Hinubog na pagkatao mula sa kalakaran at konsumerismo ng modernong anik-anik

FEU Advocate
November 22, 2024 12:38


Nina Jasmien Ivy Sanchez at Dianne Rosales

Bus tickets, resibo, at kung ano-ano; itinuturing na ‘anik-anik’ ang mga maliliit na bagay na makabuluhan para sa mga nangongolekta nito. Karaniwan itong iniuugnay sa mga alaala, personal na karanasan, o simpleng kasiyahan—remembrance kung maituturing. Subalit, sa pag-usbong ng modernong anik-anik, naging simbolo na rin ng prestihiyo at estado ang dating iniimbak lamang para sa mga bitbit nitong memorya. Bunsod ng komersyalisasyon, naging eksklusibo at tumaas ang presyo ng anik-anik—isang kabalintunaan mula sa mga masa na nagpasimula ng konsepto nito buhat ng kahirapan.

Koleksiyon ng alaala at pagbabalik-tanaw

Bahagi na ng ating kultural na pagkakakilanlan ang pag-iimbak ng iba’t ibang mga bagay na kalauna’y naiipon sa paglipas ng panahon. Ilan sa halimbawa nito’y ang mga naipong plastik na shopping bag, karton ng sapatos, bote, o lalagyan ng pagkain.

Bukod sa pagiging praktikal, nariyan din ang ating pagkahilig sa mga bagay na mayroong sentimental na halaga. Liban sa ito’y nagiging libangan, nagsisilbi itong dokumentasyon ng ating mga karanasang kalakip ng isang tao, lugar, alaala, o kaganapan.

Dito maihahambing ang kolokyal na terminong “anik-anik” — isang alternatibong pagbabaybay sa terminong “anek-anek” mula sa gay lingo.

Ayon sa panayam ng propesor ng Interdisciplinary Studies na si Paul Anthony Tecson sa FEU Advocate, ito’y nangangahulugang “everything and anything” o “kung ano-anong” mga bagay o kagamitan.

Bagama’t madalas itong tingnan bilang basura, walang kabuluhan, o pagkaburara, ang mga anik-anik ay higit pa sa simpleng “kalat” o “kung ano-ano” lamang.

Ibinahagi ni Alice Guillermo sa kaniyang sanaysay mula sa The Filipino Worldview in Visual Arts ang kasalatan sa oportunidad ng trabaho para sa mga ordinaryong Pilipino, kung kaya’t nakasanayan nila ang pag-imbak ng mga gamit na nakuha nang libre o mamahalin ang presyo. 

Karaniwan itong nakikita sa mga ordinaryong tahanan upang “lubusin” o “sulitin” ang mga bagay na hindi mabitawan at maaari pang mapakinabangan sa hinaharap. Sinasalamin nito ang gawi ng karaniwang Pilipino na maging praktikal at maparaan.

Ayon sa tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na si Prof. Felipe M. De Leon, kaugnay ng kaugaliang ito ang konsepto ng maximalism na likas sa kulturang Pilipino kung saan pinananatili ang mga bagay upang palamutihan at punan ang mga espasyo o puwang.

Para naman kay Tecson, maaaring iba-iba ang kahulugan ng anik-anik batay sa kinabibilangang panlipunang-uri ng mga Pilipino.

“Mayroon itong emotional attachment, particularly kung ito ay regalo mula sa minamahal…that kind of pag-keep ng mga bagay na ‘to would mean na pinapahalagahan mo ‘yong binigay sa’yo… It could also be for further use, maaaring hindi [mo] ginagamit ngayon pero you think na you will use that in the near future. And ‘yong huli, ‘yong value beyond its financial value. It could be considered na part ng collection ko and I hope that you will [remember] me from this (Mayroon itong kalakip na emosyon, partikular kung ito ay regalo mula sa minamahal… Ang ganitong uri ng pagtatabi ng mga bagay ay nagsasabi na pinahahalagahan mo ‘yong binigay sa’yo… Puwede rin itong para sa karagdagang paggamit, maaaring hindi mo ginagamit ngayon pero sa tingin mo na magagamit pa ito sa hinaharap. At ‘yong huli, ‘yong kahalagahan nito na higit pa sa halaga ng salapi. Maaaring bahagi ito ng koleksiyon ko at inaasahan kong maaalala mo ako rito),” paliwanag ng propesor.

