Imperyalistang pandarambong sa kanayunan, kinondena sa Araw ng Magbubukid

Ni Dave Louie M. Blas

Tinuligsa ng iba’t ibang pesanteng grupo ang panghihimasok ng mga dayuhan sa kanilang mga lupaing sakahan at ang pagtatangkang samantalahin ang mga likas na yaman ng kanayunan sa pagdiriwang ng Araw ng Magbubukid sa Mendiola Peace Arch kahapon, ika-21 ng Oktubre.

Isa sa mga pangunahing pinalagan ng mga magsasaka ang inisyatibang Pax Silica na sasakop ng 4,000 akre ng lupain upang magtayo ng artificial intelligence at semiconductor manufacturing hubs sa tinaguriang Luzon Economic Corridor sa New Clark City, Tarlac.

Sa panayam ng FEU Advocate, mariing tinutulan ng magsasaka at katutubong Aeta Mag-Antsi ng Capas, Tarlac na si Jonie Sumawang ang planong itayo ang Pax Silica malapit sa kanilang lupaing ninuno.

“Kapag naapektuhan ng Pax Silica [ang aming lupain] ay wala na kaming mapapagtaniman… Kaya huwag lang sanang pasukin ng mga dayuhan ang aming mga lupa para ‘yung mga kabuhayan namin hindi maapektuhan,” daing niya.

Sa kabila ng pagtutol ng maraming Pilipino, inaasahang pormal na mapirmahan ang balangkas ng kasunduan ng inisyatibang Pax Silica industrial hubs na itatayo sa bahagi ng Capas, Tarlac, sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos (U.S.) sa darating na Nobyembre.

Ayon pa kay Sumawang, sa mga miyembro lamang ng midya nila nalaman ang planong pagpapatayo ng U.S. sa kanilang lupain pagkatapos pahintulutan ng administrasyong Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang proyekto, kaya’t nangangamba sila sa posibilidad na mapaalis sa kanilang lupain.

“Nandiyan na kami sa aming mga lupa. Dahil diyan kami nabubuhay, nandiyan na ang aming mga ninuno… Kaya ngayon, hindi na kami pwedeng aalisin diyan kahit na anong mangyari sa buhay namin, ipinapaglaban po namin ang karapatan po namin bilang isang katutubo ng Tarlac,” giit niya

Minsan nang dinepensahan ng Bases Conversion and Development Authority ang inisyatibang Pax Silica, na ayon sa kanila’y lilikha ng halos 200,000 trabaho para sa mga Pilipino matapos ang isang dekada.

Gayunpaman, para sa mga katutubong magbubukid tulad ni Sumawang, mas gugustuhin nilang manatili sa kanilang lupain sa kabukiran lalo’t pagsasaka ang tanging kabuhayang nagtataguyod sa kanilang komunidad magmula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno.

“Kasi ayaw namin pong mga katutubo na nandiyan kami sa kabayanan na para kaming inuutus-utusan lamang. ‘Yon ang ayaw namin. Kapag inuutus-utusan kami, parang isa kaming alipin na sumusunod sa gobyerno. Kaya ayaw naming umalis sa aming mga lupaing ninuno,” saad niya.

Sa hiwalay na panayam, nagpakita naman ng suporta’t pakikiisa ang isang mangingisda ng Pio Duran, Albay na si Tatay CJ sa mga magsasaka laban sa mga tangkang pagkamkam ng mga lupain para sa mga minamatang proyekto ng gobyerno.

“Kaya ito kami ngayon, naglakbay mula doon sa DAR [Department of Agrarian Reform], papunta dito sa Mendiola para ‘yung mga panawagan namin maparating sa kanila at mapaabot sa kanila. Kasi hindi na [sila] naaawa sa dami ng taumbayan na naghihirap, apektado ng mga land use conversion, land grabbing, at kung anu-ano pa,” aniya.

Dagdag pa ni Tatay CJ, katulad ng mga magsasaka, nag-aalala rin ang mga mangingisda sa mga itinatayong solar farms sa kabundukan at mga pagtatangkang pagtatayo ng mga wind farms sa karagatan na maaaring makagambala sa pang-araw-araw nilang pagsasaka’t pangingisda.

Kaugnay nito, kamakailan lamang ay umalma ang mga magsasaka mula sa Nueva Ecija sa pagtatambak ng lupaing nakaharang sa daanan tungo sa kanilang lupang sakahan na hinihinalang kagagawan ng MTerra solar project. Kasalukuyang may higit 4,000 ektaryang solar farm project ang kompanya sa nasabing probinsya at sa bayan ng San Miguel, Bulacan.

Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, isa pa sa mga nakaambang renewable energy project sa bansa ang offshore wind farms na itatayo mismo sa mga karagatan na makakaapekto sa humigit-kumulang 10,000 mangingisda sa mga probinsiya ng Laguna at Ilocos Norte.

Kinondena rin ni Tatay CJ ang naging panghaharas ng kapulisan sa kanilang hanay habang binubuo ang kampuhan sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magbukas sana ng diyalogo patungkol sa kanilang mga panawagan.

“Hinaras kami ng mga kapulisan doon at pinaalis kami. At ang ginawa naman namin, lumipat kami sa UP [University of the Philippines] Diliman para doon kami magkampuhan… Ang problema lang nga, ginigipit kami nila. Hindi kami nila binibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag,” kuwento niya.

Binatikos naman ng Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Jerome Adonis ang isa pang kaso ng agresyon ng kapulisan sa itinatag na kampuhan ng mga magbubukid sa tapat ng DAR, kung saan may mga miyembro ng midya ang hinaras ng mga pulis. 

Kabilang dito sina Ernest Cruz mula sa Bulatlat at Tudla Productions correspondent na si Robie Matias na isang estudyante ng Far Eastern University.

“Isa itong state terror policy ng Malacañang, ni Bongbong Marcos, para lumikha ng takot na kapag tayo ay nag-critique, tayo ay lumaban doon sa ating mga kahilingan, hindi lang ang masang magsasaka… ganito ‘yung mangyayari. Dadahasin tayo,” aniya.

Iginiit din ni Adonis na ang pakikiisa ng mga manggagawa at iba pang sektor ng mga ordinaryong mamamayan upang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka ay isang kritikal na bahagi ng pambansang pag-unlad.

“Hangga’t walang tunay na reporma sa lupa, mananatili ang mababang sahod, kontraktwal na paggawa, [at] paglabag sa aming karapatan sa sahod… Hangga’t walang tunay na reporma sa lupa, mananatili ang kahirapan, kagutuman at injustice,” saad niya.

Samantala, mariing inalmahan ni Kadamay Secretary General Mimi Doringo ang inaasahang pagbisita ni U.S. President Donald Trump sa paparating na Association of Southeast Asian Nations  Summit na pangangasiwaan ng Pilipinas, kung saan pormal na ikakasa ang kasunduan para sa Pax Silica Initiative mula ika-15 hanggang ika-17 ng Nobyembre.

“Kaya sa pagdating ni Trump, dapat magkaisa tayo. Hindi siya welcome sa Pilipinas. Hindi para ibenta o isubasta ang Pilipinas. Ang Pilipinas ay para sa mamamayang Pilipino, hindi sa mga imperyalistang Amerikano,” aniya

Tunay na reporma sa lupa

Makalipas ang ilang dekada, isa pa rin sa pangunahing panawagan ng mga magbubukid para sa tunay at makamasang reporma sa lupa ay ang mga lupain na hindi pa rin pormal na naigagawad ng pamahalaan para sa mga magsasaka at katutubo.

Ayon kay Sumawang, dahil sa banta ng Pax Silica sa kanilang mga katutubong lupain, nais nilang masiguro ang kanilang pagmamay-ari sa mga lupain gamit ang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT).

“Ang ektarya po ng aming lupaing ninuno ay nasa 12,000 ektarya na hindi pa nai-award ng presidente. Kaya ngayon, dahil ayaw naming maangkin ng Pax Silica ang lupa namin, dapat i-award na ‘yun,” panawagan niya.

Ang CADT ay isang titulo ng lupa na iginagawad sa mga katutubo para pormal na makilala at mabigyan ng karapatan at pagmamay-ari ng kalupaang sakop nito.

Kaugnay nito, opisyal na titulo rin ng buong pagmamay-ari ng lupa ang hiling ng magsasakang mula sa Malolos, Bulacan na si Pablo Dela Cruz Jr. para sa lupaing ibinigay sa kanila ng pamahalaan sa ilalim pa ng Presidential Decree 27 o isang programa sa ilalim ng dating diktador na si Marcos Sr. 54 taon na ang nakalipas.

Ayon sa kaniya, Certificate of Land Transfer (CLT) pa lamang ang mayroon sila kaya’t panawagan nilang maigawad na rin ang Emancipation Patent (EP) upang matiyak ang kanilang pagmamay-ari sa lupa.

