Hustisyang salat sa wangis ng ‘trial by social media’

FEU Advocate
August 02, 2024 18:59


Nina Jasmien Ivy Sanchez at Eryl Cabiles

Mula sa mga walang saysay na post hanggang sa mga viral na akusasyon, nagiging moderno at pampublikong hukuman na ang social media. Bagaman nakatutulong ito sa pagpapakalat ng kamalayan at pagpapatuwid ng mga kamalian, kasabay nito ang paglantad ng mga mapanganib na epekto ng padalos-dalos at emosyonal na panghuhusga—mga hatol na walang batayan, at mga buhay na winawasak ng mga salitang walang konkretong ebidensiya.

Kaya’t nararapat na tuklasin ang mga implikasyon nito at tahakin ang mga hakbang upang supilin ang ganitong konsepto. Nang mapanatili ang dignidad ng sistema ng hustisya at matiyak na ang bawat isa ay nabibigyan ng makatarungan at patas na paglilitis.

Ang bagong mukha ng midya at hustisya

Pinakaaktibong gumamit ng social media ang mga Pilipino, partikular na ang panonood ng video contents. Ayon sa ulat ng Digital 2024, tinatayang higit sa tatlong oras kada araw ang iginugugol ng mga Pilipinong may edad na 16 hanggang 24 na taong gulang sa social networking sites

Kaakibat nito ang malawakang paggamit ng digital platforms bilang espasyo para sa diskurso ng paglilitis. 

Ayon sa panayam ng FEU Advocate kay Babsie Morabe, isang guro sa Far Eastern University (FEU) Department of Communication, ang ‘trial by social media’ ay ang pangyayari kung saan hinahatulan ng publiko ang isang indibidwal batay lamang sa opinyon at impormasyong nakalap sa naturang plataporma.

This is actually a phenomenon in social media [wherein] anybody, or any individual for that matter…you are being technically judged, worse condemned or punished sa court of public opinion [kahit na] wala pa namang hatol sa’yo (Ito ay pangyayari sa social media kung saan ang isa, o kahit sino, ay nahuhusgahan, nahahatulan, at naparurusahan sa korte ng pampublikong opinyon kahit na wala pa namang hatol sa’yo),” anito. 

Dagdag pa ni Morabe, nakakabit dito ang paggamit ng mga impormasyon sa internet nang hindi sinusuri. 

The problem now is…we post, share [content] without verifying or [checking] (Ang problema ngayon ay naglalagay at nagbabahagi tayo ng content nang hindi nagsusuri),” paliwanag ng guro. 

Sa panayam naman ng FEU Advocate kay Melquiades Acomular Jr., kasalukuyang tagapangulo ng FEU Department of Political Science (PolSci), hindi na umano bago ang konsepto ng trial by social media

“Kung babalikan niyo ‘yung mga nakaraang pag-aaral…even sa konsepto ng legal o mga nasa law profession, ito ‘yung originally tinatawag nating trial by publicity. [Ngunit] dahil sa emergence ng social media, nagkaroon tayo ng trial by social media,” paliwanag nito. 

Binigyang-diin din ni Acomular na ang paglaganap ng mga dis- at misinformation network sa social media ang siyang nagiging puno’t dulo ng pagkasira ng kaalaman, lalo na sa pag-intindi ng katotohanan. 

“Nadagdagan ito [sa] panahon ng nakaraang administrasyon [Duterte], ‘yung tinatawag natin na misinformation. Totally, nasira ‘yung istruktura mismo ng katotohanan. Natwi-tweak na [ang naratibo] depende sa nagbabalita,” anito. 

Matatandaang biktima ng trial by social media ang dating senadorang si Leila De Lima dahil sa pamamahiya ng publiko, partikular na ang fake sex scandal na tinangkang usisain sa senado para sa kaniyang kaso tungkol sa drug trade

Ipinaliwanag din ni Acomular sa panayam ang kaso ni Alice Guo at ang pagsakay ng maraming tao sa isyu. 

“Kay Alice Guo, ilan ang nakakaintindi ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operator)? Pero ang kinagat ng marami’y ‘yung dila ni Alice Guo. Satire! Parang parody…ginawa nating katuwaan,” paliwanag ng tagapangulo.  

