FEU faculty clinches 3rd with ‘Horror Vacui’ at Nick Joaquin Literary Awards
- May 21, 2024 03:47
FEU Advocate
September 01, 2024 17:57
Ni Shayne Elizabeth T. Flores
Bilang marka ng pagsisimula ng cultural season para sa S.Y. 2024-2025, ipinalabas ng Far Eastern University (FEU) Center for the Arts (FCA) ang pelikulang kinunan sa loob ng Unibersidad na ‘Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa’ ni Alvin Yapan sa Arts Building Cinema Room noong ika-30 ng Agosto.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni FCA Senior Director Martin Lopez na ang pagtampok sa Pamantasan bilang tagpuan ng pelikula ang rason kung bakit ito ang naging pambukas ng cultural season.
“Primarily because it is a film that was shot here in FEU. Many in the FEU community have not seen or heard about this film and we think more people should be watching it and taking pride in it (Dahil ito ay isang pelikulang kinunan dito sa FEU. Marami sa komunidad ng FEU ang hindi nakakita o nakarinig tungkol sa pelikulang ito at sa tingin namin ay dapat na nanonood at ipinagmamalaki ito ng mas maraming tao),” aniya.
Tinatantiyang 98 porsiyento ng mga eksena ng pelikula ay kinuha sa loob ng FEU noong 2011 ayon sa direktor ng FCA.
Bukod sa film showing, nagkaroon din ng talkback session ang producer ng pelikula na si Alemberg Ang patungkol sa produksyon nito.
Ayon kay Ang, pinili ng direktor ng pelikula ang FEU bilang lokasyon ng kuwento dahil sa angkin nitong mga UNESCO Heritage Buildings at iba pang mga sining.
“Parang sa gulo ng Manila at sa dumi… Meron palang ganito na mahahanap sa kalagitnaan ng siyudad and so for him, it’s also meaningful and also says something about what we want to do (kaya para sa kanya, makahulugan ito at may sinasabi tungkol sa gusto naming gawin),” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Lopez, hindi karaniwang pinahihintulutan ng FEU ang paggawa ng pelikula sa loob ng kampus. Pumayag lamang ito dahil sa layunin ng pelikulang magtampok ng iba't ibang anyo ng sining tulad ng musika, tula, sayaw, pati na rin ang arkitektura ng Unibersidad.
Gumanap din bilang extras sa pelikula ang ibang mga Tamaraw gaya ng FEU alumnus na si Cedrick Juan, kasama ng mga bidang sina Jean Garcia, Paulo Avelino, at Rocco Nacino.
Nakamit ng ‘Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa’ ang iba’t ibang pambansa at pandaigdigang parangal gaya ng Best Film, Director, Screenplay, Actor, Supporting Actress, Cinematography, at Best in Music sa Gawad Urian Awards noong 2012.
Ang pagpapalabas ay bahagi ng ‘FEUlikulahan and Kuwentuhan Series’ na nagtatanghal ng iba’t ibang pelikula, dula, konsiyerto, at iba pang mga kultural na produksyon na mayroong maikling talakayan pagkatapos.
Ito ay kalakip ng mas malaking taunang cultural season ng Pamantasan, kung saan naghahatid ang FCA ng mga aktibidad na may kinalaman sa kultura tulad ng teatro, pagtatanghal ng musika at sayaw, campus tour, pagpapalabas ng pelikula, eksibit, paligsahan, at iba pa.
(Litrato mula sa Cinemalaya)