Ang paglipad ng pluma sa tiranyang mapanyurak

FEU Advocate
March 24, 2024 13:45


Nagsisilbing himig ng kamalayan ang bawat patak ng tinta ng mga pahayagan. Dulot nito, naging sandigan na ng mga mag-aaral ang mga pampaaralang publikasyon, lalo na sa panahong hinahamak ng panghuhuwad ang mga pangunahing daluyan ng balita at impormasyon. 

Ngunit, paano mananaig ang katotohanang pinaglalaban gayong patuloy na naghahari ang bulabog na tila susupil sa sinumang maglalahad ng kung ano ang totoo at nararapat?

Kalasag ng katotohanan at kinabukasan

Animo’y mikrokosmo ng lipunan ang mga pamantasan. Dito hinuhubog ang bagong henerasyon na siyang makapagbibigay ng mga makabagong pananaw at pag-unawa ukol sa lipunang ginagalawan.

Sa loob ng mga pamantasang ito, ang mga pampaaralang pahayagan ang nagsisilbing boses ng madla—tagapagmasid sa bawat galaw ng administrasyon, tagapakinig sa mga hinaing ng kapwa mag-aaral, at tagahulma ng mukha ng pampublikong opinyon. Binubuo ng mga ito ang kalasag–pananggalang sa opresyon at inhustisyang dinaranas ng mga mag-aaral at ng lipunan. 

Kung sa sektor pa lamang ng mga unibersidad, tahasan nang kinikitil ang karapatan sa malayang pamamahayag, paano tayo huhubog ng mga peryodistang may tapang at paninindigan?

Pagbakbak sa hinandog na kalayaan

Balintuna sa pagiging isang demokratikong bansa, hindi na bago sa Pilipinas ang isyu ukol sa paniniil ng malayang pamamahayag. 

Matapos ang naiulat na pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa noong 2022, ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapaigting ng suporta at proteksyon sa mga mamamahayag sa ilalim ng kanyang pamumuno. 

Ngunit, nakapagtala na ng 75 kaso ng paglabag sa malayang pamamahayag sa bansa ang Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) sa unang sampung buwan pa lamang ng administrasyong Marcos Jr. mula Hunyo 2022 hanggang Abril 2023. 

Hindi rin naging ligtas sa mga panunupil na ito ang mga pampaaralang pahayagan na nagsisilbing pangunahing daluyan ng impormasyon para sa mga mag-aaral. 

Sa datos mula 2010 hanggang 2020, aabot na sa higit-kumulang isang libong kaso ng paniniil sa mga pampaaralang pahayagan ang naitala ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP). Pilit silang ikinukulong sa mga mapanupil na polisiya’t regulasyon. Sinasakop nito ang pagkontrol sa mga artikulong inilalahad, panliligalig, panggigipit sa pondo, at pagsampa ng kasong libelo sa mga peryodista.

Isa na rito ang naiulat na represyon ng TomasinoWeb, ang digital na organisasyong pang-media ng University of Santo Tomas (UST).

Matapos ang naiulat na panunupil sa TomasinoWeb, umani ng batikos ang Office for Student Affairs (OSA) ng UST kaugnay ng pagpapatanggal ng litrato ng dalawang estudyante ng College of Information and Computing Sciences (CICS) na nakasuot ng kanilang Type B uniform. Ayon sa OSA, pinagmumulan umano ng "public ridicule" ang paghahalintulad ng uniporme ng mga nasabing mag-aaral sa mga empleyado ng 7-Eleven

Matagal nang katuwaan ng mga mag-aaral mula sa iba't ibang programa sa UST ang paghahalintulad ng kanilang uniporme sa mga empleyado ng 7-Eleven. Nagsimula ito nang maging viral sa social media ang isang meme na naghahalintulad ng Type B uniform ng UST Senior High School sa mga empleyado ng Tom's World. 

Mula rito, samu’t saring meme na ang sumulpot kaugnay ng paghahambing ng mga Type B uniforms sa iba’t ibang mga institusyon. Ngunit, sa dami ng mga memes, ang larawan lamang ng dalawang estudyante sa harap ng 7-Eleven ang nakakuha ng atensyon mula sa administrasyon ng UST na siyang naglantad ng tahasang panunupil ng OSA sa TomasinoWeb.

Sa halip na magbigay aksyon sa mas malalalalim na isyung pampaaralan, mas napili ng OSA na bigyang pansin ang walang malisyang larawan na inilalapit ang kanilang mga mag-aaral sa isang marangal na empleyado ng isang convenience store. Tila ba ipinapahiwatig na mababa ang tingin at nakababawas ng pagkatao ang maging tulad ng mga empleyadong ito. 

Mula rito, muling nabuklat ang usapin ukol sa lumalalim na isyu kaugnay ng patuloy na paniniil ng iba’t ibang mga pampaaralang administrasyon sa mga pampaaralang pahayagan.

Kabilang na rito ang kawalan ng pondo para sa mga pampaaralang pahayagan, lalo na sa mga pampublikong pamantasan sa bansa. 

Ang pondo na nakukuha ng mga pampaaralang pahayagan ay ginagamit upang sustentuhan ang kanilang operasyon at upang masiguro na maaabot ng kanilang mga balita ang bawat mag-aaral.

Kaya naman naging daing ng mga pampaaralang pahayagan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), Pamantasan ng Bikol, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at ng iba pang pampublikong pamantasan ang kawalan sa pondo, lalo na nang maipasa ang Free Tuition Law noong 2019.

