
TBS links student demand rise to scantron shortage
- October 18, 2024 15:10
FEU Advocate
May 05, 2025 19:14
Nina Eryl Cabiles, Dianne Rosales, at Jasmien Ivy Sanchez
Tungo sa panibagong kabanata ng politika sa Pilipinas, nananatiling matatag ang padron na matagal nang nakaukit sa kasaysayan—ang walang patid na paghahari ng mga dinastiya. Ngunit sa halip na pamilyar na anyo ng patriyarka ang manguna, unti-unting sumusulpot ang mga kababaihang sina Camille Villar, Imee Marcos, at Sara Duterte sa sentro ng entablado.
Sa ganitong tagpo, isang mahalagang tanong ang nais masagot sa dulo nito: Paano nga ba isinusulong ng tatlong puwersang ito ang ilusyon ng pagbabago bilang tugon sa katiwalian ng kanilang mga pamilya?
Lumang politika, lumang suliranin
Kapansin-pansin ang mga naglipanang pampolitikang patalastas bago pa man sumapit ang paghahain ng kandidatura. Kabilang dito ang mga trapal sa lansangan na may paalalang ‘Ingat sa biyahe’ kalakip ang mukha at pangalan ng isang politiko—pahiwatig ng kaniyang maagang pangangampanya sa kabila ng mahigpit na pagbabawal dito.
Ito ang naging paunang estratehiya ni Las Piñas Rep. Camille Villar bilang pagpapaigting sa kaniyang pagtakbo sa pagkasenador ngayong darating na halalan.
Bitbit nito ang kontrobersiyal na kampanyang “Bagong Boses, Bagong Bukas” na naglalayong maghatid ng mga ‘bagong pananaw’ at ‘makabagong solusyon.’
Bagaman itinutulak nito na maging sariwang tinig ng bagong henerasyon, hindi na ‘bago’ ang pag-usbong ng isa pang Villar na deka-dekada nang nakaupo ang dinastiya sa trono ng kapangyarihan.
Pilit din nitong ibinida sa kaniyang viral na TikTok post ang pagiging ‘bagong’ representasyon ng kababaihan sa larangang pinamumugaran ng kalalakihan—isang katawa-tawang pagsabay sa uso dahil sa mababaw nitong pag-unawa sa konsepto ng peminismo.
Dahil kaugnay ng pagbabahagi ng kapuwa babae na si Bacud sa FEU Advocate, hindi ito nakapanghihikayat lalo na’t wala pa itong napatutunayang higit pa sa bigat ng kaniyang pangalan.
“Napaisip nga ‘ko, eh. Ano ngang ginawa ni Camille Villar? … Wala siyang parang bill o talagang parang strong [advocacy] for something? Ngayon lang siya umiingay-ingay, pero before, tahimik na tahimik [siya]. Kaya talaga ‘pag chineck mo ‘yung record niya, wala naman yata siyang napasa na bills eh,” sambit nito.
Hindi rin sinang-ayunan ni Bacud ang pagpapatuloy ni Camille sa kanilang matagal nang dinastiya sa pambansang posisyon, sapagkat kalimitan lamang nitong nasaksihan ang ‘pagbabago’ sa ilalim pa lamang ng kanilang pamumuno sa Las Piñas.
“Lagi nilang sinasabi na ‘for the people’ [ang serbisyo nila], lagi nilang sinasabi na kasi gusto pa nilang tumulong. Kaso kung titingnan mo, sa tagal na nilang nasa posisyon, wala ngang masyadong nangyayari o nagbabago,” anito.
Wari’y isang lumang plakang paulit-ulit lamang ang mga gasgas na pangakong kanilang binibitawan; walang ibang laman kundi malakas na alingawngaw ng panlilinlang.
Pinangibabawan naman ni Camille ang isyung kinahaharap ng kaniyang pamilya ukol sa pangangamkam ng mga lupang sakahan sa pamamagitan ng mga adbokasiyang magtataguyod sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Ngunit anumang pilit nitong pabanguhin ang kanilang imahe, kusang umaalingasaw ang baho ng kanilang mga maling pamamaraan, tulad ng kasong pagbili ng kanilang real-estate business sa lupang pagmamay-ari at binubungkal ng isang mag-anak sa Iloilo.
