Karera’t krusada ng sawing-palad sa kalsada

FEU Advocate
August 23, 2024 17:05


Kaakibat ng panibagong taong panuruan ay ang muling pagharap ng mga estudyanteng komyuter sa lansangan. Mula pagsikat ng araw hanggang sa pagbaybay ng kalsada sa dilim, danas muli ang pagod, puyat, at pangamba makarating lamang sa kanilang paroroonan.

Bagaman paulit-ulit nating naririnig at inaawit na ang “buhay ay ‘di karera,” hindi ito ang reyalidad para sa mga estudyanteng nakikipagsapalaran sa hamon ng kalsada.

Mapagkunwaring pag-unlad

Araw-araw na pakikibaka ang pagkokomyut para sa maraming indibidwal na umaasa sa pampublikong transportasyon makarating lang sa trabaho, paaralan, at iba pang dapat nilang patunguhan.

Batay sa inilabas na resulta ng 2022 Urban Mobility Readiness Index, ikalima ang Metro Manila sa may pinakamalalang pampublikong transportasyon sa buong mundo. Ika-58 naman ito sa urban mobility readiness mula sa 60 lungsod na kalahok.

Isa sa mga pangunahing suliranin sa transportasyon ang car-centrism o pagdami ng mga pribadong sasakyan sa daan at pag-aayon ng arkitektura sa kapasidad ng mga behikulo.

Sa datos ng Japan International Cooperation Agency noong 2014, nasa 69 na porsyento ng populasyon sa Metro Manila ang gumagamit ng pampublikong transportasyon, subalit 78 porsyento ng kalsada ang sakop ng mga pribadong sasakyan.

Inilalantad nito ang palpak na urban planning ng pamahalaan kung saan mas binibigyang-espasyo ang mga sasakyan na kadalasa’y isa o dalawang pasahero lang ang sakay at walang pagsasaalang-alang sa pampublikong transportasyon at mga komyuter.

Hindi rin praktikal ang maglakad o magbisikleta sa mga kalye dahil walang maayos na espasyo para sa mga sidewalk at bicycle lane.

Dagdag ding parusa sa mga komyuter ang ilang ulit na pagpalya sa operasyon ng MRT at LRT, gaya ng sirang makina, mahinang air conditioner, bukas na pintuan ng tren habang umaandar, kakulangan sa tren, at maski tumutulong tubig sa loob ng mga ito.

Bunga ito ng kawalan ng inisyatiba ng pamahalaan upang mapabuti ang kalidad ng sistema ng railway stations.

Sa kalagitnaan ng lumalalang krisis sa transportasyon sa bansa, patuloy naman itong pinalalala ng mga huwad na solusyon gaya ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Kung uusisain ang Senate Resolution No. 44, ibinabaon lamang ng PUVMP sa utang ang mga small-time operator dahil sa 2.4 hanggang 2.8 milyong halaga ng modernong dyip.

Dagdag pa rito, naglabas ng pahayag ang BAYAN MUNA Partylist sa isang Facebook post at sinabing hindi tunay na nireresolba ng programang modernisasyon ang pangunahing suliranin sa transportasyon—ang kakulangan ng mass transportation sa bansa.

“Hindi mga lumang jeep units ang problema kun‘di ang kakulangan ng mga unit (bagon) at linya ng tren sa buong bansa. Ginagawang dahilan ng gobyerno ang polusyon mula daw sa mga lumang jeep units, dahil ayon daw sa mga pag-aaral ay 34% ng polusyon sa bansa ay galing sa sektor ng transportasyon. Subalit hindi nila sinasabi ang totoong kalagayan na 2% lamang ng mga sasakyan ang PUV at 98% ay mga pribado,” paliwanag nito.

Sa laki ng halagang sinisingil ng modernisasyon sa mga tsuper kung saan babalikatin din ng mga komyuter at manggagawang Pilipino, para kanino nga ba ang ‘kaunlarang’ ito?