Pagpapalalim naman ni Morabe, tila ba naging manhid na ang lipunan sa mga seryosong usapin dahil sa pagkakaroon ng mga meme at pang-aalipusta sa mga sensitibong isyu. Hindi na natatapunan ng pansin ang mismong bigat ng kaso kapag hinaluan na ito ng mga parodiya at katatawanan.

Desensitized na kasi ang mga Pilipino sa ganitong bagay. Parang gusto na lang nila gawing katatawanan lahat, because sobrang bombarded na tayo sa dami ng problema, and in the process, Filipinos became desensitized to the national issues that’s happening in the country,” pahayag nito.

Sa pamamagitan ng katatawanan at pagiging pabaya sa katotohanan, ang mga malalim na alinlangan at problema ay nilalagyan ng payak na kahulugan at hindi sineseryoso ng sambayanan. 

Halimbawa na lamang ng nangyari kay Guo, kung saan umani ng katatawanan ang kaniyang interbyu at paglilitis. Nagbunga ng mga TikTok edit at iskit sa social media ang manerismo nito sa pagsasalita, katulad na lamang ng paglabas ng kaniyang dila.  

Samantalang idinikit naman sa popular na kultura ang sumikat na linya ni Guo, “Hindi ko na po alam, Your Honor,” lalo na sa sikat na pelikulang Pilipino noong 2010 na, “My Amnesia Girl.”

Kung sisipatin, malalimang isyu sa pambansang soberanya ang kaso ni Guo, subalit nauwi ito sa katatawanan. 

Sa ganitong klima ng pakikipag-ugnayan sa internet at sa nagbabanggaang naratibo ng katotohanan, kinakailangan ng lipunan ng malalim na pagtitimbang kung saan itatayo ang moralidad ng ganitong uri ng paglilitis.

Kanlungan ng api sa gitna ng pagkukulang

Maliwanag na inuudyok ng pagkabigong makamtan ang katarungan sa Pilipinas ang pagtuklas sa mga alternatibong solusyon, lalo na kung istruktural na pang-aapi ang dahilan ng pagkadismaya sa sistemang panghukuman. 

Sa nananatiling korapsiyon sa hudikatura ng Pilipinas, tanging mga pigura na lang sa social media ang nagsisilbing pag-asa ng publiko upang makamit ang hustisya. 

Pahayag ni Morabe, ang mga lamat sa sistema ng katarungan ang nagtutulak sa mga tao na humanap ng alternatibong paraan upang makamtan ang sarili nilang hustisya.

Instead of people going to the proper authorities, ang nangyayari dahil na rin siguro sa very slow justice system ng country, doon sila nagkli-cling sa instant judgement. Nawawala ‘yung proseso ng justice system, eh, doon ka dapat pupunta sa authorities kung may problema ka,” dagdag pa ng propesor.

Sa ganitong paraan ipinamalas ng #MeToo Movement sa Estados Unidos (US) ang pakinabang ng puwersa sa social media upang makiisa sa isyu ng pang-aabusong sekswal, itinatampok ang taglay na epekto ng pakikisangkot sa internet

Bunsod nito, nagtamo ang trend ng 12 milyong reaksyon sa internet sa loob ng isang araw, inudyok nitong puwersahin ang mga social groups tulad ng Time’s Up upang tumulong na maghain ng kaso para sa mga babaeng biktima ng pang-aabuso. 

Ipinaliwanag din ni Acomular ang katumbas na “political pressure” ng diskurso sa online platforms upang hikayatin ang mga lider na tumugon sa mga napapanahong suliranin. 

Actually, sa PolScithese are forms of pressure groups…Ang interest groups at pressure groups, nandyan sila para i-pressure ang administrator, judiciary, ang legislature, political parties, candidates [para sabihing] ‘gawin niyo ang trabaho niyo,’ ‘iayos niyo,’” anito. 

Idinagdag pa ng tagapangulo ang kaakibat na “silbi” ng ganitong “pag-iingay,” sa internet man o sa lansangan.  

“‘Yan ‘yung sinasabi natin na ‘ingay na may silbi,’ kasi binabalanse nila ‘yung lipunan,” pagpapalalim nito. 

Sa ganitong “pag-iingay” sa kongreso inusisa ni Risa Hontiveros ang isyu sa POGO at ng mga Chinese na sindikato sa Pilipinas

Ipinatigil naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang operasyon ng POGO sa buong bansa nang ito’y naghayag ng State of the Nation Address 2024 bilang tugon sa ginawang “ingay” ni Hontiveros sa senado. 

