TFX Atlas gears up for CONQuest COD:M tourney
- May 30, 2023 16:29
FEU Advocate
May 16, 2021 11:41
Ni Agustin F. San Andres, Jr.
Sa pagpapaigting ng hangaring palakasin ang paggamit ng wikang Filipino sa loob ng kampus, matagumpay na binuo ng Far Eastern University (FEU) Tanggapan ng Larangan ng Filipino kasama ng mga piling estudyante ang FEU Buklurang Mag-aaral sa Filipino (BUMAFIL).
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate, ipinaliwanag ni Jessica Lois Due, pangulo ng FEU BUMAFIL na hindi naging madali ang pinagdaanan ng organisasyon nang makamit ang rekognisyon.
“Inabot kami ng halos isang taon bago ito nabigyan ng rekognisyon. Isang malaking dahilan dito ay ang nangyayaring pandemya sa bansa. Dahil limitado lamang ang pisikal na pagpasok sa unibersidad ng mga taong kaugnay sa pagrerebisa ng aplikasyon, [kaya] nabinbin ang sana ay mabilis na pagpapasa nito,” saad Due.
Ibinahagi rin ni Due ang mga layunin ng organisasyon kabilang na rito ang pagkakaroon ng espasyo, pagtataguyod, at pagpapamalas ng lakas ng wikang Filipino sa loob ng Unibersidad.
Aniya, maraming nakalatag na plano ang FEU BUMAFIL na mas lilinang sa kaalaman ng mga mag-aaral hindi lamang sa wikang Filipino.
“Sa katunayan, isa sa mga pangunahing proyekto ng organisasyon ay ang magsagawa ng isang webinar na makakapagbigay ng kaalaman at kamalayan tungkol sa iba’t ibang mga katutubong wika ng ating bansa at kung paano natin maiiwasan ang tuluyang paglipol ng mga ito. Bukod pa rito, plano rin ng organisasyong gamitin ang mga online social media platforms upang magbigay kaalaman at impormasyon tungkol sa mga usaping pang-Filipino,” dagdag nito.
Ayon pa kay Due, makakaasa ang lahat na ang kanilang organisasyo’y tatayong simbolo ng pagkakaisa ng bawat Pilipinong mag-aaral sa Unibersidad.
Naganap ang panunumpa ng mga itinalagang opisyales ng organisasyon noong Abril 30.
(Larawan mula sa FEU BUMAFIL/Facebook)