Pilit na tinutulak ng mga sangkot na awtoridad ang ganitong patakaran sa halip na pakinggan ang tunay na hinaing ng mga komyuter—gawing abot-kaya, mabisa, makatao, at makamasa ang sistema ng transportasyon sa bansa.

Hamon sa takdang oras ng digma

Tumatagaktak na pawis, nangangalay na mga binti, at pagtitiis sa malasardinas na siksikan sa loob ng pampublikong sasakyan. Hindi pa nakabababa ay ramdam na ang pananakit ng mga kasu-kasuan—halos maubos ang enerhiyang dapat ay nakalaan na lamang sa pag-aaral.

Tila nakikipagkarera sa oras ang mga estudyanteng komyuter tuwing pasukan.

Ayon sa panayam ng FEU Advocate sa fourth-year BA Communication student na si Cristine Cangmaong mula sa Far Eastern University (FEU), parusa ang arawang komyut ngayong pasukan sapagkat tatlong moda ng transportasyon ang kanyang sinasakyan (bus, jeep, at tricycle) at gumigising pa ito nang maaga upang bumiyahe.

Super tight ng budget [ko], lalo na halos 300 ang pamasahe ko balikan. Dagdagan pa ng traffic dahil sa kabi-kabilang ginagawang daanan dito sa Bulacan tapos meron din sa Manila. Maiipit ka pa ng traffic sa NLEX,” paliwanag ni Cangmaong.

Dagdag pa niya, masosolusyonan lang ang hirap na dinaranas ng mga komyuter kung mayroong kongkretong plano ang gobyerno para mapabuti ang transport system pati ang ekonomiya natin.

Hindi na rin matatakasan ang pagtaas ng pamasahe na hindi tumutumbas sa karanasan ng mga estudyanteng komyuter sa kanilang pagbiyahe. Kulang pa ang 200 na baon araw-araw dahil wala pa ritong nakalaan para sa pangkain.

Sinalaysay naman ng fourth-year BA Communication student na si Coleene Camacho mula rin sa FEU, na kinakailangan niya pang magmula sa mataas na kabundukan ng Antipolo bago makasakay ng LRT tuwing papasok papuntang Maynila.

“Ang nagpapahirap talaga for student commuters na tulad ko ay [ang] oras at pagod. Kaya kahit labag sa loob kong gumastos ng malaki, madalas wala na akong choice kun’di gumamit ng Angkas o Joyride [ride-hailing service]. Laking tulong naman ng apps na ‘yon kasi talagang nakakapagpahinga ako ng mahaba tapos mas napapadali niya yung araw-araw kong [buhay] as a commuter. Walang pila, ikaw lang yung priority,” dagdag ni Camacho.

Bagaman may kamahalan sa pamasahe ang mga alternatibong moda, hindi alintana sa mga estudyanteng komyuter na gumastos para sa mabilis at maginhawang serbisyo. Sapagkat kinabukasan, gigising sila muli nang maaga para harapin ang panibagong digma.

Halos nagkakasakit naman dahil sa arawang pagkomyut ang fourth-year BS Psychology student na si Mary Louise Ronsairo gaya ng lagnat, ubo’t sipon, at pagkahilo.

Another instance is kapag uuwi ako after a long day at school attending lectures. Even if I have a lot of things to accomplish pa, minsan hindi na talaga kaya [ng katawan ko] because of pagod and antok (‘Yong ibang pagkakataon ay kapag uuwi ako pagkatapos ng mahabang araw na pakikinig ng mga lecture sa eskwelahan. Minsan hindi na talaga kaya [ng katawan ko] dahil sa pagod at antok),” paliwanag ni Ronsairo.

Ganito rin ang karanasan ng fourth-year BS Accounting student na si Maui Aevril Torres, kaya’t prayoridad niyang makapag-enlist ng subjects na maaga ang uwian upang mas mapadali ang kaniyang pagbiyahe. Sa kasawiang-palad, nabigo siyang makamit ito dahil sa kamakailang aberya sa enrollment system ng FEU Student Central.

