda bilang patunay na naipamahagi na sa kanila ang dalawang libo. Ngunit kasabay ng bawat pitik ng kamera sa kanilang harapan ang unti-unting pagyurak sa kanilang dignidad.
Sa magkaibang tagpo ngunit iisang danas, inilalarawan ni Soriano ang pangamba sa kalagayan ng isang pesanteng patuloy na isinasantabi. Sa katunayan, hindi matutumbasan ng libo-libo ang kayod-kalabaw nilang paghahanap-buhay sa araw-araw.
Araro ng kahirapan
Hindi lamang mga agrikultor ang mga magsasaka, kung hindi mga bayaning tagapagtaguyod ng agrikultura, sapagkat sila ang pundasyon at lakas nito. Produkto ng kanilang maghapong pagyuko ang aning nasa hapag na bumubuhay sa bawat Pilipino.
Subalit kung sino pa ang nagpapakain sa bansa, siya namang walang sapat na maihanda sa sarili niyang hapag. Araw-araw na hamon pa rin sa mga magbubukid ang tindi ng kakulangan ng gobyerno sa hakbang na sana’y nagpapakain sa kanila.
Habang nakatuon ang gobyerno sa pagsusulong ng modernisasyon, patuloy namang isinasawalang-bahala ang mga bumubuhay sa agrikultura. Sa halip, itinataguyod ang mga proyektong umano’y magdadala ng pag-asenso sa bansa.
Ayon kay Soriano, kabalintunaan na kung sino pa ang mga tagapagpunla ng pagkain ng bawat mamamayan, sila pa ang napag-iiwanan sa mga hakbangin tungo sa kaunlaran.
“Palagi na lamang nilang kinakalimutan ang mga mamamayan kung saan sila ‘yung mga food producers, kami ‘yung mga lumilikha ng pagkain pero kami ‘yung unti-unting itinataboy sa kahirapan, sa kawalan ng paninirahan, at ng kabuhayan,” pahayag niya.
Magkaroon man ng mga makabagong plano ang pamahalaan para sa kanayunan, hindi nito matutumbasan ang halaga ng bawat binhing itinatanim ng mga magsasaka. Sapagkat walang makabagong ideyang magbubunga ng masaganang yamang agrikultural kung patuloy itong nagdadala ng mapaminsalang tila peste sa lupang sakahan.
Tulad na lamang ng Pax Silica, isang inisyatiba ng Estados Unidos na ipinangangalandakang maghahasik ng samot-saring oportunidad at walang humpay na pinababango ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paningin ng mga Pilipino.
Ngunit sa likod ng mabulaklak na pangako, patuloy na natutuyot ang lupang pinunlaan ng mga pangarap ng mga bayani ng agrikultura.
Malaking tanong din para sa pambansang tagapangulo ng AMIHAN kung tunay bang mga Pilipino ang makikinabang sa nasabing hakbang.
“Maling-mali iyon dahil mas pinaprayoridad nila ‘yung mga dayuhan at hindi nila talaga pinag-aaralan nang husto kung ito ba talaga ang [makabubuti] sa maraming mga mamamayan. Sino ba ang makikinabang dito? Eh ‘di ‘yung mga [negosyanteng] mga dayuhan, at [saka] ‘yung mga iilan na kasabwat nila [rito] sa ating bayan,” giit ni Soriano.
Itinataguyod ang nasabing proyekto upang palakasin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang kadena ng suplay ng mga materyales para sa pagpapaunlad ng intelihensiyang artipisyal. Gayunpaman, binigyang-diin ni Soriano, ang kakulangan ng bansa sa makinaryang makatutulong sa kabuhayan ng mga manggagawa, sa kabila ng yaman nito sa mga hilaw na materyales.
“Tayo nga mismo, wala man lang tayong mga makina na lilikha ng another na mga makinarya para sa paghahanapbuhay. Maging ang pako, martilyo, at karayom ay [ini-import] natin. Samantalang napakayaman natin sa mga critical minerals na ito. Gayundin ‘yung nickels, lahat na halos. Kaya kung tayo ang makikinabang dito, mas uunlad ang ating bayan,” diin ng lider-pesante.
Walang saysay ang pagpapatayo ng pagawaan ng pang-dayuhang produkto kung mananatiling pinagkakaitan ang naninirahan sa sariling bansa ng natural na yaman.
Kalikasan ang minanang puhunan ng bawat magsasaka, ngunit ang patuloy na pangangamkam at pang-aabuso rito ng gobyerno ang ugat ng kahirapang tinitiis ng bawat Pilipinong nagpapatakbo sa sektor ng agrikultura.
Kaya naman nananawagan si Soriano na itigil ang malawakang pagmimina sa kanayunan, kung saan kinakalbo ng mga operasyon ito ang kabundukan na sumisira sa kalikasan.
“Itigil ‘yung malawakang pagmimina dahil sinisira na talaga nila nang husto ang ating kalikasan. Lahat na apektado sa pagmimina na ito at napakaliit ng kinikita ng gobyerno dahil dalawang porsiyento lang ang binibigay nila at kanilang [mga dayuhan] nakukuha lahat ng ating ine-extract na raw materials, minerals na kailangang-kailangang at mahalaga para sa ating sariling pagpapaunlad,” aniya.
Ipinamana ng mga ninuno ng mga pesante ang mga lupang kanilang sinasaka ngayon, ngunit sa paglipas ng henerasyon, hindi pa rin nagbabago ang pagtrato sa kanila ng pamahalaan. Nananatiling pangarap na lamang ang mga repormang matagal nang ipinaglalaban ng mga magbubukid sa lansangan.