Matagal na ring nakabinbin sa ilalim ng komite ng kaniyang ina na si Sen. Cynthia Villar ang ‘National Land Use Act’ na magtatakda ng patakaran sa paggamit ng lupa, kung saan direktang maaapektuhan ang mga Villar at ang pagpapatayo ng kanilang komersiyal na pabahay at iba pang ari-arian.
Nang tanungin naman ng FEU Advocate ang saloobin ng anak-magsasaka na si Leana Jean Dasmarinas ukol sa kandidatura ni Camille Villar, mariin nitong inilahad ang agam-agam kung paano niya matutulungan ang mga magsasaka gayong hindi ito lumaki sa matinding paghihirap.
“Kung ang pagbabasehan talaga is history ng mother at saka father niya, tapos kung siya [ay] mag-follow sa mga yapak ng mother at father niya, hindi malabo na gano’n din ‘yung gagawin niya na walang malasakit sa [mga] magsasaka,” paliwanag ni Dasmarinas.
Dagdag pa niya, malaking dagok sa kabuhayan ng mga magsasaka ang patuloy na pangangamkam ng lupa ng mga Villar, dahil sa halip na tulungan at itaguyod ang kanilang mga karapatan ay lalo lamang silang ibinabaon sa kahirapan at kawalan ng pag-asa.
Liban sa kanilang mga naitayong imperyo bilang negosyo, malaki rin ang naging impluwensiya at gampanin ng mga Villar sa paghubog ng mga batas at polisiya sa bansa lalo na sa sektor ng agrikultura, na may pagtukoy sa kung sino ang makikinabang at sino ang mapag-iiwanan.
Alinsunod dito, isang mahalagang paalala ang iniwan ni Dasmarinas, “Everyone can run in the position of senator, pero hindi lahat [ay] kayang gampanan ‘yung role na ‘yun (Lahat ay kayang tumakbo bilang senador, pero hindi lahat [ay] kayang gampanan ‘yung tungkulin na ‘yun).”
Wala mang kasiguraduhan ang kinabukasan ng mga magsasaka tulad ng kaniyang ama sakaling mahalal sa senado si Camille, nananatiling buhay ang munting pag-asa ni Dasmarinas para sa tunay na lingkod-bayan at pagbabago kung paiiralin ang matalino at wais na pagboto.
Dahil sa kalakaran ng Pilipinas kung saan magkaugnay ang negosyo sa politika, nangingibabaw ang pansariling interes ng mga dalubhasa sa larangang ito, habang ang tunay at nararapat na serbisyo sa taumbayan ay tahimik na isinasantabi at ipinagwawalang-bahala.
Kaya’t anumang pagpapanggap ni Camille Villar na maghahatid ng ‘pagbabago’ sa politika ay hindi dapat paniwalaan ng sinuman, sapagkat nananatiling malinaw ang kawalang-malasakit at kasakiman ng kaniyang ganid na pamilya laban sa pambansang minorya.
Manipulasyon ng media at pelikula sa propaganda
Isinilang din sa trono ng kapangyarihan, sanay si Imee Marcos sa entablado ng awtoridad; anak ng diktador, kapatid ng pangulo, at ngayo’y muling sumusuong sa larangan ng politika bilang bahagi ng isang matatag na political dynasty.
Hindi na bago ang estilo ng kanilang pamilya—matagal na nilang sandata ang pagbaluktot ng katotohanan upang itago ang kanilang mapanupil na pamumuno. Sa ilalim ng diktadura ng kaniyang amang si Ferdinand Marcos Sr., pinatahimik ang media, ipinasara ang mga pahayagan, at inusig ang mga kritiko.
Ginamit ang media bilang tabing upang ikubli ang katiwalian at karahasan ng rehimen. Ngayon, kasaysayan naman ang pilit na binabaluktot sa pamamagitan ng mga pelikula.