Maraming bagay mula sa ating tahanan ang tila walang saysay o kabuluhan, subalit ang mga koleksiyong ito’y isang paalala sa ating mga karanasa’t pinagmulan kung nasaan tayo sa kasalukuyan.

Taglay nito ang hindi matutumbasang kayamanan ng mga bagay na nagbubuklod sa pagkakakilanlan ng mga ordinaryong Pilipino.

Kalakal na ginto

Tila nakaukit na sa kultura ng mga Pilipino ang pagkahilig sa pangongolekta ng mga bagay na nag-iiwan ng mga bakas ng alaala sa ating puso’t isipan, kaya’t hindi ganoon kadali bitiwan ang mga ito.

Ito rin ang pananaw ng anik-anik collector na si Beatrice Villareal nang ibahagi niya ang paglilikom niya ng mga tiket sa bus, resibo, o mga gamit na iniuugnay niya sa mga makukulay at mahahalagang alaala na nais niyang panatilihing buhay sa kaniyang alaala at isipan.

Sa madaling salita, iniimbak ang mga ito sa ngalan ng pag-alala at praktikalidad. Kalimitan itong makikita sa mga pamilya mula sa mas mababang antas ng ekonomiya. Bunsod ng kahirapan, kinokolekta ang bawat bagay o gamit na madalang lamang mabili upang mapakinabangan muli.

Subalit, pumatok kamakailan lamang ang mga koleksiyon tulad ng Labubu at Sonny Angels. 

Mula sa mga “blind box” na may sorpresa, hanggang sa limitadong edisyon na paboritong hanapin ng mga kolektor, kinilala ang mga maliliit na pigurang ito bilang makabagong anyo ng “anik-anik” sa kasalukuyang panahon.

Kadalasang makikita bilang mga palamuting nakasabit sa bag, nagbago ang mga modernong anik-anik mula sa tradisyunal nitong depinisyon na mga simpleng gamit na iniipon lamang sa ngalan ng pagbabalik-tanaw. Ngayon, naglalaman na ng simbolikong pagkakakilanlan ang mga bagay na ito at isang pagpapahayag ng sariling estilo.

Dumami ang mga nahuhumaling sa mga ito hindi lang dahil sa disenyo, kung hindi dahil sa halaga nito bilang isang bahagi ng pagpapahayag ng sarili na sinang-ayunan din ng anik-anik seller na si Kylie Versoza. 

Feeling ko it's their way to express their self po. Parang kada anik-anik na sinasabit nila sa bag nila, parang part ng personality nila 'yun... na 'pag pinagsama-sama, sila 'yun,” saad nito. 

Pagbabahagi pa ni Versoza, nagsimula silang magbenta ng ganitong uri ng produkto nang mapansin nilang kinagigiliwan ito ng mga estudyante, kung kaya’t hindi na nila pinalampas ang pagkakataon at nagtayo ng negosyo. 

Ngunit kasabay ng pagbabago ng kahulugan ng anik-anik, nagbago rin ang halaga nito sa paglipas ng panahon. Kung noon, libre o abot-kaya ang pangongolekta ng ganitong mga bagay, ngayon ay nagkakahalaga ang mga collectibles na ito ng mula P500 hanggang P1,000 bawat isa.

Para kay Villareal, ang dating simpleng koleksiyon ng mga alaala ay naging isang trend na nagtatampok ng materyal na sinasagisag ang kasaganaan at pananabik sa eksklusibong karanasan.

“Nagkakaroon ng gap... Kasi nga, sila lang 'yung nakaka-afford no'n. Pero 'yung mga memories or mga bagay na may sentimental value... hindi nila technically nabibili 'yon. Parang nagkaroon ng panibagong target [na] personality 'yung mga mayayaman. Hindi siya more on anik-anik, kasi nga mahal sila. Ang price range nila is umaabot ng 500-plus, ang sa anik-anik kasi, random things,” aniya.