Ipinaliwanag ito nina Ingrid Alexandre Delgado at Sofia Ines Abrogar sa kanilang artikulong "Lack of funding after free tuition law paralyzes student publications,” na nailathala sa Tinig ng Plaridel, ang opisyal na publikasyon ng College of Mass Communication sa UP Diliman.  

Ayon dito, naging butas ang pagbabawal ng nasabing batas sa pangongolekta ng matrikula at ng iba pang bayarin na siyang pinagkukunan ng pondo ng mga pampaaralang publikasyon. 

Sa pagpapatuloy ng mga ganitong isyu, patuloy din ang panawagan ng mga pampublikong institusyon sa pagtuldok ng opresyon at panunupil laban sa mga pampaaralang pahayagan. 

Dagdag pa rito, inihain ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel ang House Resolution No. 1633 na naglalayong imbestigahan ang mga naturang represyon at paglabag sa karapatan ng mga mag aaral sa malayang pamamahayag.

Ayon kay Manuel, hindi na nararapat palampasin ang mga insidenteng tulad nito buhat ng nailalagay nito sa panganib ang buhay at seguridad ng mga mag-aaral, pati na rin ang kabuuang estado ng mga karapatang pang-demokratiko sa bansa.

Ilan lamang ang mga halimbawang ito sa maraming kaso ng patuloy na panunupil na nararanasan ng mga pampaaralang pahayagan. At sa pagpapatuloy ng mga panunupil na ito, nailalagay din sa alanganin ang kabuuang estado ng malayang pamamahayag sa bansa.

Boses ng bulwagan

Malawak ang magiging implikasyon kung magpapatuloy ang paniniil at panunupil ng iba’t ibang mga institusyon sa mga pampaaralang pahayagan.

Ayon sa panayam ng FEU Advocate kay Leo Laparan II, isang propesor ng Journalism sa UST at dating tagapayo ng TomasinoWeb, isa ang mga pampaaralang pahayagan sa humuhubog ng mga susunod na henerasyon ng mga peryodista at mga mamamahayag.

Through the student publication, nagkakaroon sila [mga mag-aaral] ng avenue o ng instrument para mailahad 'yung mga nais nilang ilahad sa publiko.” saad ni Laparan.

Ipinaliwanag din ni Laparan na kung magpapatuloy ang paniniil sa mga pampaaralang pahayagan sa bansa, sasanayin at magpaparami lamang tayo ng mga mamamahayag na takot na magpatuloy sa pagbibigay boses at pagpapahayag ng kani-kanilang mga opinyon. 

"Kung sa campus pa lang, ganito na 'yung nararamdaman [at] nae-experience ng mga estudyante, na among them ay aspiring journalists, puro takot na mga journalists ang magkakaroon tayo in the future, kung magpapatuloy 'yung ganyang sistema,” ani Laparan. 

Sumang-ayon naman dito ang naging pahayag ni Raja Bausing, isang manunulat mula sa Halawin Publications, ang opisyal na publikasyon ng Department of Biology sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). 

“Masasanay sa takot ang mga mamamahayag, at mawawalan ng lakas ng loob na mas tunggaliin ang mga tao sa labas ng paaralan na may mas malaking kapangyarihan,” paglalahad ni Bausing.

Dagdag pa ni Bausing, hindi magiging matagumpay kailanman ang pagsiil sa katotohanan, dahil hahanap lamang ng iba’t ibang paraan ang mga mag-aaral upang masiguro na didinggin ng mga nasa taas ang kanilang mga daing. Kabilang na rito ang pagsasagawa ng mga boycott, rally, at iba pang organisadong pagkilos.

Mula rito, magkasundong naging panawagan ni Laparan at ni Bausing ang pagtigil sa paniniil at represyon ng mga pampaaralang pahayagan. 

Para kay Laparan, ang mga awtoridad sa loob ng mga paaralan ang dapat na nagsisilbing gabay ng mga mag-aaral sa pagpapayaman at pagpapaunlad ng kani-kanilang kakayahan.

“Be open-minded. Be with them, be with these student leaders, be with these student organizations. We can be strict but not repressive (Buksan ang isipan. Makibahagi sa kanila, makibahagi sa mga lider-estudyante, makibahagi sa mga pampaaralang organisasyon. Maaari tayong maghigpit nang hindi nagiging mapanupil),” pagpapayo nito.

Ayon naman kay Bausing, marapat na bigyang kalayaan ang mga mamamahayag na sabihin at ibahagi ang katotohanan ayon sa kung ano ang nakikita nila sa kanilang paligid. 

“Sa pamamagitan ng pamamahayag ay makakapagbukas tayo ng mga diskusyon kung paano pinaka mainam na solusyunan ang mga balakid sa ating buhay, kaya marapat na atin itong pahintulutan,” paliwanag pa niya. 

Malaki ang gampanin ng mga pampaaralang pahayagan sa pagpapanatili ng malayang pamamahayag sa bansa. Bitbit nila ang boses at hinaing ng mga mag-aaral upang maitaguyod ang kanilang mga karapatan at interes. 

Higit pa rito, ang kakayahan ng mga pampaaralang publikasyon na patuloy na magbigay espasyo sa boses ng mga mag-aaral at ng kabataan ay sagisag na umiiral ang isang tunay at mapagpalayang demokrasya. 

Walang anumang uri ng patalim ang magtatagumpay sa paninindak sa matapat at malayang pamamahayag. Sapagkat sa huli, ang mga ibong pilit na kinukulong sa hawla ay walang humpay na huhuni hanggang sa largado silang makalipad tungo sa mas malawak na himpapawid.

Nina Jhon Gabriel Pimentel at Johna Faith Opinion

(Dibuho ni Alexandra Lim/ FEU Advocate)