
Ni Bianca Bumatayo
#TAMlakayan: Hindi lahat ng pag-ibig ay nakatakdang manatiling romantiko. May mga relasyong nagtatapos bilang magkasintahan ngunit nagpapatuloy sa ibang anyo ng pagmamahal — isang wakas na nagbubukas tungo sa makulay na pagkakaibigan.
Ito ang naiwagayway ng sapphic dramedy movie na ‘Open Endings.’ Dulot ng malalim na relasyon ng magkakaibigan, natuklasan nila ang tunay na kahulugan ng pag-ibig — maging romantiko o platonikong uri ng pagmamahal para sa isang tao man ito.
Matapos makasama sa Cinemalaya Independent Film Festival noong Oktubre 2025, kung saan kinilala ito bilang No. 1 box office performer at tumanggap ng Special Jury Citation for Best Ensemble Performance, matagumpay na naipalabas sa mga sinehan sa buong bansa ang Open Endings bilang handog para sa pagdiriwang ng Pride month.
Isinagawa ang unang international premiere nito noong ika-6 ng Abril sa Wicked Queer Festival na ginanap sa Boston, kasabay ng matagumpay na pagpapalabas nito sa Queer East Film Festival na ginanap naman sa United Kingdom noong ika-23 ng Mayo.
Sa direksyon ni Nigel Santos at panulat ni Keavy Eunice Vicente, tampok sa Philippine queer film na ito ang kuwento ng apat na magkakaibigang sina Charlie (Janella Salvador), Kit (Klea Pineda), Hannah (Jasmine Curtis-Smith), at Mihan (Leanne Mamonong).
Bilang paggunita sa Pride month nitong Hunyo, hindi lamang isang ordinaryong barkadahan ang handog ng pelikula; itinatampok din nito ang lawak ng ugnayan ng magkakaibigan sa kanilang paglalakbay tungo sa pagtanda, habang unti-unti nilang inuunawa ang kanilang sarili at kasarian.
Besties over EXties
Sa likod ng bawat pagkakaibigan, may mga kuwentong hindi agad naaaninag ng isang sulyap. Nakapaloob dito ang mga pagkakakilalang nabuo sa paglipas ng panahon, mga ugnayang nagbago ng anyo, at mga karanasang humubog sa kung paano nila minahal ang isa’t isa.
Mula sa barkada nina Charlie, Hannah, Mihan, at Kit, bitbit nila ang mga malabahagharing buhay bilang apat na queer women. Hindi lamang simpleng pagkakaibigan ang nagsilbing pundasyon ng kanilang samahan, kung hindi ang iba’t ibang kulay at istorya ng kanilang nakaraan na humubog sa kanilang pagkatao bilang magkakaibigan.
Sa pamamagitan ng apat na pangunahing tauhan, tinatalakay ng Open Endings ang iba’t ibang anyo ng pag-ibig at ang mga hamong kinahaharap ng mga queer women sa pagtuntong nila sa hustong gulang.
Buhat ng kanilang mga pagkakaiba, inihanay sila ng tadhana sa iba’t ibang koneksiyon — mula sa simpleng pagkakaibigang nauwi sa pagiging magkasintahan, hanggang sa mga hindi inaasahang matalik na ugnayan.
Sa kanilang mga kuwento’t karanasan, maituturing ang magkakaibigan bilang mukha ng mga Pilipinong patuloy na naghihintay sa siwang ng pag-asa sa mas malayang paninindigan at mapagpalayang lipunan.
Sinasalamin ng karanasan nina Charlie at Hannah ang isang uri ng queer woman na pinipiling magkaroon ng romantikong ugnayan na hindi nakabatay sa katayuan o kasarian ng isang tao, gayundin sa paghahanap ng kapanatagan, pag-unawa, at pagmamahal sa isang relasyon.
Higit na nagiging makahulugan ang paninindigang ito sa isang bansang wala pa ring legal na pagkilala sa same-sex unions at patuloy na ipinagpapaliban ang mga panukalang magbibigay ng mas matibay na proteksiyon laban sa diskriminasyon.
Sumunod naman sina Mihan at Kit na nagsisilbing mukha ng mga pag-aalinlangan sa mga pangako at panunungkulan sa isang relasyon. Habang unti-unting nilalampasan ni Mihan ang mga takot na dulot ng kaniyang mga nakaraan, hinaharap naman ni Kit ang iba’t ibang karanasan sa pag-ibig bilang bahagi ng pagtuklas sa sarili at sa landas na nais niyang tahakin.
Hindi lamang personal na karanasan ang kinakatawan nina Mihan at Kit, kung hindi pati ang epekto ng diskriminasyon at mga panlipunang pamantayang matagal nang nagdidikta kung paano dapat umibig at bumuo ng relasyon.
Habang unti-unting nakukulayan ang kani-kanilang mga buhay sa paglipas ng panahon, nanatiling masaya at puno ng kuwela ang kanilang samahan. Gayunpaman, hindi maitatangging nabuo rin ang magkakaibang prinsipyo at pananaw na nag-uugat sa hindi pagkakaunawaan.
Maging ang opinyon at pagtingin ng ibang tao sa kanilang barkada ang nakapagdudulot sa kanila ng pagkabahala sa kanilang sariling katayuan bilang mga queer women.
