
Makasarili ako. Kung puwede ko nga lang itago ang kaniyang maleta at pasaporte para lamang hindi siya tumuloy sa pagtatrabaho at pagsasakripisyo, gagawin ko, eh.
Pero hindi. Hindi talaga patas ang mundo. Narito na naman ang nanay ko, pilit na pinagkakasiya sa dalawang maleta ang kapirasong damit at ilang-taong pagtitiis para matustusan ang pangangailangan naming dalawa.
Sinusubukan ko mang ibaon ang sama ng loob, hindi ko pa rin maiwasang magtampo. Hindi sa nanay ko, kundi sa estado ng aming buhay. Dalawa lang naman kasi kami ni Nanay, pero pilit pa rin kaming pinaghihiwalay ng tadhanang itinakda para sa amin. Pareho naming hindi gusto, pero wala rin naman kaming magagawa.
Hindi kami mayaman, at ang tanging paraan lamang para guminhawa ang buhay namin kahit papaano ay ang paglipad niya papunta sa bansang banyaga — walang gaanong kakilala, walang pamilyang kakalinga.
Siguro, kahit gaano pa kadalas ang kaniyang pag-alis, hindi ako masasanay. At kahit ilang taon pa ang lumipas, tumanda man ako at mas kayang umintindi ng rason kung bakit, hindi pa rin ito gumagaan.
Kung hindi sana mahal ang pamasahe sa dyip, hindi na sana niya kailangan pang bumili ng tiket pasakay sa eroplano — isang silya katabi ng bintana at walang kongkretong araw ng pagbalik. Papunta sa kabilang panig ng mundo, lagpas pitong libong kilometro ang layo, para lamang may pambayad ako ng pamasahe papasok sa eskuwelahan.
Kung hindi sana masakit sa bulsa ang matrikula, hindi sana niya piniling unahin ang pangarap ko at ang kinabukasang hinahangad niya para sa akin. Hindi sana niya sinukuan ang sarili niyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Kung hindi sana tumataas ang presyo ng mga bilihin, tubig, at koryente, hindi sana niya kailangang magsakripisyo, magtiis, at magtipid sa pansariling pangangailangan para lamang may pambili ako ng kung anumang luho ko.
Hindi distansiya ang hadlang sa aming dalawa. Hindi rin ang diperensiya sa oras, at mas lalong hindi ang katatagan ng pagmamahal na humubog sa pagkatao ko. Ang kalaban ay ang kasiguraduhan na dahil sa paghahangad ng mas maayos na buhay, magpapanggap na naman siyang ayos lang ang lahat.
Alam ko ang sakit na iniinda niya sa kaniyang tuhod dahil sa walang-katapusang trabaho. Alam ko ang pait na bitbit niya tuwing hindi niya agad-agad naibibigay ang mga pangangailangan ko. Alam ko ang lahat ng pagtitiis, dahil buhay ako ng nanay ko, at buhay ko ang nanay ko.
Kaya’t habang tinatanaw ko siyang pumasok sa paliparan at muling tumaya sa walang katiyakan, hindi ko maiwasang maghangad — sa pinakamakasariling paraan, sana hindi na kailangan umalis ng nanay ko.
- Julliane Nicole B. Labinghisa
(Dibuho ni Reese Allison Bayona/FEU Advocate)