“Pagka nagkaroon ka na no’n, meaning… sa ‘yo na ‘yung lupa. Ang tagal na, eh. Dalawampung taon mahigit. Hanggang ngayon, hindi pa naipapamahagi,” aniya. 

Ang CLT ay isang dokumento na kumikilala sa mga kwalipikadong magsasaka upang makatanggap ng lupang sakahan sa ilalim ng programa ng pamahalaan, habang ang EP naman ay ang dokumentong nagpapatunay ng kanilang pagmamay-ari sa lupain.

Dagdag pa ni Dela Cruz, ilang beses na rin silang lumapit sa pamahalaan upang opisyal na igawad sa kanila ang buong kontrol at karapatan sa kanilang sinasakang lupain na binabayaran din nila ng buwis, ngunit pinagpapasapasahan lamang sila ng mga opisina ng gobyerno.

Nakabubuhay na kita sa pagsasaka

Maliban sa karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupang sakahan, isa ring dagok para sa kanila ang mababang kita mula sa kanilang pananim na palugi na kung naibebenta sa ilang pagkakataon.

Ayon kay Dela Cruz, bagaman may kaunting tulong na natatanggap ang kanilang sakahan mula sa pamahalaan, nauuwi pa rin ito sa aberya kung saan ang pondo ay nagiging pambawi na lang sa puhunan.

“Pinangakuan kami na halimbawa, ‘pag bibili ng NFA [National Food Authority] ng, palagay natin [na]... ₱20 per kilo… Sige, kukunin ng NFA. Ang problema, kami pa ang maghahakot papunta sa NFA. Oh, eh ‘di aarkila ako ng truck para madala sa NFA. Kumbaga, magiging break-even lang. Sa halip na kikita nang kaunti, ang mangyayari, pagod lang,” daing niya.

Dagdag pa niya, hindi rin angkop sa kanilang mga pananim ang ibinibigay na binhi at pataba ng pamahalaan kaya’t hindi rin ito napapakinabangan ng mga magsasaka.

“Tsaka sa magsasaka, may binibigay sila na binhi, kulang. Nagbibigay ng pataba, hindi naman angkop do’n sa lupa. Eh, ang kailangan namin eh urea, ang binigay sa amin eh ammonia. Pano? Hindi siya angkop do’n sa lupa, ‘di ba? Sa palay na itanim namin... Masabi lang na nagbigay,” saad niya.

Sa kabilang banda, hindi naman binibili ng NFA ang mga ani ng mga magsasaka sa Guimba, Nueva Ecija, ayon sa isa sa mga kapitan ng barangay na si Pol Alcantara.

“Napakalapit sa amin ng NFA. Ang daming NFA sa Nueva Ecija, wala namang bumibili… ‘Yung mga maliliit na trader lamang ang bumibili kaya hindi tumataas ang presyo ng palay,” aniya.

Ayon pa kay Alcantara, hindi sila nakatanggap ng ₱5,000 fuel subsidy na ipinangako ng pamahalaan para sa mga magsasaka sa kabila ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.

Ikinababahala rin ng mga magsasaka sa Nueva Ecija ang krisis na dala ng Super El Niño o matinding tagtuyot sa kanilang mga sakahan, lalo’t inaasahan din ang madalas na kawalan ng suplay ng tubig sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong nakaraang linggo, inihayag ng Office of Civil Defense na umabot na sa ₱6.8 bilyon ang tinatayang naging pinsala sa agrikultura ng El Niño ngayong taon, na inaasahang tatagal hanggang sa unang kalahating bahagi ng taong 2027 kasabay ng banta ng Super El Niño.

“Hindi ko alam kung paano ba ‘yan kung sakali dahil ‘yung dam lang naman ang inaasahan namin Pantabangan dam. Tapos pagka wala ‘yun, water pump. Baka mamaya, eh, Super El Niño ‘yan [ay] maubos din ang tubig [sa] water pump namin… Paano pa ang aming kabuhayan dahil sa pagsasaka, dun lang kami kumukuha ng pinagpapaaral ng mga bata, mga anak ko ganun,” pangamba niya.

Bago tumulak patungong Mendiola Peace Arch, nauna nang nag-organisa ng kampuhan ang mga magbubukid sa tapat ng DENR bago sila pagbantaang paalisin ng kapulisan noong ika-16 ng Oktubre at lumipat sa UP Diliman. 

Matapos nito, muling nagtatag ng kampuhan ang mga magbubukid sa tapat ng DAR noong ika-19 hanggang ika-21 ng Oktubre bago magmartsa mula sa University of Santo Tomas.

(Photo by Alexis Ivan Pineda/FEU Advocate)