Hudyat ng Kasaysayan: Pagpapatuloy sa Kabayanihan ng Pilipino
- August 29, 2022 08:55
FEU Advocate
August 19, 2024 14:14
Magkakaroon ang Far Eastern University (FEU) ng bagong Physical Education (PE) course na Physical Activities Toward Health and Fitness (PATHFit), bilang pamalit sa Wellness and Recreation Program (WRP) ng mga freshman ngayong unang semestre ng A.Y. 2024-2025.
Samantala, mananatili WRP para sa kurikulum ng mga upperclassman.
Base sa anunsyo ng WRP noong ikalima ng Agosto, aalisin na ang lumang booking system ng kurso at papalitan ng regular na class schedule alinsunod sa CHED Memorandum Order No. 39, Series of 2021.
Nakasaad sa memorandum na walong units lamang ng PATHFit ang kailangan sa kolehiyo ng mga mag-aaral—nangangatumbas ng dalawang units kada semestre. Makapipili rin dapat ang mga estudyante ng nais nilang mga aktibidad pagdating ng PATHFit 3 at 4.
Sa polisiya naman ng WRP, katumbas ng 1.5 units ang isang kurso nito kada semestre na kukunin hanggang sa ikaapat o ikalimang taon ng kolehiyo. Sa kabuuan, katumbas nito ang 12 hanggang 15 units.
Sa pagbabago ng sistema, susundin ng mga mag-aaral ang partikular na araw at oras ng klase batay sa kanilang Certificate of Registration o piniling iskedyul noong enrollment.
Sa isang pagpupulong kasama ang bagong tagapangulo ng WRP na si Jayson Cruz, ipinabatid niyang aalisin na ang polisiyang kung saan ang mahigit tatlong beses na pagliban sa klase ng estudyante ay magreresulta sa awtomatikong pagbagsak mula sa kurso.
Kasama sa pagbabago ang hindi pagpapahintulot sa pagpili ng mga aktibidad at instruktor bagkus ay aatasan na ng dalawang uri ng gawain para sa buong semestre ang isang seksyon na binubuo ng 40 mag-aaral.
Karamihan sa mga aktibidad sa paparating na semestre ay binubuo ng outdoor activities.
Ayon din kay Cruz, maaaring hindi makilahok sa gawain ang mga Students with Additional Needs, ngunit kinakailangan pa rin ng mga itong pumasok sa klase.
Bibigyan naman ang mga estudyanteng may on-the-job training ng ibang gawain na naaayon sa kanilang oras at araw ng pasok.
Samantala, hindi na magbibigay ang WRP ng auto-credit sa mga araw na may suspensyon ng klase. Bagkus, magbibigay na ito ng asynchronous activities tulad ng enrichment programs bilang kapalit.
Naunang inanunsyo ng WRP noong Hunyo na ang mga estudyante ay hindi awtomatikong makakatanggap ng buong credit dahil ibabase na ito sa kanilang magiging partisipasyon.
Magkakaroon na rin ng konsultasyon tungkol sa grado ng mga mag-aaral tuwing midterms at finals.
Nagpahayag naman ang mga estudyante ng kanilang pagkadismaya at saloobin sa pagbabago ng sistema lalo na sa hindi pagpapahintulot sa pagpili ng aktibidad at instruktor kasabay ng anunsyo noong ikalima ng Agosto.
Naglabas din ng pahayag ang FEU Central Student Organization (FEUCSO) ukol sa hindi nila pagsang-ayon sa biglaang pagbabago sa sistema ng WRP.
Noong ika-15 ng Agosto, nagpadala ng letter of recommendation ang FEUCSO sa departamento na naglalaman ng mga suhestyon tungkol sa alternatibong solusyon.
Nakatakda ang departamento ng WRP na maglabas ng iba pang mga impormasyon at detalye tungkol sa panibagong sistema.
- Cassandra Luis J. De Leon
(Kuha ni Apollo Arellano/FEU Advocate)