Noong 2022 at 2023 lamang, tahasang ginamit ng mga Marcos ang pelikulang ‘Maid in Malacañang’ at ‘Martyr or Murderer’ upang isulong ang kanilang sariling naratibo. Sa ilalim ng direksiyon ni Darryl Yap, itinanghal ang kasinungalingan bilang sining.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Hannah Amor, isang fourth-year Digital Cinema student, sa halip na itanghal ang mga pelikulang ito bilang madilim na yugto ng paninikil, ipininta ito bilang huwad na gintong panahon.
“Ang kanilang mga biopic films na ‘Maid in Malacañang’ (2022) at ‘Martyr or Murderer’ (2023) ay [bahagi ng] malawak na estratehiya ng kanilang paggamit ng soft power para baguhin at palambutin ang mga negatibong pananaw tungkol sa panahon ng diktadura upang maiposisyon silang muli sa puwesto ng kapangyarihan,” saad niya.
Sa harap ng lantad na pagtatangkang baguhin ang kasaysayan, mariing binigyang-diin ni Lei Sardea, Vice President ng Far Eastern University Film Society, na kahit pa may piraso ng katotohanan ang mga kuwentong isinalarawan sa pelikula, hindi ito sapat upang gawing pundasyon ng kasaysayan.
Aniya, isang malinaw na paglapastangan ito sa alaala ng mga biktima ng Martial Law.
“Para sa akin, hindi naman natin mabubura na maaaring may mga pangyayari sa buhay ng mga Marcos na naitala sa pelikulang ‘Maid in Malacañang,’ and that's a fact. Pero para gawin itong basehan sa naging madugong kasaysayan ng Martial Law noong panahon ng rehimeng Marcos [Sr.] ay hindi ito katanggap-tanggap,” pahayag nito.
Para naman kay Amor, nakakamit ng mga Marcos ang simpatya ng manonood sa paggamit ng emosyon bilang sandata. Kung saan nagresulta sa unti-unting paglimot ng madla sa imahe ng kanilang mga krimen at pang-aabuso noong panahon ng diktadura.
Dagdag pa niya, hindi direktang sinasabi ng mga pelikulang ito na ito ang “katotohanan,” ngunit sa pamamagitan ng pagpili kung aling bahagi ng kuwento ang ibibida at kung anong mga aspekto ang itatago, inililihis nila ang pokus ng publiko.
“Sa madaling salita, ang ipinapakita ay siya nang nagiging top-of-mind ng tao, habang ang mga hindi kanais-nais na katotohanan ay unti-unting lumalabo,” paliwanag pa ng estudyante.
Sapagkat hindi ito kasaysayang inilathala ng mga biktima; ito’y kasaysayang nilapastangan ng mga tagapagmana ng dahas at iginuhit sa pelikula upang takpan ang tunay na bangungot ng diktadura.
Ayon din sa obserbasyon ni Amor, isa pa sa mga ginagamit na taktika ni Imee ay ang paggawa ng maiikling bidyo sa tulong ng mga kilalang personalidad sa internet.
Sa paggamit ng mga plataporma gaya ng TikTok, inilalabas niya ang mga materyal na romantisado ang dekada ‘70; mga alaala ng impraestruktura, disco, moda, at iba pa.
Mula sa mga sikat na awitin at nakatatawang larawan hanggang sa pop culture references at viral challenges—lahat ito’y pinaghahalo upang mailusot ang mga mensaheng pampolitika.
Sa pamamagitan ng estratehiyang ito, epektibong napalalambot ng mga Marcos ang kanilang imahe. Muli nilang naibebenta ang kanilang pamilya sa isang anyong nilinis mula sa mantsa ng kanilang nakaraan at binalot ng propaganda na mistulang katotohanan.
Kung kaya’t sa mata ng kabataang hindi na inabot ang mga sigaw ng EDSA, mas madali ngayong yakapin ang bersiyon ng kasaysayang inihain sa media tulad ng TikTok at mga pelikula.