Hindi man nakaangkla sa legal na istruktura ng hustisya, ang alternatibong “trial by social media” ay sumasalamin sa malawakang pagkadismaya ng masa sa pamahalaan, at ang kaugnay na pagkukulang ng sistemang panghustisya sa Pilipinas. 

Panganib ng litisang walang hukom 

Mula rito, malinaw ang mga namamataang pakinabang na bitbit ng ganitong uri ng pagsusuri sa kasaysayan ng Pilipinas. 

Subalit, kung sisipatin ang kabilang pisngi ng diskursong trial by social media, masisilip din ang dulot nitong matinding banta sa karapatan at kalayaan ng mga indibidwal. Ang utay-utay na katanyagan ng hatirang madla ay sumabay sa unti-unti ring pagkadurog ng prinispiyong “inosente hanggang mapatunayang nagkasala sa bansa dahil sa marahas na paligsahan ng opinyon at panlilinlang.

Inayunan naman ito ni Acomular sa paliwanag niyang namatay na ang natural na sistema ng paghatol sa may sala at pagbibigay ng katarungan sa mga naagrabyado.

Selective ‘yung sistema natin, hindi na siya across the board na lahat p’wede. Nasira mismo natin ‘yung istruktura ng dapat pormal, responsable, matino, at tama. Tsaka ‘yung sistema rin ng katotohanan kasi hindi na rin tayo nagva-validate, eh,” pahayag nito.

Libo-libong mamamayan na ang naging biktima ng pang-aabuso bunsod ng mabilis na paghuhusga sa social media. Sa halip na hintayin ang tamang paglilitis at pagpapatunay ng pagkakasala, agad na inaakusahan ang mga tao batay sa haka-haka at hindi malinaw na ebidensya na kumakalat sa naturang plataporma.

Sa kaso ni De Lima noong 2016, kung saan inakusahan siya ng gobyerno ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, tila naging impyerno ang kaniyang buhay sa social media sa buong panahon ng rehimen ni Duterte, lalo na sa Facebook. 

Humantong ang kaniyang paghahanap ng katotohanan sa pampublikong pag-uusig buhat ng pag-alingawngaw nito online. Dito, paulit-ulit siyang kinokondena at hinatulan agad ng maraming Pilipino sa social media kahit pa ang alegasyon at mga diumanong ebidensiya ay hindi pa napapatunayan. 

Noong siya'y pinaaresto ng Muntinlupa Regional Trial Court, umani ng 14,000 reaksyon, karamihan ay "like" (10,000) at "love" (1,600) ang Facebook post ng INQUIRER.net — nagpahiwatig na hindi nakikiramay ang karamihan ng mga netizen sa senadora.

Sapagkat ayon kay Acomular, tila ba may pinapanigan agad ang publiko kaugnay sa isang isyung hindi pa tapos at wala pang napapatunayan.

“Ganiyan tayong mga Pilipino eh, nakiki-empathize tayo sa isang bagay nang ‘di naman natin alam ang puno’t dulo. Face value ang tiningnan natin, wala tayo sa konteksto ng tama at mali,” pahayag pa ng propesor.

Ang mabilisang paghusga at paglalagay ng mantsa sa mga indibidwal na may magkakaibang pananaw ay hindi lamang naglalagay sa kanila sa panganib, kung hindi nagiging hadlang din sa tunay na pag-unlad at kapayapaan ng lipunan.

Paliwanag ni Morabe, pinalala rin ng echo chambers sa social media ang ganitong uri ng paglilitis, kung saan ang isang tao ay nakatatagpo lamang ng impormasyon o opinyon na sumasalamin at nagpapalakas ng kanilang sariling pananaw.

“Kapag nag-form ka na ng opinyon, at you got into a particular echo chamber, magiging problema ‘yan, kasi kung pare-parehas kayo ng bias sa chamber na ‘yun, mag-a-amplify siya, kapag nag-amplify, doon na siya magiging problema,” anito.

May malalim na epekto sa lipunan ang mga ganitong karanasan sapagkat nagiging sanhi ito ng maling interpretasyon at pagbabalewala sa mga pangyayari. Pinalalala nito ang kamangmangan at kawalan ng kaalaman ng marami sa tamang proseso ng batas at pag-uusap.