Nagkaroon ng bagong kahulugan ang anik-anik. Mula sa pagiging simbolo ng praktikalidad at maparaan na pamumuhay, naging eksklusibo ito at itinuturing na tanda ng yaman at estado. Alinsunod dito ay pag-ayon ni Versoza, “Kung ano lang 'yung puwedeng isabit sa bag nila, it's a way to show off kung ano 'yung afford nila.”

Kung kaya’t batay sa opinyon ng kolektor, hindi niya itinuturing na anik-anik ang mga collectibles.

“Ang nakikita ko kasi sa pagko-collect nila ng mga gano'n [Labubu at Sonny Angels], personally, it's not anik-anik. Kasi 'yung pagko-collect niya is more on fulfilling para mabuo mo 'yung isang set or ma-boost mo lang 'yung serotonin mo…It's not about sentimental value, but 'yung satisfaction na nakabili sila ng ganito,” sambit nito.

Kaugnay nito, binuksan ang kauna-unahang pop-up shop ng Pop Mart sa Pilipinas noong ikalawa ng Nobyembre ngayong taon. Isang patunay lamang sa lumalaking interes sa mga high-end collectibles. 

Tila naging malayo na sa masang Pilipino ang mga koleksiyon na dati’y abot-kaya at bahagi ng simpleng pamumuhay. Nagkaroon na ito ng bagong presyong may kaakibat na prestihiyo at nagsisilbing bahagi ng patuloy na pag-usbong ng kapitalismo sa makabagong lipunan.

Akmang katawagan sa iba’t ibang kasanayan

Iba-iba man ang nakukuha nating emosyon mula sa pagkolekta, iisa lang ang binibigay nito sa ating kagalakan at tuwa. Subalit, mahalagang makilala ang pagkakaiba sa katawagan ng mga kasanayang kasalukuyan nating isinasabuhay.

Mula rito, ipinaliwanag ni Tecson ang anik-anik bilang mas malaking konsepto kung saan nakapaloob dito ang mga salitang ‘abubot’ at ‘burloloy.’

“‘Yong abubot, usually based on the definitions I got, ano, [ito ay] mga kagamitan o furniture [such as] cabinets and the likes. ‘Yong burloloy [naman], mga decorations. Halimbawa sa Christmas tree, you have burloloy’s—’yong stars, Christmas balls, [and] Christmas lights,” anito.

Iba rin ang konotasyon ng salitang collectibles, kung saan tumutukoy ito sa mga bagay na nabibili sa merkado upang kolektahin at kadalasa’y eksklusibong makukuha dahil sa pagiging limitado at kamahalan sa presyo.

Bagaman pabago-bago ang wika, ang isang elemento ng anik-anik na dapat manatiling pareho ay ang kongkretong patunay ng ating mga interes, mga bagay na ating pinahahalagahan, at mga bagay na pinaniniwalaan nating marapat na panatilihin at ipagmalaki sa mahabang panahon.

Dahil ayon sa paliwanag ni Villareal, “Hindi siya ‘yong nabibili lang... it’s more on [the] experience in it kaya mo siya nakukuha.”

Maaaring pareho itong nag-uugat sa kaugalian ng hoarding o labis na pag-iimbak ng mga gamit, ngunit para sa karaniwang Pilipino, isa itong manipestasyon ng kanilang kakulangan sa mga batayang pangangailangan.

Ang dati’y itinuturing na “makalat” ng mayayaman ay unti-unting nagiging simbolo ng kanilang katayuan. Nabubura ang pagkakahulugan sa mga tradisyunal na kasanayan mula sa danas ng ordinaryong mamamayan bunsod ng pagpapalaganap sa konsumerismo.

Mahalagang kilalanin ang anik-anik na higit pa sa pagiging uso at may kalakip na mamahaling presyo. Ito ay repleksyon sa tunay na danas ng karaniwang Pilipino, ngunit ito rin ay pagpupugay sa lahat ng ating pinahahalagahan at minamahal. Ito ay patunay na maaaring matamasa ang tunay na kasiyahan mula sa mga simpleng kagamitan.

(Dibuho ni Iya Maxine Linga/FEU Advocate)