Behind the Reels
- October 01, 2021 09:59
FEU Advocate
August 20, 2024 21:30
Magpapatuloy sa semifinals ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws Esports matapos masungkit ang top seed sa Group A ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) tournament kaninang hapon, ika-20 ng Agosto, sa Hyundai Hall ng Areté Ateneo sa Lungsod Quezon.
Nagsimula ang kanilang kampanya sa huling araw ng group stage patungong Final Four sa off-stream na laban kontra De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus Esports.
Sa kanilang unang laro, bigo nilang nadepensahan ang kanilang base nang makahabol ang Viridis Arcus Esports.
Bounce back win naman ang nangyari sa kanilang ikalawang round, kung saan gumamit ng Hylos ang team captain at roamer na si Jordan Eder, Nolan para kay jungler Dashmielle Farin, Terizla para kay exp laner Benedict Ablanida, Zhuxin para kay mid laner Paolo Sanchez, Harith para kay gold laner Justine Micole Wage, katapat ng Tigreal, Julian, Ruby, Yve, at Moskov ng DLSU.
Nagwagi ng pagkilalang Most Valuable Player si Wage na may 6/0/4 na kill-death-assist (KDA) ratio na naging malaking bahagi ng pagtabla nila ng laban kontra Viridis Arcus Esports, 1-1.
Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang-diin ni Farin ang kanilang isang araw na pahinga bilang sanhi ng kanilang pagsungkit sa first seed sa huling araw ng group stage.
“‘Di ba may one day [of] rest (isang araw ng pahinga), ‘yung rest (pahinga) na ‘yun, nag-scrim lang kami ng isang series, tapos nagpahinga lang kami. ‘Di kami nagpuyat para mentally prepared kami, tapos binigay lang namin [‘yung] best (lahat ng makakaya) doon sa series na ‘yun,” sa wika nito.
Nagpasiklab naman ang Tams sa kanilang on-stream na laro kontra National University (NU) Bulldogs.
Sa game one, ginamit ni Eder si Minotaur, Farin si Fanny, Ablanida si Hylos, Sanchez si Zhask, Wage si Claude, kontra Grock, Hayabusa, Terizla, Cecilion, at Roger ng Bulldogs.
Nakuha agad ni jungler Farin ang first blood sa top lane kung saan nahuli niya si Roger ng NU na napalalim sa kanilang panig.
Bagaman naunahan ng blue-and-gold team ang green-and-gold squad na makuha ang turtle, ipinagpatuloy naman ni Farin ang pagdomina gamit ang kanyang Fanny.
Nang mabutas na nila ang depensa ng Bulldogs, sunod-sunod na ang kanilang pag-abante sa palapit sa base ng kalaban.
Sa tuloy-tuloy na pagkuha ng orange buff ni Farin, nakatulong ito para sa pagkilala sa kanya bilang Player of the Game na may 7/0/4 na KDA
Naging malaking tulong din ang laro ni Claude player Wage kung saan nakapagtala siya ng 4/1/5 na KDA.
Sa sumunod na laro, gumamit naman ng Hylos si Eder, Fanny si Farin, Terizla si Ablanida, Zhask si Sanchez, at Moskov si Wage laban sa Tigreal, Hayabusa, X. Borg, Lylia, at Roger ng Bulldogs.
Maganda pa rin ang ipinamalas ni Farin kung saan siya ang muling nakakuha ang first blood.
Naipanalo naman muli ng Bulldogs ang unang turtle fight sa match na nagresulta sa pangunguna nila sa gold.
Naganap ang unang clash ng laro sa 3:05 na pumabor sa NU. Dinagdagan pa ito ng pagkuha nila sa ikalawang turtle.
Sa kabila nito, hindi nagtagal ang kanilang lamang na 1-4 kontra FEU dahil sa patuloy na magandang laro ni Farin.
Sa susunod na clash na naganap sa 6:30 mark ng laro, nagpakitang-gilas muli si Farin nang makakuha ng double kill kontra Bulldogs.
Nagmukhang nasa panig na ng Jhocson ang takbo ng laban matapos nilang matambakan ang koponan ng Morayta 4-9, ngunit nagpatuloy ang pagdomina ni Farin nang manakaw niya ang lord sa 12:37.
Ilang sandali naman gumawa ng game-winning split push si Wage gamit ang kaniyang Moskov. Hindi kaagad nakauwi ang NU sa kanilang homebase at tagumpay na na-execute ng gold laner
ng FEU ang kaniyang patagong play.
Matapos maipanalo ang laban, binanggit ni Wage ang orihinal nilang plano na gamitin ang kakayahan ni Moskov na sa split pushing noong pinili nila ito.
“Plano na talaga namin[g gamitin] ‘yung split pressure no’ng pick namin ng Moskov, tapos nagtago lang ako sa bush hanggang makita ko ‘yung limang members ng kalaban,” aniya.
Natapos ang group stage na may 2-1-0 win-draw-loss card ang green-and-gold squad.
Haharapin ng FEU Tams ang University of the East Zenith Warriors sa semifinals bukas, ika-21 ng Agosto, sa parehong venue.
- Marcus Isaac D.G Bandong
(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)