FEU Advocate
August 29, 2016 20:30
Ni Maria Viktoria M. Viado
Kung muling tatanawin ang kasaysayan marahil ay hindi matatapos ang listahan ng mga taong nagpamalas ng lakas, katapangan at malasakit sa kapwa. 'Di tulad ng iba na hayag at nakatala sa napakaraming bersyon ng mga libro, ang ibang random acts of kindness ay maipapamalas sa loob ng paaralan.
Ang National Heroes Day ay ipinagdiriwang ngayong ika-29 ng Agosto, kung saan ginugunita ang mga bayani ng ating lahi. Dahil dito, ang sumusunod ay ilan sa mga munting aksyon ng kabayanihan na maaring magawa ng simpleng estudyante ng Unibersidad.
1. Pagbabayad ng tamang pamasahe
Matiyagang pinagtatrabahuhan ng mga jeepney driver ang bawat sentimo na maari nilang makuha sa pagmamaneho.
Ayon kay Maria Micaela Rodriguez, ikalawang taon sa kursong Internal Auditing, ”Siyempre konti lang naman ‘yung kinikita nila kada araw; sa simpleng pagbabalik lang ng sobrang sukli, malaking bagay na sa kanila ‘yun saka pagbabayad ng tama.”
Ano ba naman ang pagbigay ng tama sa mga mamang tsuper na regular na kumakayod para sa kanilang pamilya? Samahan pa ng ngiti ang pag-abot at tiyak buo na ang araw ng masisipag na manggagawa ng kalsada.
2. Pagsakripisyo ng upuan sa tren
Ang pagkakaroon ng mabuting asal tungo sa ibang tao ay hindi pa rin naaalis sa ugali ng ilang mga Pilipino. Darating at darating ang mga pagkakataong hahamon sa kanilang pagiging maginoo, lalo na sa mga pampublikong sasakyan.
Para kay Hazel Pontillas, ikalawang taon sa kursong Sikolohiya, “Kasi po kapag nasa LRT (Light Railway Transit) kami, sobrang daming tao. Kapag nakikita ‘kong mas kailangan ng iba, kunwari naka-upo ako tapos may nakita akong nangangailangan talaga, ayun binibigay ‘ko ‘yung puwesto pa sa kanila."
Hindi lamang sa LRT o MRT (Metro Rail Transit) maaring ipamalas ang respeto sa iba dahil ang magandang asal ay walang pinipiling lugar at oras.
3. Pagpapanatili ng kalinisan sa paaralan
Ang pagpapanatili ng kalinisan sa ating Unibersidad ay isang tanda ng pagrespeto sa ating ikalawang tahanan at malasakit sa mga taong nagtatrabaho at nag-aaral dito.
Kung kaya't ang simpleng pagtapon ng water bottles at candy wrappers ay isang 'noble' na gawain na. 'Di mo lang mapapanatili ang kauyusan at ganda ng eskuwelahan, mababawasan pa ang trabaho ng maintenance team ng Unibersidad.
4. Pag-udyok sa tinatamad na kaibigan
Ika nga ang pagkakaroon ng tunay na kaibigan ay masusukat sa oras ng kagipitan, ngunit para kay Gil Joyce Astilla, ikalawang taon sa Architecture, bago pa man dumating ang panahong maaring pagsisihan ng isang estudyante - gaya ng pagbagsak - ay nais na niyang masagip ang kanyang mga kaibigan. Tulad ni Astilla, itunuturing ng ilang estudyante na isang “achievement” ang simpleng pagkumbinsi sa mga kaibigang na 'wag lumiban sa klase.
“Kasi kapag bumagsak sila parang nagkulang ako as a friend na dapat tinulungan mo siya habang ‘di pa sya bumabagsak,” dagdag ni Astilla.
5. Pagbili ng bubble sheet para sa iba
Batid naman ng ilang Tamaraws ang layo ng Coop[erative store] at mas nanaisin ng iba na makisuyo sa kasama o magpabili na lamang.