Yapak at balakid ng mga queer
Isinasabuhay ng buong barkada ang iba’t ibang anggulo sa realidad ng mga kabilang sa queer community. Saklaw nito ang mga hamon na patuloy na kinahaharap ng bawat sektor laban sa samu’t saring diskriminasyon at mga pagsubok sa mga queer women.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, nabuo ang barkada nina Charlie dahil sa mga naging nakaraan nila sa bawat isa. Kung kaya’t may iilan sa kanilang kapaligiran na lubos na nanibago sa daynamiko ng kanilang pagkakaibigan.
Dulot ng naging pananaw ng ibang tao kina Charlie, Hannah, Mihan, at Kit, mas lalo lamang umusbong ang kahalagahan ng pagiging patas sa lipunan na kanilang kinabibilangan. Saklaw nito ang patuloy na pag-aasam ng mga Pilipino tungkol sa Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill.
Maituturing na salamin ang kanilang barkada sa patuloy na panawagan para sa pagkakapantay-pantay, kabilang ang SOGIESC Equality Bill na matagal nang ninanais maipasa sa Pilipinas. Naipakikita sa kanilang karanasan ang hangarin ng mga kabataan na mamuhay sa isang lipunang may suporta, proteksiyon, at pagkilala sa karapatan ng sangkabaklaan.
Bukod sa pakikibaka para sa karapatan ng lahat, bitbit din ng kanilang pagkakaibigan ang pagtanggap sa mga pagbabago sa yugto ng kanilang buhay bilang mga queer millennial. Tulad ni Hannah, na buong pusong ibinahagi sa kaniyang mga kaibigan ang naging pasya nito hinggil sa panibagong yugto ng kaniyang buhay.
Hindi naging madali para sa tatlo na suportahan ang pasya ni Hannah. Naging palaisipan sa kanila kung mananaig ba ang pagnanais nilang pangalagaan ang kanilang kaibigan o ang paggalang sa desisyong pinili nitong tahakin bilang bahagi ng kaniyang pagtanda.
Lumitaw sa pagkakataong ito ang hamon ng realidad sa kanila bilang mga queer millennials, kung saan iba’t ibang pananaw at pangangatuwiran na ang pinanghahawakan at pinaniniwalaan ng mga ito.
Kahit pa matagal na ang kanilang mga pinagsamahan, hindi maitatanggi na magkakaiba pa rin sila ng pamamaraan sa pagtanggap, pagyakap, at pagkapa sa mas malalim na pagbabago ng kanilang sari-sariling buhay.
Subalit sa kabila nito, pinatunayan ng kanilang samahan na hindi nasusukat ang matatag na pagkakaibigan sa magkakatulad na paniniwala, kung hindi sa kakayahang igalang ang mga pasya at paglago ng bawat isa.
Queers na waley na ang fears
Bagama’t hindi naging madali sa umpisa ang muling pagtatagpo ng apat na magkakaibigan, naging patunay ang kanilang samahan na hindi kailangang maging hadlang ang romantikong nakaraan sa pagbuo ng isang matatag na samahan.
Sa halip na manatiling bihag ng mga dating ugnayan, pinili ng mga itong yakapin ang panibagong anyo ng pagmamahal. Ito ang naging haligi ng kanilang pagsasama habang sabay-sabay nilang kinakapa ang yugto ng pagtanda.
Sa ganitong paraan, binabasag ng Open Endings ang pananaw na iisa lamang ang maaaring kahinatnan ng isang hiwalayan, habang pinalalawak ang representasyon ng mga relasyong matagal nang umiiral ngunit bihirang mailahad at maunawaan sa lipunan.
Isinusulong ng pelikula ang mas malawak na pag-unawa sa realidad ng mga queer women sa bansang patuloy na naghahanap ng pagkilala sa kanilang karapatan at pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ang samahan nina Charlie, Hannah, Mihan, at Kit ang naging pandayan ng mga kabataan na walang mali sa pagmamahal, anuman ang kasarian ng taong pinipili ng puso.
Mula sa paglalahad ng kanilang mga pinagdaanan, mas nabigyang-diin at linaw ang pag-unawa sa katayuan ng mga queer women gaya ng karakter nina Charlie. Ipinakita nila ang iba’t ibang hamon sa buhay ng isang queer na patuloy na nakikipagsapalaran sa sistema ng lipunan.
Sa paglalatag ng mga kuwentong bihirang mailarawan sa lokal na sinehan, pinaigting ng pelikula ang puwang ng mga sapphic na naratibo sa pelikulang Pilipino. Bukod sa representasyon, pinalalakas nito ang mga karanasan ng mga Women Love Women na matagal nang natatabunan ng mga nakagisnang pananaw sa pag-ibig at relasyon.
Bilang pagbibigay-pugay sa katapusan ng Pride month, hindi lamang pagmamahal at pagtanggap ang nararapat na manaig sa lipunan ng bansa, kung hindi malayang paglalahad ng sariling kuwento at pagkataong hindi na kailangang itago.
Pinatunayan ng pelikulang Open Endings ang kabuluhan sa pagtatalakay ng mga relasyon ng queer women at kung paano nito binibigyang-boses ang realidad sa kanilang mga pinagdadaanan tulad ng kuwento ng apat na magkakaibigan. Ipinakita nito ang uri ng barkadang naging simbolo ng patuloy na pakikibaka para sa mas malayang lipunan na may malawak na pag-unawa, suporta, at pagtibag sa nakagisnang patriyarkal na sistema.
Patuloy na mapapanood ang Open Endings sa mga piling sinehan at block screenings sa Metro Manila.
(Mga litrato mula sa Rappler at Cinemalaya; Latag ni Kysha Constantitno/FEU Advocate)