Sa mata ni Dave Bandola, isang fourth-year Convergent Media student, maaaring maging biktima ng pekeng naratibo ang kabataang Pilipino dulot ng kakulangan sa edukasyon at kaalaman sa kasaysayan, kaya’t lumalaki silang mga botante na bumabatay sa simpatya at kasikatan kaysa sa katotohanan.
“By being fooled by Marcos campaigns, the uneducated youth become investments of corruption, for there are greater chances of them growing up to be uneducated voters who rely on sympathy acts and media visibility (Sa patuloy na pagpapaloko sa mga kampanyang Marcos, nagiging puhunan ng katiwalian ang mga kabataang salat sa edukasyon, dahil may mas malaking posibilidad na sila'y lumaki bilang mga botante na kumakapit sa mga palabas na simpatya at nakikita sa midya),” paliwang nito.
Kung kaya’t sa dulo, nag-iwan ng payo ang mga nakapanayam sa mga indibidwal na nasa larangan ng sining. Sa panahon ng malawakang rebisyon ng kasaysayan, komersiyalisasyon ng sining, at kawalan ng pagpapahalaga sa edukasyong panlipunan, tungkulin ng mga artista na maging mulat at radikal.
Ginagatasan ang kultura para hugasan ang mga kamay na may dugo, pinakikinabangan ang alaala ng masa upang burahin ang kasalanan ng kanilang rehimen. Hindi ito malikhaing kalayaan—ito’y malikhaing panlilinlang.
Kaya’t tungkulin ng bawat alagad ng sining na manindigan sa panahon ng rebisyonismo, kasinungalingan, at kulturang ginagawang puhunan ng kapangyarihan. Sapagkat ang sining ay laging may kinikilingan. At kung hindi ito panig sa katotohanan, magiging kasabwat ito ng kasinungalingan.
Anak ng dinastiya, prinsesa ng sistema
Mula sa Katimugan, inililok na rin ng mga Duterte ang kanilang pangalan sa pambansang politika. Bagama’t magkahulma ang ukit ng pamumuno nina Sara at Rodrigo Duterte—agresibo, prangka, at palamura—gumagawa ngayon si Sara ng sarili niyang obra.
Kamakailan lamang ay nadiskubre ng Kamara ang umano’y hindi maayos na paggamit ng Bise Presidente sa ‘confidential funds’ mula sa tala ng Commission on Audit (COA) noong Hulyo 2023.
Isiniwalat ng COA sa pagdinig ang ‘iregularidad’ sa pag-uulat ng Office of the Vice President ukol sa ginastos nito mula sa taunang apropyasyon.
Bunsod nito, napagdesisyunan ng Kamara na akusahan si Duterte ng malawakang korapsiyon noong Pebrero 2025.
Kaugnay nito, umani naman ng batikos ang pangulo ng Senado na si Francis Escudero matapos niyang suspendihin ang kapulungan ilang oras matapos ihain ang impeachment ni Duterte sa Kamara.
Ani Escudero sa grupo ng mga mamamahayag noong ikaanim ng Pebrero, “Kung nagpabandying-bandying sila gawin ito [Kamara], siguro wala naman silang basehan ngayon na madaliin kami lalo na nasa huling araw na ng sesyon ‘yan pinadala sa amin, halos mag-a-alas-singko pa ng hapon.”
Sa kabilang banda, nakakabit sa pagpababagal ni Escudero sa usad ng proseso ang pagpapakupas ng tatlo sa pitong mga ‘re-electionist’ na senador sa tinta ng kasakiman ni Sara.
Itago natin sila sa pangalan ng mga sikat na pintor ng kasinungalingan sa gobyerno: Bato Dela Rosa, Bong Go, at Imee Marcos.
Subalit, hindi mangmang ang mga Pilipino. Hayag na sa publiko ang obra ng prinsesa—tila pinagmamasdan ng sambayanan sa isang lantarang eksibit ng kasamaan.
“Sadyang nakakagalit lang talaga kasi kitang-kita mo na at malinaw naman na marami sa atin ang naghihirap. Tapos ang pondo ng bayan ay ginagamit sa mga bagay na hindi kaaya-aya at hindi naman [napakikinabangan ng taumbayan],” himutok ng third-year student ng Agham Pampolitika na si Mart Noel Fuaso sa FEU Advocate.