“Kapag late po sila tapos may exam kami ng first subject, papabili na po sila ng scantron [sheets],” ika nga ni Therese Dianne Cagindagan mula sa ika-3 taon ng Internal Auditing. Batid ni Cagindagan ang pangangailanagn ng kanyang mga kaibigan kaya’t walang pag-aatubili niyang ginagawa ang simpleng tulong na ito.
Tunay ngang walang mararamdamang pagod o inis kung bukal naman sa iyong kalooban ang pagtulong sa iba. Basta tiyakin lang na 'di maabuso ang iyong kabaitan.
6. Pagbigay ng papel sa nangangailangan
Bukod sa bubble sheets kapansin-pansin rin ang hindi mawala-walang sakit ng paghingi ng yellow paper lalong-lalo na kung may biglaang quiz at seatwork.
Maaring naubos na ang supply ng papel ng kaklase mo, o nakalimutang bumili, o 'di kaya wala na talagang pambili, ngunit ano man ang rason, mayroon at mayroon kang kaklaseng walang pag-aalinlangang magbabahagi sa'yo ng munting biyaya at ililigtas ka mula sa kapahamakan - pagkakaroon ng zero o pagbagsak.
7. Pagiging opisyal na announcer ng klase
Sa dami ng gawain ng bawat estudyante araw-araw, hindi maiiwasan na mayroong ilang gawaing makakaligtaan. Para kay Camille Joyce Opeda, ikatlong taon ng Hotel and Restaurant Management, tulong na niyang maituturing ang pagpapaalala sa bawat quiz at project na mayroon sa kanilang klase. Ang pag-iisip lamang ng kapakanan ng ibang tao ay isang malaking 'heroic' na gawain.
“Kaya ‘ko ‘yun ginagawa ayokong bumagsak kaming magkakaibigan, gusto ‘ko sabay-sabay kaming maka-graduate,” dagdag ni Opeda.
8. Pagiging substitute elevator operator
Ang simpleng pagpindot sa elevator button ay malaking tulong na para sa nakararami. Ito ay nagsisilbing tulong na sa mga estudyanteng maraming bitbit, sa mga propesor na nagmamadali, o sa mga estudyanye na masasaraduhan na pinto ng elevator.
Ito'y hindi mo trabaho bilang mag-aaral at walang kabayaran sa bawat pagpindot, pero ikaw naman ay naging panandaliang hero sa paningin ng iba.
9. Pagbabahagi ng sobrang biyaya
Nararapat lamang na pahalagahan natin ang bawat biyayang binigay sa atin sapagkat ‘di lahat ng tao nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, 'di gaya ng ibang estudyante.
Ayon sa nasa ikatlong taon sa Tourism Management na si Ivy Dianne Turgo, nagsisilbing tulong sa nangangalam na tiyan ng isang matanda sa labas ng Unibersidad ang sobra nilang pagkain mula sa kanilang Culinary subject.
Sa susunod, sa halip na itapon ang 'di naubos na pagkain, ito'y ibahagi na lamang. 'Di ka lang nakatipid, nakatulong ka pa sa mga namamalimos at nagugutom.
10. Pagreserba ng upuan para sa tropa
Ang pagtatabi-tabi sa upuan ay isang sukatan din ng pagkakaibigan. Ngunit hindi maiiwasan na minsan ay may kaibigan kang huli o umalis saglit, kaya’t ang agad na aksyon mo ay ang i-reserve ang kanyang puwesto.
Marahil ay isa ito sa mga hindi pansin ngunit isa rin sa pinaka-simpleng gawi ng pagpapakita ng malasakit sa iyong kabigan. Mahirap din naman makita na habang kayong tropa ay tabi-tabi sa upuan ay may isang napahiwalay. ‘Yan ang tunay na friendship. Ika nga nila walang iwanan.
Kung ikukumpara, ibang-iba man ang paraang naitala sa mga paraan ng pagpapakabayani na napapanuod sa telebisyon at sa mga nababasa sa mga aklat. Ngunit maliit man o malaki, ang mahalaga ay ang bawat isa ay mayroong pagnanais na makatulong at mapabuti ang kalagayan ng iba. Sa mga munting aksyon ng kabutihan ay maipapamalas na ang pagiging hero sa henerasyong ito.