FEU, pinataob ng UST sa loob ng tatlong set

FEU Advocate
August 12, 2024 16:35


Ni Angel Joyce C. Basa

Muling natalo ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws matapos mapatumba ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses sa loob ng tatlong set, 23-25, 16-25, 13-25, sa 2024 V-League Women’s Collegiate Challenge kahapon, ika-11 ng Agosto, sa Paco Arena sa lungsod ng Maynila.

Sa unang set, lamang ang 13 attack points ng Lady Tamaraws sa 12 ng Lady Tigresses na naging puhunan ng koponan sa laro, ngunit sinamantala ng kabilang panig ang mga pagkakamali ng FEU.

Nagtala ng siyam na errors ang koponan ng Morayta, higit sa pitong naitala ng pangkat ng España upang tapusin ang unang set, 23-25.

Noong pangalawang set, natambakan agad ng 8-0 run ng UST ang FEU upang mapagtibay ang lamang hanggang sa dulo ng set, 16-25.

Gaya ng pangalawang set, nalamangang muli ang Lady Tamaraws ng 12 puntos sa pangatlong set kung saan nahirapan silang dumikit sa sunod-sunod na puntos ng Lady Tigresses, 13-25.

Dahil sa pagkatalo, walang nakapagtala ng double digits mula sa koponan ni Manolo Refugia.

Nagtala ang spiker na si Gerz Petallo ng walong puntos, samantalang ang mga middle blocker na sina Jaz Ellarina at Jean Asis parehong nakapagtala ng pitong puntos.

Kasalukuyang may 1-2 win-loss record sa leaderboard ng Lady Tamaraws at susubukan nilang pantayin ito laban sa Lyceum of the Philippines University sa sunod na Miyerkules, ika-14 ng Agosto, sa parehong lugar.

(Litrato mula sa V-League)