Andres Bonifacio, Today
- November 30, 2021 08:04
FEU Advocate
September 03, 2024 18:00
Ni Eunhice Corpuz
Tahimik, strikto, at sandamakmak na libro–iyan ang madalas na unang iniisip natin tuwing naririnig ang salitang 'silid-aklatan' o 'library.' Madalas sa espasyong ito makikita ang mga estudyanteng naghahanap ng angkop na lugar sa pag-aaral, pagpapahinga o pananaliksik. Ngunit, ang pangkaraniwang library ng Far Eastern University (FEU) ay nagbigay ng bagong impresyon sa mga Tamaraw dahil sa mga nakatutuwa at napapanahong post nito sa Facebook.
Masasabing ang panahon ngayon ay konektado na sa teknolohiya at internet. Bukod pa rito, kadalasang sumasabay sa agos ng uso ang Generation Z at Millennials upang manatiling updated sa lahat ng mga pangyayari sa kahit saang panig ng daigdig, mapabalita man o mapalibangan.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Section Head ng Reference Section ng FEU Library na si Gideon Cascolan ang paggamit at pagsubaybay sa mga uso para ma-promote nila ang silid-aklatan sa mga mag-aaral ng Unibersidad.
“Recently (Kamakailan) ko lang nalaman na ang tawag pala dito ay trendjacking. Searching for trends and then riding the wave to get engagement and followers (Naghananap ng mga uso at pagkatapos ay sumasabay sa alon para makakuha ng interaksyon at tagapagsubaybay),” paliwanag nito.
Ikinuwento din ng Section Head na sa unang beses nila itong ginawa ay nakatamo sila ng 173 reaksyon mula sa post tungkol sa mga pag-‘dunk’ ng mga estudyante ng kanilang mga ID, alinsunod sa trending na ‘McDonald’s Cheese Dunk.’
Kaugnay ng mga post na ito, naging epektibo ang pagpukaw ng interes at pagkiliti ng mga Tamaraw upang bisitahin, at ma-maximize ang mga pasilidad sa Library. Tulad ng EBSCOhost, Gale eBooks, at Science Direct para sa mga nananaliksik at ang paggamit ng mga kompyuter sa E-Library na bukas para sa lahat.
Ibinunyag naman ng Section Head na ang pinakapaborito o tumatak na post para sa kaniya ay ang ‘It’s not an airport, no need to tap your IDs when exiting.’
Ikinuwento ni Noemi Calahi, Librarian sa Reference Section at isa sa mga kontribyutor ng ideya sa mga posting ng FEU Library, na nagsimula ang lahat sa isang post ng Greenpeace PH tungkol sa ‘pakigalaw ang baso’ post.
“Ganito siya nagsimula. It started last year (Nagsimula ito noong nakaraang taon), May 2023. Nagba-browse (Nagtitingin-tingin) ako sa Instagram tapos nakita ko ‘yung post ng Greenpeace PH about sa ‘pakigalaw ang baso.’ Ang tagal ko siyang tinitignan. Iniisip ko paano ko siya i-aapply sa Library,” pagbabahagi nito.
Ayon sa kanya, naihambing niya ang ‘pakigalaw ang baso’ post sa mga estudyanteng dapat na magsauli ng mga hiniram na libro bago matapos ang ikalawang semestre na ikinatuwa naman ng mga Tamaraw.
Ngunit, lingid sa kaalaman ng iba ay may sinusunod na pamantayan ang bawat post na makikita. Naglalaman dapat ito ng napapanahong usapin at dapat konektado ito sa Library.
“Halimbawa, #ChapterClosed. Nabasa ko ito sa FB [Facebook] page ng Inquirer. About Kathniel breakup. Sakto mag e-end (magtatapos) na ang semester. Perfect siya i-apply sa pub mat [publication material] announcing (nagpapahayag) na magko-close (magsasarado) na ang library for semestral break (para sa bakasyon),” dagdag ni Calahi.
Kamakailan lamang ay nakuha ang tuwa ng mga Tamaraw ng isang post ng FEU Library na nauukol sa balitang pag-alis ni Alice Guo mula sa bansa.
Ikinatuwa ni Kailee Reigne Ygaña, isang first-year Political Science student, ang post na ito dahil maging siya ay naintriga sa nilalaman ng nabanggit na libro.
“Natawa ako dun sa Alice in Wonderland post, I thought [akala ko] na satire post lang siya pero 'yun nga kababasa ko lang siya ngayon [at] meron talaga siya sa may circulation section (seksyon ng sirkulasyon). So (kaya), ‘yun natawa ako do’n,” aniya.
Pumatok din sa mga Tamaraw ang paggamit ng FEU Library sa trending phrase na "very demure, very mindful" upang ipaalala ang mga polisiya ng pasilidad. Ang katagang ito ay nagsimulang mag-viral sa isang bidyo ni Jools Lebron, isang Chicago-based social media creator.
Ibinahagi ni Carl Benedict Vicentuan, isang Psychology student, na ang Facebook post na ito ay ang kanyang paboritong post dahil napapanahon ang katagang ito.
“Recent [trend] siya sa Tiktok na nagsi-circulate (umiikot) siya all over the (sa lahat ng) social media. I don't know the concept very well (Hindi ko masyadong alam ang konsepto) pero kasi ginagaya ng ibang social influencer, [kaya] maganda ‘yung concept (konsepto). Maganda [na] updated 'yung FEU Library natin sa gano’n, okay 'yun. Maganda,” paglalahad niya.
Ang strikto at tahimik na impresyon sa mga silid-aklatan ay nagbago dahil sa nakagigiliw na pakikisabay ng FEU Library sa iba’t ibang trend ng panahon ngayon. Dahil dito, napalitan at lumawak ang pagtingin ng mga mag-aaral sa mga aklatan.
Ang dating mukhang masyadong seryoso at nakakatakot pasukan, ngayon ay mas nakahihikayat at nakawiwiling puntahan.
Ang mga post ng FEU Library ay ang naging daan upang magkaroon ng mas malalim at relatibong koneksyon ito sa mga Tamaraw. Sa pananaw ng aklatan, maging regular man o hindi–nananaliksik ka man, nagpapahinga, o nag-aaral–mananatili itong ligtas, inklusibo, at nakalulugod na espasyo ng Pamantasan. Kaya naman, kung hindi ka pa nakakapunta sa silid-aklatan, then you’re missing out on all the fun.
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)