Buong buhay na ang inilaan ng mga magsasaka sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, subalit tila ilusyon na lamang ang pagkilos ng pamahalaan.
“Papaano na tayo? Paano na ang kinabukasan na haharapin ng mga kabataan? Kami matanda na at tumanda na kami sa pakikibaka dahil panahon pa ni Marcos [Sr.] nakikibaka na kami pero patuloy at patuloy pa rin dahil palala nang palala ang ating kalagayan at kailangan mas maraming mga bata ang mamulat, mga estudyante, dapat malaman nila ang nararapat para sa pagpapaunlad ng bansa,” lahad ni Soriano.
Makikita sa pakikibaka sa lansangan ang pagkamulat ng mga Pilipino sa kalagayan ng mga magsasaka, ngunit ngunit sadyang nanatilihing pikit-mata ang mga nasa posisyon sa mapait na katotohanan sa kanayunan.
Dapat tumbasan ang pagpupunyagi ng mga magsasaka ng lehitimong reporma sa agrikultura na maghahatid ng mayabong na kinabukasan.
Hindi matutuldukan ang kagutuman sa mga programang sa papel lamang nagiging sapat, habang nananatiling salat ang hapag ng mga Pilipino.
Yumuko naman kayo
Laganap man ang mga programang pang-agrikultura, wala niisa rito ang may dala ng malagong punlang magbibigay ng masaganang ani sa mga magsasaka. Tanging bitbit nito ang itinanim na pagtataksil ng mga nasa kapangyarihan.
Hindi kailanman maihahambing ang hungkag na mga aksiyon ng gobyerno sa buong araw na pagyuko ng mga agrikultor upang maani lamang ang itinanim na pag-asa sa kanilang lupang sakahan. Sa halip na payabungin ang lupang kanilang sinasaka, tila lalo itong pinatutuyo ng mga huwad na repormang ipinapatupad sa kanayunan.
Hangga’t ipinagkakanulo ng mga pinunong dapat nagtatanggol sa bayan ang kapakanan nito sa mga dayuhang nagsusulong ng pansariling interes, walang makakamtan ang bawat Pilipino na ganap na pag-unlad.
Dulot nito, karaniwang tagpo pa rin ang kawalan ng pagmamay-ari ng lupa para sa mga magsasaka. Sa ilalim ng Indigenous People Rights Act of 1997 (IPRA) at Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), layunin ng mga panukala na itaguyod ang kapakanan ng mga katutubo. Nakapaloob rito ang karapatan nila sa lupa, pagpapayaman sa kultura, hustisyang panlipunan, at sariling pamamahala.
Gayunpaman, hindi kailanman naging panangga ang CARP at IPRA upang tuldukan ang karahasan at kalapastanganan sa mga magsasaka. Pagkaraan ng ilang dekada, ginagamit na lamang ang dalawang batas bilang mga batayang ipinangangatwirang may umiiral na sapat na proteksiyon ang mga katutubo.
Maliban pa sa pahintulot sa pagkamkam ng lupa, laganap din ang militarisasyon sa kanayunan. Nitong Abril lamang, idinaos sa Baler, Aurora, ang Former Rebels Summit sa pangunguna ng 91st Infantry Battalion sa ilalim ng 703rd Infantry Brigade.
Idinedeklara ng mga ganitong uri ng summit ang pagbibigay ng kahulugan sa kapayapaan bilang bulag na pagsunod sa sistema. Itinatampok na makakamit lamang ang katiwasayan sa pagtanggap sa mapaniil na polisiya, mababang bentahan ng ani, at pananahimik sa kawalan ng suporta.
Hindi lamang sa Baler, Aurora lumalaganap ang ganitong mga talakayan, bagkus maging sa iba’t ibang sulok ng kanayunan. Habang sila’y pinagkakaitan ng lupa, tinatanggalan ng pribilehiyo, at pinagdadamutan ng karapatang pantao, pinipigilan din silang magpahayag ng kanilang pagsusumamo sa palpak at nakamamatay na sistema.
Sa tunay na reporma lamang makakamit ng bawat pesante ang nararapat na suportang katumbas ng kanilang pawis at ambag sa bansa. Gayundin ang lehitimong pagtugon sa binabalewalang krisis tulad ng patuloy na pag-usbong ng militarisasyon at libreng pamimigay ng lupa para sa mga dayuhan.
Ipinagsasawalang bahala ang tunay na layunin ng CARP at IPRA sapagkat sagabal ito sa pagsamba ng pamahalaan sa mga dayuhan. Nananatiling hamon sa gobyerno na tiyakin ang puwang sa kanayunan nang hindi idinadaan sa militarisasyon.
Bilang pagsasabuhay sa panawagan ng mga pesante, siyasatin ang tunay nilang kalagayan sa kanayunan, aralin ang kanilang pamumuhay, ibigay ang mga titulo sa kanilang lupang ninuno, rebisahin ang mga polisiyang naka-angkla lamang sa interes ng mga kapitalista, patatagin ang proteksiyon, at ibigay ang sapat at angkop na pondo.
Kasabay ng lantarang pagmamalaki ng pamahalaan sa mga batas at programang nagpapaunlad umano sa mga pesante ang tahasan nilang paniniil na yumuyurak sa mayamang agrikultura. Tinaniman lamang ng gobyerno ang mga Pilipinong magbubukid ng iba’t ibang kasinungalingan sa mukha ng hindi mabilang na mga pangakong ipinako. Sapagkat hindi nasusukat sa numero at kasulatan ang katibayan ng reporma, kung hindi sa maayos na kabuhayan para sa mga kamay na nagpapakain sa bansa.
(Dibuho ni Reese Allison Bayona/FEU Advocate)