Kung palalalimin, nakaugat sa paglaganap ng dinastiya sa gobyerno ang hindi maisakatuparang hustisya at kapanagutan sa mga pampublikong opisyal ng bansa.
Bunsod nito, ginagamit ng mga politiko ang ‘legasiya’ ng kanilang pamilya o nabuong relasyon sa pagitan ng kapanalig nilang pamilya upang ilayo ang sarili mula sa pananagutan.
Tinawag ito ni Julio Teehankee ng Pamantasang De La Salle na “concentration of power” kung saan kontrolado ng ilang pamilya ang mga mahahalagang desisyon sa bansa, lalo na sa tatlong sangay ng gobyerno.
Bilang mag-aaral ng Agham Pampolitika, ipinahayag ni Fuaso na direktang apektado ang mga estudyante sa isyung ito.
“Napakahalaga ng isyung ito. Bilang mga estudyante, parte tayo ng lipunan, kaya dapat nakatuon tayo sa mga aksiyon ng gobyerno at kung ano ang malalim na implikasyon nito. Siyempre, magiging future taxpayers din tayo, at balang araw, tayo rin ang makikinabang sa mga ginagawa ng gobyerno—mabuti man ito o masama,” anito.
Dagdag pa ni Fuaso, ang pang-aabuso ni Sara sa kaban ng bayan ay isang anyo ng paglalabis sa kapangyarihan. Kaya’t pahayag nito, gawin sana ng Senado ang nararapat na pagpapanagot: lumabas sila sa alyansa ng mga dinastiya.
“Dapat ding bigyang-pansin ang transparency sa pamahalaan. Sapagkat ang transparency ay nagbibigay ng tiwala mula sa mga mamamayan—isang tiwalang mahalaga upang makamit ang tunay na pagbabago sa ating lipunan,” panawagan niya.
Isa lamang si Fuaso sa mga estudyanteng nagmamasid sa maruming laro ng dinastiya. Mukha mang nakaaaliw ang patutsada ng Bise Presidente at ng ibang politiko, lantaran naman nilang binubusabos ang sistema ng Pilipinas.
Sa huli, si Sara pa rin ang wagi. Makikinabang siya sa sistemang binuo para isalba ang katulad niya mula sa dagok—siya at ng mga katulad niyang naghaharing-uri.
Kaya’t hanggang ngayon, patuloy pa ring naghihintay ang mga ordinaryong Pilipino na maambunan ng sarili nilang buwis. Dahil hanggang sa ngayon, mga anak ng dinastiya lang katulad ni Sara ang nabibiyayaan ng ginhawa. Isa nga siyang prinsesa ng sistema sapagkat ito’y pumapabor sa kaniya.
Samakatwid, hindi kusa ang problema na idinudulot nina Camille, Imee, at Sara kung lalampas sa indibidwal na katangian ng tatlo ang pagsusuri sa isyu. Upang maunawaan, kinakailangang magsimula kung ano at sino sila: mga anak ng dinastiya.
Iniilawan ng tatlong kasong ito ang kritikal na tanong ngayong darating na halalan: kailan nga ba tayo matatauhan sa peligro ng dinastikong politika?
Kaugnay nito ang mapanuring pagtingin sa katayuan ng ilang mga babae sa pamahalaan. Dahil hindi lahat ng babae ay dapat umaabante, lalo na kung bahagi sila ng angkang patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.
Subalit, hindi uubra kung sina Camille, Imee, at Sara lang ang patuloy nating uusigin. Dahil ang pananatili ng maka-elitistang sistema ay magbubunga lamang ng panibagong mukha na may parehas na budhi.
Kung kaya’t iisa lamang ang sagot: buwagin ang kanilang dinastiya at ang ng mga susunod pa. Wala dapat iisang pamilya na may monopolyo ng bansang ito, dahil tayo dapat ang mukha ng sarili nating gobyerno.
(Latag ni Ysh Aureus/FEU Advocate)