"Minsan, kailangan [ko pang] mag-sacrifice ng isang araw [para] um-absent dahil 'di na talaga kinakaya ng katawan [ko] 'yong pagod sa pagbiyahe," anito.

Iba’t ibang klase ng dagok ang binibigay ng pahirap na pagkomyut sa karanasan ng mga estudyanteng komyuter.

Sa pagsusumahe, malinaw na nag-uugat ang mga batayang problemang ito sa sistemikong suliranin ng transportasyon na nagiging malaking balakid sa pag-unlad ng mga estudyante sa akademya.

Iwas-perwisyong sakripisyo

Apektado ang parehong pisikal at mental na kalusugan ng mga mag-aaral na araw-araw na binabaybay ang Kamaynilaan mula pa sa kanilang probinsya.

Dahil dito, maraming mag-aaral sa Maynila ang nagrerenta ng dormitoryo, apartamento, condominium, o boarding house tuwing pasukan. Kahit mahirap na mapalayo sa kanilang tahanan, mas pipiliin nilang isalba ang mga sarili mula sa banta ng krusada sa kalsada.

Bunga rin ito ng kakulangan sa pamumuhunan sa sektor ng edukasyon dahil kinakailangan pang mangibang-lugar ng ilang estudyante matamasa lang ang dekalidad na pag-aaral.

Ayon sa panayam ng FEU Advocate sa mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na si Franchesca Laxa, mas malaki ang kanyang natitipid na pera sa pagrenta ng dormitoryo at mas nakapaglalaan pa siya ng mahabang oras para makapagpahinga.

“Bilang estudyanteng malapit nang magtapos, hindi ko kakayanin na may mabigat akong gawain na tatapusin sa gabi [at] pagkatapos [ay] gigising ng madaling araw para bumiyahe,” saad nito.

Convenience naman ang naging batayan ng fourth-year BA Communication student na si Mary Nichole Cabigon sa pagrenta ng dormitoryo sa España.

“Halos dalawang oras [ang] biyahe ko mula Muntinlupa hanggang FEU. Madalas, kailangan ko pang maglaan ng apat na oras na palugit bago ang first class ko para makaiwas sa rush hour. Ganoon din sa pag-uwi [ko] na minsan inaabot pa ng three hours. ‘Yong pagod ko sa isang araw na uwiang biyahe, katumbas na ng isang linggong pagpasok ko sa klase,” aniya.

Binigyang-diin din ni Cabigon na sana’y gawing prayoridad ng pamahalaan ang pag-invest sa maayos na urban planning kung saan dapat gawing public transport-friendly ang mga kalsada at madaling lakarin ang mga daanan para sa pedestrians.

“Papasok kang estudyante, lalabas kang mandirigma,” “Papunta pa lang pero mukha nang pauwi,” o hindi kaya’y “Mauubos ang kabataan ko sa traffic”—mga birong madalas sambitin ng mga estudyanteng komyuter para lang maibsan ang kanilang pagkadismaya at galit.

Nakatatawa mang pakinggan, subalit tunay nitong sinasalamin ang reyalidad ng ating mga karanasan. ‘Di hamak na mas nakapapagod pa ang biyahe kaysa sa mga aktibidad sa eskwelahan. Ramdam ang pagmamadali at pagkukumahog araw-araw kaya’t maraming nakikipag-unahan sa ibang mga kasabayan, huwag lang mapag-iwanan.

Bagama’t napakaraming mga polisiya at programang nilalayong paunlarin ang pampublikong transportasyon sa bansa, mahalagang isaalang-alang nito ang demokratisado at makataong sistema na makapagbibigay-ginhawa sa masa. Sa pagtatapos ng araw, mananatiling isang karera ang buhay hangga’t patuloy ang pakikibaka ng mga komyuter na naglalakbay.

- Dianne Rosales

(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/FEU Advocate)