FEU match ends in draw vs UE
- February 24, 2023 12:17
FEU Advocate
August 16, 2024 15:02
Ni Vince Matthew Jaramilla
Tuluyang nalaglag ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws Esports sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Valorant Tournament matapos ang dalawang pagkatalo kahapon, ika-15 ng Agosto, sa Hyundai Hall ng Areté Ateneo sa Lungsod Quezon.
Unang sinubukan ng green-and-gold squad na makamit ang unang panalo sa isang off-stream match kontra De La Salle University (DLSU) Viridis Argus Esports.
Sa mapang Haven, kanilang ginamit ang agents na sina Sova, Breach, Omen, Killjoy, at Jett laban sa Yoru, Iso, Sova, Omen at Cypher ng green-and-white squad, subalit hindi naging mabisa ang estratehiya nila, 7-13.
Bigo pa rin ang FEU na magtagumpay sa sumunod na mapang Icebox kung saan parehong ginamit ng dalawang koponan sina Jett, Viper, Killjoy, at Sova habang nagtapatan ang Reyna nila at ang Yoru ng DLSU, 6-13.
Wala pa ring puntos sa paligsahan ang mga pambato ng Morayta matapos ang dalawang laban ngunit nanatili ang kanilang pag-asang manaig sa huli nilang katunggali, ang Ateneo de Manila University (AdMU) Blue Eagles.
Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang-diin ni team captain Nelson Rahim Abrigonda ang naging kagustuhan nilang matamo ang unang panalo kontra Ateneo.
“Going into the Ateneo game, we really wanted to get our first win so kahit we know (Bago ‘yung Ateneo game, ginusto talaga naming makuha ‘yung una naming panalo kahit alam namin) na hindi na kami pasok sa semis, lalaruin pa rin namin siya nang 100 percent (porsyento),“ anito.
Parehong ginamit ng mga koponan sina Cypher, Omen, at Breach habang ipinanlaban ng FEU sina Raze at Gecko sa Neon at Sova ng AdMU sa mapang Sunset.
Sa kabila ng 0-2 start bilang defenders, humataw ng 4-0 run ang Tamaraws dahil sa mga early pick nila sa mga sumunod na round na nagdulot sa Blue Eagles na tumawag ng timeout.
Matapos ang pahinga, nagpatawag din ang green-and-gold squad ng sarili nilang timeout nang mahirapan silang tapatan ang mas malinis na laro ng blue-and-white team na nagpadikit ng tunggalian sa first half, 4-6.
Nakakuha agad ng isang round ang FEU matapos ang panahon ng pagpaplano, 5-6. Subalit sa pagpalit ng panig, nanatiling mas mabisa ang estratehiya ng Ateneo na nagpalobo ng kanilang lamang, 5-11, hanggang sa tuluyang nawala sa mga kamay ng Tams ang laro sa iskor na 7-13.
Nanguna si Breach player Abrigonda na may 18-15 kill-death ratio para sa panig ng Morayta.
Sa sumunod na mapang Ascent, isang mirror matchup gamit sina Jett, Killjoy, Sova, Omen, at KAY/O lamang ang nasaksihan sa dalawang panig.
Maalat muli ang simula ng mga atleta ng Morayta bilang attackers at nakapagnakaw pa ng ace ang manlalaro mula sa Katipunan na siJuan Antonio Rosales gamit si KAY/O, 0-3.
Naidikit muli ng FEU ang laban sa iskor na 2-3, ngunit nabawi ito ng isang 5-0 run ng AdMU kasama ang isa na namang ace ni Jett player Joaquin Angelo Antonio, 2-8.
Hindi na nakabawi ang Tamaraws hanggang sa matapos ang laban at tuluyan na silang nagpaalam sa paligsahan, 3-13.
Si Jett user Zeke Acosta lamang ang nakakuha ng positive kill-death ratio na 14-13 sa green-and-gold squad.
Matapos tuluyang malaglag sa paligsahan, binanggit naman ni Abrigonda ang kakulangan nila sa paghahanda na naging pangunahin nilang pagsubok.
“[Kulang kami sa] preparation, it shows (paghahanda, kita) po kasi sa game (laro) na ‘di kami [in] sync (tugma) gumalaw,” wika niya.
Sa kabila nito at ng kakulangan nila ng karanasan, nagpahayag ang Tamaraw captain ng pasasalamat para sa kanyang koponan.
“I am very thankful to my teammates (Nagpapasalamat ako sa mga kasama ko) kasi even though (kahit) wala talaga silang experience (karanasan) sa competitive scene ng Valorant, nakikita ko na gusto talaga nilang matuto and mag-improve (at gumaling pa),” dagdag ni Abrigonda.
Matapos ang group stage, nagpatuloy ang DLSU at AdMU sa Final Four ng paligsahan kasama ang University of Santo Tomas at University of the Philippines.
Para naman sa FEU, ang Mobile Legends: Bang Bang team na lamang ang natitira sa kauna-unahang UAAP Esports Tournament. Magsisimula ang kanilang kampanya bukas, ika-17 ng Agosto, sa parehong lugar.
(Litrato mula sa UAAP)