Sa ganitong konteksto, patunay lamang na kailangan ng mas mapanuri at maingat na paggamit ng social media, at pagtibayin pa lalo ang papel ng midya sa pagbibigay ng makatarungan at tunay na pag-unawa sa mga kontrobersyal na isyu sa ating lipunan.

Sapagkat ang trial by social media ay usapin ng makatwiran at tamang pagbibigay ng hustisya, at pagsupil sa karapatan at pagkakakilanlan ng mga indibidwal at kanilang pamilya.

Pagpapayabong ng tuwirang diskurso

Sa harap ng mga suliraning dulot ng trial by social media, mahalaga ang pagtutok sa edukasyon sa midya, responsableng paggamit ng hatirang madla, at ang papel ng pamahalaan sa ating lipunan.

Pagdidiin ni Morabe, dapat alamin ng mga netizens ang mga patakaran at gabay kung paano dapat gamitin ang platapormang ito nang may paggalang sa katotohanan ng bawat impormasyon na kanilang inilalatag.

If you are a netizen and you are following cases like this, it’s always important to read, fact check, verify, ’di ba? At least kapag nag-post ka, informed ‘yung opinyon mo (Kung ikaw ay isang netizen at ikaw ay sumusunod sa mga kasong tulad nito, mahalaga na basahin, suriin ang katotohanan, [at] patunayan ito, ‘di ba? At least kapag nag-post ka, may kabatiran ‘yung opinyon mo),” paalala ng guro.

Krusyal ang pagpapalawak ng kaalaman sa media literacy upang maunawaan ang kahalagahan ng pagkilatis ng mga impormasyon. Upang mapigilan ang paglaganap ng maling impormasyon at pekeng balita na maaaring magdulot ng kalituhan at hindi pagkakaunawaan sa lipunan. 

Payo rin ni Acomular, mahalaga ang diskurso at palitan ng kaalaman ukol sa mga ganitong isyu, sa tulong ng mga institusyon at gobyerno bilang unang hakbang. 

“Kailangan natin ng knowledge hub, ito ‘yung partnership ng government, educational institutions, at ng citizen. Knowledge hub in the sense na nagkakaroon ng palitan ng knowledge, o ng information dissemination. Ang dapat channel talaga niyan, una, educational institution that penetrates mainstream media, then nakabackup ang social media,” pangaral nito.

Mahalaga ang pagbibigay-diin sa tamang paggamit ng plataporma para sa pakikipagtalastasan, pagpapalaganap ng totoong impormasyon, at pag-iwas sa pagkalat ng maling mga datos. Makatutulong ito sa pagpapalakas ng positibong impluwensya ng trial by social media sa lipunan.

Subalit itinatampok din ni Morabe ang malaking papel na ginagampanan ng midya bilang tagapagbalita at tagapaghatid ng impormasyon. 

For the media, sana mas maging aware sila sa responsibility nila, ‘Oh ito, dapat ganito mo siya titignan, babasahin, sasabihin.’ Para mas maintindihan siya ng mga nasa laylayan. They have the responsibility. Because at the end of the day, they are the watchdog, they are the fourth estate (Sila ‘yung may responsibilidad, kasi sila ‘yung watchdog, sila ‘yung pang-apat ng estado),” paliwanag nito.

Krusyal na malaman ng masa kung paano mag-analisa ng impormasyon at patunayan ito dahil ito ang magbubukas ng mas malalim na pang-unawa sa mga isyung panlipunan. Alalahanin na makapangyarihan ang paglilitis sa hatirang madla dahil sa kakayahan nitong baluktutin ang katarungan at iligaw ang ating lipunan sa landas ng katotohanan.

Sa kabila ng mga positibong dulot nito, hindi maikakaila na ang pag-usbong ng ganitong uri ng paglilitis ay unti-unting sumisira sa kabuuang sistema ng hustisya sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga obligasyon sa social media, makakamit natin ang mas matatag na pundasyon para sa isang makatarungang lipunan.

Ngunit, hindi lang “ano” ang pinakaimportanteng tanong sa paglutas ng dalang balakid ng trial by social media, sa kung paano papandayin ang media literacy at kritikal na pag-iisip ng mga Pilipino sa internet, higit lalo ang pagpapatibay ng papel ng midya sa lipunan. Mas kailangang tanungin kung “kailan” natin tuwirang tatangkain na putulin ang lumalalang problema sa paglabnaw ng katotohanan at hustisya. 

(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)