Tamaraw Month: A Call for Rescue
- October 25, 2021 03:50
FEU Advocate
August 17, 2024 20:08
"Baka gusto mong ipamigay ‘yung mga luma mong libro?" tinig ng iyong ina, pinapaalala ang koleksyon mong napabayaan na noo'y kayamanan ang turing. Muntik ka pang maubo dahil puro alikabok ang bawat sulok ng estanteng iningatan ang mga aklat na matagal mo nang nakalimutan. Sa pagitan ng mga kumukupas na pahina at naninilaw na papel, naalala mong may tahanang naghihintay para sa’yo.
Mahilig kang magbasa noon. Binabaybay ang bawat salitang nakaimprinta sa libro na tila ba'y may pinapanood kang pelikula. Sa pagitan ng mga nanlalabong tinta, malinaw na nakahanap ka ng tahanan kasama ang mga makukulit na duwende’t matatapang na engkanto. Tila walang katapusan ang pagbuhos ng mga salaysay at talata.
Ano nga ba talaga ang nangyari?
Mga kastilyong gumuho, mga kalsadang tinubuan ng damo, at ang makulimlim na mundo—lahat sila'y naghihintay para sa pagkakataong mamulaklak muli ang pagmamahal mo sa pagbabasa; para sa sandaling matuklasan mo ulit ang mahika ng panitikan.
Mahaba at paikot-ikot ang daan pabalik dito. Ngunit sa dulo, may isang karatulang tinuturo ka sa isang aparador patungo sa ibang mundo, sa dating mong mundo. Pinilit mo 'tong buksan. Paulit-ulit. Hanggang sa dumugo't mamaga ang iyong mga kamay; gagawin mo ang lahat para lamang maramdaman muli ang ligaya ng nakaraan. “Paano ko nga ulit ‘to nabuksan?”
Hanggang sa ngayon, naghihintay pa rin ang mga tauhang maalala mo kung paano muling mahalin ang mga letra't parirala. Tahimik ang silid-aklatan na naghihintay para sa pagdating ng araw na hilahin ka muli ng panitikan pabalik sa isang lupaing matagal mo nang nilisan.
Mabigat ang librong hawak mo, mga salita'y magulo't hindi mabasa-basa. Sa bawat pantig, katinig, at patinig, ang iyong dila ay nabubuhol at ang isip ay nahihirapan. Mahilig kang magbasa noon, ngunit niisang pahina ay 'di mo na matapos ngayon.
Nawalan ka ba ng kakayahang magbasa? Hindi! Hindi. Hindi naman posible iyon, ‘di ba? Hindi naman posibleng maging mangmang ka muli sa paglipas ng mga taon. Imposible ‘yon. Kaya mo pa ring magbasa ng mga chats at chismis, pero bakit hindi mo mabasa ang mga tula at kuwento? Mga pabula't epiko? Mga trahedya't romantiko?
Hindi ka naman siguro nababaliw, hindi ba?
Para ka lamang si Alice, lumaki't naglakbay sa ibayo ng hukay ng kuneho. Iniwan ang kakaibang mundong nagbigay sa kanya ng takas mula sa matamlay niyang buhay. Nagpaalam dahil sa maling paniniwalang nasa hustong gulang ka na. Wala nang mga kuwento't chismisan o mahuhuli ka, mahuhuli ka, mahuhuli ka. Mangungumusta sandali at magpapaalam kaagad, walang oras para sa mga anotasyon at talababa.
Pero ang mundo ay puno ng higit pang mga katha tungkol sa mga pusang may ngiting malapad at nag-cha-cha-chang bulaklak. Hindi mo naman kailangang magmadali. Walang puting kunehong nagrereklamo tungkol sa iskedyul at walang serpyenteng lalamong buo sa buwan. Ang kailangan lamang ay ang tamang salaysay, isang tamang gabay, upang maging iyong tulay pabalik sa mundo ng hiwaga.
“Hindi, ma. Nangako akong babalikan ko sila.”
- Beatrice Diane D. Bartolome
(Dibuho ni Toni Miguela Ursua/FEU Advocate)